Larawan ng mga bandidong Abu Sayyaf na syang tinutugis ng mga sundalo sa Sulu at Basilan noong taong 2000 simula noong pang-kidnap nila sa Tumahubong, Sumisip at sa madugong bakbakan sa Punoh Mohaji na kung saan nakasagupa nila ang mga magigiting na Musang ng 1st Scout Ranger Battalion. Binilugan sa larawan ang mukha ni Khaddafy Janjalani ang kapatid ng aming kabarilan noong 1998 na si Abdurajak Janjalani. Tanging sina Radulan Sahiron (kanan ni Janjalani) at si Isnilon Hapilon (kanan ni Sahiron) ang natitirang buhay sa grupo na nasa larawan. Si Bakal Hapilon (humahawak ng 90RR ay napatay ng aming tropa sa 1st SRB, kasama ang aking kumpanya sa Sitio Libok (Hill 83) sa Lantawan, Basilan noong Marso 2002. (AFP photo)
Sa unang pagkakataon na naapakan ko ang kalupaan sa isla ng Sulu noong umaga ng Setyembre 16, 2000, magkahalong kagalakan at pag-alala ang aking naramdaman.
Batid ko ang katapangan ng mga mandirigmang Tausug na lumaban sa mga Kastila simula noong 1578 nang inatake ang Sulu Sultanate ng mga Espanyol na mga tauhan ng kaharian ng Espanya, isang Kristiyanong bansa na umabot ding 700 taon na nasakop ng pwersa ng Islam hanggang mapalayas ang mga Muslim sa naturang lugar noong 1492.
Moros ang tawag nina Kapitan Esteban Rodriguez de Figueroa sa mga mandirigmang Muslim na nakasagupa nila sa Sulu. Ito marahil sa kilalang tawag sa mga Muslim na kung tawagin ay 'Moors' na sumakop sa Iberia, ang sinaunang pangalan ng bansang Espanya simula 711 A.D.
Moros ang tawag nina Kapitan Esteban Rodriguez de Figueroa sa mga mandirigmang Muslim na nakasagupa nila sa Sulu. Ito marahil sa kilalang tawag sa mga Muslim na kung tawagin ay 'Moors' na sumakop sa Iberia, ang sinaunang pangalan ng bansang Espanya simula 711 A.D.
Dahil sa pag-atake na ito, ipinakita ng mga tauhan ng Sulu Sultanate ang kanilang kabayanihan laban sa mapanakop na Kristiyano na meron pang dala-dalang mga tauhang Bisaya na kanilang ginamit para kalabanin ang kaparehong dugong Malayo.
Batid ko na ito ang unang sigalot na namana ng bansang Pilipinas hanggang sa ngayon. Binulabog ng mga banyaga ang katahimikan ng mga katutubong Muslim na kinikilala na bilang isang kaharian, at ang Sultanate of Sulu, Sabah at Palau ay naka-marka na sa mga sinaunang mapa ng mga European explorers.
Nasa gitna ako ng pagmuni-muni sa loob ng Camp Teodulfo Bautista nang marinig ko ang sigaw ng aming Batcom na si Colonel Bobby Morales: "Gentlemen, load!"
First time ko na sumabak sa malakihang military operations na kung saan ay umabot ng humigit kumulang sa 3,000 military personnel ang kasama. Mahaba ang linya ng mga M35 cargo trucks na maghakot sa aming grupo na binubuo ng 300 ka sundalo ng Special Operations Command.
First time ko na sumabak sa malakihang military operations na kung saan ay umabot ng humigit kumulang sa 3,000 military personnel ang kasama. Mahaba ang linya ng mga M35 cargo trucks na maghakot sa aming grupo na binubuo ng 300 ka sundalo ng Special Operations Command.
Binuhat ko ang aking combat pack at tila makuba ako sa bigat nito. Seven days ration ang dala namin sa likod kaya naman minabuti kong tumulong sa pagbuhat ng de-lata at bigas.
Dalawang water canteen ang pinuno ko ng tubig at nilagay ko sa side pockets ng aking US-made ALICE pack kaya naman ay lumilitaw ang mga ugat sa aking leeg kapag binubuhat ko ito. Paano naman kasi, nakikita ko sa TV ang dami ng mga armadong kasama ni Commander Robot at ayon sa mga ulat, umabot ng 5,000 ang bilang ng Abu Sayyaf sa mga panahong iyon dahil sa sweet promises ng pera mula sa ransom money na bigay ni Muammar Qaddafi ng Libya bilang kapalit sa 24 hostages na nakidnap ng mga bandido mula Sipadan, Malaysia.
Nang nag-signal ang aking First Sergeant na all-accounted na ang tropa, sumampa na kami sa truck. Paisa-isa kong naririnig ang distinctive sound ng charging handle at safety lever ng mga riple bago kami tuluyang umakyat sa likurang bahagi ng truck: "Ka-tsak!" "Click!"
Hinimas ko rin ang aking carbine model Cal 5.56mm Steyr AUG Rifle para ito ay i-chamber load. Kampante ako na hindi ito papalya. Panay linis ko nito at nilalagyan ko ng lubricant ang moving parts. Battle-sight zeroed ko rin ito hanggang 300m. Inaral ko pati ang quick sights nito na nasa taas na bahagi ng optical sights. Ito ang ginagamit ko kung close-quarter battle na kung saan ay 5m-15m lamang ang distansya ng kalaban. Pabilisan kasi sa pag-align ng sights at pagkalabit kapag real-life combat scenario. Alam kong hindi sasantuhin ng aking AUG ang kagaya ni Robot na nagmamalaking hindi tinatablan.
Malaki ang respeto ko sa mandirigmang Tausug. Sa pangalan pa lang ng tribo ay nangangahulugan na ng katapangan. Ito ay hango sa salitang "Tau" (People) at "Mausug" (courageous), maliban pa sa bansag bilang 'people of the current or Tau (people) and Sug (current).
Ganon pa man, matapang din naman ako at ang aking mga tauhan. Parehas kaming lahat na galing sa angkan ng Ten Bornean Datus na nagsagwan mula Borneo papuntang sa mga isla na ngayon ay kilalang Pilipinas noong nineteen forgotten pa.
Kung ikumpara ang pwersa ng Tausug warriors na Abu Sayyaf at Scout Rangers, malinaw naman na mas lamang kami. Mahabang panahon ang iginugol namin sa training at well-established ang aming command and control system.
Sa aking hanay, lahat ay nakakatama hanggang 250 metro ang layo. Meron akong iilang tropa na mga snipers na kayang tumama hanggang kalahating kilometro.
Lamang naman ang Abu Sayyaf dahil kabisado nila ang terrain sa buong isla. Kaya nilang mag-navigate kahit nakapikit makarating sila sa destinasyon. Mahaba-haba na rin ang kanilang combat experience dahil mga bata pa lang sila, naranasan na nilang makipaglaban sa hanay ng MNLF kagaya ni Radulan Sahiron, at pati sa mga labanan ng katunggaling pamilyang Tausug sa kanilang mga 'rido' (clan wars) na sanhi ng awayan sa ari-arian.
Kung marunong sila sa labang gerilya, kami rin. Ito ang inaaral namin sa Scout Ranger Training School. Kahit di namin kabisado ang terrain, alam naming magbasa ng 1:50,000 scale na military maps. Me bonus pa kaming Garmin Global Positioning System receiver. Meron din akong iilang PVS 7 Night Vision Goggles at me gamit kaming hand-held radios maliban pa sa tactical radios na kayang maka-kopya ayon sa planning range na 5-kilometers.
At, syempre meron kaming air support at artillery support. Meron din kaming mga armored vehicles na merong naka-mount na M60 Machine Guns at Cal 50 Heavy Machinegun.
Magkakatalo na lang talaga sa combat leadership. Kung sino mahina ang loob ang lider, talo sa bakbakan. Dahil marami sa aking mga tauhan ay laking Army headquarters at sanay sa parade, meron din akong pag-dadalawang isip. Kailangan ko silang i-motivate at pataasin ang confidence sa sarili.
Larawan ng mga mandirigma na miyembro ng 10th Scout Ranger Company. Wala kaming Kevlar helmet at bullet proof vest kaya kanya-kanya kaming suot ng anting-anting kagaya ng bandanna na me dasal, bandoleer ng kung anu-anong 'lana' (oil) na nagsisilbing paiwas sa lumilipad na bala. Ang aking gamit ay ibinigay ng aking Muslim na 'kaanak' sa Basilan. (10SRC Photo)
Nang binabaybay namin ang kalsada sa downtown Jolo, nagtitinginan ang mga sibilyan sa amin. Walang naka-smile. Maging kami ay tiger look. Ako ay nagpakita ng 'Musang stare'. Di namin kilala sino sa kanila ang kakampi at kaaway. Tila galit sila sa aming presensya dahil 'masama' sila kung makatingin. Iba ang pakiramdam ko sa lugar at parang ako ay isang tropa ni Jack Pershing na naligaw sa gitna ng komunidad ng mga mandirigma ni Sultan Kiram. Hinimas ko ang safety lock ng aking AUG. Isang pindot ko lang, nasa automatic fire mode na ito. To kill than be killed.
Nang nilingon ko ang aking mga tauhan, lahat sila ay di mapakali nang nagsimula na kaming magbyahe papuntang Indanan at sa direksyon ng Maimbung. Nadaanan namin ang isang kampo na naka-black suit ang mga armadong tao na may MNLF patch sa balikat. Kumakaway sila ngunit nakahawak ang kabilang kamay sa kanilang M16 Rifle at AK-47. Labo-labo na ito, napagtanto ko.
First timers kami lahat sa Sulu at tila ayaw kaming magpahuli ng buhay. Walang gustong umupo. Lahat ay nakaharap sa labas na bahagi ng sasakyan at nakatutok ang baril sa gilid ng daan. Malay nga naman merong mang-ambush. Kahit na merong armored vehicles sa harapan at likurang bahagi ng convoy, hindi ito sapat para ma-cover kami kapag merong ambush na paghihilamusin kami ng bala mula sa mga bandido.
Marami kaming nadaanang mga naka-Battle Dress Attire uniform along the way papuntang Maimbung. Ang iba ay tila relax na relax lang. Sila yong mga OPCON units ng Task Force Sultan ng 1st Infantry Division na pinamunuan ni Colonel Romeo Tolentino. Ang iba sa kanila ay matagal nang nakadestino dito.
Halos isang oras naming binabaybay ang kalsada hanggang narating namin ang crossing Maimbung at Talipao. Dito ang aming Line of Departure/Line of Contact (LD/LC).
Don ko nakita ang sangkaterbang daming Marines na kasama rin sa operasyon. Parang nasa movie ng Normandy landings. Kahit saang sulok ay may sundalo.
Mga 9:00am na noon nang nagkaroon kami ng isa pang leader's briefing. Nagkaroon ng changes sa order of movement.
Sa likod ng isang malaking puno, kaharap naming mga Company Commanders si Colonel Bobby Morales ang LRB Commander na me control sa lahat ng mga companies, ma-Ranger o SF.
"Sino sa inyo ang dati nang naka-assign dito?" Nagtinginan kaming mga junior officers.
"Sino ang mag-volunteer na mag-lead sa ating movement?"
Palingon-lingon si Sir Bobby sa aming lahat na mga mandirigmang Company Commanders.
"Ako sir!"
Proud akong mag-boluntaryong mauna sa movement. Gusto kong ako ang pinakaunang makasagupa ng mga Abu Sayyaf. Gusto kong makita ang performance ng aking mga 'parade warriors' mula sa Security and Escort Battalion.
Nang binalikan ko ang aking kumpanya, kinausap ko ang ang lahat na mga sub-unit leaders (Team Leaders, Section Leaders at ang Platoon Sergeant).
"Dapat proud tayo dahil tayo ang nasa tip ng spear. Sa atin ang unang putok. Kasama nyo ako sa harapan. Walang iwanan!"
Don naman ipinakilala sa akin ang isang sundalong 'MNLF integree' na kilalang si Sgt Indanan. Maputi at singkit si Indanan. Sya ay palangiti at fluent mag-Tagalog. M16 Rifle ang kanyang dala ngunit 'banana type' ang kanyang magazine.
Batid ko na dati syang kaaway ng pamahalaan ngunit naging sundalo pagkatapos na nagkaroon ng peace agreement noong 1996. Sa aking pag-estima sa kanya, di naman sya yong tipong tuso. Iniabot ko ang aking kamay sa pagbati ng kapatid na Muslim.
"Assalamu Alaikum. Ikaw ang aming guide dahil mas kabisado mo ang lugar. Sa akin ka sumunod. Hwag mo kaming ilagay sa alanganin ha."
Si Indanan ang aking naging buddy. Feel ko na hindi sya fully trusted ng tropa kaya binabantayan ako lagi ng mga tropa sa lahat ng panahon.
Kaya naman, sa aming order of movement sa 10th SRC, ako ay nasa pang-limang pwesto mula sa pinaka-Lead Scout na si Cpl Raymund Dumago, sa likuran ako ng unang Team Leader na sya namang sumusunod kay Indanan.
Di ko masisi na di magtiwala agad ang tropa kay Indanan. Iyon ang unang pagkakataon na nakasama namin ang mga dating kabarilan na MNLF. Ganon talaga eh. Mga kabaro namin sila ngayon at nanalangin na lang kami na hindi nila kami ipagkanulo.
The road to Talipao
Nadadaanan ng sasakyan ngunit rough road ang binabaybay namin papuntang bayan ng Talipao. Ito ay nasa paanan ng Bud Talipao (Mt Talipao) ang pinagkutaan ng mga mandirigmang Tausug na lumaban sa mga Amerikano noong 1913 dahil sa pag-ayaw nitong magbayad ng road tax. Nilalakad ko na ngayon ang kalsadang nagging dahilan sa bakbakan ng Kano at mga Tausug sa unang dekada ng ika-19 siglo. Tila ay parte ako sa mga mandirigma na nagtatagisan sa mga panahon na iyon ngunit mas papanig ako sa mga Tausug na inaapi ng mga banyaga. Ngayon naman ay iba dahil ang iilang Tausug ay namuhay bandido at naging kidnappers at rapists. Di ko iniidolo ang grupong ito. Kinamumuhian sila maging ng kanilang kapwa Tausug na matitino.
Kaming lahat ay naka-low ready rifle carry at naka-trigger finger out lagi. Kapag magtawag ako ng short halt para mag-map check ay agad na mag-deploy ang tropa para bantayan ang paligid ayon sa SOP ng short halts na aming sinusunod.
Pagkatapos ng dalawang oras na paglalakad, nakikita ko na ang tuktok ng Bud Talipao sa horizon at sa itaas na bahagi ng mga puno ng niyog. Kalbo na pala itong historic na battle scene noong 1913.
Medyo hinihingal na ako sa init at tila naliligo na ako sa pawis. Tinitipid ko naman ang aking tubig dahil sa pangambang maubusan ng drinking water. Pabigat nang pabigat ang pakiramdam ko sa aking combat pack habang tumatagal. Buti na lang meron itong frame at di kagaya sa Philippine Army issue combat packs na talaga naming pahirap sa tropa dahil manipis ang foam at wala pang frame. Tinitiis lang namin ito dahil ika nga 'make do' with what you have. Nagkataon lang na ako ay napagawi sa Dau sa Pampanga at nakabili ng surplus na combat pack na very comfortable kumpara sa local version.
Palapit na kami sa paanan ng Bud Talipao nang nakita ko ang hand signal ni Dumago na 'Halt'. Nakabuka ang kanyang kaliwang palad at nakadikit ang fingers na tila nagpapara ng traysikel. Nakaumang ang kanyang baril sa harapan. Nag-skirmishers position ang unang team bilang paghahanda sa posibleng putukan. Sumisilip ako ng niyog na mataguan kung sakaling umuulan na ng bala. History repeats itself ata. Sa lugar din na iyon ang bakbakan ng mga Kano at mga Tausug noong unang panahon.
Sinilip ko si Indanan at ako naman ay nilingon nya. Naka-smile lang sya.
"Sel, mga kapatid natin yan sa MNLF ditto sa Talipao. Di natin yan kalaban. Kasama nila si Barangay Captain".
Iyon na nga sinasabi ko. Labo-labo na. Sino na Abu Sayyaf ngayon? Sa dami ba naman kasi ng armadong grupo sa Sulu. Kung gumawa ng kabulastugan, nagpakilalang Abu Sayyaf kuno.
Lumapit sa akin ang isang matanda at agad itong kinausap ni Indanan sa salitang Tausug. Parang me halong Bisaya at Ilokano ang salita nila kaya medyo naintindihan ko rin.
Itinawag ko kay Col Morales na kami ay nakarating na sa bayan ng Talipao. Sya ay nasa likurang bahagi lang ng aming battalion size patrol.
Nagbigay agad ng kanyang kautusan si Sir Bobby na ibinato sa akin gamit ang PRC 77 VHF Radio na tira-tira pa sa gyerang Vietnam.
"Okay, secure the area at mag-long halt tayo para sa pananghalian."
Pagkatapos na nakapag-post kami ng security elements sa paligid, ibinigay ko ang pinakamatinding kautusan sa araw na iyon.
"Ilabas ang bahaw na kanin at ang sardinas!"
(Ipagpatuloy)
Thank you.
ReplyDeleteSana nextweek may dugtong na ito. :)
thanks a lot.
Sir...
ReplyDeleteKailan po yung susnod na kabanata ng istoryang ito....?
I'm interested!
Salamat sa pag share ng karanasan!
sir sana mapalabas as soon as possible...
ReplyDeleteayoz sir ahh..salamat sa pag share...sana may karugtong na to...
ReplyDeletegaling ng kwento.nyo sir... asan po ba ang dugtong nito?
ReplyDeletehehe, abangan ko kasunod sir :)
ReplyDeletePwede po maging movie ang istorya ng buhay sundalo nyo po Sir Harold, mas maganda pa kesa sa american movie na Act of Valor nuong 2012. Mabuhay po kayo Sir at ang buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas! God Bless Us!
ReplyDelete