Thursday, August 15, 2013

Band of Brothers: Ang mga pagsubok ng aking mga mandirigma (Leadership Experience Part 5)



 Maliban sa iilang batikang nga NCO, ang karamihan sa aking mga bagong mandirigma ay mga neophytes sa field assignment. Tanging si Cpl Rodel Bonifacio (pinaka- kaliwa sa likuran na nagtaas ng kanyang M14 Rifle) at si Pfc Marlou Lisnang (pinaka-kanang may bitbit ng M60E3 Machinegun) ang mga datihan na sa combat operations sa islang lalawigan ng Basilan. (10SRC photo)






Google map ng Sulu na kung saan Makita ang nilakad naming mga lugar simula sa crossing Maimbung hanggang sa bayan ng Talipao. Umabot kami hanggang sa gilid ng dagat sa pinaka-kanang bahagi ng larawan na kung saan matatagpuan ang mga barangay ng Buhangin Puti, Mabahay at Lubok.



Sarap na sarap ako sa inihanda ng tropa na pinakaunang tanghalian namin sa islang lalawigan ng Sulu.

Kahapon lamang (September 15) ay iniikot ko ang napakagandang Mactan Island na kung saan ay na-explore ko rin ang mga dive sites nito.


Sa aming mga organic personnel ng Scout Rangers, normal na yong sa biglaang pagkakataon ay sa malayong lupalop kami pupulutin dahil sa tawag ng tungkulin. Batid naming na malaki ang tiwala ng Army sa aming kakayahan. Kumbaga, kami ay mga firefighters. Kung saan ang sunog, pinapadala kami. Ganito talaga ang dahilan kung bakit binuo ni Capt Rafael Ileto ang Scout Rangers noong November 25, 1950.

Ewan kung meron akong ESP (extra sensory perception) ngunit doon pa lang sa Bulacan nang kami ay nag-retraining, lagi ko nang sinasabi na baka naman ay mapunta kami sa Jolo instead sa Iloilo!

Biro ko pa sa mga tropa ko noon, baka Pancit Jolo matikman natin instead of Pancit Molo! Ito na nga inabot namin ngayon.

Kahit hindi inuutusan, ang mga most junior naming tropa ay agad-agad na nagsaing ng kanin para bauning muli. Sa Rangers ay nakagawian ang "2-meals up". Ang ibig sabihin, nakalagay sa aming combat pack ang kanin na dalawang meals.


Bawal kami magluto kung gabi kaya ginagawa namin ito kung tanghali. Combat stove ang gamit namin para minimized ang apoy. Hindi kasi namin type ang combat rations na kilala sa tawag na 'Meals-Ready-to Eat' o MRE, lalo na yong gawang Pilipinas. How I wish ipalamon ko ito sa mga opisyal sa Army headquarters na nagsabing OK raw ito para sa tropa. Marami rito ay panis, maasim at di maintindihan ang lasa. Mas pipiliin ko pa ang tuyo at bagoong na budburan ko ng sukang puno ng labuyong sili at bawang, mas masarap pa kaysa MRE.

Isang oras lang ang ibinigay sa amin para sa aming patrol base operations sa lugar na iyon. Nang mapuna kong well-rested uli ang tropa, ibinigay ko ang aking kautusan.

"Ipasingaw ang mga sinaing na kanin. In 15 minutes, mag-move uli tayo papunta sa ating objective, ang barangay Mabahay."


Paghahanap kay Robot at Susukan

Kahit pa man sa kayabangan ni Galib Andang na harapin daw nila ang mga sundalo pagdating sa Talipao, ni anino nya ay hindi mahagilap.


Namonitor ko sa PRC 77 ang usapan sa kabilang Infantry Battalion na abandoned na rin ang barangay Samak at Bandang, ang kilalang balwarte nina Robot. Ito ay nasa northeastern direction ng Bud Talipao.

Bago pa man ako nakarating ng Sulu, kinilala ko na pa-isa isa ang mga personalidad ng Abu Sayyaf sa Jolo.

Tuso talaga si Galib Andang at halatang ma-hangin sa kanyang pananalita. Binatilyo pa lang sya nang sumanib sa MNLF pagkatapos bayuhin ng mga problemang personal sa kanyang tahanan. Nang sya ay nagkaroon ng armas at sense of power, naging mayabang na sya sa kanilang komunidad.

Samantala, ang kanyang close buddy at pinsan na si Mujib Susukan ay tipong tahimik lang. Anak sya ni Susukan Agga na isang MNLF mujahideen na nakapag-aral ng explosives handling sa ibang bansa, at kilalang responsible sa pagpasabog sa mga 'Sikatuna' (armored vehicles) ng Army sa mga bakbakan noong 1970S.
Namatay sa bakbakan si Agga noong kabataan ni Susukan ngunit nakuha nitong makapag-aral sa Notre Dame of Jolo.

Ito ngayon ang aming pino-problema, ang hanapin ang dalawang damuho sa kasukalan ng Talipao. Nang ina-alisa ako ang terrain sa lugar, wala gaanong mataguan ang mga bandido rito. Una, mahirap ang tubig at ayon sa mga residenteng natira sa lugar, doon sila nag-iigib sa Maimbung!

Kung gamitin ang process of elimination, maaaring sa kasukalan ng Mt Mahala at sa Buhangin Puti sila makapag-tago.

Ngunit, napakarami ng mga sundalo na nagpaikot-ikot sa mga lugar na iyon. Nang tiningnan ko ang mapa, 2-kilometro sa paligid ng aming Area of Operations (AO) na tila ay isang pahabang rectangle sa mapa, merong mga Army units!

Siguro, confused na sina Robot at Susukan sa mga panahon na iyon. Meron pa rin silang hawak na mga Malaysian hostages sa mga panahon na iyon kasama si Rolland Ullah. Naisip ko rin na hindi rin pwedeng basta-basta na lang silang ratratin kasi madadamay ang mga biktima.

Ibinilin ko lagi sa tropa na ang nakikipagbarilan lamang ang gawing target. Bawal sa amin ang automatic fire, kundi selective fire lamang na nakaumang sa dapat patamaan.

Naiintindihan ng lahat na tanging ang Cal.7.62mm M60E3 Machinegun lamang ang authorized mag-deliver ng burst fire. Naisama ko rin sa turo sa kanila paano gamitin ang sights ng machinegun para tumama sa layong 100m, 200m, 300m at 500m. Maging ang trigger control para sa burst fire ay aking naipamahagi sa aming retraining na kung saan ay tinuruan ang mga gunners ng machinegun employment at marksmanship.

Pagkakataon na lang talaga inaantay namin para masubukan ang gilas ng aking mandirigma.

Mga boses ng anghel

Nasa tactical movement mode na kami noon papunta sa direksyon ng Mt Mahala nang naulinigan namin na merong boses sa di kalayuan. Halatang merong boses ng mga paslit na tila kumakanta.

Nanggaling ang mga tinig sa likod ng masukal na lugar mga 200 metro ang layo. Nasa ilalim kami ng niyugan at tanging tagisan ng mga dahon ng niyog at mga kahoy ang naririnig sa paligid namin.

Nagtawag ako ng short halt sa lahat ng miyembro ng patrol. Ipinaalam ko sa aking BatCom ang aking plano na usisahin ang ingay na narinig. 

Agad kong kinausap ang aking mga NCOs: "Two teams ang sasama sa akin mag-conduct tayo ng Leader's Recon.Maiwan si Indanan dito kasama nyo."

"Maiwan dito ang iba at i-secure itong lugar. Ipinagpatuloy ko ang aking instruction gamit ang GOTWA sa Scout Rangers, ang aming paraan ng pag-paalam pag humiwalay sa main group ng patrol."

 Naka-wedge formation kaming palapit sa source ng ingay at dahan-dahan naming nakita ang isang building. Sinilip ko ito mula sa aking posisyon mga 50 metro lamang ang layo.

Binasa ko ang signage na nakalagay. "Abdurassad Maddas Elementary School. Uy meron pang mga elementary pupils na nag-aaral dito kahit nag-bakwit na ang karamihan!"

Minamanmanan naming mabuti ang naturang school at wala naman kaming nakitang armed threats. Kasalukuyang nagtuturo ang kanilang babaeng titser na nakasuot ng hijab.

 Parang normal lang ang klase nila na tila ay walang nakaambang bakbakan sa kapaligiran nila. Clueless ata silang lahat lalo na ang mga 5-6 na panay babaeng nag-aaral doon.

Nag-post ako ng mga snipers sa strategic locations bago ko nilakad ang posisyon ng mga bata. Merong bahay sa tabi ng school at merong mga matatanda na andon.

Nakababa ang aking baril na naka-sling sa aking balikat habang nilalapitan ko ang mga matatandang nag-uusap sa bakuran ng kanilang bahay.
"Assalamu alaikum! Mga sundalo po kami. Wag po kayong matakot."
Naka-smile agad ang dalawang aking kausap. Si Ina ay agad na nag-offer ng kinakain nilang putong kamoteng-kahoy.

"Gusto mo sel? Bagong luto yan." Natatakam ako pero nagpasalamat na lang. Kakahiyang partehan ko pa sya eh nakita ko parang kasya lang sa kanila.

Mamaya-maya lang, nagsipaglabasan na ang mga paslit galing sa kanilang classroom. Inuusyoso nila kami.
 Binabasa nila ang aking name patch.

 "Abu Dakil! Abu Dakil"

Mga inosente talaga ang mga bata. Nakakatuwa na nagsisikap silang mag-aral.

Napansin ko na wala ni-isang lalaki doon. Saan ang tatay? Saan si Kuya? Si Uncle? Duda agad ako na merong kakaiba ngunit ganon pa man, naka-smile akong lumayo at nagpaalam. Kumakaway ang mga bata. Para silang mga anghel. Mga inosente sila.

Hinatid ako ng titig ng dalawang matatandang nakausap. Di ko alam ano ang naisip nila. Siguro nag-alala rin na makasagupa ko ang mga kaanak nila sa mga masukal na lugar doon.

 "Magsukul Ina!" (Thank you mother!)

Ipinagpatuloy namin ang aming patrol nang dahan-dahan dahil nais naming manatili ang katahimikan ng aming movement. Bawal ang magsalita. Bulong lang pati sa radio na naka-squelch down.
Minsan merong di makatiis na nakapag-ingay, lalo na ang mga baguhan. Kung makapatay ang 'tiger look' sa mga pasaway, me napatay na siguro akong kasama.

Bandang alas tres ng hapon nang malapitan namin ang lugar na kung tawagin ni Sgt Indanan ay Bgy Latih. Nasa itaas na bahagi ito ng Bgy Mabahay na nasa gilid naman ng mangrove area.

Nakikita ko na ang dagat at nasa horizon ang Pata Island. Isa ito sa nightmares ng Army. Merong namasaker dito ang 119  mga tropa ng 31st Infantry Battalion sa kamay ng mga Moro fighters noong 1981 dahil sa sobrang pag-rerelax ng kanilang opisyal. Imagine, 119 soldiers killed in a matter of minutes! Ayaw ko ata mangyari yon sa amin!

Pinag-halt ko uli ang patrol para suriin ang lahat ng posisyon ng mga units na nasa aming paligid. Ito ay lagi naming ginagawa para maiwasan ang misencounters. Kapag merong paungas-ungas na di marunong magbasa ng mapa, malamang magbanggaan ang friendly forces. Ayaw naming mangyari ito.

Nasa kalagitnaan ako ng pag-plot ng mga grid coordinates ng mga 'friendlies' nang bigla na lang umalingawngaw ang : BRATATATATAT!!!!!

Tumalon agad ako para dumapa sabay pindot ng safety lock ng aking AUG Steyr. Naalala ko ang Pata Massacre. Di pwede yon!

 Merong nag-aagawan ng puno ng niyog. Merong nagsiksikan sa likod ng sukal eh wala namang proteksyon doon. Merong humahalik sa lupa at hinahanap ang source of gunfire.

(Ipagpatuloy)




14 comments:

  1. aabangan ko to...

    ReplyDelete
  2. daig pa ang teleserye ng story mo sir.. hehehe sobrang exciting ang next story sir.

    -nikki

    ReplyDelete
  3. sir, nabasa ko rin yung article about Pata Island massacre. grabe yung nangyari :(

    http://www.army.mil.ph/Pata/default.htm

    -nikki

    ReplyDelete
  4. aabangan ko rin to!

    ReplyDelete
  5. sir...

    napaka ganda ng story... sana masundan ko ito lahat hanggang matapos...
    buti nalang naka open ako ng FB ngayon kundi naputol yung estorya mo ...

    ReplyDelete
  6. Parang kasama din ako sa bakbakan..hehehhe..abangan ko ang karugtong nito sir.thanks a lot.

    ReplyDelete
  7. exciting !!!!

    ReplyDelete
  8. wala pa rin po kasunod? kaadik na mga story mo sir idol n kta sana mameet kta in person

    ReplyDelete
  9. kasunod po plz.. nabitin ako sa storya mo sergeant.. exciting...

    ReplyDelete
  10. sir wala pa ba yung karugtong?

    ReplyDelete
  11. gusto ko maging katulad nyo ! na makikipaglaban para sa bayan!

    ReplyDelete
  12. kwentong sundalo, mahirap pero exciting:)

    ReplyDelete
  13. Saan no po yong karogtong sir

    ReplyDelete