Sa malakihang combat operations na umaabot ng isang daan ang kasama sa patrol, ang leading elements ang syang pinaka-delikado na pwesto. Kalimitan, sila ang unang nababakbakan at nalalagay sa matinding panganib.
Para sa akin, ang pwesto ng leading element ay may kasamang sense of pride. Dapat maipakita ng aking kumpanya ang kagalingan nito lalo na sa tactical movement. Dapat kami ang makauna at hindi maunang makipagpatintero sa humahaging na bala.
Kasama ako sa pinakaunang team na nangunguna sa hanay ng 10th Scout Ranger Company. Gusto ko na may direct knowledge ako sa kaganapan sa harapan. Ika nga, the commander must see the battlefield and make quick and sound decisions.
Kampante ako na kung mapasabak kami sa matinding bakbakan, ka-buddy ko naman ang isang batikang mandirigma, ang aking Ex-o na si Lt Marlo Jomalesa, miyembro ng PMA 'Mabikas' Class of 1996. Parehas kaming napasabak na sa Basilan laban sa grupo ni Abdurajak Janjalani lalo na yong pinakamatindi naming sagupaan sa naturang grupo sa Hill 83, Libok, Lantawan Basilan noong taong 1998.
Mahirap kasi na maging parte na leading element tapos duda ka pa na baka pabayaan ng kasama na nasa likuran at panoorin lang sa panahon ng pitpitan kagaya ng nangyayari sa ibang yunit na napupugutan ng ulo ang kasamahan. Kaya nga, noong nasa 12th Scout Ranger Company (Men in Black) pa man ako naka-assign, nabuo naming ang motto na "Walang iwanan!"
Balikan ko ang kaganapan bandang alas dos ng hapon noon September 16, 2000.
Sa unang bugso pa lang ng putok, kanya-kanyang dive na kami para kumuha ng magandang pwesto sa ilalim ng niyugan.
Parte sa SOP ay inoobserbahan kaagad namin ang paligid. Saan nanggaling ang putok? Saan ang pwesto ng mga kasama?
Dami akong narinig na mga sigaw.
"Ano yun?"
"Linti gid!"
"Nya met ten!"
Sinilip ko ang kasamahan sa first team. Lahat gumagalaw at 'alive and kicking'.
Si Pvt Indanan ay naka-upo sa likod ng niyog katabi ng isang Private . Me nagkubli ng ulo pero nakalabas ang pwet. Merong tatlong tao sa maliit na puno ng marang. Nakakatawa silang tingnan pero wala akong time para sila ay kantyawan.
Isa ang sigurado ko. Hindi nakasalubong sa aming direksyon ang putok. Alam ko ang tunog ng sonic crack ng lumilipad na projectiles ng small caliber.
Walang tumitilamsing sa ere na at lumalagapak sa dahon at sa lupa. Walang lumalagatok sa mga sanga at puno.
Nang sure na ako, agad akong tumayo at nag-paspas ng uniporme habang palapit kay Cpl Arnold Panganiban na agad sumalubong sa akin.
"Damuho yan, galing din sa atin yon ano?!!!"
"Yes sir. Si Ranger P, ang ating gunner na baguhan nakalabit ang gatilyo ng kanyang machinegun!"
"Hay naku Lobat talaga! Sanamagan, parang nag-anunsyo na kayo na paparating tayo!" (Lobat ang termino namin sa mga 'very laxed' o yong mga palpak kumilos)
Putlang-putla si Ranger P na tubong Mindanao nang nakita nyang nagpupuyos ako sa galit na lumapit sa kanya.
Di ko rin sya masisi, first time nya sa combat environment dahil parade and ceremonies ang kinalakihan nya sa Army headquarters.
Pinakalma ko na lang ang aking sarili at sya ay pinaalalahanan.
"Dong, kapag nag-move tayo, laging naka-engaged ang safety lock.
Kapag me kalaban, split second lang yang mag-unlock, kumalabit ng initial rounds at dumapa para mas tumamang mabuti."
"Sorry sir, di ko sinasadya. Mag-ingat na ako sir."
Naging traffic ang ere sa aming radio frequency sa pag-usisa ano ang nangyari sa amin.
Tinawagan ko agad ang aming ground commander na kasama naming naglalakad.
"Sir, pumalpak ang bata ko. Pinagsabihan ko na sir. Magdoble ingat kami sir kasi burn out na tayo sigurado, maliban sa may nag-tsu tsu na rin sa atin na mga taga Talipao proper."
Pinatawag ko uli ang aking unit leaders para sa FRAG-O. Ang fragmentation order (FRAG-O) ay mga pagbabago sa mga kautusan kung mayrong mga adjustments na gagawin.
"Sa loob ng sukalan tayo dumaan at huminto para mag-observe kung me alanganing lugar sa daanan. Merong tropa ang nagpa-patrol sa vicinity ng Mt Mahala at sa Bgy Lubuk kaya iwasan na lumampas sa phase lines sa kabilang bahagi ng ating AO."
Di kalaunan, dahan-dahan uli naming tinahak ang kasukalan ng Bgy Lati. Tuyo ang lupa sa mga panahon na iyon at tila iilang lingo nang hindi umulan.
Sa kanang bahagi ng aming direction of attack (DOA), nakikita ko ang madawag na kogonan at merong maliit na gubat sa gilid ng dagat.
Napansin kong wala man lang tanim na punong kahoy, mais o upland rice. Sa gilid ng dagat ay merong niyugan maging sa mababang bahagi ng Mt Mahala.
Sa sukalan na aming dinaanan, nakikita ko ang napakatabang lupa. Matataba ang mga maliliit na puno na napakatingkad ng mga berdeng dahon. Ang swerte naman ng mga Tausug sa lupain.
Napaisip ako na ganitong lupa ang paborito ng mga magsasakang Ilokano at Ilonggo.
Kapag taga rito siguro kami, hindi palalampasin ng aking amang magsasaka ang nakatiwangwang na lupain. Pati ako siguro ay nag-aararo na rin at magtanim ng goma, durian o dinoradong palay.
Napansin ko na bihira ang foot prints ang nakikita sa lugar. Kung grupo ni Robot at Mujib ang napa-rito, sigurado na merong traces na kung tawagin namin ay 'indications'.
Sa training namin sa Scout Rangers, ang leading elements ang responsible sa tracking. Habang nagbabantay sa harapan ang Lead Scout, busy ang Team Leader at Guide para usisahin ang kapaligiran lalo na ang lupa.
Tinitingnan namin kung merong apak ng sapatos o paa, me nahawi na damo, nabali na sanga o kaya naiwang bagay na hindi natural sa paligid na iyon.
Naka-short halt kami sa sukalan mga 500 metro mula sa Bgy Mabahay nang lumapit si Cpl Raymund Dumago sa akin.
"Sir, daming bagong apak ng baboy damo. Ang laki ng hugis ng kuko at nandito ang kahoy na pinagkiskisan nila ng kanilang katawan."
"Si Robot hanapin natin. Ang mayabang na kidnapper na si Robot at ang Malaysian hostages pati ang grupo ni JMC preacher Almeda."
Nakaka-awa na nakakainis kasi ang grupo ng Jesus Miracle Crusade. Mantakin mo ba naman na i-pray over nila ang mga European hostages at ipinagpilitang pumasok sa kuta nina Robot sa Tiis Kutong!
Nasaniban na ata ng demonyo sina Robot. Sumobra na ang kanilang pagka-gahaman. Sa mga panahon na iyon, nabalitaan naming nag-mumudmod sila ng pera mula sa ransom ng mga hostages na binayaran ni Muammar Khadaffi, kaya marami silang kakampi pati mga bata.
Money talks ika nga. Sa lugar nila, parang hero pa ang dating nila ,umasenso bigla ang buhay nila at panay pamimili ng bagong armas at mga kagamitan. Palit-palit rin ang asawa ni Robot dahil marami syang perang pang-'dowry'.
Bandang alas kwatro na noon nang narating namin ang gilid ng Bgy Mabahay.
Dala ang dalawang teams, sinilip namin ang lugar mula sa mataas na bahagi o vantage position. Gamit ang pamamaraan ng operasyon, ginamit namin ang SLLS.
Stop. Look. Listen. Smell. Matindi kaming usisero, inaamoy pa talaga.
Kapag me tao, kinikilala namin kung armado o hindi. Kapag palaban ang kilos, me kalalagyan ang bala ng mga snipers na nakatutok sa lugar.
Mga limang bahay lang ang nakikita ko sa lugar. Merong masjid (mosque) na itinirik sa gilid mismo ng dalampasigan.
Merong iilang manok at kambing ang pagala-gala sa paligid. Walang nakikitang tao at naka-kalat ang ibang mga gamit.
Pinabantayan namin ng mga kasamahang tropa sa likod ang vantage position para magbigay ng support by fire (SBF) habang pinapasok namin ang mga bahayan inikot ang mga sukalan sa paligid nito.
Butas-butas ang mga bubong ng bahay. 'No man's land' na ang lugar.
Wala ni isang bangkang natira pero merong nakasabit na mga lambat.
Merong pinatuyong agar-agar (seaweed) ngunit hindi na ito naitabi ng may-ari.
Halatang nagmamadali ang mga lumisan dito.
Kung Abu Sayyaf sila o hindi, ewan ko na lang. Si Robot ay taga Bandang ngunit dito raw nagtatago sa lugar.
Maaaring nadamay lang din sila sa kabulastugan ng kanilang kabayan na taga kabilang baranggay.
Sila ay maaaring parte na sa tinatawag na 'bakwit' na nagkukumahog na mabuhay sa bahay ng mga kaanak sa Jolo na palagay nila ay mas ligtas para sa kanila.
Kakainis si Robot. Akala ko ba matapang ang bruha na yon. Ang walang laban lang ata kaya nya lalo na yong mga babaeng pinagre-reyp nila!
Boluntaryo ako na manguna sa harapan dahil gusto kong makaharap sina Robot.
Akala ko naman totohanin nya ang banta na paulanan daw ng bala ang susugod sa kanila. Sobra libo na raw ang mga tauhan nya kaya di sya natatakot at marami syang magamit sa suicide attacks.
"Rooooooooooooobooooooooot!"
hahhahah bugoya gud atong newbie ba.. ahhahha
ReplyDelete