Sunday, March 15, 2015

5 Reasons why Basit Usman's snipers could not actually hit a target at long distances


Kitang-kita sa larawan ang maling set-up ng scoped rifle (M4 Carbine Rifle/M653) ni Basit Usman (2nd from left) at ang kanyang BFF na mahiyain na gumagamit ng AK 47 Rifle.


Napapangiti na lang ako tuwing naririnig sa pagsasalarawan ng iilang Pilipino sa mga self-proclaimed snipers na kagaya nina Basit Usman at Marwan, na sila ay mga kilabot dahil sa kanilang angking kaalaman sa long-range shooting.

Pagkatapos kong naranasan ang pakikidigma noon at nakikita ang kanilang combat actions na ina-upload sa Youtube, sa palagay ko ay exaggeration ang claims na sila ay mga batikang 'sniper' kuno. 

Ang naging resulta naman noon ay merong iilan sa mga sundalo at pulis ang hesitating o nag-aatubili sa pag-maneuver tuwing engkwentro dahil sa takot na bala ng Cal. 50 ang makipag-appear sa kanila. May basehan ba talagang tayo ang matakot sa mga iyon? Sa aming biruan sa GHQ, bakit tayo magpa-psyops? Grrrrrrr.

Sa aking obserbasyon, maihahanay sa 'Ripley's Believe it or Not' ang kwento na meron sa kasalukuyang mga mandirigma sa Maguindanao o lahat ng conflict areas ng ARMM ang tunay na maalam sa long range shooting. Sa aking palagay ay kagaya rin sa iilang gun enthusiasts na gumagamit ng scoped rifle, pormatic lang sila. 

Unang-una, O.A. na nga kung tawagin natin ang mga iyon bilang snipers dahil lamang sa naka-scope ang kanilang baril kagaya ng nasa larawan ni Basit Usman. Bakeeeeet? Ganito yon, sa aming 'baliw sa baril' at bihasa sa pag-gamit ng scoped rifles, obvious masyado na panay porma lang yan. Parang kwento lang iyon ng maliit na langaw na ipinangalandakan na sya rin ay kalabaw dahil nakapatong sya sa ibabaw nito. Hello, langaw, don't tell me you're a kalabaw!

Para lumiwanag ang malabong kwento, ilahad ko sa iyo ang mga rason kung bakit hindi naman sila makakatama ng target sa malayuan lalo na sa layong sobra sa layong 200 metro. 

1. Kulang ang Sniper Skills. Una, para magampanan ng isang indibidwal ang misyon ng isang sniper, dapat hasain nya ang tatlong separate skills. Remember ha, tatlo iyan: Marksmanship, Tactics at Field Craft. Kung kulang ng isang skill, hindi mo magagawa ang mahirap na misyon ng sniper at matagurian kang panay porma.


Gamit ang aking precision rifle at match-grade ammunitions, ang aking standard sa shot group (distansya ng bawat tama ng bala) ay 0.25MOA o .25inch sa 100m. Ang ibig sabihin nito, kaya ng rifle na ang shot group na 2.5 inches sa layong 1,000 metro (1 km).

2. Di alam ang Science of marksmanship. Sa larangan ng marksmanship, napakarami ang inaaral dito kasama na ang parte ng syensya. Hindi ito simpleng tapat-tapat lang ng crosshair then kalabit at makatama ka na! Habang palayo nang palayo ang target, mas lalong lumalaki ang percentage of error kaya inaalam ng shooter ang lahat ng factors na syang dahilan ng shooting errors kagaya ng external factors na wind velocity, temperature, elevation. Napakahaba kung ikwento ko lahat kaya banggitin ko na lang ang tinatawag na wind factor. Kung malakas ang hangin, inililiko nito ang bala lalo na kung ito ay 'crosswind' o 'full-value wind'. Para maitama mo pa rin ang bala, dapat marunong kang mag-compute ng wind drift (liko ng bala) base sa distance ng target, ballistics data ng ammo (velocity ng bullet sa specific distance). Kung hindi naintindihan ng shooter ang Minute of Angle (MOA), ewan ko na lang kung sniper nga sya. Idagdag mo na rin doon ang Marksmanship principles kagaya ng steady-hold factors, trigger squeezing, at follow through. Ang gulo no? Tingnan mo silang humawak ng baril kapag lumalaban gamit ang kanilang locally-assembled na 'Barit' (Maguindanao version of the Cal .50 Barrett Sniper Rifle).



Sa video ay makikitang ipinipilit na iputok ang kanilang 'Barit' gamit ang standing position, ang pinaka-unstable na shooting position. Ang dahilan dito ay wala silang clear fields of fire. Walang silbi ang scoped rifle kung panay cogon at dahon ng saging ang makikita mo sa teleskopyo. In the end, pananakot lang ang dating ng kanilang Cal .50 dahil malakas itong pumutok ngunit mas malamang ay molecules ng hangin pati mga puno ng niyog sa harapan ang madalas tinatamaan nito. Therefore, ang 'Barit' ay malaking version lamang ng 'Surit-surit' ng mga Bisaya!

3. Maling set-up ng scope. Tinitingnan ko pa lang ang larawan ng kanilang scoped rifles, kita na agad na pa-tsam ang pag-set up nito. Halimbawa, si Basit Usman na naka-M4 rifle ay gumagamit ng high-power scope na tila ay mekaniko ng kuliglig ang nag-install nito. Marami ang considerations sa pag-install ng scope para ang gumagamit nito ay hindi mahirapang magpatama. Halimbawa, kung assault rifle gamit ko, di ako papayag na mataas ang 'power' ng scope kasi liliit ang aking 'field of view' (FOV) at ang nangyayari ay sobrang magalaw ang nakikita mong imahe lalo na at pagod ka rin sa movement na hinihingal ka habang sumisilip. Karagdagan pa dyan, ang scope nila ay basta na lang ipinatong sa riple at hindi isinaalang-alang ang tinatawag na 'eye relief' o distansya ng mata mula sa ocular lens (likurang bahagi ng scope). Ano ang kahihinatnan nito? Panay shadow sa gilid-gilid ng scope at mahirapan kang makuha ang 'perfect sight picture' na syang kailangan para magpatama. 


Mahirap ang mag-set up ng scope at kasunod nito ay ang hirap paano ito i-zero sa iba't-ibang distances. Dapat nakatutok sa parehas na linya o point ang scope at ang barrel para ito ay ma-"zero".

Ang scoped rifle ay ginagamit din ng mga kampeon kong mga kasamahan sa Philippine Army Shooting Team sa kanilang pakikipagtunggali sa larangan ng pagtudla sa Australian Armies Skill at Arms Meeting. Iniintindi namin ang mga katagang Minute of Angle at Milliradian (Mil) na syang ginagamit sa pag-compute ng mga long range shooters at snipers.

Ito ang inaaral naming multi-target shooting para sa aming mga sundalo na ipinapadala sa field para labanan ang mga terorista. Iron sights lamang ang aking ginagamit hanggang 400 metro, ang distansya para sa ordinary riflemen.

4. Hindi precision rifle ang 'Barit'. Ang arte at  syensya ng pagpapatama sa target sa malalayong distansya na sobra sa required skills ng ordinary riflemen, ay kailangang hasaing mabuti sa mahabang panahon gamit ang maka-modernong kagamitan. Pag-usapan na lang natin ang riple na kanilang ginagamit, ang 'Barit'. Ito ay locally assembled at kung anu-anong bakal ang ginagamit. Ang tinatawag na 'heart of the rifle' ay ang barrel, at sila na rin gumawa nito pati ang rifling. Tama ba ang rifling twist? Tama ba ang crowning? Tama ba ang headspace? Mga kapatid, ang batikang gunsmith lamang ang nakakaintindi ng mga bagay na iyan. Kung ang Cal. 50 Barrett Sniper Rifle ay ginagamitan ng match-grade barrel na kagaya ng Krieger, ang kanilang 'Barit' ay kung saan-saang kanto lang napulot ang bakal. Ika nga eh, if you plant camote, you will harvest camote. Kung pangit ang barrel, hindi nito ma-stabilize ang bullet simula pa lang sa loob nito (internal ballistics), kaya ay posibleng 'Boy Tumbling' ang inaabot ng bala pag-exit nito sa muzzle.


Para makatama sa malalayong distansya, dapat maayos ang set up ng baril mismo (match barrel, match trigger, free-float, tactical scope). I-partner naman ang magandang precision rifle sa taong precision shooter. Ika nga ng mga batikang Army shooters ay: "Di lang sa pana iyan, nasa galing din ng Indian!"


Kung maayos ang set up ng rifle at parating nagsasanay ang gumagamit nito, mas malamang tagumpay ito sa mga labanan. Kung malapitan ang engkwentro, mas mainam ang iron sights kay sa scoped sights.

5. Walang sustainment training. Ang long-range shooting ay kailangan ng tuloy-tuloy na pagsasanay sa known distance range (KDR) at maging sa real-life shooting scenarios na panay unknown distances ang kinalalagyan ng targets. Ika pa nga ng aking world champ shooting mentor na si Marat Niyazov ay: "Shooting skills are perishable skills. Don't be lazy. You must continuously practice these skills Lt. Cabunakov!". Ang ibig nyang sabihin, kagaya ng itak, napupurol ang talas nito kung hindi hahasain parati kaya naman ay hindi ko tinatalikuran ang pagsasanay sa kaalaman na ito na importante sa aking serbisyo. Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagsasanay, ang pag-iisip ay nahahasa sa araling kagaya ng distance estimation, wind estimation at hold-off, moving target 'lead' at angled shooting hold-off. Sa mga Army snipers, ang heavy caliber sniper training gamit ang Cal .50 ay ginagawa sa kampo na may firing range na ang layo ay 100 metro -2,000 metro. Ang tanong ko ngayon, meron bang ganyang training sina Usman at ang friends nya sa BIFF? Sagutin ko na rin. Wala! Therefore, wag matakot sa nagpapakilalang Sniper ng kalaban.

Dahil ang ordinary rifleman ng AFP ay tinuturuang magpatama hanggang 250 metro (400 metro para sa advanced marksmanship), tayong mga sundalong asintado ang dapat kakilabutan ng mga kriminal at teroristang kagaya nina Basit Usman


Sa aking pag-iikot sa field units ay iniimbentaryo ko rin ang skills ng mga sundalo na dumaan sa Scout Sniper Training at ipinamahagi sa kanila ang mga bagong kaalaman na napupulot sa ibang paaralan ng pagtudla. 

Ang sustainment training ay tuloy-tuloy na itinataguyod ng Philippine Army sa lahat ng mga yunit sa buong kapuluan sa pamamagitan ng Division Training School at sa mobile training teams  (MTT) ng Marksmanship Training Center. Dahil dito, mas kampante tayo na mas magagaling ang ating kasundaluhan sa pakikidigma kaysa mga pwersang nakakalaban.