Sunday, August 18, 2013

Scout Rangers: We strike (Leadership Experience Part 7)


  

Sanay ang mga sundalo ng First Scout Ranger Regiment sa mabilisang deployment sa mga lugar kung nasaan ang kalaban. Karaniwan, hindi kami binibigyan ng sariling Area of Responsibility (AOR) kasi palagi kaming pinapadala kung saan merong nagpapasaway na mga bandido.

Sa mga panahon na iyon ay merong labing siyam na independent Scout Ranger companies ang First Scout Ranger Regiment. 

Kapag nadedestino kami sa isang lugar, nilalagay kami bilang OPCON o operationally controlled ng tactical unit na syang nakakasakop sa lugar. Minsan, ang isang Scout Ranger Company ay nilalagay sa isang Infantry Division at bahala na ang Division Commander kung aling Brigade ito ilalagay para sa specific operations sa lugar.

Ang ibig sabihin nito, sa isang Infantry Brigade kami nilalagay bilang 'striker force' laban sa kinakaharap na mga armadong grupo sa lugar.

Dahil karaniwang direct action missions kagaya ng raid o ambush ang binibigay sa amin na mga missions, ang pag-handa sa intelligence ay sa controlling unit na syang me hawak sa lugar. 

Ang problema, kung palpak ang S2 o Intelligence Officer, palpak din ang ginagawang plano ng combat operations ng kanyang ka-tandem na S3 o Operations Officer. Kapag nangyayari ito, ginagawa na lang nilang pang-araro ang mga Scout Rangers at bahala na si Batman kung magkasalubungan sila ng mga kalaban sa mga liblib na lugar na pinagtaguan. 

Mas epektibo ang employment ng Scout Rangers kung nabibigyan ito ang magandang intelligence. Halimbawa, klaro ang objective, makagawa ang kagaya kong Company Commander ng klaro rin na mission planning para isakatuparan ang isang raid o kaya ambush. 

Naiinis kami minsan sa ibang Brigade Commander o Division Commander na tila 'warm body' lamang ang paningin sa Scout Rangers na isang mahalagang 'asset' ng kanyang unit kung alam lang paano ang tamang employment. Merong mga pagkakataon na ginagawang personnel sa detachment ang tropa ng Rangers na nakadestino sa isang Division kaya ang nangyayari, naging sitting duck sila at nag-aantay na lamang na atakehin ng kalaban. 

Sa Sulu noong 2000, ang aking kumpanya ay nilagay sa Light Reaction Battalion (Provisional) na pinamunuan ni Lieutenant Colonel Roberto 'Bobby' Morales, isang batikang Special Forces at  miyembro ng PMA Class 1979. Ang kanyang Deputy Commander ay si Major Faustino 'BJ' Bejarin, isa namang Scout Ranger na miyembro ng PMA Class 1986. 

Ang purpose ng SOCOM leadership sa mga panahon na iyon ay pagsamahin ang lahat na pwersa nito na kinabibilangan ng mga Special Forces at mga Scout Rangers. Mas nagkakaintindihan kasi ang mga ito sa trabaho kasi ika nga 'they speak the same language'. 

Dahil OPCON ako sa LRB, ang immediate superior ko na pagkuhanan ng operational orders ay si Sir Bobby na isang soft-spoken na Bisaya rin kagaya ko. Sya ay very approachable at nakikinig sa mga suhestiyon ng mga junior officers. Masaya kaming nagsasagawa ng aming mga tasking dahil tiwala kami sa aming mga lider sa LRB. 

Sa ikalawang araw namin sa Sulu, nararamdaman na namin ang problema sa tubig. Nagpaluto ako ng 3 meals para sa araw na iyon sakaling makatanggap kami ng FRAG-O. 

Nagpadala ako ng recon teams para maghanap ng water points sa gilid ng dagat at pati sa mga creeklines na naka-reflect sa mapa. 

Kamot ulo ang mga Team Leaders na bumalik at lalo pang nabawasan ang water canteens nila sa uhaw sa kaka-patrol sa mga sulok-sulok sa lugar na iyon. Ayaw rin naming mag-sabaw o uminom ng tubig alat. 

Nang inusisa ko ang lahat ng mga tauhan, napag-alaman ko na kaya pa hanggang kinaumagahan ang tubig basta walang magluto ng 'wet ration'. Ang ibig sabihin, lilipat kami sa skyflakes at sardinas na alternate food provisions namin. Sanay rin kami sa ganito lalo na sa long range recon patrols na umaabot ng 2 weeks without resupply. Kilala ang mga Scout Rangers bilang 'martir' o matiisin sa hirap. Kaya nga Ranger eh. 

Pakiramdam naming lahat ay nasa paligid lang si Robot at nagtatago sa mga sulok-sulok sa gubat. Kailangang gamitin ang aming training sa combat tracking para matukoy ang kanilang kinaroroonan. Pagkakataon na rin ito para makahanap ng tubig. Feel ko talaga noon na meron silang 'secret' water point sa lugar na iyon. 

Pagkatapos naming mag-agahan, nagkaroon kami ng mission briefing. Kami ay magsagawa ng zone reconnaissance sa aming AO (area of operations). 

Gamit ang reconnaissance and security teams (R&S teams), sinusuyod ang kapaligiran para mahanap ang 'indications' ng troop presence. Ginagamit dito ang 'fan method' 'box method' o 'zigzag method' o kaya converging routes method. Okay naman iyon, ang inaalala ko lang lagi, mauubusan kami ng tubig. Dapat magawan namin ng paraan na hindi na kailangan ng resupply. Think, think, think. 

Pagkatapos ng briefing, ako naman ang nagsagawa ng briefing sa aking mga tauhan. Pinalitan ko ang order of movement. Kay Cpl Roselito 'Sel' Tayros at si Cpl Rodel Bonifacio naman ang mauunang teams. Palitan naman kami ni Lt Marlo 'Toto Joma' Jomalesa sa harapan. 

Ang mission briefing ay naka-template ayon sa 5 paragraph format na kinopya ng AFP sa mga Kano. Simula sa basic training, ipina-saulo sa amin ito: METT-TC. Mission. Execution. Troops Available. Terrain. Time. Civilian Considerations (minsan ay pwede ring community considerations). 

Ito naman ay parte sa tinatawag na Troop Leading Procedure na merong acronym na RIMIRCIS:

1. Receive the mission;
2. Initiate action;
3. Make tentative plan;
4. Issue warning order;
5. Recon;
6. Complete the plan;
7.  Issue the complete operations plan/order;
8. Supervise.

Pabalik-balik namin itong ginagawa down to the Team level of command at dito nahahasa ang combat leadership ng aming mga opisyal at NCOs. Ewan ko lang bakit tinatamad ang ibang unit na gawin ito lagi samantalang applicable din ito kahit ma-combat o admin ang mga tasking. 

Lagi kong binibigyan ng emphasis sa aking tropa ang word na 'Enemy'. Ayaw ko namang tipong 'everything that moves' sa gubat ay 'enemy'. 

"Kapag walang baril na nakakasalubong, hindi sasaktan. Walang sisirain na mga tahanan o pananim. Iyong mga damuhong Abu Sayyaf na nakikipag-barilan lang talaga ang gawing 'target paper' at tulungang makarating sa 'heaven' na inaasam nila." 

"Bawal ang automatic fire na ginagawa ng mga nerbyoso. Tinuruan ko kayo ng marksmanship at dito nyo gamitin yon. Kapag ratratin nang ratratin nyo ang kalaban, tigok pati hostages na syang pinakapakay nating mailigtas."

Dahil batid ko ang problema namin sa tubig, ito naman ang paalala ko sa kanila:

"Kung nauubusan tayo ng tubig, ganon din sina Robot. Kung merong water point, malamang andon din sila. Suyurin natin lahat ang paanan ng Mt Mahala at baka meron pang igibang natira dyan. Wag tayong mag-pa isa dahil malamang doon din tayo aabangan."

Ang paghagilap ke Robot

Malaki ang pwersa namin na sumusuyod sa lugar. Kami pa rin ang nasa leading elements. Merong disadvantage kapag ganito karami ang pwersa. 

Una, mas madali itong ma-detect dahil sa tracks na maiwan nito. Mas malaki rin ang probability na maglikha ito ng ingay. 

Kung kami sa harapan ay naka-tip toe para maiwasan ang mga sanga sa lupa at dahan-dahang hawiin ang sukal na sinusuotan, ang iba sa likurang mga yunit ay walang pakialam. Tuwing nangyayari ito, sinisigurado kong i-reklamo ito kay Sir Bobby. 

Minsan kinausap ko si Major Bejarin nang kami ay naka-short halt. 

"Sir, sa mga nag-iingay sa likuran, i-recommend kong gawin nating parte sa leading elements para maramdaman nila ang pagod at kaba ng tropang tila tinutukan lagi ng baril ng Abu Sayyaf dahil kami ay nasa harapan."

Kapag sa jungle terrain kasi, ang ubo, hat-sing at kumalansing na kaldero ay naririnig ng daan-daang metro lalo na kung pabor ang ihip ng hangin. 

Hindi namin minamaliit ang survival instincts ng mga kalabang Abu Sayyaf kasi matagal na silang nakikipag-barilan sa pwersa ng pamahalaan at sa mga karibal nilang clans. Kahit wala silang formal na training, hindi matawaran ang kanilang combat experience. Bata pa lang sina Robot at Mujib, baril na ang hawak nila at umabot sila sa edad sobra trenta na pakikipagbarilan ay parte ng buhay.

Sa hanay ng 10SRC, wala akong problema. Dalawa kami ni Joma na mahigpit sa pagpapatupad ng TTPs (techniques, tactics and procedures) sa movement. 

Mga isang kilometro ang layo sa northern portion ng barangay Mabahay, nakita namin ang isa pang maliit na komunidad sa paanan pa rin ng Mt Mahala. 

Matagal din namin itong inoobserbahan at napansin naming wala itong tao. Magtatanghali na noon nang ito ay aming narating. 

Habang nag-secure ang kalahati ng aking kumpanya sa avenues of approach, pinangunahan ni Joma ang leader's recon. 

"Dalawa ang hanapin nyo To. Ang water source at si Robot." Naka-smile lang si Joma bago lumisan kasama ang isang section o dalawang teams ng tropa. 

Sinilip ko ang aking water canteen, simot na ang isa. Halos kalahati na lang natira sa isa. Panay sipsip na nga ako ng baon kong 'Halls' at 'Snow Bear' na kendi para mabawasan ang uhaw. 

Pagkatapos ng halos isang oras na mino-monitor ko ang movement ng recon, narinig ko ang tawag sa radio. Inabot ng aking RATELO na si Sgt Cuevas ang PTT (press to talk) ng  PRC 77. Si Joma ang nasa kabilang linya.

"Bullseye this is Cyclops 6. Ano nakita nyo dyan?" 

"Sir, nakita namin ang taguan ng mga Abu Sayyaf dito sa gilid ng creekline. More or less 50 ka tao ang nag-stay rito. May female napkins, balot ng kendi, buto ng isda at mga tutong ng kanin. Nakaalis na ito baka kahapon pa  base sa mga kanin na nagkalat at sa pinag-higaan nilang mga dahon at papag. Ang direction ng escape route nila ay papuntang direksyon ng Mt Mahala."

Kahit di namin sila naabutan, natutuwa pa rin kami kasi ang impormasyon na iyon ay mahalaga para sa aksyon ng mga katabing yunit. Batid ko na ang 7th Infantry Battalion na pinamunuan ni Lt Col Audie Delizo ay nasa northern portion ng Mt Mahala at ang southern portion o gilid ng dagat naman ang kinaroonan ng 59th Infantry Battalion na pinamunuan ni Lt Col Ed Pangilinan. 

Ibinato ko agad ang recon report kay Batcom para sa kanyang kaalaman. Ito naman ay inirereport sa 104th Brigade sa Camp Bautista sa ulat na kung tatawagin ay SITREP (Situation Report).

Di kalaunan ay nagconduct kami ng link-up operations sa aking recon teams. Lupaypay sila dahil lalong nabawasan ang aming tubig. 

Merong nakakita ng galong me tubig sa bahayan at agad itong pinagpartehan para panluto ngunit hindi ito sapat para sa lahat. 

Pinagpatuloy namin ang tracking operations sa hilagang bahagi ng pinagkampuhan nina Robot. Tila kinukutya kami ni Haring Araw dahil talaga namang matinding init ang ibinato sa paligid. Grabe na ang pagtitipid namin sa drinking water. Sisigaw na ata kami ng 'Sunoooooooooog!"

Dakong alas-dose, nag-request ako ng long halt para chow time. Pina-secure namin ang paligid para maghanap pa rin ng water points ang iba. Naging desperate na kami. 

Nagmuni-muni ako at patinga-tingala sa langit para manawagan sa Diyos na bawasan ang kagat ng sinag ng araw nang namataan ko ang berdeng bilog sa itaas. 

"Botong!" (Niyog)

Nakakita ako ng solusyon sa aming problema. Merong mababa lang na mga puno pero humihitik sa bunga. Kahit makalikha man ito ng ingay, nag-violate na kami para sa survival. Kung aatake sina Robot, welcome!

Nagpasungkit ako ng iilan para mainom. Mala-uhog ang napunta sa akin. Parang heaven ang dulot nito! Ini-imagine ko na nasa Megamall ako habang ninamnam ito. Solved!

"Wag nang maghanap ng tubig dahil talagang wala!Ito ang gawin nating sabaw simula ngayong hapunan!" 

Kaya ayon, manamis namis ang aming kanin pati ang aming ulam na sardinas. Parang naging biko ang lasa. 

Natitiis naman namin........noong una.

Dahil ito rin ang naging sabaw at inumin namin noong succeeding meals the next day, nawalan kaming lahat ng ganang kumain. 

Pinagtiyagaan kong unti-untiing baliin ang katago-tago kong chocolate bar pampawi ng gutom. 

Lalo kaming naiinis kay Robot at Susukan. 

"May araw ka rin Robot. Me kalagyan ka sa amin pag mag-cross ang ating landas!"

Pilit kong pataasin lagi ang morale ng aking tropa. 

"Tiis tiis lang tayo, kaya nga Rangers eh. Malay nyo uulan mamayang gabi? Buti nga tayo merong nakakain at nakakapagluto pa. Sina Robot di nga nila magawang magsungkit ng niyog. Hanggang nakatayo ang bandera ng Pilipinas, ayos pa tayo!"

(Ipagpatuloy)





























7 comments:

  1. Sir ,

    Thank you talaga sa pag share sa mga karanasan mo..I'm the avid reader of your blog.

    ReplyDelete
  2. 'WE STRIKE' Pangarap ko rin maging SUNDALO at makapag skoling ng 'SCOUT RANGER'. We SALUTE YOU.

    ReplyDelete
  3. lingawa nako sir oi.. kuyaw keu mog experience da. hadlok nga mkalingaw.. hadlok kay mga rebelde kontra and mkalingaw kay bsan asa nga lugar mo sa pilipinas mka abot.. Good luck and God bless to all of you.

    ReplyDelete
  4. I salute you sir at sa iyong mga kasama, nakaka inspire etong blog mo..MABUHAY ANG KAWAL PILIPINO,MABUHAY ANG PILIPINAS..

    ReplyDelete
  5. Hi! I'm just wondering if women in military service are welcome to be part of Scout Rangers? pagka graduate po ba sa OCC makakapili ka kung saang department ka e assign?? curious lng po...

    ReplyDelete
    Replies
    1. Mula ng itatag po ang scout ranger ay wla pong tinangap oh d po pinapayagan n mg undergo ang isang babae s obyos n kadahilanan...=)

      Delete