Tuesday, August 14, 2012

Sino si First?





Sa Army, merong non-commissioned officer (NCO) na kung tawagin ay si 'First' o (Peerst).

Sino ba si Perst?

Sya ay walang iba kundi ang designated Company First Sergeant.

Sa infantry company, sya ang kalimitan ay pinaka-ranking NCO na binigyan ng posisyon bilang bastonero sa lahat ng mga enlisted personnel (EP).

Sya ang tulay sa pagitan ng mga opisyal at mga EP.

Iniisip pa lang ng opisyal, na-anticipate na nya ano ang gagawin. Puno sya ng initiative.

Ika nga, well-experienced NCOs are the mentors of new LTs. Sya ay hinihingan ng mungkahi ng mga opisyal sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kumpanya.

Kapag may mga direktiba o kautusan ang Company Commander, ito ay idinadaan ka Perst.

Marami syang ginagampanang tungkulin sa kumpanya kagaya ng:
  • bilang adviser ng mga opisyal sa pagpapatakbo ng kumpanya base sa principle na 'the NCOs run the affairs of the unit, managed by the officers'.
  • bilang pinaka-'tatay' ng mga sundalo na syang magkalinga sa kanilang kapakanan kagaya ng career advancement, disiplina at morale and welfare
Kalimitan, si Perst ang taumbahay tuwing merong malawakang military operations na kung saan ay kasama ang lahat na opisyal sa lakad.

Kapag napapalaban sa ligawan ang opisyal o EP, si Perst na kalimitan ay magaling mambola, ay naaatasan ng kakaibang tasking kagaya ng 'panliligaw' sa mga magulang ng dalaga to 'soften the target'. Minsan, sya na rin manligaw para sa kanyang tameme na boss.

Si Perst ay respetado at kinakatakutan din ng kanyang mga tauhan dahil sa kanyang kredibilidad at leadership qualities, at lalo na dahil sya ay pinagkakatiwalaan ng mga opisyal.

Hindi nya hinahayaang sumakit ang ulo ng kanyang opisyal sa ano mang larangan, mapa-admin tasks o kaya mga requirements sa military operations.

Kapag may inuman, si Perst ang pinakahuling malasing dahil sinisigurado nyang walang mag-maoy o mag-aaway.

Sabi pa nga, isang sipol lang ni Perst, tupi na lahat pati mga pasaway. Kindat pa lang, napapa-attention maging mga bugoy.

Sa mga misis ng mga sundalo, si Perst din ang sumbungan. Pumapagitna sya sa mga tampuhan ng mag-asawa at sya rin ay magaling na marriage counsellor lalo na sa mga pilyong macho na sundalo.

Sya ay pinapakinggan dahil ang kanyang words of wisdom ay parang batas.

Iyan ang sundalong tinatawag na si Perst.

(Dedicated to my snappy First Sergeants like Msg Rufo Guigue of the 7th Scout Ranger Company and Msg Noel Jerios of the 10th Scout Ranger Company)

No comments:

Post a Comment