Tuesday, April 01, 2014

Ang aking anting-anting sa Central Mindanao (My Central Mindanao Adventures Part 4)


Makikita sa larawan ang hitsura ng aking anting-anting na noon ay dala ko sa Central Mindanao pagkatapos na ako ay masugatan sa isang engkwentro laban sa MILF sa Shariff Aguak noong Pebrero 1997. (Photo credit to Traveler on Foot)


Hindi naman lingid sa ating mga Pilipino ang katotohanang mapagpaniwala tayo sa kakaibang 'power' na mula diumano sa Panginoon, at ito ay ipinagkakaloob sa mga piling nilalang.

Bata pa lang ako ay nababalitaan ko na ang mga kwento tungkol sa mga taong may 'pakubol' (hindi tinatablan) at 'panipas' (hindi tinatamaan) at 'tagulilong' (hindi nakikita). 

Dahil ako ay promdi, normal na nagpapaniwala rin ako dito at katunayan ay naranasan ko ring mag-abang sa puso ng saging kapag hating gabi na may full moon para makuha ang 'anting-anting' na ilabas nito. Sa awa ng Diyos, napuyat at nilantakan ako ng lamok sa kaaantay ng wala.

Umuwi ako ng panandalian noong Marso 1997 upang bisitahin ang aking kapatid na nadisgrasya sa sasakyan nang lapitan ako ng aking mga pinsan na panay mga 'antingan'. 

"Pinsan, tama na yang sugat mo. Wag mo nang dagdagan. Kailangan mo ng agimat para mailayo ka sa disgrasya," sabi ni Ingko Tacio na isa sa kilalang antingan sa aming barangay. 

Natatandaan ko pa na noong ako ay high school pa, si Ingko Tacio ay nakuryente nang natumba ang antenna ng TV na kanyang inaayos at ito ay sumabit sa high-tension wire! Umabot ding halos 30 minuto syang nakahawak sa libong boltaheng kuryente ngunit ito ay himalang naka-survive. Dahil dito, lalo syang naging tanyag dahil sa angking 'habak' o anting-anting. 

"Ayaw ko na Ingko, baka dyan pa ako mabuang sa kaka-memorize ng mga oracion ninyo. Ang dami-dami pa ninyong kung anu-anong bawal!"'

Batid ng aking pinsan na tila hindi ako kumbinsido dahil sa mga 'kautusan' na tila mahirap magampanan. Merong iba na tila ay nagtutula ng salitang Latin, kesyo bawal kumain ng ganito at ganyan, at kung anu-ano pang listahan ng mga bawal. 

"Wag kang mag-alala, kami ang bahala sa iyo. Puntahan natin si Boy Sayres at gawan namin ng paraan na mabigyan ka ng proteksyon sa mga bakbakan," paliwanag pa nya.

Actually, parang naging curious din ako sa anting-anting nila. Napag-isipan ko na dapat pagbigyan ko ang kanilang hiling para magkaalaman kung totoo ang 'powers' nito. 

Paano naman kasi, wala kaming Kevlar helmets at flak jackets sa mga panahon na iyon. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit marami sa mga sundalo ang merong hawak na ganito. Nakikita ko rin sa mga namamatay na kalaban ang mga 'anting-anting' na suot nila na hindi gumana sa bakbakan. 

"Sige, sama ako sa inyo basta ay wag lang akong ipag-dasal ng mahahabang prayers sa hating-gabi sa gitna ng sementeryo. Kung kaya kong sundin ang mga ipinag-uutos na bawal, papayag ako na suotin ito," sagot ko sa kanila. 

Ang aking anting-anting

Dahil sa udyok ng aking mga pinsan, tinungo namin ang bulubunduking lugar ni Manong Boy Sayres sa Bgy Puntian, Quezon, Bukidnon upang makahingi ng anting-anting.

Simpleng tao lamang si Manong Boy ngunit marami syang mga tigasunod na kalimitan ay mga Katoliko. Napansin ko na may mga imahe ng mga Santo sa kanyang altar at may mga nakatirik na mga kandila. 

Nang ako ay dumating sa kanyang bakuran, malugod nya akong tinanggap at binigyan ng mga paunang salita. 

"Sir, isang karangalan na mapabilang ka sa amin. Alam kong marami ka pang daraanan na digmaan at kailangan mo itong malusutan para maipagpatuloy mo ang iyong serbisyo sa bayan. Ipagkaloob ko sa iyo ang proteksyon na iyong kailangan," sabi ni Manong Boy. 

"Ako na ang magsagawa ng lahat ng dasal para sa Panginoon para patuloy ang bisa nito. Kailangan mo lang na maniwala dito at wag kang kumain ng baboy tuwing Biyernes at wag ka ring mambababae," sabi nya, sabay abot ng mga maliliit na boteng nakalagay sa isang home-made belt na mukhang bandoleer ng bala. 

Hindi man ako lubos na kumbinsido sa bisa nito, tinanggap ko ang aking bagong "proteksiyon". Wala namang mawawala sa akin.

Ang mga bote ay naglalagay ng mga ugat at mga papel na naglalaman ng Latin prayer, at ito naman ay nakalublob sa coconut oil na may halong mga samo't-saring mga ugat ng kahoy. 

Ewan kung ano yong 'powers' ng anting-anting na iyon pero tila ay mainit ang aking pakiramdam ng sinuot ko ito. Ewan kung psychological effect lang iyon at pampataas lang ito ng confidence.

Bilang pagkumpleto sa pag-gawad ng kapangyarihan ng aking anting-anting, pinadapa ako ni Mang Boy at sya ay taimtim na nagdadasal ng di ko maintindihan. Umabot din ito ng halos 15 minuto.

"Ayan, meron ka nang pang-iwas sa mga bala. Hindi ka matatamaan sa mga bakbakan dahil ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa iyo habang suot mo ang iyong anting-anting," sabi nya. 

Nang bumalik ako sa aking playground sa Central Mindanao, parati nang nakatali sa aking bewang ang 'proteksyon' na may basbas diumano mula sa Panginoong Maykapal. 

Ang pagsubok

Nang suot-suot ko ang aking anting-anting, naging conscious ako lagi sa aking aksyon. Kahit may 'powers' na ako, hindi ko tinatalikuran ang magdasal at humingi ng tulong sa Diyos lalo na tuwing meron kaming lakad. 

Presko sa aking isipan ang pangyayaring nang-harrass ang MILF sa aming defensive position sa Bgy Mataya sa bayan ng Buldon, Maguindanao bandang 9:00 pm noong Marso 1997. 

Umuulan ng naglalakihang bala at mga lumalagabog ang mga bala ng B40 Rocket Propelled Grenade launcher sa labas ng aming perimeter fence. 

Kahit meron akong anting-anting, pinili ko ang pinakamalaking poste sa kubo na aking tinutulugan. Sa harap nito ay merong mga sandbags kaya malamang ay hindi tatagos ang armor-piercing rounds ng Caliber .50 machine gun at maging shrapnel ng Rocket Propelled Grenade. 

Magaling ang FO ng Charlie Company dahil nakalatag ang target reference points (TRPs) nila para sa mga kanyonero na nakapwesto sa Bgy Dinganen. Dumadagundong din ang 105mm high-explosive rounds na ipinang-sagot namin sa mga umaatake. 

Halos isang oras din ang palitan ng putok at inaantabayanan namin ang kalaban na pumasok sa aming final protective line (FPL) para ratratin namin ng aming Machineguns. 

Kasama ako mismo sa sumisilip sa Night Vision Google (NVG) para maobserbahan ang masukal na paligid sa pagitan ng aming pwesto at ng MILF. Sa dami nang pinaulan naming bala sa kanilang  pwesto, tila ay nahiya silang dumerecho sa aming defensive positions.

Madaling araw na noon nang maramdaman ko ang antok kaya ipinagbilin ko sa mga gwardya na ako ay umidlip habang nakasandal sa gilid ng poste. Natameme na ang mga kalaban namin sa mga panahon na iyon.

Hindi ako nagtagal sa aking pwesto ay naramdaman ko na tila may malagkit na likido sa aking balikat. Naramdaman ko rin ang maliliit na nilalang na gumagapang sa aking leeg at tila may  nagpaparada sa aking likuran. Bigla akong kinabahan kasi humahapdi ang aking balikat. May tama ata ako. Hindi ata gumana ang aking anting-anting

Naalarma naman ako kasi baka meron na namang nakabaon na shrapnel sa likod ko. Minsan kasi, sa taas ng adrenaline ay hindi nararamdaman na kami pala ay may tama sa gitna ng bakbakan. Grabe naman kung lagi-lagi na lang akong nasusugatan, kung kelan pang meron na akong 'kapangyarihan'

Sumimple akong bumulong sa aking katabing tropa na si Cpl Fernando Galamay. 

"Lakay, pwede pakiilawan ng pen light itong aking balikat? Mahapdi kasi. Baka me tama!"

Agad naman akong sinakluban ng poncho para maikubli ang ilaw na ipinuntirya sa aking likod. Don na nagkaalaman sa kagimbal-gimbal kong kalagayan. 

"Sir, ang dami ng langgam sa iyong likod! Natutuluan ka pala ng sabaw ng ating adobong bayakan!"

Agad kong ipinababa ang kaldero na naglalaman ng aming ulam. Ito kasi ay isinabit namin sa bubungan dahil ayaw naming ma-Ranger ng mga pusa na umaayaw na sa karaniwang ulam naming sardinas.

Nang maibaba ko ang lalagyan ng aming Ranger delicacy, don ko nakita ang mapait na katotohanan. 

"Sanamagan na MILF yan. Binutas ang ating kaldero dahil tinamaan ng shrapnel ng RPG!"

Tawa nang tawa ang aking mga kasamahan. Napangiti na lang ako kasi tila ay gumana ang aking anting-anting. 

Kinapa-kapa ko ang aking 'protection' sa aking tagiliran sabay himas na rin sa pinagkublihang tigasing poste. Napakibit-balikat na lang ako dahil ligtas kaming lahat.

Salamat poste. Salamat 'anting-anting'. Salamat sa Diyos!

Masakit din sa kalooban tuwing nakikita o nababalitaan ko ang pagkasawi ng mga bayaning sundalo na naatasan na makipaglaban sa mga kaaway ng pamahalaan. Kulang man sa force protection equipment (FPE), di nila alintana ang panganib sa kanilang mga misyon, at ang iba sa kanila ay nagkakasya sa pag-gamit ng mga 'anting-anting' na nagbibigay ng karagdagang kumpyansa sa kanilang sarili. (Photo by Carlo Carpio Claudio)



(May karugtong)

7 comments:

  1. nice story. napatawa pa ako. yung frend ko din na Musang ay may anting-anting din dala at sa bakbakan nila sa ASG nuon ay kaldero sa likod din niya ang tinamaan. sabi niya kung wala daw kaldero ay baka siya ang nadale. Anu kaya misteryo ng kaldero at anting-anting?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Flipzi, yon mistah ko si Lt Col Nelson Aluad, nang nag-test mission sa SR Class 126 ay may nakalagay na wallet sa dibdib na may pera/barya sa loob. Nang nabaril sya ng NPA, tinamaan ang kanyang Seiko wallet at hindi nakapenetrate ang bala sa kanyang balat. Truly, ito ay ang "Wallet ng Maswerte"!

      Delete
  2. ganda nang kwento sir lagi ko dinadalaw site mo at nag babasa dito

    ReplyDelete
  3. I LOVE IT....Finally i found your blogs Sir, and its my pleasure that i was able to read the true to life story how the life of the soldiers in the battlefield..galing po, long time I've been searching for this blogs but now I am thankful because i found it...and Sir, thank you marami po akong natutunan sa blogs mo :), almost all the content of your blogs i read ,GOD BLESS po lagi

    ReplyDelete
  4. Nasan na kadugtong nito sir? Hehe.

    ReplyDelete
  5. Sir di ko mahanap ang karugtong nito..

    ReplyDelete