Showing posts with label Honor Code stories. Show all posts
Showing posts with label Honor Code stories. Show all posts

Wednesday, March 12, 2014

Why Cadet Jeff Aldrin Cudia couldn't graduate from PMA: My personal thoughts (again)



Parang 'heaven' ang pakiramdam kapag inaabot ng Presidente ng Pilipinas ang pinakaaantay na diploma na syang patunay na natapos mo ang napakahirap na cadetship sa Philippine Military Academy. (Photo by Richard Balonglong/PDI)



When it was officially announced that Cadet Jeff Aldrin Cudia could not join the graduation ceremony on March 16, I read more fiery comments from honorable citizens around the world. Ang problema sa iba, di talaga nila alam ang pinagsasabi nila. Basta makasawsaw lang sa comments, ayos na!

Naiintindihan ko ang iba na naaawa sa kalagayan ni Cadet Cudia lalo na yong nakakapanood sa umiiyak nyang kapatid at tatay. Ang pangyayaring ito ay maihalintulad ko sa islang nawasak ng bagyong si Yolanda. Masakit sa kalooban yon

Eh kasi naman, para sa mga nagpakahirap na mag-kadete sa Philippine Military Academy, ang makasali sa graduation rites ay ang pinakatuktok ng tagumpay na dapat maabot. 

Napaka-glamorous kasi ang naturang okasyon na punong-puno ng military customs and traditions. 

Andyan ang President at Commander-in-Chief na syang mag-abot ng iyong diploma. Syempre, kung matalino ka ay may bonus ka pang mga medal o kaya saber mula sa mismong Presidente o kaya sa pinuno ng tatlong branches of service ng Armed Forces of the Philippines. 





Makikita sa larawan ang kwento kung bakit napakasarap na mapasama sa isang graduation ceremony sa Philippine Military Academy. (Photos are obtained by the author)

Of course, andyan din yong avid fans mo mula sa iyong family circle na tipong tinitilian ka kapag tinawag ang iyong pangalan. May nagpapatunog ng trumpeta, whistle at nagpapalagabog ng drum. Ang iba nga ay hinihimatay pa sa sobrang tuwa sa mismong okasyon ng graduation. Syempre, minsan-minsan lang yong pakiramdam mo na tila ikaw ay isang 'rock star'. 

Para sa akin, ang pinakaimportante sa lahat ay ang sarap ng pakiramdam na manilbihan sa ating bayan bilang miyembro ng Armed Forces of the Philippines. 

Sa aktwal na paninilbihan sa bayan mo kasi maramdaman ang kakaibang saya kapag nakakatulong sa kapwa lalo na sa mga lugar na napagkakaitan ng serbisyo publiko. 

Para sa mga kaanak lalo na sa mga magulang, pride din nila ang magkaroon ng kapamilya na nasa public service. Kaya nga, naiintindihan ko kung bakit ganon na lang pakikipaglaban ng mga kaanak ni Cadet Cudia at mga kaibigan niya para lamang siya ay mapa-graduate. Alam ko ang kanilang nararamdaman. 

Ang tanong, bakit hindi sya naka-graduate? Sino ang unang may pasya noon? Let us find out. 

Unanswered questions

Nag-research din akong maigi sa kanyang kaso at inungkat ko ang circumstances nito bago ko ito isinulat sa nauna kong artikulo tungkol sa Honor Code. (Paki-click ang link para makita kung bakit ganito ang aking pananaw at maging sa libo-libong mga PMA graduates)

Sorry sa mga kakampi nya, pero hindi mababago ang aking paniniwala na talagang nagsisinungaling si Cadet Aldrin Cudia, ayon don sa nagkawindang-windang nyang mga statements sa delinquency report explanation at maging sa kanyang written appeal na makikita dito sa report ng media. (Paki-click ang link na ito http://www.rappler.com/nation/51467-cadet-cudia-appeal para makita ang mismong dokumento ng kanyang paliwanag)

Sa nababasa natin ngayon at sa mga pahayag ng mga kaanak sa media, ang kanilang question ay sa isyung 8-1 vote (8 Guilty at 1 Not Guilty) ng Honor Committee. Ito naman ang nakasaad diumano sa affidavit ni Commander Junjie Tabuada na kung saan ay nakausap diumano nya si Honor Com member na si Cadet Lagura na syang nag-claim na bumoto ng 'Not Guilty'.

Ayon kasi sa nakagawiang rules and procedures sa Honor System, dapat unanimous vote ang desisyon para mahatulan ng guilty ang akusado. (Di ko sure kung binago ito)

Sa kasong 'Lying'  ni Cadet Cudia, sya ay mapawalang-sala kung totoo na may isang miyembro na naniniwalang hindi talaga sya nagsisinungaling. Si Cadet Lagura na mismo ang makapagpaliwanag nito kung totoo ang kanyang sinasabi na bumoto sya 'Not Guilty' at kung bakit ganon ang kanyang pananaw?

Kung totoo man iyon na si Cadet Lagura ay naniniwalang truthful si Cadet Cudia, ang tanong ko sa kanya ay ganito: Anyare? As an Honor Com member, don't you distinguish palusot and 'the truth and nothing but the truth'? Well, rest assured that I will respect his own opinion.

Ang ganang akin lang, kilitiin ko rin ang isipan ng sino man na kung truthful si Cudia, eh paano pala yong mga kasama nyang late na umamin sa kasalanan? Dapat pala, sila na lang isinalang sa Honor Committee trial? Esep-esep din siguro ang iba na gustong balewalain ang kasinungalingan ni Cudia. (Ibang usapin yon sa isyung me Honor Com member na pinilit bumoto ng Guilty)

Anyway, kung susuriin nating mabuti ang narrative of events, hindi naman talaga si Cadet Cudia mismo ang nagrereklamo at ang naghayag na 8-1 diumano ang naging botohan, kundi ang kanyang kapatid na si Avee na nag-post nito sa kanyang Facebook status.

Kung totoo yong kanilang paratang, eh di dapat pinangalanan nya  agad at nang mapanindigan ng sinasabing lone dissenter (Not Guilty vote) ang kanyang claim na 'pinilit diumano syang baguhin ang kanyang boto'. Easy sana di ba?  

Bakit nga pala ayaw nilang sabihin agad sino ang bumoto ng 'Not Guilty'? Siguro, natakot sila mapangalanan sa dahilang magkaalaman kung sino sya at maraming kadete at mga PMAers kagaya ko ang mag-question paano nya nasabing si Cadet Cudia ay truthful sa kanyang mga statements! Maliban pa doon, isang grave offense ang maglahad ng court proceedings sa publiko at malilintikan sa Conduct iyong mapatunayang lumabag dito

Pero, kung totoo na meron ngang bumoto ng 'Not Guilty' at pinilit din lang na baguhin ang kanyang boto para maging 'Unanimous Decision', malamang ay dapat magkaliwanagan tungkol sa usaping iyan. 

Sa mga naglitawang rumors at half-truths, dumami pa tuloy ang mga katanungang umusbong. Kasama ang mga sumusunod na  mga tanong na hindi pa nasasagot:

1. Totoo ba na pinilit si Cadet Lagura na bumoto ng "Guilty"?

2. Nakasaad ba sa kasalukuyang Honor System rules and procedures na  magkaroon ng 'chambering' para sa  bumoto ng 'Not Guilty'?

Honor Code and Honor System

Let me share sa isa pang katotohanan dyan: Ang konsepto ng Honor Code ay hindi nababago, ngunit ang Honor System ay merong mga adjustments (halimbawa sa sistema ng pag-ostracize ng offender).

Simula noong 'nineteen forgotten', parehas iyang itinuturo sa amin na:"We the cadets do not lie, cheat, steal nor tolerate among us those who do".

Sa Honor System o ang sistema sa pagpapairal ng Honor Code, merong mga pag-aaral paano ito gawing most responsive sa leadership training ng mga kadete. May mga pagbabago na sinubukang ipasunod sa ibang mga younger PMA classes na sumunod sa amin. 

Halimbawa, merong mga panahon na ginawa na lang itong kagaya ng Class 1 Offense sa Conduct. Ang ibig sabihin, kung nahuli kang nagsinungaling, nandaya sa exam o nagnakaw ng gamit, mag-serve ka lang ng punishments kagaya ng 'touring'. 

Sa ganong sistema, merong pagkakataong mag-reform ang mga offenders at sila rin ay may pagkakataon na bumalik sa cadet corps.  

Isa diumano sa halimbawa ng Honor Violator na nabigyan lang ng punishment tours at hinayaang maka-graduate ay ang nahuling nang-clone ng ATM cards na si LtJg Raphael Marcial na miyembro ng PMA 2008. 

Ayon sa isang underclassman na aking nakausap, nagkaroon ng problema sa ganoong changes sa Honor System. Hindi kampante ang mga kadete sa ibang mga offenders na nakakasama nilang muli. 

"Sir, mahirap ibalik ang trust sa mistah na nagnakaw ng pera mo sa kwarto. Dahil may magnanakaw na kadete na nasa barracks, ini-lock namin lagi ang aming mga kagamitan. Nawawala yong kaugalian na open lahat ng gamit at confident ka na never itong maglaho kahit isang buwan ka pang wala sa kwarto," paliwanag nya. 

May tama rin si Dumbguard na nakausap ko. Dagdag pa doon, mawawala na ang credibility ng offender na mamuno ng mga underclass.  

Sa PMA kasi, ina-announce sa publication ang mga kadete na may award at ganon din syempre kapag may punishments. Ito ay parte sa public announcements na ginagawa ng Brigade Adjutant sa kalagitnaan ng noon mess.

Mantakin mo ba naman na i-announce ni 'Bow Wow' (Adjutant) sa mess hall ang ganito:

"For having committed Class 1 Offense, i.e. Stealing the underwear of his classmate on or about 01 2200H December 2005, Cadet 1st Class Bagito Sanamagan is meted 51 demerits, 181 punishment tours and 181 days confinement."

Kakahiya di ba? Yuck, kadiri!  Halimbawa lang iyon na may nahuli na nagnakaw ng panty ng mistah na babae ha.  

Oo nga naman di ba? Sanamasita yan, di bale nang mag-serve ng Class 1 Offense dahil sa kasalanang "Drinking liquor after taps" kaysa Honor Code violation!

Siguro, ito ay isa sa dahilan kung bakit ibinalik 1-2 taon pa lang nakalipas ang nakagawiang rules and procedures sa Honor System.

Sa ngayon, di ko rin alam ano ang naging changes sa Honor System. Unanimous vote pa rin? Meron bang 'chambering' para ipagpaliwanag ang hindi bumoto ng guilty sa kanilang piniling boto? 

Now, kung ang patakaran sa Honor System ay 'Unanimous Vote', then so be it! Simple lang naman din yon, kung may isang hindi bumoto, ACQUITTED agad si Cadet Aldrin Cudia. 

Samantala, kung allowed ang 'chambering' sa kasalukuyang Honor System, then walang problema kung bakit binago yong boto ni Cadet Lagura as he claimed. (Again, hindi rin natin alam ano ang nilalaman ng kasalukuyang rules and procedures ng Honor System ng PMA.)

Bakit di sya maka-graduate?

Maraming nagsasabi na 'fighter' daw si Cudia dahil ipinaglalaban nya ang kanyang karapatan at ang nakikita nyang tama. Well, kung 'fighter' nga sya, bakit di sya bumalik sa corps of cadets?

Kung ako si Cudia at napag-alaman ko beyond reasonable doubt na hindi dapat ako mahatulan ng 'Guilty' ayon sa alleged 8-1 result, ipaglaban ko ito kahit ikamatay ko pa yong aking desisyon. 

Ang isa sana nyang option ay harapin ang consequences ng pagiging ostracized, kung talagang sigurado syang nagka-lokohan sa Honor Committee trial. 

Sa totoo lang, voluntary naman ang pag-resign sa PMA cadetship kung mahatulan ng Guilty sa Honor Committee, at pwedeng deadmahin lang nya ang cold treatment ng mga mistah nya at mga underclass cadets. 

Let me cite an example an Honor Code violator who belonged to PMA Class of 1978. Ayon sa aking kaklase sa Masteral Program na miyembro ng naturang klase, secondclass cadet (3rd year) ng mahatulan ang mistah nya. Dahil gustong maka-graduate, tiniis nya ang dalawang taon na pagiging 'ostracized'. Nag-iisa sya sa kanyang kwarto at walang kumakausap sa kanya. Sa kalagayan nya na iyon, astig sya dahil naka-graduate din. Ngunit, ang problema ay 'ostracized' pa rin sya nang sumali sya sa Philippine Navy. Pati mga enlisted personnel ay hindi namamansin sa kanya. Don na lang nya na-realize na dapat ay mag-resign na lang sya. 

Now, kung tiniis lang ni Cadet Cudia ang 'cold treatment' na less than 3 months before graduation, makakatapos din sya. Kung ginawa nya yon, sana di na tayo umabot sa thrilling question: Can Cadet Cudia make it to graduation?

Ooops, balikan natin ang mga kaganapan. Hindi sya nag-rejoin sa cadet corps, samantalang pwede naman sana. Hindi rin sya ang nagrereklamo sa social media tungkol sa kanyang problema. Hindi rin sya ang nang-aakusa sa Honor Committee ng pambabastos sa Honor Code sa pamamagitan ng 'pagbago' diumano ng boto. Hindi rin naman sya nagsasalita hanggang sa ngayon kung ano ang saloobin nya. Hindi rin sya nakapag-submit agad ng written appeal na kung saan ay binigyan sya ng pagkakataon hanggang March 4. 

Sa aking palagay, alam nya na wala talagang patutunguhan ang 'pasabog' ng kanyang kapatid sa social media. Aminado sya na huli sya sa kanyang nagkanda-lukot lukot na paliwanag para makalusot. 

Sa tanong bakit di sya maka-graduate, sya rin mismo ang dahilan. 
Kung nag-pasya syang mag-rejoin sa cadet corps pagkatapos mahatulan ng 'Guilty', dapat maka-graduate talaga sya sa March 16, regardless kung 'ghost cadet' ang turing sa kanya. Klaro na?

Conclusion

Pero, para magkaliwanagan din tayo, ito naman ang aking posisyon sa allegation against the Honor Committee: Kung totoo na pinilit na baguhin yong boto ng isang Honor Committee Member, dapat abswelto si Cadet Aldrin Cudia, ayon sa procedures ng Honor System na kanilang sinusunod. 

Sa kabilang dako, I have to admit, di ko rin alam ano ang kasalukuyang rules and procedures sa Honor System. Ayaw ko rin silang husgahan hangga't hindi ko alam ang kanilang 'side of the story'.

Sana,  one of these days, magkaalaman din sa katotohanan tungkol sa akusasyon laban sa Honor Committee. 

Again, uulitin ko ang aking paniniwala ayon sa circumstances ng kaso ni Cadet Aldrin Cudia: Palusot ang ginawa mo Dong, kaya ikaw ay guilty sa pagkakasalang Lying.

Fast forward lang, halimbawa ay sampolan ako ni Lt Junior Grade Aldrin Cudia ng 'palusot' na statement kapag magkasama kami sa trabaho, 100% mamalasin sya sa akin.  "Don't lie to me sanamagan!"


Para sa akin, magkakaalaman kung sino ang tunay na maninindigan sa natutunang Honor Code kapag ang isang PMAer ay nasa serbisyo na. 

Dito sa 'real world' ang tunay na hamon paano kaming mga PMA graduates ay maging parte sa solusyon sa napakalaking problema tungkol sa graft and corruption. 

Well, sa kanyang talumpati sa graduation rites sa PMA noong 2012, nananawagan si Presidente Aquino na labanan ng mga newly commissioned officers ang kurapsyon. Dapat ipakita namin yon sa mga sarili naming opisina na meron pa kaming tinatalimang Honor Code! 

Sa active military service namin ipakita ang mahigpit na ipinasapuso na konsepto ng integrity sa PMA. Dito yan magkasukatan kung may hawak na kaming makapangyahirang posisyon, at pinagkatiwalaan ng resources ng pamahalaan. Kapag nasa serbisyo na kasi, hahanapan kami ng taumbayan ng  Courage, Integrity at Loyalty. Mahirap man itong gawin, nararapat lang na ito ay paninindigan.

Ganon pa man, naniniwala ako sa kasabihang, "Veritas Vincit" (Truth Conquers). 


Wednesday, March 05, 2014

Living by the Honor Code: My personal experience (Part 3)



Kaming mga militar ay nai-expose sa tunay na 'mundo' sa labas sa panahong nakakasalamuha na namin ang komunidad na aming ginagalawan.

Dahil kinakailangan naming makasalamuha ang mga sibilyan at maging ang mga ahensya ng pamahalaan, doon namin nakikita ang kaibahan ng ideal environment sa isang institusyon na kagaya ng PMA at ng katotohanan na dapat naming harapin sa labas.

Ang karanasan ko sa aking field assignment sa San Miguel, Bulacan ay ang unang hamon sa akin paano mapanindigan ang natutunang Honor Code sa Philippine Military Academy. 

Sa aking unang naibahaging kwento, umusok ang aking tenga nang mapanood ko sa Magandang Gabi Bayan ang segment na kung saan ay naakusahan ang Army na tumanggap ng P500.00 bawat truck mula sa mga illegal quarry operators sa Mt. Mabio. 

Para sa akin, kabastusan yon at paglapastangan hindi lamang sa aming dangal bilang sundalo ngunit sa buong Sandatahang Lakas. Paano na nga lang ba kung makilala ang kasundaluhan bilang kotong boys? Habang ako ay nasa serbisyo, hindi ko hahayaan na mangyari yan. 

Nagbunga ang usapan namin ni Kapitan Ado nang nagkaroon na ang 7th Scout Ranger Company ng dokumento na nag-deputize sa amin na manghuli ng mga trak na may kargang tea rose marble. 

Para sa amin, peanuts lang na mission iyon. Kung ang mga bandido nga na mahirap hagilapin sa galing magtago ay naiisahan namin, yong mga trak na maiingay pa kaya? 

Simula noon, paisa-isa na naming nahuhuli ang mga trak na nagpupumilit magkarga ng tea rose marble. Agad din naman namin itong dinadala sa PENRO office sa Malolos upang i-turn over sa kanila. 

Ang masaklap nga lang, nababalitaan din namin na na-release at naglaho ring parang bula yong pinagpaguran naming huli. Tila merong 'mahika' bakit nangyari yon. 

Dahil doon, nagpasya kami na sa Fort Magsaysay na dadalhin ang mga trak na mahuli. Don kasi sa kampo ay meron ding Task Force na ang katuwang ng DENR para protektahan ang kalikasan. Kaya namin gusto na doon ang turn-over ng trak dahil wala ring 'are-areglo' ang mga boss doon sa 7ID sa mga panahong iyon. 

Naging cat and mouse ang laro ng mga quarry operators at ng aming hanay. Gumawa sila ng mga taktika kagaya ng paggamit ng bagong lusutan na mga daanan. Mabuti na lang, ang mga inis ding mga residente ang mismong nagturo sa amin kung saan at kelan abangan ang mga nakikipagpatintero sa amin na mga illegal quarry operators. 

Para masiguradong mahinto mismo ang pagdi-dinamita nila at pagtibag ng mga bato doon sa mismong quarry site, nagpasya akong magpatrol para i-surprise ko sila doon. 

Sa madaling salita, ginulantang namin ang mga tao doon sa mismong quarry site at nahuli namin ang kanilang mga kagamitan pati mga pampasabog at mga low-powered fireams. 

Ang insidenteng iyon ang naging hudyat na mahinto ang quarry operations sa lugar, na syang rason kung bakit natapyasan ng malaki ang isang bahagi ng bundok. Ramdam ko ang galit nila sa aming ginawang pagpahinto sa kabastusan nila sa kalikasan. 

Ang areglo

Isang hapon noon nang merong dalawang bisitang nagdatingan para bisitahin ako sa opisina. 

Nagkataon na kasama ko sa mga oras na iyon ang aking Company Commander na si Lt Aquino at ang kanyang mistah na si Lt Jono Pasamonte. 

Lumapit sa amin ang aming First Sergeant na si Msg Rufo Guigue na syang unang kumausap sa bisita na noon ay nag-aantay sa tindahan sa labas. 

"Sir, andyan yong isang quarry operator. Me dalang alak at mga pagkain," sabi nya. 

"Makipag-ayos ata kasi nahuli natin iyong bago nyang trak na ngayon ay nasa Fort Magsaysay."

Naka-smile ang dalawa kong upperclass at agad nakaisip ng isang 'maitim na plano'. 

"Ganito gawin natin Harold. Ikaw umupo sa aking table at kunwari ikaw ang CO. Pakinggan mo lang kung ano ang sabihin nila at desisyunan mo," sabi ni Lt Aquino. 

"Makikinig kami dito sa kwarto ha. Ayusin mo," dagdag ni Lt Pasamonte na tumatawa habang dali-daling pumasok sa kwarto sa gilid lang mismo ng opisina. 

Kinuha ko naman yong paborito kong yantok at isinandal ko sa gilid ng mesa. 

"First, papasukin mo na sila at antayin ko dito sa loob," sabi ko naman kay Msg Guigue, ang aking napakagaling na First Sergeant. 

Nakayuko at tila nahihiya ang dalawang matabang lalaki na pumasok sa aming opisina. Tiningnan ko sila mula ulo ng paa. Ang lalaki ng kulay gintong mga alahas na suot, at nakasukbit ng cellphone. 

Sa pakiramdam ko noon ay tila may lagim na ikakalat sila sa aming kampo. Malikot ang mga mata noong isa at tila ini-estima ang aking hitsura. 

"Magandang hapon po sir. Ang bata po pala ng CO ng mga Rangers dito. Naku po, akala ko kasing edad namin," bolatik noong isa na sobrang halatang Bulakenyo kung magsalita. 

"Magandang hapon din ho. Ano bang maipaglilingkod ko sa inyo at napagawi kayo dito sa aking kampo?" 

"Ganito po, gusto lang po sana naming makipagkaibigan sa inyo. Me dala po kami dineng sugpo at Black Label, magugustuhan nyo po ito," sabi ni Mr Alahas na humihingal habang nagsasalita, na tipong aatakehin na sa puso sa sobrang katabaan. 

"Ay naku sorry po. Sa totoo lang, hindi po ako umiinom. Di ko type ang uminom pero kumakain ako ng sugpo. Ganon pa man, derecha na tayo, ano po ba ang sadya nyo sa akin?"

Napansin ko nagsisikuhan sila sa upuan. Nagtutulakan sino ang magsasalita. Mukhang napilitan na namang magsalita si Mr Alahas.

"Sir, makikiusap po sana kami na kung pwede po ay maibalik na yong trak namin na nasa Fort Magsaysay. Gusto rin po sana naming maipagpatuloy ang konting hanap-buhay naming nahinto," sabi nya.

"Kuyang, tungkol po sa trak, doon na po nyo yon i-claim sa Fort Magsaysay. Kinakasuhan po kasi kayo ng illegal quarrying eh. Paano naman kasi protected area yang Mt Mabio. Di na kayo nakonsensya na tapyasin nyo at sirain yon?"

"Naintindihan naming bawal po sir. Pwede naman pong mapag-usapan yon kagaya ng ginagawa namin sa mga kaibigan nating mga opisyales dito. At....ganito sir, di sa pag-aano, kaya po naming itabi para sayo ang P5,000.00 per truck na makargahan natin."

Iyon na nga. Grabe ang inis ko dahil sa offer na maging parte ako sa kabulastugan nila sa pamamagitan ng pagtanggap ng lagay. Mantakin mo ba naman, minimum 5 na trak daw ang makargahan sa isang gabi. Mabilisang pagyaman yon, pikitan lang ng mata!

"Pare, wala akong pakialam sa pera nyo. Wag nyo kaming turuan ng kalokohan. Nakita mo yang yantok? Wag nyong antayin na magamit yan na pang-desisyon!"

Sa pagkakataon na yon, di nakatiis na lumabas si Lt Pasamonte sa kanyang lungga. 

"Sanamagan, ano ba talaga gusto nyo ha?"

Tila nakakita ng tigre, dali-daling nagsipagtayuan ang dalawang bisita at lumabas sa pintuan. 

"Hindi po sir. Hindi po sir. Wag po. Hayaan nyo na po!" 

Nang umarangkada na ang sasakyan ng dalawa, grabe ang halakhakan ng dalawa kong upperclassmen sa PMA. 

"Kakatakot ka palang CO! Tama yon, wag kang magpadala sa mga mokong na iyon!"

Sa unang pagkakataon noong 1996, complete stop ang marble operations sa Mt Mabio na parte sa Biak na Bato National Park. 

Naisip ko, siguro naka-smile ang kaluluwa ni Emilio Aguinaldo dahil sa 'tagumpay' na aming nakamtan sa mga panahong iyon. 

(Ipagpatuloy)

Thursday, February 27, 2014

Living by the honor code: My personal experiences (Part 1)




Throwback picture of the members of the Army Shooting Team that was taken sometime in September 2005. I was part of the team which participated in the prestigious Australian Army Skill at Arms Meeting in New South Wales, Australia. We were required to shoot in two separate events (pistol and rifle) in this particular competition. (MTU photo)


Sa dami ng tanong kung umiiral o pinaiiral pa ba namin ang Honor Code pagkatapos ng aming pre-entry training (Cadetship or Candidate Soldier Course), dapat kong mag-share ng mga halimbawa na ito ay hindi namin kinakalimutan. 

Ako ang proponent ng localized version ng Rifle Marksmanship Manual na ini-evaluate namin simula noong 2005 sa  Marksmanship Training Unit, na kung saan ay pinagtulungan namin ang pag-establish ng maka-Pilipinong Actions, Conditions and Standards sa Record Firing nito. 

Ang record firing sa M16A1 Rifle ay binubuo ng 50 rounds at sa layong 50m, 100m, 150m, 200m at 250m. Ito ay merong time pressure at iba-iba ang time limits at number of rounds. 

Isa ako noon sa naging batikang miyembro ng shooting team. 'Peanuts' lang sa akin ang bumaril ng man-size targets sa standing, kneeling at prone. 

Bilang Head ng Marksmanship Department, ako ang nangunguna sa pagpapatupad sa mga standards at pati sa procedures ng Record Firing na inaprubahan ng aming Commanding Officer na si Major Leo Guinid. 

Ako rin ang nag-design ng score sheet nito na dapat ay pinipirmahan ng shooter at ng Range NCO bilang patunay na totoo ang mga nakasulat ditong mga scores.

Hindi ko alam na isang araw, masusukat ang katapatan ng aking mga tauhan sa pagpapatupad sa regulasyon tungkol sa scoring procedures.

Honesty ng Marksmanship Trainers

Kahit noon pa man, mahigpit kong ipinasusunod ang honesty sa aming record firing at maging sa scoring ng aming targets kapag mag-ensayo kami para sa nalalapit na kompetisyon sa ibang bansa.

Naalala ko kasi na noong 1995 nang ako ay isinama sa training ng Army Shooting Team, naririning ko na merong akusasyon ng pandaraya diumano sa score. Sila-silang mga datihang mga shooters ay hindi nagtitiwalaan sa kanilang mga scores kaya nagbabantayan lagi kapag mag-tingin sa target para bilangin ang tama. Minsan, unhealthy na ang ganitong kalakaran.

Dahil dito,  pinapaalala ko sa bawat isa na mga kasama ko na shooters at trainers ang kahalagahan ng honesty. 

Kapag mapatunayang mandaraya at tanggal sa team at haharap pa ng kaso, on top sa kahihiyan na makikilalang mandaraya. 

Sa Record Firing naman, pinapaalala ko na ang kahalagahan ng pirma. Kung pumirma sila sa score sheet, ang ibig sabihin nito ay pinapatunayan nila ang katotohanan ng kanilang dokumento. 

Karagdagan doon, ini-remind ko na kung dinadaya din lang ang score ng aming mga estudyante o mga kasamahan, we are defeating the purpose. Kapag ginawa rin namin yon, dinadaya din namin ang aming sarili. Ni-remind ko sila na nagpapainit na nga lang kami ng buong araw, ayusin na namin ang pagpapatupad nito. 

Ang ibig sabihin noon, walang pabor-pabor, walang kai-kaibigan, at walang pasang-awa sa scoring. Kung ano nakita sa target, iyon ang score!

Para sa aming mga shooters, nais namin na kami ay makakakuha ng Expert Qualification na ang raw score ay 50 pts o 50 bullet holes o tama sa target out of 50 rounds fired. 

Kahit ang raw score ng 'Expert' ay 44pts-50pts, lahat kami ay nag-aasam na makakuha ng perfect score! As much as possible, ayaw namin ng mintis. 



Dahil nga sa panay kami mga marksmanship instructors at mga miyembro ng shooting team na nakikipagtunggali sa abroad, kaming lahat ay nagpapagandahan ng 'shot group' sa target. 

In short, ang simpleng Rifle Marksmanship Record Fire ay naging highly-competitive para sa amin dahil sa minimithing 'karangalan' na makakuha ng perfect score!

Sa aming kantyawan, ang shooter na merong AWOL (literally means Absent without Official Leave) o mintis sa target (kahit isa lang) ay mataguriang 'Bolo Man'! 

Well, actually ang tunay na Boloman o unqualified sa Record Firing ay yong hindi umaabot ng 33 hits ang minimum na tama sa target. 

Minsan naman kasi, di rin matiis ang kantyaw para sa mga nataguriang 'Boloman' na either nerbyoso o talagang malabo ang mata.

"Panay molecules lang kaya mong barilin. Hindi ka pwedeng gumamit ng M16 Rifle sa bakbakan at sasayangin mo lang din ang bala. Itak ang iyong dalhin!"

Ay naku po! Kakahiya at kakatakot maging Boloman!

Makikita sa larawan ang Boloman na binigyan ng itak bilang tanda sa kanyang kapalpakan sa Marksmanship kahit pa man sa mga remedial training at sa extra ammunitions na ibinibigay sa kanya. (MTU photo)

I can still clearly recall an event in 2006 when I took the Rifle Marksmanship Qualification Record Firing to re-qualify and be granted the prestige to wear the prestigious Marksmanship Badge. 

Pawang mga kasamahang shooters at marksmanship trainers ang nagbabantay sa amin. Sila na rin ang aming mga scorers.

Sa mga panahong kami-kami na lang, doon nagkakasubukan sino ang merong integridad sa sinasabi at ginagawa.

One hole or 'AWOL'?

Nang ako ay sumalang sa firing line, ang aking Range Officer/Scorer ay ang aking kapwa Ranger at Sniper na si Cpl Steven "Kru" Dela Cruz.  

Maliwanag ang araw at katamtaman lang ang ihip ng hangin at ito ay estimated ko na nasa 5km per hour. Bilang shooter, computed ko na ang hold-off (compensation ng sight picture) o kaya ng 'clicking' (sight adjustments), alinsunod sa wind velocity na nakita. 

Perfect ang aming mga scores hanggang 200 meters (38hits/38rounds). Nagdadasal-dasal na kami nang sumalang na kami sa 250 metro. 

"Hoy hangin, wag kang umihip!"

Ang kakainis pa, merong nang-iinis na sumisipol-sipol sa likuran na tila nagtatawag ng hangin. Ewan kung totoo yong sabi-sabi na pantawag nga raw ito ng hangin. 

Inirapan ko ng tingin ang sutil na si Msg Dragu Agustin na syang 'nagtatawag' ng hangin.

"Pssst! Lakay Dragu, walang ganyanan!"




Sa 250 meters na layo, prone unsupported (dapa) ang required shooting position at may time limits ito. 


Napaka-swabe ng aking shot delivery at kitang-kita ko ang tip ng aking front sight na bumabalik sa aking natural point of aim (NPA) pagkatapos ng recoil. Kampante ako sa aking follow through. 


Ehemplo ng tinatawag na 'shot group' (tabi-tabing tama ng bala) na makikita sa target. Kuha ang larawan sa tunggalian ng pagtudla sa Australian Army Skill at Arms Meeting na aking sinalihan noong October 2005. (Marksmanship Training Unit photo)


Dahil sobra rin akong excited na makuha ang 'bragging rights' bilang perfect scorer, naka-double time kaming nagtungo sa aming target.


Nang marating namin ang target, ang ganda ng aking shot group. Nagtinginan tuloy silang aking mga kasama nang makita ang halos 5-6 inches spread nito sa gitna mismo ng Ring 5 at "V" (Bullseye).

Kahit si TSg Willy Carrera na kasama kong pumutok ay bumilib sa aking tama at syang napamangha.

"Iyan ang perfect!"

Ngunit ang aking scorer na si Cpl Dela Cruz ay may kakaibang nakita.

"Uy sir, nagka-AWOL ka rin!" Nakangisi sya. 

"Sir, kulang ng isa at 11 hits ka lang dito eh!"


Sobra akong bilib sa sarili at wala akong 'shot call' na mintis. Tinawag ko ang ibang mga kasamahang nagyayabang kasi sila ay naka-perfect! Ngising demonyo sila. Kasi, sa aming usapan, 'karangalan' ang nakataya.

"Gentlemen, patingnan ko nga sa inyo. AWOL daw ako oh. Ganda kaya ng shot group ko. Baka nag-one hole!"

Hati-hati ang kanilang opinion sa kanilang nakita. 

"Sir, one hole naman talaga yang isa oh. Mas malaki sa normal ang butas," sabi ni SSg Oropesa.

"Mukhang hindi ito one hole sir. Kaya lumaki kasi nasira ang target board sa likuran ng papel," sabi naman ni SSg Manuntag. "Sir, gusto mo pakuha tayo ng shot gauge?" 

Ang shot gauge ay ang gadget na ginagamit para mausisang mabuti kung may nag-one hole nga na tama sa target.

"Kay Cpl dela Cruz ang final answer," sabi ko. "Ayaw ko nang pagpaguran nyo pa yan!"

"Sir, sa paningin ko, talagang mintis ka kaya 49 pts ka lang," final judgment ng aking ka-Musang na si Steven.

Pinirmahan naming dalawa ang aking score sheet. Pangisi-ngisi ang aking mga tauhan na aking mga kalaban sa 'payabangan'. 

"Magmulta si Boloman. Mura lang pancit sa Verdiz!"

In short and simple language, hindi ako naka-perfect. Para tumahimik silang lahat, pinalamon ko ng masarap na pancit. 

Expert pa rin ang aking marksmanship qualification bagkus napasama ako sa kantyawan na 'Boloman'.  

Bilang officer, hindi ako nang-pressure gamit ang aking ranggo at posisyon para ipagpilitan ang aking paniniwala na 'one hole' ang aking tama. 

Bumilib ako sa aking subordinate kasi hindi sya pasipsip na minsan ay dahilan ng insidente ng dishonesty sa tungkuling ginagampanan. 

Ang aking 49/50 na iskor ay nakatatak sa orders ng marksmanship qualification na hanggang ngayon ay nakalagak sa aking taguan.

Kung mapanatiling professional ang mga officers at NCOs, ang Honor Code ay aming mapaninindigan.