Wednesday, March 05, 2014

Living by the Honor Code: My personal experience (Part 3)



Kaming mga militar ay nai-expose sa tunay na 'mundo' sa labas sa panahong nakakasalamuha na namin ang komunidad na aming ginagalawan.

Dahil kinakailangan naming makasalamuha ang mga sibilyan at maging ang mga ahensya ng pamahalaan, doon namin nakikita ang kaibahan ng ideal environment sa isang institusyon na kagaya ng PMA at ng katotohanan na dapat naming harapin sa labas.

Ang karanasan ko sa aking field assignment sa San Miguel, Bulacan ay ang unang hamon sa akin paano mapanindigan ang natutunang Honor Code sa Philippine Military Academy. 

Sa aking unang naibahaging kwento, umusok ang aking tenga nang mapanood ko sa Magandang Gabi Bayan ang segment na kung saan ay naakusahan ang Army na tumanggap ng P500.00 bawat truck mula sa mga illegal quarry operators sa Mt. Mabio. 

Para sa akin, kabastusan yon at paglapastangan hindi lamang sa aming dangal bilang sundalo ngunit sa buong Sandatahang Lakas. Paano na nga lang ba kung makilala ang kasundaluhan bilang kotong boys? Habang ako ay nasa serbisyo, hindi ko hahayaan na mangyari yan. 

Nagbunga ang usapan namin ni Kapitan Ado nang nagkaroon na ang 7th Scout Ranger Company ng dokumento na nag-deputize sa amin na manghuli ng mga trak na may kargang tea rose marble. 

Para sa amin, peanuts lang na mission iyon. Kung ang mga bandido nga na mahirap hagilapin sa galing magtago ay naiisahan namin, yong mga trak na maiingay pa kaya? 

Simula noon, paisa-isa na naming nahuhuli ang mga trak na nagpupumilit magkarga ng tea rose marble. Agad din naman namin itong dinadala sa PENRO office sa Malolos upang i-turn over sa kanila. 

Ang masaklap nga lang, nababalitaan din namin na na-release at naglaho ring parang bula yong pinagpaguran naming huli. Tila merong 'mahika' bakit nangyari yon. 

Dahil doon, nagpasya kami na sa Fort Magsaysay na dadalhin ang mga trak na mahuli. Don kasi sa kampo ay meron ding Task Force na ang katuwang ng DENR para protektahan ang kalikasan. Kaya namin gusto na doon ang turn-over ng trak dahil wala ring 'are-areglo' ang mga boss doon sa 7ID sa mga panahong iyon. 

Naging cat and mouse ang laro ng mga quarry operators at ng aming hanay. Gumawa sila ng mga taktika kagaya ng paggamit ng bagong lusutan na mga daanan. Mabuti na lang, ang mga inis ding mga residente ang mismong nagturo sa amin kung saan at kelan abangan ang mga nakikipagpatintero sa amin na mga illegal quarry operators. 

Para masiguradong mahinto mismo ang pagdi-dinamita nila at pagtibag ng mga bato doon sa mismong quarry site, nagpasya akong magpatrol para i-surprise ko sila doon. 

Sa madaling salita, ginulantang namin ang mga tao doon sa mismong quarry site at nahuli namin ang kanilang mga kagamitan pati mga pampasabog at mga low-powered fireams. 

Ang insidenteng iyon ang naging hudyat na mahinto ang quarry operations sa lugar, na syang rason kung bakit natapyasan ng malaki ang isang bahagi ng bundok. Ramdam ko ang galit nila sa aming ginawang pagpahinto sa kabastusan nila sa kalikasan. 

Ang areglo

Isang hapon noon nang merong dalawang bisitang nagdatingan para bisitahin ako sa opisina. 

Nagkataon na kasama ko sa mga oras na iyon ang aking Company Commander na si Lt Aquino at ang kanyang mistah na si Lt Jono Pasamonte. 

Lumapit sa amin ang aming First Sergeant na si Msg Rufo Guigue na syang unang kumausap sa bisita na noon ay nag-aantay sa tindahan sa labas. 

"Sir, andyan yong isang quarry operator. Me dalang alak at mga pagkain," sabi nya. 

"Makipag-ayos ata kasi nahuli natin iyong bago nyang trak na ngayon ay nasa Fort Magsaysay."

Naka-smile ang dalawa kong upperclass at agad nakaisip ng isang 'maitim na plano'. 

"Ganito gawin natin Harold. Ikaw umupo sa aking table at kunwari ikaw ang CO. Pakinggan mo lang kung ano ang sabihin nila at desisyunan mo," sabi ni Lt Aquino. 

"Makikinig kami dito sa kwarto ha. Ayusin mo," dagdag ni Lt Pasamonte na tumatawa habang dali-daling pumasok sa kwarto sa gilid lang mismo ng opisina. 

Kinuha ko naman yong paborito kong yantok at isinandal ko sa gilid ng mesa. 

"First, papasukin mo na sila at antayin ko dito sa loob," sabi ko naman kay Msg Guigue, ang aking napakagaling na First Sergeant. 

Nakayuko at tila nahihiya ang dalawang matabang lalaki na pumasok sa aming opisina. Tiningnan ko sila mula ulo ng paa. Ang lalaki ng kulay gintong mga alahas na suot, at nakasukbit ng cellphone. 

Sa pakiramdam ko noon ay tila may lagim na ikakalat sila sa aming kampo. Malikot ang mga mata noong isa at tila ini-estima ang aking hitsura. 

"Magandang hapon po sir. Ang bata po pala ng CO ng mga Rangers dito. Naku po, akala ko kasing edad namin," bolatik noong isa na sobrang halatang Bulakenyo kung magsalita. 

"Magandang hapon din ho. Ano bang maipaglilingkod ko sa inyo at napagawi kayo dito sa aking kampo?" 

"Ganito po, gusto lang po sana naming makipagkaibigan sa inyo. Me dala po kami dineng sugpo at Black Label, magugustuhan nyo po ito," sabi ni Mr Alahas na humihingal habang nagsasalita, na tipong aatakehin na sa puso sa sobrang katabaan. 

"Ay naku sorry po. Sa totoo lang, hindi po ako umiinom. Di ko type ang uminom pero kumakain ako ng sugpo. Ganon pa man, derecha na tayo, ano po ba ang sadya nyo sa akin?"

Napansin ko nagsisikuhan sila sa upuan. Nagtutulakan sino ang magsasalita. Mukhang napilitan na namang magsalita si Mr Alahas.

"Sir, makikiusap po sana kami na kung pwede po ay maibalik na yong trak namin na nasa Fort Magsaysay. Gusto rin po sana naming maipagpatuloy ang konting hanap-buhay naming nahinto," sabi nya.

"Kuyang, tungkol po sa trak, doon na po nyo yon i-claim sa Fort Magsaysay. Kinakasuhan po kasi kayo ng illegal quarrying eh. Paano naman kasi protected area yang Mt Mabio. Di na kayo nakonsensya na tapyasin nyo at sirain yon?"

"Naintindihan naming bawal po sir. Pwede naman pong mapag-usapan yon kagaya ng ginagawa namin sa mga kaibigan nating mga opisyales dito. At....ganito sir, di sa pag-aano, kaya po naming itabi para sayo ang P5,000.00 per truck na makargahan natin."

Iyon na nga. Grabe ang inis ko dahil sa offer na maging parte ako sa kabulastugan nila sa pamamagitan ng pagtanggap ng lagay. Mantakin mo ba naman, minimum 5 na trak daw ang makargahan sa isang gabi. Mabilisang pagyaman yon, pikitan lang ng mata!

"Pare, wala akong pakialam sa pera nyo. Wag nyo kaming turuan ng kalokohan. Nakita mo yang yantok? Wag nyong antayin na magamit yan na pang-desisyon!"

Sa pagkakataon na yon, di nakatiis na lumabas si Lt Pasamonte sa kanyang lungga. 

"Sanamagan, ano ba talaga gusto nyo ha?"

Tila nakakita ng tigre, dali-daling nagsipagtayuan ang dalawang bisita at lumabas sa pintuan. 

"Hindi po sir. Hindi po sir. Wag po. Hayaan nyo na po!" 

Nang umarangkada na ang sasakyan ng dalawa, grabe ang halakhakan ng dalawa kong upperclassmen sa PMA. 

"Kakatakot ka palang CO! Tama yon, wag kang magpadala sa mga mokong na iyon!"

Sa unang pagkakataon noong 1996, complete stop ang marble operations sa Mt Mabio na parte sa Biak na Bato National Park. 

Naisip ko, siguro naka-smile ang kaluluwa ni Emilio Aguinaldo dahil sa 'tagumpay' na aming nakamtan sa mga panahong iyon. 

(Ipagpatuloy)

7 comments:

  1. Jimbox checking in! Ayus sir.

    ReplyDelete
  2. wow! isa ka pala sa mga bayani ng biak na bato sir.. guddyab sir! idol na talaga kita.. :)

    ReplyDelete
  3. Good job Sir...saludo ko sa inyo... sana ganyan lahat ng opisyal

    ReplyDelete
  4. Ser pwede po ba kayo magsulat about personnal experiece nyo on corruption sa military and about corrupt officers.. without naming names..tnx

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ser pakilagay na rin po kung anong ginawa niyo? at kung anong kinahantungan ng ginawa niyong pagsupil sa corruption? salamat

      Delete
  5. great job... you must be the future afp chief of staff.....

    ReplyDelete
  6. Wow sir ang galing nyo po. Actually taga sibul po ang nanay ko, wala nga lang po akong balita kung hanggang ngayon wala na talagang nag quarry dun kasi balikbayan din ako di pa ako nakakauwi sa san miguel hehe
    Sana sir ipagpatuloy nyo po yan!!

    ReplyDelete