Thursday, March 06, 2014

Ang mga armadong grupo sa Sulu: Kalaban o kakampi? (Leadership Experience Part 21)


Kasama ko sa larawan ang isa sa mga grupo ng CVOs sa Bgy Tiptipon, Panglima Estino, Sulu. Mainit ang kanilang pag-tanggap sa aking yunit nang kami ay dumating dito noong mid-October 2000. Iilang metro lamang sa bahay na ito ay matatagpuan naman ang bahay ni Indah Taas, isa sa anak ni Princess Tarhata na nababasa natin sa history books bilang isa sa anak ni Sultan na ipinadala sa America para mag-aral ng pagiging guro. Makikita rin sa larawan ang isang antique na Kris na gusto kong bilhin kahit P20k ngunit ayaw talagang ibenta ng may-ari na si Bgy Captain Gasman. (10SRC Photo)




Kung hindi mo naaral ang tunay na kasaysayan ng Sulu, kailangan mong tumira dito para malaman mo ang mga bagay-bagay na hindi nakasulat sa mga libro.

Minsan masalimuot ang labanan dito. Kung baguhan ka, siguradong ikaw ay malilito lalo na kung hindi ka binigyan ng sapat na kaalaman tungkol sa mga elemento na dapat ay nilalaman sa first paragraph ng OPORD (military plan), ang Situation. 

Ano ba yon? Ang letter S (Situation) sa SMESC na acronym sa 5 paragraphs na plano ng military operations ay dapat naglalaman sa dalawang sub-paragraphs: a. Enemy situation, at, b. Friendly situation. 

Di sa paninisi ngunit hindi detalyado ang mga impormasyon na nakukuha namin tungkol dito. As combat leaders, it is now our initiative to find out. Ang problema, kung nagkukulang ka sa initiative o kaya ay maling tao ang nalapitan mo. 

Sa totoo lang, kagaya sa iba't-ibang mga lugar sa Muslim Mindanao, karaniwan nang makikita ang mga armadong grupo. 

Sa mixed communities, natural lang na nag-aarmas ang mga Kristiyano na traditional nang nakakaaway ang mga katutubong Muslim kagaya sa Basilan, Zamboanga, Sultan Kudarat at North Cotabato. 

Kung bakit nagkaganyan ang sitwasyon, iniimbita ko kayong basahin ang kasaysayan kung saan nagsimula ang hidwaan na ito. Clue! Clue! Hmmm. Di ba mga Christianized na mga Bisaya ang kasama sa dinala sa Mindanao nang kinalaban ng mga Espanyol ang mga Muslim doon? 

Armadong grupo

Hindi na lingid sa aking kaalaman na napakarami ng armadong grupo sa lalawigan ng Sulu. Parehas lang sitwasyong ito sa una kong field assignments sa Sirawai noong 1995, Central Mindanao noong 1997 at sa Basilan noong 1998.  

Ang kaibahan sa Sulu, ang karamihan sa mga armado ay mga katutubong Tausug. Actually, sila-sila ay nagbabarilan din kapag merong away sa lupa, sa mga hidwaan sa pamilya at lalo na sa larangan ng pulitika. 

Ang una kong nakasalamuhang mga armado sa Sulu ay ang hanay ng MNLF sa Talipao na syang parte sa sumalubong sa amin nang pinasok namin ang Bgy. Mabahay at ang Buhangin Puti simula noong September 16, 2000. 

Interestingly, mas dumami ang mga nakikilala at nakikita kong mga armed groups nang na-redeploy ang Light Reaction Battalion sa Eastern Sulu.  

Pagkatapos kasi na ma-release ang mga miyembro ng Jesus Miracle Crusade sa Talipao, dinala naman kami sa bayan ng Panglima Estino para doon magsagawa ng military operations. 

Dahil sa labo-labo pa sa amin sino ang kakampi at sino ang kaaway sa mga armadong nakikita sa mga komunidad na aming nadaraanan, nirerequest namin parati na may escorts kaming armored vehicles kagaya ng Simba ng Light Armor Brigade. 

Para sa akin, hindi ako kampante na may mga armadong pasuot-suot ng uniporme at kahalo ng mga nakatsinelas at naka-rain boots na aming madaanan. 

Kahit pakaway-kaway at naka-smile naman, hindi kami nagku-kumpyansa sa kanila kasi pwede silang mag-wasiwas ng niraratrat na baril sabay takbo. 

Dahil dyan, ginawa kong SOP na nakatayo ang tropa at nakaharap sa gilid ng trak upang handa silang kumalabit at makipagbarilan kung kinailangan, ayon sa aming training sa counter vehicular ambush. 

Minamarkahan ko sa mapa ang mga lugar na merong presensya ng armadong grupo kagaya ng Kabuntakas, Danag, Libug-Kabaw, Tiptipon at sa Punay (Panglima Estino proper). Noong una, hindi ko pa ma-distinguish kung sino ang 'Red Forces' (siguradong kalaban), 'White Forces' (Neutral o Malabo ang loyalty) at ang 'Blue Forces' (Loyal sa military). Napakahirap minsan ang aming kalagayan at saka mo malaman na kalaban nga by the time na nakipagbarilan na. 

Nang dumating kami sa aming staging area sa crossing Bgy Tiptipon, kinausap ko ang taga 'intel community' na kasama namin tungkol sa mga armadong grupo na aming nadadaanan at sa peripheries ng bagong AO (Area of Operations).

Ini-reflect ko ito sa mapa at nilagyan ko ng legend:

1.  Danag- Mayor Tulawie's armed followers (Friendly to military)
2. Kuhao- Konsehal Midian (Friendly but enemy of Tiptipon residents)
3. Libug Kabaw--CVO (Civilian Volunteers na friendly pero questionable)
4. Tiptipon- CVO led by Bgy Captain Gasman (friendly and loyal to military but archenemy of Midian's Group)
5. Punay (Panglima Estino proper)- armed followers of Mayor 'Maas Bawang' Estino, at ang isang grupo ng MNLF na pinamunuan ng pinsan nyang isa ring Estino.

Sa mga panahong iyon, ang mga 'natatakan' o kilala bilang Abu Sayyaf kagaya nina Robot, Susukan, Dr Abu, Patta, Nadzmie Sabtullah at Radullan Sahiron a.k.a. Commander Putol, ay highly-mobile sa magugubat at bulubunduking lugar.

Di ko na lubos maarok  bakit nauso ang culture of violence doon. Kung suriin mo naman talaga sa kasaysayan, mapag-alaman mong palaban ang mandirigmang Tausug. Katunayan, successful sila sa pag-reinforce sa kaanak ng Sulu Sultan na taga Borneo sa panawagan nito na tulungan sya sa armed violence doon. Kaya nga ibinigay ang Sabah sa kay Sultan, di po ba?

Noong panahon naman ni Marcos, 'divide and conquer' ang ginawa ng pamahalaan dito. Inarmasan ng gobyerno ang tinaguriang 'Magic 8' (MNLF Commanders) para kalabanin ang dating mga kasamahan. Actually, ginawa silang town mayors at may ranggo pa bilang opisyal sa Special Protection Force (in short, armed group) na inarmasan naman ng M1 Garand Rifles. Si Mayor Maas Bawang Estino ay isa sa mga orihinal na 'Magic 8' noong 1970s. Si dating Luuk Vice Mayor Marcial Navata mismo ang nag-lahad sa akin ng impormasyon na ito.

Dahil sa mga circumstances na yaon,  accepted na rin iyon na halos lahat ng mga bahay ay merong mga armas. Bakeeeet? Una, sign of masculinity yon. Kung dati ay pagandahan ng barong at kris, ngayon naman ay paastigan ng kalibre ng baril. Nakakakita nga ako doon ng baril na may ornaments pa. The higher the caliber at the more unique your gun, the more 'astig' you are. Pangalawa, hindi na-recover ng AFP ang lahat ng mga firearms na na-issue sa SPF noong 1970s. 

So, itong mga taong dati ay nasa hanay ng SPF, pinamana sa mga anak nila ang mga issued firearms sa kanila. Ang kagandahan naman, may sense of loyalty sila sa Army at buo pa rin sila. Hindi rin naman sila nag-Abu Sayyaf. Katunayan, ang bukambibig sa akin ng mga taga Punay ay ganito:

"Sel, kakampi nyo kami. Asset kami ni Ramos (FVR) noong andito pa sya nakadestino sa Sulu."

Sa kabilang dako, ang kagaya ni Galib Andang a.k.a. Robot at Commander Putol ay ang mga MNLF na kinalaban ng grupo ng SPF.

By the way, alam nyo, naglalaway sila sa aking Cal. 556mm AUG Steyr na carbine length, at may secondary weapon pa akong sobra 100yr old na Barong sa aking bewang at kasing-bangis na 'pispis' (anting-anting) sa aking ulo. Nakakita sila ng katapat na astig sa gamit.

Nang ako ay namuno sa 10th Scout Ranger Company sa pakikipaglaban sa mga bandido sa Sulu, gamit ko rin ang mga 'bertud' o 'anting-anting' na pinaniniwalaan ng mga kapatid kong Tausug. Simula nang ginamit ko ang mga ito, hindi na ako natamaan sa mga bakbakan na nadaanan, ngunit marami sa aking mga tauhan ang naging wounded in action o WIA. (10SRC Photo)


So, nakita mo na? Di talaga madali ang makipaglaban sa Sulu. Hindi mo pwedeng awayin lahat. Ayaw mong magdagdag ng kalaban. 

Kung ikaw ang Commander, gawan mo ng diskarte paano i-handle ang armadong grupo kasi di mo na basta-basta mabago ang sitwasyon na iyon. 

Siguro, kung magagawan mo ng paraan paano impluwensahan ang mga armadong grupo na yakapin ang mapayapang daan, excellent di ba? 

(Ipagpatuloy)



1 comment:

  1. sir, may picture ka ng pispis kahit yung hindi sa iyo...

    Regards,
    -Jojo

    ReplyDelete