Makikita sa larawan ang arko ng Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan na ngayon ay syang tahanan ng First Scout Ranger Regiment simula noong 1996 nang inilipat ang buong yunit mula sa Fort Bonifacio, Makati City. Ayon sa mga kwento, kaya nakatagilid ito ay dahil sa hinukay ito ng iilang treasure hunters na nag-akalang may itinago ditong Yamashita Treasure ang mga Hapon na gumamit dito bilang kampo noong World War II.
Noong ika-5 ng January 1996, ako ay nag-report sa aking pinakaunang field unit, ang 7th Scout Ranger Company na naka-base sa Camp Tecson, San Miguel, Bulacan.
Kagagaling ko rin sa bakasyon dahil isinalaksak ako sa training ng shooting team ng Army Shooting Team sa nakaraang ASEAN Armies Rifle Meet na kung saan ay host ang Pilipinas noong November 1995.
Ang 7th SRC ay pinamunuan ni 1st Lt Jason LY Aquino, ang yunit ay kararating din mula sa combat deployment nito sa Central Mindanao bilang miyembro ng binuong Task Group Panther Cotabato-Maguindanao (COMAG). Ang Ex-O naman dito ay si 2nd Lt Michael Banua. Bilang most junior, ako ang naging Platoon Leader at Admin Officer.
Wild, wild, west of Bulacan
Ang Bgy Sibul sa San Miguel, Bulacan ay tinaguriang 'wild, wild, West' na lugar. Marami sa mga tao dito ay may armas at karaniwan nang naririnig ang putok ng baril tuwing may nalalasing at tuwing may nagsisigaan.
Agrikultura ang pangunahing hanapbuhay ng mga mamamayan dito sa lugar. Naglipana rito ang mga mango plantation at maging mga babuyan at manukan.
Samantala, sikat din ang Sibul dahil sa tea rose marble na minimina mula sa Mt. Mabio na matatagpuan sa hangganan ng San Miguel at karatig bayan ng Dona Remedios Trinidad (DRT).
Although ipinagbabawal ang pag-quarry dito, walang habas ang pagtabas nila sa napakagandang bundok na ito. Ang Mt Mabio ay parte naman sa makasaysayang taguan ni Emilio Aguinaldo at kanyang mga tauhan sa paanan nito na kung tawagin ay Biak-na-Bato.
Mabigat man sa aking damdamin ang kabulastugan ng mga abusadong armadong nilalang dito at lalo na yong mga naglapastangan sa Mt Mabio na isang protected area, wala kaming nagagawa kasi hindi namin ito direktang mandato.
Katunayan, araw-araw ang pagdaan ng mga trak na bumababa galing sa bundok, lulan ang naglalakihang bloke ng red marble na diumano ay pang-export pa sa abroad.
Dahil kami ay nasa retraining, pinag-igihan namin ang pagsagawa ng iba-ibang training activities bilang paghahanda sa posibleng pagdeploy ng aming kumpanya sa frontlines.
Paminsan-minsan, nagpa-patrol din kami sa 20km-radius ng Camp Tecson na kung saan ay meron ding presensya ng mga bandidong NPA, mga armadong organized crime groups. Nakikita at nakakasalubong man namin ang mga trak ng illegal quarry operators, hindi namin ito pinapakialaman dahil trabaho ito ng DENR at ng PNP.
Ang 'lagay' sa Army
Isang gabi noon ay nanonood kami ng palabas ni 'Kabayan' Noli De Castro na 'Magandang Gabi, Bayan' na kung saan ay tinalakay nya ang illegal quarrying sa Mt Mabio.
Dahil ang topic ay tungkol sa lugar na aming kinalagyan, seryoso kami sa pakikinig.
Isa sa naging interviewee sa naturang episode ay ang Punong Baranggay ng Sibul na si Amado 'Ado' De Rueda.
Nang sya ay nagsalita tungkol sa isyu ng illegal quarry operations sa protected area ng National Park, muntik na akong malaglag sa upuan sa kanyang deklarasyon:
"Actually, pati ang Army ay tumatanggap ika ng lagay na P500.00 per truck eh."
Sanamasita. Umakyat ang dugo sa ulo ko. Unfair yon sa amin. Di naman kami tinanong kung totoo ito. Inis na inis ako kay Kap.
Kinaumagahan, nagpasya ako na puntahan si Kapitang Ado para komprontahin. Nagsuot kaming lahat ng Black Suit at kasama ko ay 4 na armed escorts bilang security. Sa dami ng armado sa Sibul, ayaw ko namang maisahan. Di ko kakilala ang karamihan sa mga tao doon.
Bandang 8:00 am noon nang nagpunta kami sa kanyang tahanan upang sya ay makausap.
Nanlaki ang mga mata ng mga tao sa paligid nang kami ay dumating. Nang sinalubong ako ng anak nyang babae, agad kong sinabi na gusto kong makausap ang kanyang ama.
"Gusto ko lang makausap ang iyong ama at nang magkaliwanagan kami," sabi ko sa kanya.
Nang lumabas si Kapitan, halatang nag-aatubili sya dahil naka-kunot noo naman ako na nag-aantay sa kanya.
"Tenyente, magandang umaga. Ano po ang sa atin?"
Naalala ko ang mga katagang binitawan nya sa TV. Di ko maitago ang aking pagkadismaya. Di ko kayang maging plastik.
"Kap, di masyado maganda ang aking umaga. Napanood kita sa TV. Napaka-iresponsable mong sabihin na kaming Army ay tumatanggap ng P500 bawat trak. Wala kaming pakialam sa quarrying na yan. Dalhin mo dito kung sino ang nagbigay sa amin. Ituro mo sa akin kung may nagtanggap. Ito lang masabi ko sayo, wala akong pakialam at wala akong tinanggap kahit duling na piso!"
Nakita ko na nagimbal din si Kap. Nakita nya na tila gusto ko nang mang-sakmal. Na-highblood ang Musang. Para syang nakakita ng multo.
"Ay naku po! Di ko po sinabing kayo! Ang sinabi ko po ay yong Army at hindi kayong Ranger!"
Anak ni Baka talaga. Di ko alam kung nagpapalusot dahil nakitang galit na ako.
Hinawakan ko ang aking kaliwang dibdib at itinuro sa kanya ang nakasulat sa aking patch na may tatak na ARMY.
"Ayan Kap, pwede bang basahin mo? Hala, basa!"
Nagulantang din sya. Napakamot sa ulo. Guilty na guilty ang hitsura.
"Ay sorry Tenyente! Di ko alam na ARMY pala kayo. Ang tinutukoy ko ay yong Army na dati naka-destino dito. Akala ko ay RANGER kayo!"
Sanamagan nga naman. Parang nabuhusan ako ng malamig na tubig. Inis ako na parang matawa.
"Hay naku Kap! Wag ka po kasing magpa-tsamba! Kaming Rangers dito sa Sibul ay lahat Army. Special unit kami ng Army. Ano ngayon, mabawi mo pa yong sinabi mo sa milyon-milyong tao?"
"Sorry po talaga Tenyente. Hindi po kayo tinutukoy ko. Galit din kasi kami sa mga illegal quarry operators na nagsira sa Mt Mabio. Natatakot kami na pati ang sikat na hot springs dito sa aking baranggay ay matutuyo na kapag hindi sila magsipaghinto sa pag-quarry dyan. Sana po ay makabawi ako sa inyo."
Kahit anong inis naramdaman ko, wala na rin akong magagawa. It would be an exercise in futility, ika nga.
Minabuti kong bigyan ng hamon si Kap. Parehas din lang naman pala kaming nagagalit sa sumisira sa kalikasan.
"Tapos na yon Kap, di na natin basta-basta mabago. Ganito na lang gawin natin. Magkaisa tayo. Mag-coordinate ka sa CENRO at ako naman ay sa PENRO para ma-deputize kami sa paghuli sa mga illegal quarry operators na yan."
At ang insidente na iyon ang naging hudyat upang seryosohin ng Baranggay at ng 7th Scout Ranger Company ang pagsugpo sa mga armadong grupo na syang may kontrol sa illegal quarrying sa Mt Mabio.
Si 'Tata Ado' na dati kong kinainisan ay naging matalik kong kaibigan at katuwang sa pagsugpo sa illegal marble quarrying, maging sa pagpairal ng katahimikan sa lugar na kilalang 'wild, wild, West'.
Sa panig ng aking Company Commander na si Lt Aquino, ito lang ang kanyang payo:
"Kumpletuhin mo lang ang papeles ng ating deputization sa DENR Bulacan. Tulungan natin ang barangay na mapahinto ang illegal quarrying na yan."
Nakikita sa larawan ang illegal quarry operations malapit sa tuktok ng Mt Mabio na parte sa Biak-na-Bato National Park at Forest Reserve. Mga armadong grupo ang nagpapatakbo sa operasyon dito at marami silang koneksyon sa mga otoridad kaya malaya nilang nagagawa ang kanilang paglapastangan sa makasaysayang parke. (Photo from www.mountaineers.com)
(Sa sunod na kabanata, ikwento ko kung paano namin pinahinto ang illegal quarry operations sa tulong ng DENR at ng mga opisyal ng Bgy Sibul)
Ok sir banat
ReplyDelete