Dahil sa aking iwinawasiwas na perfume, ako ang pinakamabangong sundalo nang pinakinggan namin ang isa pang mission briefing sa loob ng opisina ng 61st Infantry Battalion.
Kinopya ko ang grid locations ng enemy forces at pati ng friendly forces sa paligid ng encounter scene. Don ko nakuha ang birds eye view ng Area of Operations.
Napansin ko na napakarami ng mga vantage positions na controlled ng MILF forces, at nasa low ground ang heavily engaged na tropa, at panay maisan, kogonan at iilang niyog ang nasa pwesto nila.
Ang mission namin ay i-facilitate ang break contact ng engaged unit. Kukuha rin ako ng isang vantage position na kung saan ay kita ko ang positions ng opposing forces. Sa map recon, nakapili ako ng magandang pwesto. Ito rin ang recommended ng S3 na si Lt Bunayog.
Sa aming coordination, may kanya-kanyang targets ang helicopters at pati ang Field Artillery battery na andon. Naka-antabay naman ang tropa ng 61st IB para salubungin ang engaged troops sa isang rendezvous point.
Pagkalabas ng opisina, kinausap ko ang aking mga tauhan. Ipinakita ko ang disposition ng kasamahan at mga kalaban gamit ang isang 'banig' na mapa na pinabaon ni Lt Aquino sa akin. Ipinaliwanag kong mabuti ang mission at ang timelines. Sa madaling salita, iligtas lang namin sa kapahamakan ang kumpanya ng 61st IB.
To the rescue
Nag-double time na kami papunta sa isang key terrain na kung saan ay pwede naming isagawa ang aming mission. Para tumpak ang aking mapuntahang pwesto, sumama na mismo si Lt Bunayog sa aking tropa.
Sa yugto na iyon ay sumisipol na ang mga bala ng 105mm Howitzers sa aming ulunan kasi nasa gun-target line kami. Parang lumilindol ang pakiramdam habang lumalagabog ang mga ito sa high grounds na pinagpwestuhan ng kalaban.
Lumilipad na rin ang dalawang MG MD 520 choppers para mag-deliver ng rockets sa kanilang targets. Tila ay may sinangag na popcorn ang naglagatukan sa kawali tuwing ratratin nito ng Cal 50 Heavy Machinegun ang pwesto ng mga kaaway. Parang Vietnam war movie ang kaganapan sa aking harapan, mga 500-800 metro ang layo.
Tagaktak ang pawis namin at parang hingal kalabaw ang inabot namin nang makarating sa aming pwesto. Inikot ko ang aking paningin para aninagin ang mga imahe sa aking harapan.
Sa aking kaliwa, bandang 270 degrees na azimuth ay makikita ang pwesto ng engaged troops. Nasa low ground sila at nasa northern part naman ang mga pwesto ng mga kalaban na namamaril sa kanila.
Sa bandang 30 degrees azimuth, nakakita ako ng kaparehas kong kasuotan. More or less 30 ka tao ang nakita ko ngunit tumpok-tumpok sila sa iba't-ibang pwesto. 700-800 metro ang layo nila sa akin, ayon sa aking quick estimates. Di ko sure kung sino talaga sila.
Kinunsulta ko ang aking reliable na 'mapa'. Nope, hindi topographic map kundi ang mapagtanungan na si Lt Ricky Bunayog na kabisado ang lugar.
"Sir, kaninong tropa iyang nasa ilalim ng kawayan at sa may maliit na kubo?"
Napa-smile pa syang sumagot sa akin at ginamit ang daliri para i-turo ang mga posisyon ng kalaban at friendly forces.
"Iyang nakikita mo sa harapan natin ay panay tropa ng MILF yan. Ang nasa ibaba na nakadapa sa gilid ng hill ay tropa natin iyan," sabi nya.
Nang binuksan ko ang GPS, nakita ko ang aking pwesto at minarkahan ko agad ito. Gamit ang bar scale ng mapa, sinukat ko ang distansya namin sa mga kaaway na noon ay namumutok na sa tropa ng 61st IB.
Napag-alaman ko na nasa 500-800 metro ang layo ng mga pwesto nila. Para sa akin, nasa 'stand-off' range ako. Kaya ko silang saktan ngunit malabolix nila kaming mapatamaan, maliban sa pa-tsam na pang-ratrat.
Two sniper teams kaming nagpwesto para sa team coordinated fire. Nang sinilip ko ang Swarovski Scope, hinanap ko ang 500-meter hash mark. Mukhang Christmas Tree ang reticle nito. 500m-1,800m ang pwedeng pagpilian. Sa 500m ko lang pinapatulong ang may hawak ng M14 Sniper Rifle.
Dalawa ang nag-spotter sa akin. Ang isa ay si Cpl Dimaano para sa spotting ng 'bullet trace' at ang isa ay si Lt Bunayog para sa 'hits'.
Nakikita kong kinakawawa ang aking mga kapatid na sundalo sa low ground. Di sila makaalis basta-basta. Dapat ko silang tulungan. Kailangan kong gagawin ang mabigat kong mission.
"Sniper, ready! Spotter up?"
"Spotter up sir!"
"Blaaaaaam!"
Sinilip ko sila uli. Nagtinginan sa aming pwesto.
"Low hitting! 10 meters up!" Excited ang spotter.
Ayaw ko nang mangalikot ng elevation turret. Mas kampante ako sa hold-off techniques kasi mas mabilis ang follow up shot.
Nang sumilip ako uli, pati direction namin ay pinapuputukan na. Nagdasal din ako na walang dumapo sa akin. Batid ko na ang maximum range ng M16A1 Rifle ay 2,653meters at sa M14 Rifle naman ay 3,725 meters. Siguradong nakakamatay pa yong bala na galing sa layong 800 metro!
Natutuwa nga lang ako kasi na-divert ko ang kanilang attention mula sa tropa na nasa ibaba. Kami na ang 'kalaro' nila.
Isang full release ng hininga ang aking ginawa para maganda ang 'click' ng aking 'camera'. No jerking, 'kunana'.
"Blaaaaaam!"
"Hit!"
"Blaaaaaam!"
"Miss!"
"Blaaam!"
"Hit!"
"Blaaaam!"
"Blaaaam!"
Lahat ng puno at kawayanan na sinuksukan nila, pinadalhan ko sila ng bala.
Pagkatapos ng isang magazine, sumakit ang balikat ko. Tila nagka-migraine ako. Matindi ang 'suntok' ng recoil ng aking sandata, ang Cal. 50 Barrett Sniper Rifle.
Parang di makapaniwala si Lt Ricky Bunayog sa kanyang nasaksihan.
"Umaabot pala ang bala at nakakatama pala sa ganyang layo?"
"Yes sir. Trabaho lang talaga. Walang personalan. Tawag ng tungkulin."
Sa madaling salita, natulungan namin ang Alpha Company ng 61st IB sa kanilang dinanas na hirap sa engagement area. Hindi naulit ang nangyari sa mga ibang yunit na naisahan at namatayan sa labanan sa mga karatig na lugar sa Shariff Aguak.
Napansin din namin, na natututo nang dumapa ang mga kaaway at nagdadalawang-isip na silang guluhin ang mga sundalong naatasan upang protektahan ang isinagawang irrigation project na napapakinabangan naman ng mamamayan doon.
Isang karangalan na sa akin na tuwing makita ko ang mga patrol members ng kumpanyang yaon, grabe sila kung magpasalamat tuwing nakakasalubong ko sila kahit saan man.
Dahil din doon, mas pinalawak ng Philippine Army ang pagsagawa ng Sniper Training upang makatulong sa lumalaganap na labanan sa iba't-ibang dako sa Pilipinas sa mga panahon na iyon.
(Ipagpatuloy)
No comments:
Post a Comment