Photo shows the 1/4 ton M151A2 Military Utility Tactical Truck (MUTT) that was among the vehicles used by line units of the First Scout Ranger Regiment starting in the 1980s. I was using the same vehicle when I was a Platoon Leader of the 7th Scout Ranger Company from 1996-1997. (Image was obtained from Wikipedia)
Pagkatapos naming i-reinforce ang tropa ng 61st Infantry Battalion na na-ambush ng MILF sa Shariff Aguak noong ika-5 ng Pebrero 1997, ipinag-uutos ni Major General Raul Urgello, ang mandirigmang heneral na pinuno ng 6th Infantry Division, ang pananatili namin sa lugar.
Noong una ay akala namin, tipong 1-2 days 'strike operations' lamang ang aming puntahan. Dahil sa pangangailangan ng sitwasyon sa ground, kailangan ang aming serbisyo doon.
Inilagay ang aking 15-man contingent ng Scout Rangers sa isang maliit na detachment sa Bgy Tuayan sa nasabing bayan.
Kaharapan lang nito ang mga high grounds na pinamumugaran ng mga kasapi sa MILF.
Araw-araw ay binabati nila kami ng mortar fire na kung saan ay lumalapag ang mga bala nito ilang daang metro lamang mula sa aming kampo.
Natutuwa ako noon dahil doon ko nakapiling ang isa sa aking mistah na Platoon Leader din ng 61st IB, si 2nd Lt Dexter Ampong ng lalawigan ng Bohol.
Sya na rin ang nagbigay sa akin ng briefing tungkol sa kanyang platoon at sa mission nito.
"Kami ang pinaka-frontliner ng battalion dito bay. Kailangang i-secure ang mga project engineers sa irrigation dam sa tabi ng kampo dahil pinipilit ng ilang miyembro ng MILF na isali sila sa payroll dito," paliwanag nya.
Para makabisado ko ang lugar, nagpasama ako sa aking mistah sa paligid ng kanyang kampo upang maaral ang terrain ng paligid.
Sa north, sa layong isang kilometro, matatagpuan ang MILF positions. Sa west naman ay ang kampo ng isa pang platoon ng 61st IB sa dating kuta ng MILF na kung tawagin ay Salman Detachment. Dito rin naka co-locate ang isa pang tropa ng Scout Rangers na pinamunuan ni Lt Oriel Pangcog, at dalawang tubo ng 105mm Howitzers.
Sa south naman ay matatagpuan ang mga checkpoints sa may bandang Kauran. Sa eastern direction ay andon naman ang Provincial Office ng Maguindanao Police at pati ang headquarters ng 61st Infantry Battalion.
Maliit lamang ang Tuayan Detachment, ang aking bagong taguan. Sa estimate ko ay 25 meters x 25 meters kwadrado ito. Nakikisiksik lamang kami sa mga kubo-kubo ng tropa ng 61st IB. Ako naman ay nakiki-kwarto sa aking mistah. Dahil ayaw ko namang magkatabi kami sa kanyang papag, minabuti kong pagtyagaan ang aking paboritong combat hammock.
Sa bawat kanto ng detachment, nagpa-pwesto ako ng aking tropa. Humigit kumulang sa 40 kami lahat doon. Kaya na naming lumaban sakaling magtangka ang mga kalaban na subukan ang aming katikasan.
Halos araw-araw, may exchange greetings ang aking hanay at ang tropa ng MILF. Tila ay hindi nila nagugustuhan ang presensya ng mga sundalo sa lugar dahil ito ang balakid sa kung ano man ang kanilang mga maitim na balak.
Isang araw, ni-request ko sa aking CO na si Lt Aquino na ipadala ang isang sasakyan na magagamit ko para sa aking administrative requirements kagaya ng pag-'marketing' sa Shariff Aguak o kaya sa karatig na bayan ng Isulan na kung saan ay mas marami ang nabibiling supplies.
Nag-usap kami sa pamamagitan ng aming reliable URC 187 HF radio.
"Papuntahin ko dyan ang isa nating Kennedy Jeep. Kargahan ko na rin ng dagdag nyong supplies para sa isang linggo," sabi ni Lt Aquino na noon ay nasa aming kampo sa Sultan sa Barongis.
Ang aking 'Kennedy Jeep'
Ang 1/4 ton M151A2 Military Utility Tactical Truck ay mas kilala sa pangalang 'Kennedy Jeep' sa Armed Forces of the Philippines. Di ko talaga sure kung bakit ganon ang pangalan. Sa aking palagay, ito ay dahil sa na-issue ito sa US military simula noong 1960, ang taon nang nanalo si John F Kennedy bilang presidente sa US of A.
Dalawa ang aming Kennedy Jeep sa 7th SRC. Ang isa ay may tatak na 7SRC6, na ang ibig sabihin ay sasakyan iyon ng Commanding Officer. Ang aming Humvee naman ay may tatak na 7SRC5 o kay Ex-O, at ang isa pang Kennedy Jeep ay 7SRC4 o sa Platoon Leader. Actually, flexible naman kami kung sino gagamit sa sasakyan.
Sa Scout Ranger Companies, karaniwan na ang pagandahan ng sasakyan. Ayaw na ayaw ni Lt Aquino ng karag-karag na sasakyan o yong tipong kalawang na mukhang sasakyan.
Iyon din ang dahilan kung bakit ginawa ko rin lahat ng paraan para mapaganda ang 7SRC4 na syang pinakahuli naming issue noong 1996. Grabe ang pakapal mukha ko noon sa Army headquarters para makakuha ng brand new engine at mga bagong parts pati gulong. Sinuportahan din ni Lt Aquino ang pagpa-repaint nito kaya magara at astig ang aming Kennedy Jeep. Sa andar pa lang nito, alam nang well-maintained at presko pa ang pintura nito nang dinala namin ito sa Maguindanao.
Scout Rangers take pride of their issued M151 'Kennedy Jeep'. Considering this equipment as the 'show window' of the unit, Company Commanders normally ensure that their jeeps are well-maintained and good looking. (FSRR photo)
"Iligtas si Kennedy!"
Gabi noong ika-17 ng Pebrero 1997, maaga kaming naghapunan sa detachment. Ginataang dahon ng gabi na may daing ang aming ulam na galing sa sapa di kalayuan sa detachment.
Kumukulog at kumikidlat noon at nakaamba ang pag-ulan. Sa hapon na iyon, namataan na namin ang madilim na kalangitan.
Inikot ko ang mga pwesto ng aking tropa at kinumusta sila. Meron kaming tatlong pwesto na may mga gwardya.
Sinuri ko rin ang aking Kennedy na noon ay naka-park sa malapit sa may gate ng detachment.
Bandang 8:00pm na noon, nagsimula nang pumatak ang malakas na pag-ulan. Minabuti na rin namin ni Lt Ampong na pumasok sa aming kwarto. As expected, nagbobolahan kami tungkol sa pagiging kadete at sa mga gyerang naranasan sa Maguindanao.
Naka-duyan ako noon sa tabi lang mismo ng kanyang papag at nagpapaantok kami sa pamamagitan ng pagbibidahan.
Dakong 9:30pm noon, ginulantang kami ng isang malakas na pagsabog.
"Blaaaaaaaaaaaaam!"
"Agay!" (Lumabas ang aking pagka-Bisaya)
"Bratatatatattatat!"
"Kalaban!"
"Pwesto!"
"Return fire!"
Hindi kami yong nakapag-command. Alert ang aming mga NCOs. Sila ang nagmamando sa mga tropa sa labas.
Ramdam ko ang pagdapo ng isang matigas na bagay sa aking likuran. Alam ko na tinamaan ako. Pangalawa ko nang naranasan ang ganong pakiramdam.
Di ko alam kung gaano ka-grabe ang tama. Gusto kong manigurado.
"Mistah, dito ka muna. Pakikuha ang flashlight. Tingnan mo kung matindi ang tama ko sa likod!"
Iniisip ko noon baka butas na ang lungs ko. Baka mamamatay akong dahan-dahan. Kinilabutan din ako. 24 yrs old pa lang ako noon.
Nang nahablot ni Lt Ampong ang flashlight, sinilip nya ang aking likod. Nakita nya ang tagas ng dugo.
"Bok, wag kang mag-alala. Maliit lang to. Tamang aktor at di ka mamamatay!"
Duda pa rin ako. Baka pina-high morale lang ako ng aking mistah.
"Bok, sa harap, tumagos ba?"
"Nega bok. Ayos lang yan. Tawag muna ako sa radio!"
Dahil di ako kumbinsido, hinayaan ko syang magtatawag sa PRC 77.
Ako naman, inuuna kong siguraduhin kong mabubuhay nga ako. Hinanap ko ang salamin ni Lt Ampong at tiningnan ko ang aking harap at likod. Tamang aktor nga. Kaya ko pang lumaban!
Grabe ang haging ng mga bala noon. Umaandar na rin ang Cal 30 Machinegun na nakapwesto sa northern sector. Ang mortar NCO ni Lt Ampong ay abala sa pagpaputok ng kanyang sandata para masuportahan ang depensa.
Marami rin akong iniisip sa mga panahon na iyon. Naisip ko ang Barrett Sniper Rifle. Baka ito ang gustong agawin.
Para makausap ang tropa, sumisigaw ako sa lull ng putok.
"Nasaan ang Barrett?" "Gabs, okay lang kayo dyan? Saan location mo?"
"Andito sir, okay lang kami dito. Lumalaban sir!"
Naririnig ko na pinapaputok din ni Cpl Gaboy ang Barrett kahit na madilim. Ginawang pangtaboy sa mga attackers.
Nang nakita kong okay ang aking tropa, naalala ko naman ang aking magandang Kennedy. Baka naman maratrat din ito at pumangit!
"Nel, ang Kennedy! Itulak natin sa mas magandang cover!"
Tatlo kami nina Sgt Nelmida ang pumunta sa pwesto ng Kennedy. Lumakas ang buhos ng ulan at ganon din ang lakas ng buhos ng bala. Kumbinsido kaming kailangang ma-save si Kennedy!
Ewan lang, kahit maputik at di napaandar ang Kennedy, kay bilis namin itong naitulak na tila para kaming Super Man!
Natuwa ako nang mailipat namin ang aming sasakyan. Napangiti ako dahil pakiramdam ko ay nag-Champion kami sa truck pushing competition.
"Ayos! Success tayo!"
"Balik sa trenches!"
Ang 'sugal'
Halos umabot na sa beinte minuto ang palitan ng putok, nailatag na rin sa wakas ang 105mm Howitzer na andon sa Salman detachment.
Si Lt Pangcog ang aking nakausap na syang namamahala sa tropa doon.
"Kaya nyo ba? Wag masyadong idikit ang call for fire kasi nasa gun target line kayo," sabi nya.
Delikado nga naman ang gun target line. Ang ibig sabihin noon, lumilipad ang bala ng artillery sa aming ulunan. Kung palpak ang Forward Observer, sa aming pwesto ang lapag at tiyak matigok kami.
Malaki ang tiwala ko kay Lt Ampong dahil sa sya ay isang graduate ng Artillery Officer Basic Course. Sya ang nag-FO para sa aming unit.
Nang lumapag ang first round. Estimate namin ay halos 300 metro ang layo nito. Ang kalaban noon ay more or less 25 metro lang sa labas ng perimeter fence.
"Drop 100 sir!"
"Diyos ko po, Diyos ko po!" Grabe ang dalangin ko na wag ma-short. Sobrang daring ang aking mistah.
"Observe!"
Tila ay lumindol ng 7.0 magnitude nang lumapag ang bala. Tuloy pa rin ang palitan ng putok sa magkabilang panig. Marami-rami rin ata silang bala.
Hindi pa satisfied, gusto pang palapitin ni Lt Ampong ang bagsak ng bala. Napakadelikado na noon.
"Bok, drop 50 pa tayo!"
"Mistah, baka mapulbos tayo lahat!"
"Pwede pa yan bok. Last na," sabi nya na ang boses ay oozing with confidence.
Parang challenge naman iyon. Naghanap-hanap ako nang masuksukan na kahoy bago sumagot.
"Buga bok! Drop 50!"
Dinig na dinig ko ang sipol ng bomba nang ito ay dumaan sa ere sa aming ulunan.
"Blaaaaaaaaaaaaam!"
Lumalagatok din ang mga bubong ng aming mga kubo marahil sa mga tumilamsik na kung anu-anong debris.
"Fire for effect!"
Nakarami kami ng bala bago namin pinahinto ang 105mm Howitzer.
"Cease fire!"
"Observe!"
Lumabas ako dahil merong ayaw humintong pumutok. Sa pakiramdam ko ay walang sumasagot. Tinakbo ko ang pwesto ng pumuputok.
Nakita ko umaapoy na ang barrel ng machinegun.
"Sino yan?"
"Si Gaboy sir! Ayaw huminto!"
Tinakbo ko si Cpl Gaboy at lumuhod sa likuran nya para tapikin ang paa.
"Sisssssssssssssssssssssssssssssssssss Payyyyyyyyyyyyyyyyrrr!"
"Ay sir, ikaw pala yan."
Parang gusto kong tumawa ngunit marami pa akong inaalala. Kailangan kong i-headcount ang aking tropa.
Isa-isa kong pinuntahan ang kanilang mga kubo. Nakita ko si Cpl Galamay na nakasandal sa kanyang pwesto.
"Kumusta ka Lakay?"
"Sir, naratrat ang pinatuyo kong black suit na isinampay ko dito sa labas ng kubo! Akala ng kalaban, iyan ang gwardya!"
All accounted for ang aking tropa. Walang nasugatan sa kanila. Naging masaya ako.
"Uy, teka. Si Kennedy kaya ay may tama?"
(Ipagpatuloy)
hehehe, naalala ko tuloy yung mga hand-made komiks na gawa ng eldest namin nung kabataan ko. yun yong pinag praktisan kong basahin as grade 1. enjoy akong basahin dahil kwentong giyera na ang titulo: ANG NAGTATAYUGANG PLATOON tungkol sa mga sundalong tumatalon from airplane at nagpa-parachute patungo sa objectives nila.
ReplyDeletebumata ako sa kababasa ng kw3nto nyo sir. nakaka relate dahil pamilyang "meat can" din ako galing.
retired air force soldier na ang eldest namin ngayon at proud father of a pnpa officer sa bfp.
aabangan ko ibang kwento nyo sir. thanks and keep safealways.
Thanks Danny!
ReplyDeleteMas marami ang memorable na kwentong sundalo kung matutong mag-share ng kanilang karanasan ang ibang nakapag-serve sa military. Merong mga aral na mapupulot sa mga kwento kasama na dyan ang aming kapalpakan, ang aming pagpupunyagi at ang hitsura ng mga labanan sa battlefield.
Mas maganda sana ang kwento kung ang kaaway ay banyaga na mananakop ng ating bansa. :-)
Tama po ang naturan nyo sir, na mas ok kung banyaga ang kaaway sa mga kwentong digmaan... pero sa tingin ko ay mas may malalim na pag-a-analyze ang pwedeng gawin sa mga kwentong katulad ng experiences nyo at ng ibang mga kawal ng pamahalaan dahil napapaisip tayo bakit ba nag-aaway ang magkadugo, magka-angkan, parehong Pilipino? Ano ba ang pinag-ugatan ng mga alitang ito? Kung anuman ang napapalitaw na mga analyses ay sana ito ay maging kasangkapan upang makabuo ng isang matibay na kasagutan at solusyon upang matapos na ang mga alitan ng mga kapwa Pilipino. Harinawa...
DeleteHabang binabasa ko ito sir feeling ko naglalaro ako ng Medal of Honor: Modern War Fire gamit ang inyong perspective ng event. Na iimagine ko kung mayroon doon sa MILF side na magsulat naman ng point of view nila ng event nito. Sana may blogger din sa kanila na bold enough ikwento ang combat experience nila sa kanilang perspective.
ReplyDeleteI mean modern war fare...
DeleteSir Cabunzky,
ReplyDeleteAnyare sa blacksuit ni Cpl Galamay? DOA? =)
-Jojo
Sir Cabunzki, napatawa sa huli ah. hirap pala pag dikitan na ang laban. Kaya dapat modernized na talaga ang gamit at properly maintained ang equipment lalo na ang kanyon.
ReplyDeleteHAHAHAHAHA. natawa ako dun sa gunner na ayaw huminto tsaka dun sa black suit. mas malupet tawa ko dun sa Kennedy. hahahahahaha.
ReplyDelete