Sunday, September 15, 2019

Nagkakaalaman sino ang matatapang: Combat Story of MSg Bobords Dela Cerna (Part 6)


Nasa larawan ang kaparehas ng Cal 30 M1919 Browning Machinegun na ginamit ni Bobords sa pakikidigma pagkatapos na napatay sa labanan ang orihinal na gunner na ito. (Photo from open sources)


Sa unang 100 metro na inaagaw na kapirasong lupa na kontrolado ng Bangsamoro Army, marami sa mga ka-klase ni Bobords ang nagbuwis ng buhay sa pinakaunang oras ng kanilang pakikipaglaban.

Isa sa nakita nyang nakahandusay ay ang ka-batch nya na si Second Class Trainee Hontiveros, ang siga nyang classmate na nagtulak sa kanya sa dagat nang dumaong sila iilang oras lamang ang nakalipas.

“Hindi ko na nakita ang kanyang katapangan sa labanan dahil namatay sya agad sa pag-apak pa lang naming sa dalampasigan. Naawa pa rin ako sa kanya dahil marami rin kaming pinagsamahan,” sabi ni Bobords.

Si Tunac ang isa pa sa nakita nya na nagbuwis ng buhay sa labanan. Nakita nya na lugmok sa lungkot si Asoki at Castillo, ang ammo bearer at assist gunner ni Tunac, kaya boluntaryo na agad si Bobords na maging kapalit nito.

Doon sya nakilala na Sniper na, Machinegunner pa. Doon sya naging tanyag na matapang na mandirigma sa panahon na wala pang kinikilalang Rambo.

Nasagip ng Musang

Kaka-recover niya kay Tunac para dalhin sa covered position nang sinasalubong naman sila ng mga kaaway na gustong mang-agaw ng mga bala at baril.

Sa kasamaang palad, panay misfire ang inabot ng kanyang Cal 30 M1919 Machinegun, kung kelan nasa bingit na sya ng kamatayan. Pilit nyang abutin ang nakasukbit na M1 Garand sa kanyang likuran para barilin ang rumaragasang juramentado.

Prak! Prak! Bang! Bang!

Bulagta ang dalawang mandirigmang Tausug sa kanyang harapan. Tumakbong pabalik ang iilan sa mga assaulter ng kalaban. Lahat sila may tama sa katawan ngunit nagawa pa rin nilang kumaripas ng takbo.

Paglingon nya, nakita nya ang mga kasamang Sniper na katabi ni Pfc Banzon, isang Musang na miyembro ng SR Class 16.

Nasiyahan si Bobords dahil tunay nga ang kasabihan na sa mga Musang, talagang walang iwanan.

“Sa totoo lang, ni-nerbyos ang iilan sa aming mga kasamahan na doon pa lang nakaranas ng madugong bakbakan. Nagtakbuhan paatras iyong iba at talagang di na nagpaawat sa kanilang mga Squad Leaders at mga NCOs,” kwento ni Bobords.

Dali-dali nyang tinanggal ang nakaipit na bala ng machinegun sa tulong ni Castillo at Asoki. Nakita ni Bobords na mahihirapan syang magsabay sa assault kung nakakabit ang tripod ng machinegun. Naisipan nya ang diskarte para mas madali nya itong mabitbit papunta sa harapan.

“Ipinambalot ko sa parte ng barrel ang aking tuwalya, at hinabaan ko ang pagkatali ng aking modified sling na mula sa strap ng combat pack ni Tunac, para mas madali ko na itong buhatin,” sabi nya.

Nang nagsigaw sina Pfc Banzon ng assault, sinigurado na ni Bobords na kasama sya sa kanyang squadmates sa pag-salubong sa mga kalaban habang ang ibang platoon ang nagpaputok para sa kanilang covering fires.

Tuwing sigaw ng drop, si Bobords ang natitirang nakatayo o kaya nakaluhod, kahit pa man sa gitna ng umuulan ng bala.

“Kung dadapa ako, unstable ang aking position dahil wala akong tripod, at kung may matataas na damo, di ko makikita ang pwesto ng mga kalaban. Ang ginawa ko, patayo ko silang niraratrat ng aking machinegun para kitang-kita ko saan sila nakapwesto,”sabi nya.

Naglalakad sya paharap habang nagpapaputok nang nakarinig sya ng malakas na boses sa likurang bahagi. Boses ni Pfc Evasco.

“Hoy, bugoy, unsa man ka, di madutlan? Magpakamatay ka na ba sa yutang imong gitindogan? Hapaaaaaa!” (Hoy, pasaway, ano ka di natatablan? Magpapakamatay ka na bas a lupa na iyong kinatayuan? Dapaaaaaa!)

Sa nakikita nya, lugi talaga sya kung sya ay dadapa. Sa pakiramdam nya, di naman humahaging sa paligid nya ang bala ngunit doon ito dumadapo sa pwesto ng mga katabi nya. Nang nilingon nya ang mga buddies na may dala ng tripod at bala, nakasubsob ang mga ito sa likod ng puno ng marang.

“Asoki! Castillo! Diri mo sa akong likod uy! Asdang ta!” (Asoki! Castillo! Dito kayo sa likod ko! Assault tayo!)

Nang Makita si Bobords ng iba pa nyang mga ka-Platoon, marami ang nabuhayan ng loob para sumabay sa kanya. Naitulak nila papunta sa kamantingan (cassava trees) ang mga kalaban pagsapit ng hapon. Halos 500 metro na ang naagaw nilang kalupaan.

“Assault! Assault!” Sumisigaw ang mga NCOs ng Molave Warriors.

Tila, ayaw ring patinag ang mga kalaban na nasa pwesto sa ilalim ng mga kamoteng kahoy. Kapos man sa bala, nahubog sa pakikipaglaban ang mga miyembro ng Bangsamoro Army sa nagdaang mga taon. Kung karanasan sa pakikidigma ang pag-usapan, lamang sila sa mga tropa ng 15th IB lalo na sa mga Second Class Trainees na kakatapos ng Molave Warfare Course.

“Allahu Akbar! Allahu Akbar!” Pak! Pak! Pak! Bang! Bang! Bang!

Ang labanan sa pagitan ng Molave Warriors at ng Bangsamoro Army sa Barangay Busbus ay naging labanan ng patibayan ng dibdib, at patatatagan ng isip. Matira ang matibay.

Walang kainan sa buong maghapon, lupaypay sina Bobords ng maabot ang dulo ng mapunong lugar. Nasa kamantingan ang natitirang pwesto ng mga kalaban. Di kalayuan sa kanila, tuloy-tuloy ang putukan sa sentro ng Jolo at sa bandang Jolo Airport. Makapal ang usok na nakikita sa mga mabahay na parte. Paminsan-minsan, nakikita nya ang mga eroplano  na nagbabagsak ng bomba sa pinagpwestuhan ng mga kaaway.

Napaisip si Bobords sa kanyang buhay sundalo. Di sya nakaramdam ng takot dahil sa pakiramdam nya ay walang mawawala sa kanya. Ang kanyang lighting courtship sa isang Zamboanga White sa Zamboanga City ay parang bunga lang ng katuwaan. Ginogoyo lang sya ni PFC Banzon na ligawan ang kanyang hipag.

“Ang problema, dahil na rin siguro sa aking katikasan, napasagot ko sya sa loob lang ng 30 minuto! Pero, hindi ko yon sineseryoso dahil ang nasa aking isipan ay paano maging mahusay sa pakikipaglaban.”

Inabot nya ang kanyang water canteen para lumagok ng tubig dahil sa tindi ng uhaw at gutom. Walang tanghalian, wala ring hapunan kahit mag-alas singko na noon. Nang buksan nya ang canteen, talagang wala na itong laman.

“Nilululon ko na lang ang aking laway para kahit papano ay maibsan ang aking uhaw. Ang mga ungas kasi na Kitchen Police, ayaw maghatid ng hot meals kung meron pang umaalingawngaw na putok. Napapasma kami dahil sa mga nerbyoso!”

Nagsasalansan sya ng isa pang 100 round link nang marinig nya ang pamilyar na mga putok. Ka-blaam! Ka blaam! Bratatatattatat!

“Assault na! Agawin natin ang kanilang mga pwesto habang kokonti na ang kanilang mga bala!”

Tumayo ang mga Musang kaya nagsunuran na rin ang marami pang mga kasamahan. Sumabay na rin si Bobords at tila sya ang naging covered position para sa dalawang ka-buddy na ayaw matamaan ng bala.

“Brrrrt! Brrrt! Brrrt!” Tinakbo ni Bobords ang isang foxhole na may lamang mga kalaban. Napa-nganga ang lahat ng kanyang kasama sa Squad.

“Sundan natin si Bobords! Assault!” Naging matapang ang buong squad ni Pfc Evasco. Naagaw nila ang foxholes at nakitang nakahandusay ang delaying force ng Bangsamoro Army. Naagaw nila ang klase-klaseng armas kagaya ng FN FAL, Garand, at folded na M2 Carbine. Halos ubos na pala ang bala ng mga natirang kaaway.

Nang narating nina Bobords ang mas magandang pwesto, inayos ni 1LT Suarez ang kanilang defensive position, habang pinapahakot sa likurang bahagi ang mga nasawing kasamahan.

Tatlo sa ka-squad ni Bobords ang nagbuwis ng buhay sa pakikipag-agawan ng humigit kumulang na 30 ektaryang pwesto ng Bangsamoro Army sa Barangay Busbus.

Isa sa pinakaunang request ng tropa sa kanilang pag-reorganize ay mga bala at pagkain.

Gutom na gutom na sila at kulang na lang ay kikilawin ang mga bunga ng kamoteng kahoy na naagaw nila sa pwesto ng mga kaaway.

Sa kanyang sector, ibinalik ni Bobords ang tripod ng kanyang Machinegun at iniumang ito sa pinakaposibleng avenue of approach ng mga kalaban.

Mag-alas otso na nang gabi nang dumating ang may dala ng kaldero na may lamang magkahalo na kanin at pritong isda.

Salit-salitan silang magka-squad na nagkakamay para hagilapin ang ulam at kanin sa nilatag nilang dahon ng saging.

Kakasimula pa lang nilang sumubo nang nabulabog sila sa nakakabinging putok.

Bratatatatatatatat! Ka-blam! Pik! Pik! Pik!

Umuulan ng bala sa pwesto ng Molave Warriors.
“Mama! Mama!” Humihiyaw sa sakit ang mga tinamaan.

Tinalon ni Bobords ang kanyang machinegun.

“Mga pisting giatay mo dili mo magpakaon ha! Kaona ning akong bala!” (Mga put__$*%! Nyo ayaw nyo magpakain ha. Kainin nyo mga bala ko!)

Brrrrt! Brrrrrt! Brrrt!


(Abangan ang Part 7)

11 comments:

  1. Saludo ako sa katapangan ng Sundalong Pilipino. Maraming salamat!

    ReplyDelete
  2. Sir patokhang muna ako nkaka Addict na kasi 😆😆😆✋✋✋

    ReplyDelete
  3. Proud po ako na isa akong MOLAVE WARRIOR!!!

    ReplyDelete
  4. Lami kaayu storya nimong tikas bobords.... IDOL

    ReplyDelete
  5. Thank you for your service mga sirs! Sana marami pang maisulat na blogna tulad niyo. Kudos to the writer.

    ReplyDelete
  6. Thank you sa story sir..and thank you for the service..godbless you always.

    ReplyDelete
  7. iba ka tlga papa.. ngaun ko lang nalaman pa ano ka maki pag bakbakan.. nag mana talaga ako sau papa dugong boborgs

    ReplyDelete