Saturday, September 21, 2019

Magdamagang ratratan sa kasukalan: MSg Bobords Dela Cerna's Combat Story (Part 7)



Nagkagulo ang kanilang pwesto dahil sa harassment na ginawa ng mga kalabang Bangsamoro Army habang sila ay halinhinang naghapunan.

Tumakbo si 1Lt Suarez papunta sa covered position para ma-control ang tropa.

“Return fire!”

Pak! Pak! Pik! Pik! Brrrrrt! Bratatatat! Bang! Bang! Ka-blaam!

Iba’t-iba ang tunog ng kanilang mga armas dahil tila chopsuey ang issuance na kanilang natanggap na kagamitan.

Ang M16A1 Rifle ay para sa mga officers. Ang M1 Garand ay sa mga squad members. Ang Cal 30 M2 Carbine ay para sa mga Team Leaders. Ang M1 Garand ay para sa mga Second Class Trainees.

“Magkakaiba ang mga baril at mga bala na aming gamit sa battalion dahil halo-halo ang issuance sa Molave Warriors. Base sa gamit na baril, natutukoy namin kung sino ang mga ito,” sabi ni Bobords.

Minsan, naging problema rin sa mga tropa ang cross-loading ng bala dahil hindi magkakapareha ang caliber ng ammo na dala-dala nila.

Tumagal ng humigit kumulang sa kalahating oras ang palitan ng putok sa pagitan ng Molave Warriors at ng katunggaling Bangsamoro Army.

“Cease fire! Cease fire! Observe!”

Brrrrrrt! Brrrrt! Brrrt! 

Kumakanta pa rin ang machinegun ni Bobords.

“Gikolera man kaha ka diha nganong sige pa kag pabuto?” Boses ni Lt Betonio. (#$* ka ata, bakit lagi ka pang nagpapaputok?)

“Ako ning ipapanihapon ug bala ning mga samokan sir! Nagutman ko aning mga buang unya morag mabilar gyud tang tanan aning kalakiha!” (Sir, pakainin ko ng hapunan na bala ang mga magugulong tao na ito. Nagutuman ako sa mga ulol na ito at mukhang mapupuyat tayong lahat sa lagay na ito!)

Sa buong magdamag, pinagbigyan nina Bobords at ng Molave Warriors ang mga MNLF sa tagisan ng palakasan ng apog kung sino tatagal sa kulang ang kain at kulang din ang tulog.

Bandang alas tres ng umaga, naramdaman ni Bobords ang tapik mula sa kanyang balikat. Paglingon nya, naaninag nya si Castillo.

“Batch, ubani ko sa kalibunan beh. Kalibangon na kaayo ko!” (Batch, samahan mo ko sa kasukalan. Sobrang natatae na ako!)

Sa inis, nagising nang mabuti si Bobords sa sinabi ng kanyang classmate.

“Naunsa ka, gusto nimo nga mamatay nga malibang? Pagkutkot diha tapad sa ako, pasalipod anang lubi ug humana kanang imong problema,” instruction ni Bobords bilang paalala sa kanilang SOP sa patrol base operations.  (Ano ka, gusto mong mamamatay na umeebak? Maghukay ka dyan sa tabi ko, magtago ka sa likod ng niyog at tapusin mo problema mo!)

At, tiniis-tiis nya ang amoy sa ginagawang ‘tanggal-problema’ ng kanyang classmate mga 2 metro lang sa kanyang likuran.

Na-busy rin sya buong magdamag sa pagpisat ng lahat ng lamok na sumisipsip sa kanyang dugo pagkatapos ng suicide attack ng mga ito sa kanyang pisngi at leeg. 

Inantay nila ang dahan-dahang pagsikat ng araw para maobserbahang mabuti ang nasa paligid. Nagtapikan sila sa balikat at nakita nya ang hand signal ng kanilang mga NCOs.

“Skirmishers line. Search!”

Doon nya nakita ang mga bangkay ng mga MNLF na naiwan na sa encounter site. Lasog-lasog ang katawan nila sa tama ng bala. Napansin ni Bobords na mga binatilyo pa ang iilan sa kanila.

“Naawa ako sa mga bata na nakita kong namatay. Ang iba nga ay halos matangkad lang ng konti sa bitbit nilang FN FAL rifle,” sabi nya.

Para kay Bobords, walang personalan ang kanyang pakikidigma sa mga Tausug. 

"Pinadala kami ng gobyerno para sagipin ang mga tao na naipit sa pang-aatake ng mga MNLF. Kung armadong rebelde ang sumasalubong sa amin habang nagpapaputok ng armas, natural, paputukan din namin!"

Ang sumunod na instruction sa kanila ay ibinigay pagkatapos nilang nag-agahan bandang alas otso.

“Mag-link up tayo sa 14th Infantry Battalion na nasa bandang Jolo airport. Kailangan nating lusubin ang mga kalaban na naka-okupa sa mga bahayan na nasa paligid nito,” sabi ng kanyang Platoon Leader.
Ang Alpha Company ang na-designate na Main Effort sa pinakauna nilang urban warfare experience sa serbisyo. Kasama si Bobords sa leading elements ng kanilang Platoon, bitbit ang kanyang machinegun at sukbit sa likod ang kanyang M1 Garand.

Ka-blaaam! Bratatat! Bratatat!

Nagsimula na ang welcome ceremony ng MNLF para sa kanila. Kanya-kanyang kubli sa mga sementong bahay ang tropa ng Alpha Company.

Nakakasagupa ng Molave Warriors ang pwersa ng Moros na noon ay branded bilang Maoist rebels dahil nakalinya diumano sa komunista ang ideolohiya nila.

Dahil sa combat operations simula ng proklamasyon ng Martial Law noong 1972, dumadami ang namamatay sa hanay ng MNLF at pinipilit ng Southwestern Command ng AFP sa pamumuno ni General Romulo Espaldon ang pagpagana ng ‘Policy of Attraction’ para mapasuko ang mga miyembro nito.

“Allahu Akbar!”

Isang seryosong tagisan ng katapangan ng mga Bisaya at Tausug ang magaganap sa semi-urban area sa paligid ng Jolo Airport.

(Ipagpatuloy sa Part 8)




Sunday, September 15, 2019

Nagkakaalaman sino ang matatapang: Combat Story of MSg Bobords Dela Cerna (Part 6)


Nasa larawan ang kaparehas ng Cal 30 M1919 Browning Machinegun na ginamit ni Bobords sa pakikidigma pagkatapos na napatay sa labanan ang orihinal na gunner na ito. (Photo from open sources)


Sa unang 100 metro na inaagaw na kapirasong lupa na kontrolado ng Bangsamoro Army, marami sa mga ka-klase ni Bobords ang nagbuwis ng buhay sa pinakaunang oras ng kanilang pakikipaglaban.

Isa sa nakita nyang nakahandusay ay ang ka-batch nya na si Second Class Trainee Hontiveros, ang siga nyang classmate na nagtulak sa kanya sa dagat nang dumaong sila iilang oras lamang ang nakalipas.

“Hindi ko na nakita ang kanyang katapangan sa labanan dahil namatay sya agad sa pag-apak pa lang naming sa dalampasigan. Naawa pa rin ako sa kanya dahil marami rin kaming pinagsamahan,” sabi ni Bobords.

Si Tunac ang isa pa sa nakita nya na nagbuwis ng buhay sa labanan. Nakita nya na lugmok sa lungkot si Asoki at Castillo, ang ammo bearer at assist gunner ni Tunac, kaya boluntaryo na agad si Bobords na maging kapalit nito.

Doon sya nakilala na Sniper na, Machinegunner pa. Doon sya naging tanyag na matapang na mandirigma sa panahon na wala pang kinikilalang Rambo.

Nasagip ng Musang

Kaka-recover niya kay Tunac para dalhin sa covered position nang sinasalubong naman sila ng mga kaaway na gustong mang-agaw ng mga bala at baril.

Sa kasamaang palad, panay misfire ang inabot ng kanyang Cal 30 M1919 Machinegun, kung kelan nasa bingit na sya ng kamatayan. Pilit nyang abutin ang nakasukbit na M1 Garand sa kanyang likuran para barilin ang rumaragasang juramentado.

Prak! Prak! Bang! Bang!

Bulagta ang dalawang mandirigmang Tausug sa kanyang harapan. Tumakbong pabalik ang iilan sa mga assaulter ng kalaban. Lahat sila may tama sa katawan ngunit nagawa pa rin nilang kumaripas ng takbo.

Paglingon nya, nakita nya ang mga kasamang Sniper na katabi ni Pfc Banzon, isang Musang na miyembro ng SR Class 16.

Nasiyahan si Bobords dahil tunay nga ang kasabihan na sa mga Musang, talagang walang iwanan.

“Sa totoo lang, ni-nerbyos ang iilan sa aming mga kasamahan na doon pa lang nakaranas ng madugong bakbakan. Nagtakbuhan paatras iyong iba at talagang di na nagpaawat sa kanilang mga Squad Leaders at mga NCOs,” kwento ni Bobords.

Dali-dali nyang tinanggal ang nakaipit na bala ng machinegun sa tulong ni Castillo at Asoki. Nakita ni Bobords na mahihirapan syang magsabay sa assault kung nakakabit ang tripod ng machinegun. Naisipan nya ang diskarte para mas madali nya itong mabitbit papunta sa harapan.

“Ipinambalot ko sa parte ng barrel ang aking tuwalya, at hinabaan ko ang pagkatali ng aking modified sling na mula sa strap ng combat pack ni Tunac, para mas madali ko na itong buhatin,” sabi nya.

Nang nagsigaw sina Pfc Banzon ng assault, sinigurado na ni Bobords na kasama sya sa kanyang squadmates sa pag-salubong sa mga kalaban habang ang ibang platoon ang nagpaputok para sa kanilang covering fires.

Tuwing sigaw ng drop, si Bobords ang natitirang nakatayo o kaya nakaluhod, kahit pa man sa gitna ng umuulan ng bala.

“Kung dadapa ako, unstable ang aking position dahil wala akong tripod, at kung may matataas na damo, di ko makikita ang pwesto ng mga kalaban. Ang ginawa ko, patayo ko silang niraratrat ng aking machinegun para kitang-kita ko saan sila nakapwesto,”sabi nya.

Naglalakad sya paharap habang nagpapaputok nang nakarinig sya ng malakas na boses sa likurang bahagi. Boses ni Pfc Evasco.

“Hoy, bugoy, unsa man ka, di madutlan? Magpakamatay ka na ba sa yutang imong gitindogan? Hapaaaaaa!” (Hoy, pasaway, ano ka di natatablan? Magpapakamatay ka na bas a lupa na iyong kinatayuan? Dapaaaaaa!)

Sa nakikita nya, lugi talaga sya kung sya ay dadapa. Sa pakiramdam nya, di naman humahaging sa paligid nya ang bala ngunit doon ito dumadapo sa pwesto ng mga katabi nya. Nang nilingon nya ang mga buddies na may dala ng tripod at bala, nakasubsob ang mga ito sa likod ng puno ng marang.

“Asoki! Castillo! Diri mo sa akong likod uy! Asdang ta!” (Asoki! Castillo! Dito kayo sa likod ko! Assault tayo!)

Nang Makita si Bobords ng iba pa nyang mga ka-Platoon, marami ang nabuhayan ng loob para sumabay sa kanya. Naitulak nila papunta sa kamantingan (cassava trees) ang mga kalaban pagsapit ng hapon. Halos 500 metro na ang naagaw nilang kalupaan.

“Assault! Assault!” Sumisigaw ang mga NCOs ng Molave Warriors.

Tila, ayaw ring patinag ang mga kalaban na nasa pwesto sa ilalim ng mga kamoteng kahoy. Kapos man sa bala, nahubog sa pakikipaglaban ang mga miyembro ng Bangsamoro Army sa nagdaang mga taon. Kung karanasan sa pakikidigma ang pag-usapan, lamang sila sa mga tropa ng 15th IB lalo na sa mga Second Class Trainees na kakatapos ng Molave Warfare Course.

“Allahu Akbar! Allahu Akbar!” Pak! Pak! Pak! Bang! Bang! Bang!

Ang labanan sa pagitan ng Molave Warriors at ng Bangsamoro Army sa Barangay Busbus ay naging labanan ng patibayan ng dibdib, at patatatagan ng isip. Matira ang matibay.

Walang kainan sa buong maghapon, lupaypay sina Bobords ng maabot ang dulo ng mapunong lugar. Nasa kamantingan ang natitirang pwesto ng mga kalaban. Di kalayuan sa kanila, tuloy-tuloy ang putukan sa sentro ng Jolo at sa bandang Jolo Airport. Makapal ang usok na nakikita sa mga mabahay na parte. Paminsan-minsan, nakikita nya ang mga eroplano  na nagbabagsak ng bomba sa pinagpwestuhan ng mga kaaway.

Napaisip si Bobords sa kanyang buhay sundalo. Di sya nakaramdam ng takot dahil sa pakiramdam nya ay walang mawawala sa kanya. Ang kanyang lighting courtship sa isang Zamboanga White sa Zamboanga City ay parang bunga lang ng katuwaan. Ginogoyo lang sya ni PFC Banzon na ligawan ang kanyang hipag.

“Ang problema, dahil na rin siguro sa aking katikasan, napasagot ko sya sa loob lang ng 30 minuto! Pero, hindi ko yon sineseryoso dahil ang nasa aking isipan ay paano maging mahusay sa pakikipaglaban.”

Inabot nya ang kanyang water canteen para lumagok ng tubig dahil sa tindi ng uhaw at gutom. Walang tanghalian, wala ring hapunan kahit mag-alas singko na noon. Nang buksan nya ang canteen, talagang wala na itong laman.

“Nilululon ko na lang ang aking laway para kahit papano ay maibsan ang aking uhaw. Ang mga ungas kasi na Kitchen Police, ayaw maghatid ng hot meals kung meron pang umaalingawngaw na putok. Napapasma kami dahil sa mga nerbyoso!”

Nagsasalansan sya ng isa pang 100 round link nang marinig nya ang pamilyar na mga putok. Ka-blaam! Ka blaam! Bratatatattatat!

“Assault na! Agawin natin ang kanilang mga pwesto habang kokonti na ang kanilang mga bala!”

Tumayo ang mga Musang kaya nagsunuran na rin ang marami pang mga kasamahan. Sumabay na rin si Bobords at tila sya ang naging covered position para sa dalawang ka-buddy na ayaw matamaan ng bala.

“Brrrrt! Brrrt! Brrrt!” Tinakbo ni Bobords ang isang foxhole na may lamang mga kalaban. Napa-nganga ang lahat ng kanyang kasama sa Squad.

“Sundan natin si Bobords! Assault!” Naging matapang ang buong squad ni Pfc Evasco. Naagaw nila ang foxholes at nakitang nakahandusay ang delaying force ng Bangsamoro Army. Naagaw nila ang klase-klaseng armas kagaya ng FN FAL, Garand, at folded na M2 Carbine. Halos ubos na pala ang bala ng mga natirang kaaway.

Nang narating nina Bobords ang mas magandang pwesto, inayos ni 1LT Suarez ang kanilang defensive position, habang pinapahakot sa likurang bahagi ang mga nasawing kasamahan.

Tatlo sa ka-squad ni Bobords ang nagbuwis ng buhay sa pakikipag-agawan ng humigit kumulang na 30 ektaryang pwesto ng Bangsamoro Army sa Barangay Busbus.

Isa sa pinakaunang request ng tropa sa kanilang pag-reorganize ay mga bala at pagkain.

Gutom na gutom na sila at kulang na lang ay kikilawin ang mga bunga ng kamoteng kahoy na naagaw nila sa pwesto ng mga kaaway.

Sa kanyang sector, ibinalik ni Bobords ang tripod ng kanyang Machinegun at iniumang ito sa pinakaposibleng avenue of approach ng mga kalaban.

Mag-alas otso na nang gabi nang dumating ang may dala ng kaldero na may lamang magkahalo na kanin at pritong isda.

Salit-salitan silang magka-squad na nagkakamay para hagilapin ang ulam at kanin sa nilatag nilang dahon ng saging.

Kakasimula pa lang nilang sumubo nang nabulabog sila sa nakakabinging putok.

Bratatatatatatatat! Ka-blam! Pik! Pik! Pik!

Umuulan ng bala sa pwesto ng Molave Warriors.
“Mama! Mama!” Humihiyaw sa sakit ang mga tinamaan.

Tinalon ni Bobords ang kanyang machinegun.

“Mga pisting giatay mo dili mo magpakaon ha! Kaona ning akong bala!” (Mga put__$*%! Nyo ayaw nyo magpakain ha. Kainin nyo mga bala ko!)

Brrrrt! Brrrrrt! Brrrt!


(Abangan ang Part 7)

Friday, September 13, 2019

Baptism of fire ng Molave Warriors: Msg Bobords Dela Cerna story (Part 5)


Larawan ng certificate ni Bobords Dela Cerna sa Molave Warfare Course, ang kurso nya sa warfighting na tinapos nya iilang araw bago ang kanyang pinakaunang combat deployment sa Jolo, Sulu noong taong 1974. 



Molave Warriors

Sa unang pagsabak sa labanan ng Molave Warriors, mabilisang nag-dive si Bobords papunta sa pwesto ni Pvt Tunac para masagip ito at nang makuha ang dala nitong machinegun.  Nilingon nya ang isang kasama na napasigaw dahil natamaan sa hita.

“Tabangi ko!” (Tulungan nyo ako!)

Nang tinakbo naman ito ng dalawa pang tropa, ginawa naman silang target paper ng nakapwestong MNLF, at ratrat ang inabot nila. Bratatattat! Pak! Pak!

“Nadagdagan na naman ang casualties namin dahil sobrang malapitan ang labanan. Nakita namin na merong foxholes ang mga kalaban kaya lugi kami sa bakbakan.”

Nakita nya na wounded ang isa sa mga Musang ngunit tumayo ito at lalo pang sumugod sa harapan.

“Wag matakot mga bugoy! Assault!”

Lalong lumakas ang loob ni Bobords nang masaksihan ang katapangan ng kanyang NCOs. Gusto nya itong gayahin sa pagpapakitang gilas sa kahusayan sa pakikipaglaban.

Inulan man sila ng punglo, naubusan na sya ng takot na mamatay sa panahon na iyon. Naawa sya sa sinapit ni Pvt Tunac.

“Di ko masikmura na iwanan syang nakahandusay doon sa open terrain. Di ko rin pwedeng pabayaan na maagaw ng kalaban ang dala nyang machinegun dahil mas lalong dadami ang malalagas sa amin, kaya di bale nang mamamatay, wag lang mapahiya!”

Kasama ang mga kapwa Second Class Trainees, hinila nila si Tunac at ang machinegun hanggang maabot nila ang mga puno ng niyog.

Sinubukan nyang magkubli sa likod ng puno pero nagsisikuhan sila dahil apat silang nagtago sa isang puno para iwasan ang umuulang punglo. Dahil inuulan sila ng bala, para silang mga bata na nag-aagawan ng laruan.

“Ayaw diri! Balhin sa pikas!” (Wag ka ditto, lipat sa kabila!)

Nangingibabaw ang boses ni Sgt Berroya, isa sa mga Musang, sa gitna ng umaalingawngaw na mga pagsabog at mga putok mula sa mga Molave Warriors na nakaabot na rin sa mga mapunong lugar.  

“Bazooka! Tirahin ang foxholes ng Bazooka!” Dala-dala ng mga tropa ang M9A1 Bazooka, ang grenade launcher na unang naimbento para pang-tigok sa battle tanks ng World War 2.

Ka-blaaaam! Pasok sa pwesto ng foxhole ang bala ng Bazooka. Tumahimik ang mga baril ng kalaban na nakapwesto dito. Ang iba ay nahiya nang tumayo sa dami ng shrapnel na nahilamos sa kanila.

“Allahu akbar! Allahu akbar!” Nagsigawan ang mga natirang kalaban.

Sumagot naman ang mga Musang na nangunguna sa lahat ng tropa kagaya ni Sgt Bernas na di man gaano kalakihan pero parang naka-megaphone ang boses nya.

“Ayaw kahadlok! Asdang ta!” (Huwag matakot! Sugod tayo!)

Nakikita ni Bobords ang iilang mga kalaban na humihila sa mga patay nilang kasamahan. Nasa 50 metro lang ang layo nila pero mas masukal ang kanilang pwesto.

Ini-sling nya ang kanyang M1 Garand at dali-dali nyang kinuha combat pack ni Pvt Tunac at tinanggal ang straps ng combat pack. Ipinangtali nya ito sa Cal 30 Machinegun para maging sling nito, para madaling buhatin.

Pinatabi nya sa kanyang pwesto ang mga ka-batch na sina Asoki at Castillo na syang may dala ng maraming linked ammo ng machinegun. Doon nya sinimulang paulanan ng bala ang mga kalaban na nasa likod ng mga puno ng lansones.

Brrrrrrrrrrt! Brrrrrrrt! Brrrrrrrrrrrt! Umaapoy ang iilang tracer rounds habang lumilipad ito papunta sa pwesto ng mga kaaway.

Ang iilan sa kanyang ka-batch ay nakasubsob na ang ulo at hindi na nakaka-return fire dahil sa nerbyos sa sinapit nila. Dahil dito, nakiki-command na rin si Bobords sa mga kasama na nakalinya sa kanya.

“Maneuver na mo, ako ang mag-cover fire!” Tuloy-tuloy ang pagpindot nya sa trigger para makapag-deliver ng burst fire at mapasubsob ang ulo ng mga kalaban.

Brrrt! Brrrrt! Brrrrt!

“Batching, reload!” Nakita nya na parang blangko ang titig sa kanya ni Asoki.

“Hoy, butangi kog bala kay nahurot na! Dalia kay basin asdangon ta ug matigbasan ta aning mga kanahan!” (Hoy, lagyan mo ko ng bala at naubos na! Bilisan mo at baka sugurin tayo at mataga tayo nitong mga ***%#!)

Ang juramentado

Batid na batid ni Bobords ang mga kwento tungkol sa mga juramentado na mga Tausug. May tali sa bayag, sa braso, at sa ulo, naging tanyag ang suicide attackers ng mandirigmang Tausug sa Filipino-American war na kung saan ay maraming Jolohano ang nag-alay ng buhay sa mga suicide attacks kontra sa pwersa ng mga Melikan (Amerikano) gamit ang kris at barong. Ang ‘bolo-wielding’ juramentado ay parte sa asymmetric warfare tactics na pangtapat ng ill-equipped na pwersa ng Sulu Sultanate laban sa well-trained at fully-equipped conventional forces ng United States of America. Dahil sa oral traditions, naipamana ng mga Tausug ang close quarter combat technique na ito sa mga descendants nila, pati sa mga kasalukuyang mandirigma ng Moro National Liberation Front.

“Allahu akbar, Allahu akbar!”

Larawan ng mga sinaunang Tausug Warriors na nakakalaban ng mga Espanol at mga Amerikano. (Internet photo)


Dumarami ang mga Tausug na sumisigaw ng papuri sa kanilang Diyos (Allah) para tumaas ang kanilang morale sa sitwasyon na kung saan ay paubos na rin ang kanilang bala at dumarami ang kanilang mga casualties.

Bigla na lang, nag-jam ang kanyang machinegun at nakikita nya na nagtayuan ang mga natitirang palaban na mga mandirigmang Tausug. Iniumang nya ang kanyang machinegun para ratratin sila.

Plak! Ka-tsak! Plak!

Nag-dud ang bala nya kaya nagkasa at kalabit mula ngunit ayaw pa rin pumutok kaya napasigaw sya.

“Buang!” (Ulol)

Sa harapan nya, sumusugod ang mga kalaban papunta sa kanyang pwesto na tila walang kamatayan. Nakahawak ng kris ang isa sa kanila at iilang metro na lang ang layo sa kanila.

Nanlilisik ang mata, sumisigaw ang isa sa mga ito habang papalapit sa kanya.

‘Allahu akbar! Patayin ang kuffar!’


(May karugtong)



Wednesday, September 11, 2019

Di bale nang mamatay, wag lang mapahiya: Msg Bobords Dela Cerna Story (Part 4)



Larawan ng Jolo na kinuhanan pagkatapos na ito ay masunog sa bakbakan sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at ng Moro National Liberation Front noong February 7-12, 1974. Nasa background ang Mt. Tumatangis (Weeping Mountain) na tila umiiyak sa sinapit ng kanyang mga anak na Tausug, ang kasama sa mga biktima ng karahasan. (Photo from MNLF online publication)


Bakbakan sa Jolo

Isa sa mga kasama ni Bobords sa combat deployment sa Mindanao noong panahon na iyon ay si Msgt Rodolfo ‘Randy’ Ecija Sr.,  isang Waray, at tinagurian na isa ring Living Legend ng mga Musang sa Mindanao.

Dati syang miyembro ng 11th Infantry Battalion, ang nag-iisang Army unit na nakikidigma sa Moro National Liberation Front sa Sulu simula 1972 hanggang 1973. Nalipat sya bilang Platoon Sergeant sa 15th Infantry Battalion nang ma-pull out ang 11th IB at ibinalik sa 3rd Military Area sa Cebu.

Ayon sa kanya, sa Cotabato area ang orihinal na destinasyon ng 15th Infantry Battalion ngunit nabago ang lahat dahil sa isang FRAG-O (Fragmentation Order) na kung saan ay inilipat ang kanilang destinasyon.

“Di ko yon inaasahan na mabalik ako Jolo pagkatapos ng 2 taon kong deployment sa nasabing lugar. Nang atakehin ng mga MNLF ang mismong syudad noong February 7, 1974,” sabi ni Msgt Ecija na nanilbihan sa hot spots a secessionist insurgency sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao na umabot ng sobra dalawampung taon.

Si Ranger Ecija at Bobords ay parehas ng naging ganap na Musang nang sila ay naka-graduate sa SR course sa magkahiwalay na pagkakataon. Noong February 7, parehas silang na-boring sa kaaantay ng paglayag papunta ng Sulu mula sa Port of Zamboanga.

Si Ranger Ecija ang kasama sa nag-supervise sa mga 2nd Class Trainees kagaya ni Bobords sa pagkakarga ng mga supplies na gagamitin nila sa nagaganap na bakbakan sa mismong sentro ng Jolo.

Bilang trainees, ang leg work sa battalion ay nakasalalay sa kagaya ni Bobords.

“Nagkandakuba kami sa pagbuhat ng kahon-kahong bala na baon naming papuntang Jolo. Sa dami ng  aming kinarga, alam ko na matindi ang labanan ang nag-aantay sa amin,” sabi niya.

Bala ng mortar, machine gun, kanyon, bigas, de lata, at karagdagang sasakyang pang-militar ang nakasalansan sa deck ng barko na sinakyan nila.

Lupaypay sa pagod ngunit gising ang diwa ni Bobords dahil sa kanyang pinakaaantay na pagkakataon na maranasan ang pagiging mandirigma ng bayan.

Pagabi na noong February 7, 1974 nang naglayag silang mula papunta sa sentro ng aksyon sa Sulu na kung saan ang ibang military units kagaya ng 14th Infantry Battalion na pinamunuan ni Col Salvador Mison Sr. at Marine Battalion Landing Team, ay kasalukuyang nakikidigma sa mismong poblacion ng Jolo.

Maraming pumapasok sa kanyang isipan habang pinipilit nyang umidlip para makapagpahinga.

Sumandal sya sa isang sulok katabi ng tropa ng Weapons Squad kagaya nina Cpl Tunac, Pfc Castillo, at Pfc Asoki. Minsan na nakakatulog na sya kayakap ang kanyang asawang M1 Garand, ginulantang sya ng tila busina ng barko.

Prrrrrrrrrrrrt! Brooooooot! Tssssh!

Ang akala nya, hudyat na iyon na dumating na sila sa Jolo landing site kaya bigla syang bumangon nang maalimpungatan!

“Pisting giatay, hilik pala ni Sgt Tunac!”

Dahil doon, hindi na sya nakatulog uli lalo na dahil sa makulit na alon na walang hinto sa pag-uuga sa kanyang hinigaang patong-patong na karton at combat packs.

Nagsawa sya sa kabibilang ng bituin sa langit nang mapansin nya na dahan-dahang nag-iba ang kulay sa kalangitan. Sa militar, iyon ang tinatawag nilang Beginning of Morning Nautical Twiligh (BMNT) na kung saan nag-aagawan ang hari ng kadiliman at ang Anghel ng Kaliwanagan.

Tumayo sa at sinilip ang kapaligiran kasama ang mas marami ring tropa na di rin nakatulog sa kaiisip kung ano ang mangyayari sa kanila paglapag sa landing site.

Narinig ni Bobords ang boses ng isang Musang na NCO na dati na rin sa Sulu.

“Ang nasa harapan natin ay ang islang lalawigan ng Sulu, ang lugar ng Tau Maisug (Matapang na Tao) o Tausug!”

Bog. Bog. Bog. Nagwawala na naman ang kanyang dibdib at tila sinilihan ang kanyang katawan.

Tinatanong nya ang kanyang sarili: “Matapatan kaya ng BiBu (Bisayang Sugbu) ang kabangisan sa away ng Tausug?”

Bandang alas singko, nasa kalagitnaan sya ng pagmuni-muni nang mabulabog ang mga batching nya na mga ‘Kitchen Police’ ng nakakakilabot na boses ng kanilang Mess NCO.

“Mga bugoy, man the kitchen! Ihanda ang numero diyes na ulam!”

Mabangis ang kanilang Mess NCO sa larangan ng lutuan at ‘Master Chef’ sya sa pagluluto ng menu na ‘Number 10’. Isang pirasong tuyo at isang pirasong itlog! Ipagtabi mo sa plato ang tuyo at itlog, Numero Diyes!

Sa kanilang magka-batch, meron ding pasiga-siga dahil malaki ang katawan kagaya ni 2nd Class Trainee Hontiveros. Porke patpatin ang kanyang pangangatawan, sinisigaan sya nito paminsan-minsan.

Nagsasalok sya ng tubig sa dagat gamit ang kaldero nang bigla syang itinulak nito kaya natampisaw sya sa tubig. Agad syang naglangoy para lumutang pero ang mabigat na kaldero ay kanyang nabitawan.

“Ang akala ni Hontiveros ay hindi ako marunong maglangoy eh laking Sugbu ako. Noong bata nga ako ay parang kinalawang na buhok ko sa kakasisid sa dagat sa paglalaro naming ng languyan!”

Inis man sa kanyang batchmate, umakyat sya pabalik sa barko at agad nilapitan ang ngising demonyo na si Hontiveros.

“Bay, doon sa mga mandirigmang Tausug mo ipakita mamaya ang iyong tapang!”

Busog na lumalaban

Bandang alas nuwebe, naririnig na nya ang mga boses ng mga NCOs ng bawat platoons.

“In 10 counts, ubusin ninyo ang lahat ng pagkain sa inyong meat can! Dapat busog kayong lahat na lumalaban!”

Binilisan ni Bobords na lumamon ng pagkain sabay lagok ng tubig. Naririnig na nila ang putukan sa Jolo at umuusok ang ilang lugar sa sentro na tila nasusunog sa nangyaring bakbakan.

Naisip nya na baka panghuli na nya iyon na agahan. Dinamihan nyang kumain ng kanin dahil possible ring pasma ang abutin sa dire-diretsong paglusob ng kanilang batalyon papunta sa pwesto ng kasamahan sa may Jolo airport.

Di kalaunan, nakita nyang inorganisa na ang mga landing crafts sa labas ng LST. Iyon ang kanilang sasakyan papunta sa dalampasigan mga 3 kilometro lang ang layo mula sa kanilang pinag-angklahan.

Napansin nila na tila walang imik sa pwesto ng kanilang landing site. Nasa landing crafts na ang mga platoons ng Molave Warriors at nakaporma nang skirmishers line nang nagsimula ang preparatory fires.

Booom! Booom! Booom! Yumayanig ang kanilang mas maliliit na landing craft habang umaalingawngaw ang putok ng naval gun fire. Pinapanood nila ang pagsabog ng bala sa dalampasigan.

“Wagaaam! Blaaag!” Usok at tilamsik ng buhangin ang kanyang nakikita sa mga niyugan at sukalan.

“Pinaulanan ng Philippine Navy ng katumbas ng bala ng kanyon ang lugar na aming pagdaungan at parang planting rice ang kanilang ginawa para siguraduhing mapulbos ang kahit sino mang nakapwesto doon,”sabi nya.

Kinapa ni Bobords ang kanyang steel helmet at hinigpitan ang pagtali nito. Napaisip sya kung kaya ba talagang harangin nito ang bala na itinitira sa kanila.

Kung tatablan man ang helmet o hindi, wala na syang pakialam. Naalala nya uli ang itinurong dasal ng kanyang lolo na antingan. Pumikit sya at nanalangin sa Panginoong Diyos.

“Ikaw na ang bahala sa akin Diyos Ama. Bigyan mo ako ng proteksyon para an gaming misyon ay aking magampanan.”

Papalapit nang papalapit na sila sa dalampasigan pagkatapos na huminto ang pagratrat ng naval gun fire.

Nilingon nya ang mga kasamahang sundalo at nakikita nyang paulit-ulit nag-sign of the cross ang iba, samantala ay tila nagsasalitang mag-isa ang iba. Ang mga Musang na kagaya ni Sgt Banzon ay di nagsasalita at nakatuon ang pansin sa kanilang pagdaungan.

“Gentlemen, lock and load! Ready to land!”  Boses ng 1Lt Suarez.

Sinundan naman ito ang boses ng mga senior na Musang. Nanlilisik ang mata ni Sgt Banzon na humarap sa amin. Parang mas nakakatakot ang bangis ng mukha nya kaysa isang kilabot na bandido.

“Dodong, wag nyong humiwalay sa inyong teams at squad! Makinig sa boses ng mga sarhento!”

Mas kinabahan sya sa sabat ng isa pang Musang na nasa tabi nya: “Mga bugoy, kung kayo ay tatakbo sa labanan, ako ang babaril sa mga talawan (matakutin)!”

Mga isang daang metro sa dalampasigan, dahan dahan nang binaba ang rampa sa harapan. Sinilip nya ang sukal sa harap pero wala ni isang tao ang nakikita. Kakaiba ang ang kaba na kanyang nararamdaman.

Mga 50 metro mula sa buhangin, tila napaaga ang tunog ng bagong taon sa kanilang harapan.

Kumanta ang napakaraming armas ng mga kaaway mula sa sa kasukalan sa  ilalim ng niyugan.

Bratatatatat! Bababab! Pikpikpik! Plok! Blaaam!

Nakita nya na ang ibang mga kasamahan sa platoon ay agad tinamaan. “Agay! Agay! Naigo ko! Naigo ko!”

“Talon! Talon! Baba! Baba! Assault!” Nangunguna sa unahan ang kanilang mga Musang na NCOs.

Tumalon na rin si Bobords sa tubig para lumusob. Di na baling mamamatay, huwag lang mapahiya.

Pilit nyang abutin ang ilalim ng tubig, kaya lang medyo napunta sya sa malalim na lugar. Mata lang nya ang nakalutang sa ibabaw ng tubig.

Marami-rami ring tubig dagat ang kanyang nainom bago sya naka-abot sa bahaging ga-leeg ang water line. Tumitilamsik ang mga bala sa kanyang paligid at tila ang pagratrat sa kanila ay walang katapusan.

Doon nya nalaman na mahirap palang tumakbo habang nasa tubig ngunit kung pinapaulanan ng bala ay tatalunin din ang milagrosong tao na parang naglalakad sa tubig sa bilis ng galaw!

Kasama ang ilang batchmates, narating nya ang buhangin katabi sina Sgt Tunac na hila-hila ang kanyang Cal 30 M1919 Machinegun.

“Castillo, ang tripod! Asoki, ang bala!” Humihiyaw si Sgt Tunac.

 “Assault! Assault!” Sigaw ng mga Musang na NCOs.

“Mama! Mama!” Humihiyaw sa sakit ang mga tinamaan. Ang iba di na nakaahon sa tubig.

Luminya si Bobords kina Sgt Tunac at sa mga kasamahan nya sa Squad. Hinihingal sya sa kakakampay sa tubigan at nasuka-suka sa dami ng nainom na tubig.

Bigla na lang, kumalabog ang steel helmet ni Private Tunac na tila sya ay binatukan.

Aaaargh! Boses ni Pvt Tunac. Nakatagilid na at umaagos ang dugo sa kanyang ulo. Dead on the spot sya.

Umuulan pa rin ng bala. Umaararo ang mga punglo sa lupa sa kanyang tagiliran.

Gusto nyang kunin ang Cal 30 Machinegun sa pwesto ni Sgt Gunac,  pero tila ay binakuran sya ng tilamsik ng mga bala sa kanyang kinalalagyan.

Karamihan sa kanila ay nasa open terrain at walang masubsuban ng ulo. Ang ibang Platoons ay nakagilid na sa niyugan at nasa 5-10 metro ang layo sa fox holes ng mga kalaban. 

Dahil natubigan ang kanyang scope, Malabo ang kanyang sight picture nang pinipilit nyang hanapin ang machinegunner ng MNLF sa harapan, pero pinutukan nya ng patsamba ang mga pwesto na merong gumagalaw na mga dahon ng damo.

Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Kling!

Ubos ang kanyang bala. Paglingon nya uli sa pwesto ni Sgt Tunac, tila iniimbita sya ng Cal 30 machinegun para ito ay kanyang kukunin.

Binilangan nya ang kanyang sarili habang pumorma na takbuhin ang machinegun.

Ready, wan…tu. Tri!

Prak! Bratattatatat! Agh! Pumulandit ang dugo. 

"May tama ako!"

(May karugtong)