Larawan ng mga miyembro ng Abu Sayyaf noong taong 2000. Karamihang nasa larawan ay napatay sa bakbakan kagaya ni Khadaffy Janjalani (binilugan ng pula ang ulo) na nasawi sa Sulu noong 2007 at si Bakal Hapilon (nakahawak sa 90RR na nasawi sa engkwentro laban sa pinagsanib na grupo ng 10SRC at 12SRC sa Libok, Lantawan, Basilan noong March 2002. Tanging si Isnilon Hapilon, (pangatlo mula kay Janjalani) ang buhay pa diumano hanggang sa ngayon.
Maraming nagtatanong kung bakit meron pa ring Abu Sayyaf at kung bakit hindi ito 'matatalo' ng militar.
Marami ang mga speculations na 'alaga' diumano sila ng mga matataas na lider ng militar o gobyerno para hindi mawala ang budget ng militar. (Mukhang napakalaking kamalian ang istorya na ito dahil ang militar ay hindi mawawalan ng pondo kahit pa man wala nang internal armed conflicts. Kung mag-shift ang AFP sa external defense, dapat lalong palakihin ang pondo lalo na sa modernisasyong kailangang maisakatuparan para maipagtanggol namin ang ating bansa)
Marami ang istoryang imahinasyon na lumabas na pinalulusot namin ang mga Abu Sayyaf sa bitag-militar.Karamihang sa mga istorya at napulot ata sa barber shop at mataguriang 'kwentong barbero'. Kaya nga imaginations lamang ito ng mga sumulat para bumenta.
Kaya nga nilangaw ang sineng pinamagatang 'Captive' kasi napakaraming half-truths at masakit para sa kalooban ng mga sundalo, lalo ng mga kaanak ng mga nasawi sa aming hanay na akusahan kaming nakikinabang sa banditry ng Abu Sayyaf at 'laging talunan sa mga bakbakan'.
Nakakalungkot nga lang pero tila marami rin pala ang hindi nalilinawan sa kaganapan sa Muslim Mindanao.
Maswerte ako at naranasan kong bisitahin ang mga probinsya ng Basilan, Sulu at Central Mindanao dahil sa aking serbisyo militar.
Kung ang ibang sundalo ay gumagawa ng paraan para hindi ma-assign dito, ako ay boluntaryong pumunta dito noong ako ay Tenyente pa lamang.
Nang nanalasa ang mga bandido sa Sipadan at Dos Palmas kidnapping incidents, parte kami sa daan-daang sundalong pinadala upang tumulong sa rescue missions.
Di ko matanggap iyong mga walang basehang akusasyon dahil andon ako mismo, at unfair yon sa napakaraming duguan sa aking mga kasamahan para tuparin ang aming mga tungkulin.
Dagdag pa riyan, dapat fair naman sa mas nakakaraming sibilyang Muslim na nadadamay sa mga negatibong komento ng mga Kristiano dahil sa kabulastugan ng mga damuhong 'mujahideen' kuno.
Silang mga na-displace kapag me mga massive combat operations sa kanilang mga komunidad at maging parte ng mga bakwit o evacuees, ay ayaw na rin ng bakbakan. Hindi lang natin naririnig ang kanilang maliliit na boses na nagsusumamo.
Maraming taon nang nakikipaglaban ang mga sundalo sa mga armadong grupo dito simula noong kapanahunan ni Kamlon noong 1950s na kung saan ay wala pang tinatawag na MNLF, MILF, MILO, Pentagon o Abu Sayyaf.
Ayaw ko nang isama ang daan-daang taon na unang ginamit ang mga Visayan (indio) sa mga pakikidigma na pinangungunahan ng mga mapanakop na Kristiyanong Espanyol at pati ang minanang pakikidigma ng mga Kano na pinangunahan ni Gen John Pershing sa Sulu.
Sino ang Abu Sayyaf?
Simula na naging kilabot ang armadong grupong Abu Sayyaf na pinangunahan ni Abdurajak Janjalani noong 1990s mula sa grupong kung tawagin ay Tabligh Jumaat.
Para sumikat at makahingi ng pondo sa mga financers ng Islamic extremism sa ibang bansa, gumawa ng maraming katarantaduhan laban sa mga Kristiyanong walang kalaban-laban kagaya ng mga titser sa Matarling, Lantawan at Tumahubong; at mga pari kagaya nina Father Nacorda at Father Gallardo.
Pinasikat nila lalo ang kanilang sarili sa pang-rape ng kababaihang bihag at pamumugot ng ulo na kanilang kinukuhanan ng video. Dito nagkakaroon ng personalan sa mga Kristiyano at pati sa iilang sundalo na nagpapadala sa silakbo ng damdamin. .
Lalo din nilang pinasikat ang pangalan ng Abu Sayyaf sa international community noong 2000-2001 nang mangidnap sila ng foreign tourists sa Sipadan island sa Malaysia at sa Dos Palmas, Palawan.
Ang bandidong si Abu Sabaya na natuto ng psy-war ay naging mukha ng Abu Sayyaf at kaming mga sundalo ay kinukutya at ginagawan ng istorya sa pamamagitan ng battle for public perception.
Sa isang sitwasyon ay gamit nya ang nakumpiskang military tactical radio upang kunwari ay 'kausap' si General sa kabilang linya at pinapagawan nya diumano ng diskarte na sila ay makaeskapo kapalit ng pera.
Dahil nakikita ito ng ibang hostages, ganito ang kanilang pagsalarawan sa mala-teatrikong aksyon ni Aldam Tilao a.k.a. Abu Sabaya. Kinagat ito ng iilan sa media na nagkukulang din ng impormasyon mula sa militar.
Dito kami naiinis sa sitwasyon noong 2001. Sino ba naman ang hindi inis sa kabulastugan ng mga bandido? Naiinis din kami noon na ginagawan kami ng kwento pagkatapos ng aming mga sakripisyo.
Pagkatapos ng maraming taon ng military operations at pati joint-law enforcement operations laban sa mga kriminal na Abu Sayyaf, halos naubos na yong mga orihinal na mga kasapi nito.
Kaming mga Scout Rangers ay kasama ring nakatulong upang mapuntahan ng mga alipores ni Janjalani ang ipinangalandakang 7th level sa heaven kung sila ay maging mujahideen kuno.
Sa dami ng kanilang kamuhi-muhing krimen na labag sa Islam, alam ko si Shaitan (Satanas) ang kanilang nakapiling ngayon.
Mis-understanding the Mindanao conflict
Laging nadadaragdagan ang problema sa ground kapag kulang sa pag-intindi sa Mindanao conflict.
Ito ay napapalala kapag pinaiiral ang galit ng iba lalo na ng mga sibilyan, at hindi nila napapansin na naglalagablab na sa init ang sitwasyon at tila ay nagiging Kristiano laban sa mga Muslim.
It is high time na dapat tanggapin nating lahat na nananahimik lamang ang Muslim Sultanates dito sa mga islang pinangalanang Filipinas, before the arrival of the likes of Figueroa at Magellan.
Hindi na natin maibalik ang nakaraan at kailangan lamang harapin ang kasalukuyan sa pamamagitan nag pag-iintindihan. Halimbawa, dapat taggapin na rin ng lahat na taga Mindanao na hindi na natin pwede ibalik ang mga Ilokano at Visayans na ipinadala nina Osmena at Magsaysay noong araw para manirahan sa napakalaking islang Mindanao (kasama na ang mga Cabunoc, mga Zubiri, Fortich, Santos at mga mga apelyidong di naman orihinal na settlers don kagaya ng Muslim tribes at mga indigenous peoples kagaya ng Manobo, Tiruray, Matigsalog at iba pa).
Dapat magkakaintindihan kasi kapag hayaan ang mga war freak na civilians (pati iilan sa mga militar kung meron man), ang conflict ay tila ay maging Holy Crusades. Ito ay magiging kahalintulad ng tunggalian ng mga Crusaders sa pamumuno ni Richard the Lion Heart, at sa panig ng mga Muslim sa ilalim ng pamumuno ni Salah-eh-din (Saladdin).
Iyon ang ayaw nating mangyari, na ang paningin ng mga kapatid nating Muslim ay inaatake sila ng mga Kristiyano kagaya noong 1600s. Marami pa rin sa kanila ang naniniwala ng ganito o ang pakiramdam ay ganoon (inaapi sila ng mga Kristiano) pagkatapos ko silang nakakausap.
Kapag ganoon kasi ang sitwasyon, mahirap na magapi ang nagpapakilalang Abu Sayyaf kahit na napatay na ang karamihan sa napakaraming bakbakan laban sa kanila.
Kahit na halos nalagas na silang lahat ay meron pa ring nagpapakilalang Abu Sayyaf o pinipilit na tawaging Abu Sayyaf.
Hindi rin naman kasi kaila na kahit sinong armado sa Basilan at Sulu, kapag gumawa ng atrocities ay Abu Sayyaf kaagad ang pakilala. Napaka-convenient kasi na ganon ang itawag kasi madali ang name recall.
Ang problema naman, kapag naikakabit ang pangalan na ito sa mga tao na nasa isang komunidad habang nagsasagawa ng focused military operations doon.
Malaking problema yon kapag ang sundalo at lalo na ang pinuno nila ang hindi nakakaintindi sa kulturang Pilipinong Muslim dahil Abu Sayyaf ang magiging paningin nila sa lahat ng mga kalalakihan sa mga liblib na lugar.
Dagdag pa dyan, kung hindi mapagmatyag at mapag-usisa ang sundalo, nadadamay sila sa mga bangayang dapat ay pang-barangay lamang, na kung tatawagin ay rido (clan war).
Ang tunay na kaaway at problema
Kung susuriin nating mabuti ang mga kaganapan, hindi yong 'Abu Sayyaf' ang tunay na kalaban o problema. Halimbawa, napakarami na sa aming talaan ang nalipol na 'problema' kagaya nina Abdurajak Janjalani ang dalawang mga kapatid, Bakal Hapilon, Virgin Killer, Mujib Susukan, Albader Parad. Kung sila ang problema, bakit tuloy-tuloy ang pagkakaroon ng Abu Sayyaf? Dahil dito, ang Abu Sayyaf ay sintomas lamang ng problema at ang aking argumento ay hindi ito ang pinaka-problema kundi ang kasakiman, kapabayaan, kahirapan, kamangmangan at kakulangan ng hustisya.
Kung patuloy na mayroong lingkod bayan na pabaya sa kanilang mga tungkulin at nagpapayaman sa kanilang pwesto gamit ang kaban ng bayan, tuloy-tuloy din ang paghihikahos at pagkukumahog sa putik ng kahirapan ang mamamayan. Kung ang mayor at Barangay Captain ay hindi mo makikita doon sa kanilang bayan ngunit lagi present sa Lamitan o Isabela o kaya sa Zamboanga City, kung saan ay naglalakihan ang kanilang tirahan, magkakaroon lagi ng Abu Sayyaf.
Kung walang health center at ang 1-2 classroom na paaralan ay walang klase at naglalaro ng volleyball si titser, meron tayong problema.
Kung walang pulis na mag-aresto sa mga gumagawa ng krimen, meron tayong problema kasi 'rido' ang gagawin ng naaapi o biktima ng krimen para makamit ang hustisya.
Kung lahat ng tao ay nagtatago ng armas sa bahay dahil sa talamak na patayan ng magkatunggaling pamilya, meron nga tayong problema.
Kung nakakalbo na ang gubat dahil sa rampant illegal logging, at nasisimot ang yamang dagat sa dynamite fishing at sa makasariling big time fish trawlers, laging magkakaroon ng Abu Sayyaf.
Kung ang mga kabataan ay tuloy-tuloy na hindi nakakapag-aral ang napipilitang maghanap-buhay sa murang edad, at di nabago ang kanilang nakagisnan na panay pakikipaglaban sa gobyerno, magkakaroon pa rin ng Abu Sayyaf.
Kung merong mga taong ayaw intindihin ang tunay na kasaysayan ng Mindanao at nagyayabang pa na tipong 'lipulin' ang mga Pilipinong Muslim, hindi matatapos ang problema at laging merong magpakilalang Abu Sayyaf.
Kung merong mga armadong grupo na nagkakanlong ng masasamang elemento sa kanilang komunidad at nakikinabang sa perang mula sa kasamaan, patuloy na merong nagpapakilalang Abu Sayyaf.
Kung patuloy na patamad-tamad ang ibang nasa komunidad at inuunang maghimas ng armas kaysa suyurin ng araro ang matatabang lupain, meron pa ring mag-Abu Sayyaf.
Dahil dyan, hindi lamang military solution ang kailangan. Habang merong bakbakan at merong nauulila ay merong naghihiganti o lalong nalugmok sa kahirapan. Ang laging kalam ang tyan at walang kamuwang-muwang dahil kulang o walang pinag-aralan ang syang madaling mahikayat ng mga terorista na sumanib sa kanila.
Ngunit, handa ang militar na makikipagtulungan para maisulong ang mga programang maging tugon para sa suliranin ng lipunan na syang dahilan kung bakit meron pang Abu Sayyaf.
Para sa akin, hindi ito matutugunan kung panay barilan lamang ang gagawing paraan, dahil patuloy na merong maghihiganti o kaya maghihinanakit kung tuloy-tuloy na merong nasasaktan dahil sa mga bakbakan.
Ang tungkulin ng sundalo ay ipagtanggol ang taumbayan sa kahit sino mang armadong grupong gumagamit ng karahasan. Kasama sa 'taumbayan' ay ang komunidad ng mga Muslim na pinagtataguan ng mga bandido. Kailangan namin silang proteksyunan mula sa karahasan habang ginagawa namin ang aming tungkulin na sugpuin ang terorismo. Dahil dito, hindi namin pwedeng pulbusin ang buong komunidad dahil sa hangaring mapatay ang iilan sa mga bandido. Kung paano makuha ang kooperasyon ng mga kaibigan o kaanak ng mga Abu Sayyaf para kontrahin nila ang pwersa ng kasamaan, ito ang hinahanapan ng kaukulang solusyon.
Bayanihan ang kailangang tugon sa problema na kung saan ay lahat ng sektor ay gumagawa ng parte ng solusyon, at, hindi gagawa ng hakbang na pampadagdag ng problema ng ating bayan.
Mga kapatid, pag-isipan nating lahat paano matukoy at matugunan ang iba pang mga problema na syang dahilan kung 'Bakit di malilipol ang Abu Sayyaf'.
Ito ang aking mga kapatid na Muslim sa Bgy Taglibi, Patikul, Sulu na tinulungan naming magkaroon ng napakasimpleng public toilet bilang solusyon sa problemang pangkalusugan. Kuha ang larawan noong Abril 2001. Kasama ko sa larawan si Cpt Roy Derilo, ang pinuno ng 7th Scout Ranger Company. Ang mga residente ng Pansol at Taglibi ang naghadlang sa grupo ng bandidong si Jurim na balak ambusin ang convoy ng 1st Scout Ranger Battalion na aking kinabibilangan noong ika-13 ng Disyembre 2000. (10SRC photo)
Ito ang paaralan ng Panglima Estino, Sulu na kung saan nagbabantay ako sa eleksiyon noong Mayo 2001. Sa aking paninilbihan dito simula noong taong 2000, walang nagkaklase dito sa di malamang kadahilanan. Ang pinagkakampuhan ng mga Abu Sayyaf sa Bud Bagsak at sa Bud Tunggul ay nasa layong 4-5 kilometro sa hilagang bahagi ng bayan. (10SRC photo)
all Moros and the rest of the Filipinos must read this
ReplyDeleteSalam Sir... Thank you for providing this facts.. As i've learned, ASG consist of different tribes. Hindi lamang po mga Muslim Ummahs).. Shukran Jazeelan (Thank you very much) Sir.
ReplyDeleteSalam Sir... Thank you for providing this facts.. As i've learned, ASG consist of different tribes. Hindi lamang po mga Muslim Ummahs).. Shukran Jazeelan (Thank you very much) Sir.
ReplyDelete