Ang Landing Ship Tank ng Philippine Navy na kaparehas sa sinakyan ng 15th Infantry Battalion papuntang Jolo noong 1974. (Internet photo)
Ang mga mandirigma ng
15th Infantry Battalion
Sa pagkaalaala ni Msg Bobords Dela Cerna, naaayon sa grupo
ng region ang pagka-organisa sa kanilang battalion.
Mga Bisayang taga Ormoc at Cebu, napunta sa Alpha Company.
Si Bobords ay miyembro ng 1st Platoon ng kumpanyang ito at ang
kanyang Platoon Leader ay si 2LT Crucero at ang kanyang Company Commander ay si
1Lt Suarez.
Ang mga Bisayang Waray galing Samar, solid silang lahat napunta
sa Bravo Company. Ang mga ‘tikal’ na Ilonggo naman ay napunta sa Charlie
Company lahat.
Samantala, sa Headquarters Company ay nagkahalo-halo na ang
mga Cebuano, Ilonggo, Waray, at iilang mga Ilokano.
Ini-organisa sila ni Colonel Villalon na merong weapons
squad kada kumpanya. Dala-dala ng mga miyembro nito ang Bazooka at M19 Cal 30
Machinegun. Bawat kumpanya ay merong dalawang Advanced Marksman o Sniper na ang
ginagamit ay scoped Cal. 30 M1 Garand Rifle.
Ang mga Scout Ranger qualified personnel naman ay
naka-distribute sa mga Platoons ng bawat kumpanya dahil sila ang inaasahan na
mag-control sa mga baguhang sundalo, lalo na ang mga 2nd Class
trainees sa mga misyon. Madali silang makilala dahil authorized silang magsuot ng 'Seven Colors', ang camouflaged uniform ng US Army, na kakaiba sa Olive Drab (fatigue) uniform ng Philippine Army sa mga panahong iyon.
Dahil iniidolo ni Bobords ang mga Musang, lagi syang
dumidikit sa mga ito para makipagkwentuhan at matuto sa kanilang mga kaalaman.
Iniidolo nya ang mga batikang mandirigmang Musang na kagaya ni Sgt Banzon at
Sgt Bernas. Iisa ang maalala nyang turo ng mga NCOs na Musang:
“Bobords, para sa mga Musang, hindi kami mag-iiwanan. Dapat
tayong mga miyembro ng 15th IB ay hindi mag-iiwanan kahit sa bayag
na magkaipitan.”
Natutunan din nya sa mga Musang na mahuhusay silang magdala
ng tao. Napapakibagayan nila ang lahat na tauhan kahit Bisaya, Ilonggo, o
Waray. Dahil kaya ni Bobords na makapagsalita sa lahat ng dialect na iyon,
nagagawa nyang makipagbolahan sa kahit anong miyembro ng battalion.
“Mas madali kong nakakapalagayang loob ang tropa kung parehas ang aming salita.
Mabuti na lang alam ko ang mga salita nila dahil sa mga barkada ko simula noong
ako ay elementarya pa lang,” sabi nya.
Ang kanyang kaalaman sa mga dialects ay nagagamit nya para
maging mediator sa mga awayan ng iba’t-ibang grupo. Isang araw, inawat nya ang
nagsusuntukan na isang Ilonggo at isang Waray. Nabitawan nya ito ang matinding
pananalita.
“Bay, kanang atong
kaisog, ato kanang ipakita sa mga kontra. Paghulat lang gud mo kay hapit na ta
makigyera sa Jolo, tan-awon gyud nato kinsa ning mga tinuod nga banggiitan ug
kinsa ning mga talawan!” (Pare, ang ating katapangan ay ipakita natin sa
mga kaaway. Antay lang kayo kasi malapit na tayo makikidigma sa Jolo, tingnan
talaga natin kung sino ang tunay na mga tigasing matatapang at kung sino ang
mga nerbyoso sa labanan!)
Ang mga kalaban sa
Jolo
Mainit pa ang mga kwentong ‘Jabidah Massacre’ noong 1968 na
kung saan ay pinagbintangan ang Philippine Constabulary trainors ng mga
recruits na Moros na syang nagmasaker diumano sa sinasanay na tropa na dapat ay
lulusob sa Sabah para bawiin ang teritoryo na inaangkin ng Malaysia pagkatapos
na lumayas ang British colonizers.
Dahil sa galit ng mga Moro, nasindihang muli ang poot sa
dibdib ng mga Moro na nag-ugat pa sa pang-aabuso ng pwersa ng mga Espanyol
kagaya ni Capitan Esteban de Figueroa na nagkanyon sa Jolo noong June 1578.
Nanatili ang galit na ito sa mga pwersang mapanakop, lalo na sa mga Kristyano,
dahil sa ipinagpatuloy na pagkontrol ng dayuhan simula ng malagdaan ang 1998
Treaty of Paris na kung saan ay nagbigay daan ito para pumalit naman ang pwersa
ng mga Amerikano sa Sulu at sa buong Pilipinas.
Kasama ang Bud Dahu Massacre noong 1906 at Bud Bagsak
Massacre noong 1913 sa mga pang-aapi ng mga Amerikano sa nagpapaliyab ng poot
ng mga Tausug. Dahan-dahang nananahimik ang Sulu dahil sa Benevolent
Assimilation na estratehiya ng mga Amerikano.
Ang karima-rimarim na sinapit ng mga Tausug na lumaban sa pwersa ng mga Amerikano ang kasama sa poot na nararamdaman ng mga nakikidigma sa naturang lugar hanggang sa kasalukuyang panahon. (Internet Photo)
Subalit, nabuhay muli ang galit sa mga dayuhang pwersa dahil
sa dami rin ng pinatay na Tausug ng mga Hapon nang sinakop nila ang Pilipinas
at karatig na mga bansa noong 1942 para itatag ang Greater East Asia
Co-Prosperity Sphere, na layunin ay pag-isahin ang kultura at ekonomiya ng mga
Asiano.
Iilang taon lamang pagkatapos ng kalayaan ng Pilipinas noong
1946, nasindihan muli ang galit at pakikidigma ng mga Tausug nang ginamitan ng
malakas na pwersa ng Armed Forces of the Philippines nang nag-alburoto ang
grupo ni Maas Kamlon noong 1950s. Marami ang napatay sa bakbakan, samantalang
hindi naman nagrerebelde si Kamlon kontra sa pamahalaan, kundi kumapit sa
patalim dahil sa nakikitang di parehas ng pag-disarma ng Philippine
Constabulary sa mga armadong grupo.
Kaya naman, ang sinaunang kampo ng Bangsamoro Army (na
naging kilala bilang MNLF) ni Commander Talib Congo noong 1970s ay
pinangalanang Camp Kamlon. Sila ang lumusob sa bayan ng Jolo noong February
1974.
Ito ang naging hudyat para magpadala ng pwersa ang AFP sa
Jolo, kasama ang 14th Infantry Battalion at 15th Infantry
Battalion na kinabibilangan ni Second Class Trainee Eugenio ‘Bobords’ Dela
Cerna.
Kagaya sa mga pwersa na ipinadala para labanan ang mga
Tausug noong 1578 (Spanish), 1900s (Americans), 1942-1945 (Japanese), 1950s
(AFP), sa narrative ng mga rebelde o kaya sa mga bandido o terorista, ang mga
deployed troops ay ‘pwersang mapanakop’ o ‘pwersa ng mga Kristyano’, lalo na at gumamit din ng Christianized indios mula sa Visayas ang mga Espanyol sa pang-aatake nila sa Sulu Sultanate sa mga panahon na iyon.
Makakaharap nina Bobords Dela Cerna at mga Bisayang tropa ng
15th Infantry Battalion, ang mga salin-lahi ng mga mandirigma na
lumaban sa mga dayuhang pwersa simula pa noong 1600s.
Byaheng Jolo
Katatapos pa lang mag-agahan ang mga tropa ng 15th
Infantry Battalion nang sila ay ipinatawag ng kanilang Battalion Commander para
sa kanilang final briefing bago ang kanilang jump-off papunta sa Landing Ship
Tank (LST), ang barko na syang magkarga
sa kanila papunta sa Jolo, Sulu para sa isakatuparan ang kanilang misyon.
Mataas ang gupit at maliliit ang tiyan dahil sa mahihirap ng
physical training kagaya ng Molave Warfare Training, ang mga Second Class
Trainees kagaya ni Bobords Dela Cerna, ay naka-distribute sa mga line companies
ang infantry platoons.
Hindi nya maisalarawan ang naramdaman nang marinig na
tuloy-na tuloy na ang deployment nila doon. Pagkakataon na nila yon para
maipakita sa mga kasamahan na ganap na silang sundalo.
“Parang naiihi, natatae pinapawisan, nilalamig, umiinit ang
tenga namin sa formation area. Pero, maliwanag para sa akin na pakitaan na ito
ng katapangan,” sabi ni Bobords, na gustong ipamalas sa mga Musang ng 15th
IB na meron din syang angking katapangan.
Sa nagdaang gabi, di sya gaano nakatulog dahil
nagkandandarapa sya at mga kapwa 2nd Class Trainees sa mga
preparasyon.
Para sa sariling paghahanda, isinasaulo nya muli ang itinuro
ng lolo nya na dasal. Inusisa nya ang combat pack na naglalaman sa kanyang mission-essential
equipment: Bala, bala, bala. Nagsiksik sya ng halos 500 na bala ng Cal 30 para
sa kanyang M1 Garand.
“Wala na akong dinalang pagkain kundi mess kit lang at
canteen na pinuno ko ng tubig. Panay bala at konting mga damit lang nilagay ko
sa aking pack. Kahit isang lingo akong makipagbarilan, pwede!”
Sinaulo at inilagay nya sa imahinasyon ang naisalarawan ng
kanyang Platoon Leader sa kanilang OPORD briefing.
“Halos isang libong kalaban ang makakaharap natin. Okupado
nila halos lahat ng kabahayan lalo ang mga sementadong pwesto. Ang misyon natin
ay bawiin ang Jolo, iligtas ang mga mamamayan, at ipabalik normal ang pamumuhay
ng mga tao doon sa lugar. Magdasal kayo, merong iba sa atin ay posibleng tuwid
na ang paa na makauwi. Ingatan ang sarili. Ingatan ang kasamahan.”
Sinalansan nya sa kanyang higaan ang lahat ng mga gamit
pakikidigma, pati ang kanyang steel helmet bago sya naglinis muli ng kanyang
baril. Sinigurado nya ng nalagyan ito ng lubricants at nahigpitan ang lahat ng
turnilyo ng kanyang scope.
“Wala akong pinalampas sa inspection ng gamit. Dapat
mananagumpay kami para buhay kaming uuwi,” sabi nya.
Di nya alam alin pa ang pwedeng paalaman. Wala naman siyang
girlfriend. Napagsabihan na nya ang kanyang tatay at mga kapatid. Nakapagmano
na sya sa kanyang lolo. Nag-isip isip pa rin sya. Patay na kung patay.
“Gentlemen, form!”
Boses ng First Sergeant.
“Form na kayo at pag accounted na lahat, sakay na sa trak.
Byahe na tayong Jolo!”
Bog. Bog. Bog. Lumalakas ang pintig ng puso nya na tila
gustong umalpas sa dibdib nya. Mainit ang kanyang mukha sa kanyang pakiramdam. Tumaas ang kanyang adrenaline. Atat na sya na makipagbarilan sa mga kalaban.
Tinapik nya ang classmate na si 2nd Class Trainee
Hontiveros.
“Wala tayong iwanan
bay!”
(Merong karugtong)
May part 3 pa ito? 😁
ReplyDeleteBitin na naman ��
ReplyDeleteExcited sa part 3
ReplyDeleteIpost nyo nnpo sir harold ang part 3 ��������
ReplyDeleteSarap basahin, kahit ulit ultin pa..
God Bless po.
Sarap nmn basahin sir..
ReplyDeletePwede isapelikula
ReplyDeleteSir Yong kasunod agad, nabitin ako.
ReplyDeleteLaging nambibitin si sir Cabunoc. isapelikula nalang yan para buo istorya.
ReplyDeleteGanda ng kwento ni sarge. Yun lang sir parang di akma yung pictures sa Bud Daho at yung mga patay na inihihilera sa mass grave, parang 1940's na yung mga larawan.
ReplyDelete