Sunday, October 21, 2018

Commander Banog: Ang aming pagkikita ng BIFF commander na si Datu Parido Balabagan

Noong ika-20 ng Oktubre 2018, nagpakita mismo sa aking opisina si Datu Parido Balabagan alias Commander Banog, kasama ang iilang mga kaanak at si Midconding Barangay Captain Bong Abdul, para ipahayag ang intensyon na suportahan ang isinusulong na kapayapaan ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion at ng buong pamahalaan. (Photo by Sgt Christian Santos)



Bandang alas dos ng hapon noong ika-20 ng Oktubre 2018, nakatanggap ako ng tawag sa cellphone na nagpaabot ng balita:


"Sir, gusto nang makipagkita sa iyo si Commander Banog!"


Natuwa ako sa narinig dahil ito na ang magiging susi sa pagbalik normal sa pamumuhay ng mga mamamayan sa Barangay Lumabao, sa bayan ng General Salipada K Pendatun, Maguindanao. 


Si Datu Parido Balabagan, 66, ay nasangkot sa problema ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters pagkatapos na kumampi sa grupo ni BIFF commander Edzrafil Guiwan sa mga pang-aatake nito sa Barangay Bagumbayan, President Quirino, Sultan Kudarat mga 4-5 taon na ang nakaraan. Nagkaroon sya ng warrant of arrest dahil dito. 

Larawan ng pagbisita ko sa Barangay Lasangan sa GSKP, Maguindanao na kung saan ay napabalitang itinatago si Commander Banog ng mga kaalyado nya sa MILF. 

Para maintindihan ko ang puno't dulo ng problema kung bakit merong kagaya ni Datu Parido na napupunta sa hanay ng BIFF o kaya ay nadadawit sa karahasan na isinusulong ng grupong iyon, binibisita ko ang mga pamayanan para pakinggan ang boses ng ordinaryong tao sa barangay. Binuksan ko ang aking puso't isipan para intindihin ang panig nila na malimit ay inisantabi lamang. 

Direkta kong pinapakinggan ang masa sa barangay para alamin ano ang kanilang saloobin at kung ano ang maitutulong ng mga sundalo sa kanilang mga problemang pang-komunidad. 

Ipinapaliwanag ko sa mga tao na kami ay kanilang sundalo at tungkulin namin na sila ay ipagtanggol sa kahit sinong gumagamit ng karahasan. Ipinaliwanag ko na hindi ko sila kaaway bagkus ay kaagapay sa pagsulong ng kapayapaan at kaunlaran sa kanilang lugar. 

Ipinaliwanag ko ang kahalagahan ng pagtapos sa mga hidwaan at karahasan na syang balakid sa pag-unlad ng kanilang pamumuhay. Ipinaintindi ko na ang kabataan ay dapat bigyan ng pagkakataon na magbalik sa paaralan at hindi masadlak sa mga bakbakan. 

Halos 20 taon ang inabot ng patayan sa Barangay Midpandacan kaya tila naging ghost town ang lugar nang una ko itong binisita noong March 2017. Nakakatuwa ang tanawin na kampante ng ang mga magsasaka na alagaan ang kanilang mga pananim na walang bitbit na mga armas. Kuha ang larawan noong Agosto 2018. 


Larawan ng aking Mortar Section nang ginamit ko sila para suportahan ang ground troops sa labanan kontra sa teroristang grupo ni Ustadz Sulaiman Tudon na nagtangkang lumusob sa bayan ng Datu Paglas, Maguindanao noong ika-10 ng Hulyo 2018. 

Binigyang diin ko na hindi ako mag-atubiling gamitin ang pwersa ng gobyerno para supilin ang magpupumilit na gumamit ng armas na syang dahilan kung bakit nadadamay ang mga sibilyan sa mga barilan. 

Gamit ang sniper scope, sinilip ko ang pwesto ng mga teroristang BIFF sa Sitio Mopac, Barangay Poblacion, Datu Paglas, Maguindanao noong ika-10 ng Hulyo 2018.  Doon ko nakita na merong mga menor de edad ang ginamit ni Ustadz Sulaiman Tudon bilang child warriors. Ginamitan namin ng calibrate force ang naturang engkwentro para mabawasan ang collateral damage sa komunidad. 

Ipinamahagi ko sa kanila ang istorya ng mga sumuko ng BIFF sub-leaders kagaya nina Commander Motolite, Commander Dido, at Commander Lapu-lapu.

Larawan ng pagsuko ni Commander Lapu-lapu kay Governor Esmael 'Toto' Mangudadatu sa Barangay Midconding, GSKP, Maguindanao noong ika-10 ng Oktubre 2018. 


Larawan ng pagsuko ni Commander Motolite at mga kasamahan nya kina Mayor Abdulkarim Langkuno at Mayor Bonnie Kali sa Bgy Damakling, Paglat, Maguindanao noong Mayo 2018.

Larawan ng pagsuko ng grupo ni Commander Dido Malawan ang Deputy Brigade Commander ng 2nd BIFF Division, na naganap sa Liguasan Marsh. 


Ipinaliwanag ko na mahirapan silang kalabanin ang pwersa ng pamahalaan kung sasadyain nila kaming gawing kaaway. Mas mahuhusay kaming bumaril. Unlimited ang aming bala.  Meron kaming tangke, eroplano, night fighting capabilities. Mas maraming tao ang kampi sa kapayapaan, kasama na doon ang overwhelming majority ng miyembro ng Moro Islamic Liberation Front. 

Dagdag pa dyan, matatapang at disiplinado ang aming mga sundalo, at handa ring magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng inang bayan. 

At, hindi mangyayari na ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang yuyuko at lumuhod sa kahit sinong masasamang elemento na lumalaban sa gobyerno. 


Sinusugod namin ang mga teroristang BIFF kahit sa kanilang balwarte sa Liguasan Marsh. Ipinapakita namin sa kanila na wala silang pagtataguan kung maging kakampi namin ang lahat nga mga Maguindanaon na nais maging mapayapa ang kanilang pamayanan. 

Kung talagang di nadadala sa negosasyon, magsama-sama ang mga sundalo at pulis para hulihin ang mga taong pinaghahanap sa batas kagaya ng mga miyembro ng BIFF. 

Mag-isip isip sila sa kanilang desisyon na lumaban dahil lalong pinaigting ang kampanya ng gobyerno laban sa kanila nang merong pagtatangkang atakehin ang PNP station ng Lambayon noong nakaraang linggo. 

                           
Sa aking commander's guidance, ipinaalala ko parati ang pagrespeto sa Rule of Law sa pagsasagawa ng aming tungkulin kagaya ng law enforcement operations. Kailangang mapanatili ang aming kredibilidad bilang pwersa ng estado kaya dapat ay walang napapabalitang pang-aabuso kagaya ng excessive use of force, nawawalang kagamitan, at pambabastos sa mga tao. 

Kasama ang CIDG-ARMM, 4SAB, SAF at 2nd Mechanized Infantry Battalion, sinugod namin ang Barangay Lumabao para i-serve ang arrest warrants laban kay Commander Banog at mga kasamahan niya. Dito namin nasamsam ang matataas na kalibre ng baril at naposasan ang iilang suspek na nahuli sa mismong compound nya.


Nakapuslit si Commander Banog ngunit hindi na matakasan ang mensaheng ipinaabot namin sa kanya. Pursigido kaming tugisin sila lahat kahit saang lupalop sya magtago. Ipinaliwanag din namin na bukas ang pintuan para yakapin nya ang kapayapaan. 

Kaya, sino ba naman ang matutuwa kung nagpasya ang isang taong nalihis ang landas para tahakin ang tamang daan tungo sa kapayapaan?


Nagpakuha kami ang larawan sa aking opisina bilang tanda na sa wakas, kami ay nagkakaintindihan. 




Dinala ko sila sa Mama's Love restaurant para i-welcome sa kabihasnan. (Kung meron lang Soldier's Love restaurant, doon ko talaga dadalhin!) 

Gusto kong makita nya ang dapat magkasama kaming ipagtanggol ang Tacurong City at Isulan City, pati ang mamamayan nito mula sa mga hardcore na teroristang BIFF na nambobomba dito. Gusto kong magiging saksi sya mismo na hindi naman ipinagbabawal ang magsambahayang ang mga Muslim sa Christian-dominated areas. Walang diskriminasyon sa mga katutubong Muslim at nakikinabang ang lahat sa kasaganaan na matatamasa sa syudad. 

Pinakinggan ko ang kwento ng buhay nya. Isa pala syang ama ng 10 anak. Isa dito ay nakatapos ng BSEED at kasalukuyang nagtuturo sa kanilang baranggay. Graduating din ng BSEED ang isa pang anak. Nagtatapos ng high school ang isa pang lalaking anak. Nangangarap din sya na maging normal na ang buhay nilang lahat. 

"Apektado ang pamumuhay naming lahat sir. Di ko masagot ang mga tanong kung kakilala ko ang kaapelyido kong si Parido Balabagan na naakusahan bilang kaaway ng gobyerno dahil baka ituring din akong terorista," luhaang sabi ni Bai Fariza na isa sa anak nya. 

Sa ganitong tagpo ko napapatunayan na dapat iniintinding mabuti ng isang military commander ang problemang kinakaharap sa kanyang Area of Operations. Nilalagyan dapat ng 'mukha' ang mga taong sangkot sa problema. Marami ang 'mukha' ng problema kagaya ng mga kaanak, ka-barangay, at mga political leaders. 

Kinikilala din dapat ang mukha ng tigasing terorista na gustong-gusto na maraming nasasaktan at namamatay sa mga labanan, dahil dadami ang recruits nila

Dahil dito, isinusulong ko ang ugnayan, pag-intindihan, at pagbibigay tugon sa mga suliraning panlipunan na hindi ginagamitan ng armas. Para sa mga tradisyonal na mag-isip, hindi ako magiging 'bayaning' kawal na nakikilala sa mga madugong labanan. 

Labis ang tuwa ng mga anak ni Commander Banog nang nagpasya itong lumabas sa pinagtataguan para makiisa sa kapayapaan. Parehas din yan sa gyera, kung kapayapaan at kaunlaran ang pag-usapan, dapat ay walang iwanan!

Abangan kung magiging katotohanan ang pormal na pagsuko ng grupo ni Commander Banog, at kung paano maging tulay para sa tunay na kapayapaan at kaunlaran ang mga sundalo ng bayan sa kanilang lugar. 

(Photo credits: Sgt Christian Santos, Pfc Henrich Burata, Pfc Jefferson Lipura, Pfc Salbidin Maulana)


3 comments:

  1. Wow! What a remarkable performance Sir Harold. Your legacy will remain in the heart of your men and to the people who truly understand main objective of your desires.Keep safe and God bless.

    ReplyDelete
  2. you are a real life hero sir harold THUMBS UP!!! Sakit.info

    ReplyDelete
  3. ano na pala nangyari dito sir? sumuko ba silang lahat sa team ni banog?

    ReplyDelete