Saturday, December 31, 2016

Ang Paputok at ang Pagdiriwang ng Bagong Taon


Ang Opera House sa Sydney ang isa sa tanyag na lugar na pinagdarausan ng fireworks display tuwing bagong taon. Kasama ako sa daan-daang libong taong dumagsa para panoorin ang makulay na gabi ng pagpapakitang gilas sa larangan ng paputok.

Kasama ang mga Pilipino sa milyon-milyong ka taong nakikisaya sa pagsalubong sa Bagong Taon tuwing ika-1 ng Enero ngunit hindi lahat ay nakakaalam kung bakit nga ba ipinagdiriwang ito. Nakasanayan na rin natin ang paggamit ng fireworks at samo't-saring mga paputok dahil sa paniniwala na lalo itong magpapasaya sa mga taong nakakasama. 

Nakagawian na ring gamitin ng iilan ang baril na ipinuputok sa ere bilang bahagi ng selebrasyon. Ito ay tinaguriang 'celebratory gunfire' na parte rin sa tradisyon ng pagdiriwang ng iba't-ibang okasyon sa ilang bansa sa Middle East at sa Eastern Europe. Sa Pilipinas, naging uso ito kahit sa Kamaynilaan pero mas talamak ito sa probinsya lalo na sa Sulu, Maguindanao at Basilan. Sa Sulu ko naranasan ang umuulan na punglo dahil sa libo-libong bala na ipinutok sa ere ng mga Tausug noong Disyembre 2000. Sariwa pa sa aking ala-ala na isa sa bala ang dumapo sa aming barracks sa Camp Bautista sa Busbus, tumagos ito sa bubungan at kita ang pwersa nito nang ito ay dumapo sa sementong aming kinatayuan. Ginagawa rin ng iilan sa mga Tausug ang kagawiang magpapaputok ng baril kung magbunyi dahil nanganak ang asawa, kung may nag-graduate sa kolehiyo na kaanak, at kung nanalo sa barilan sa rido ang kanilang angkan. 

Larawan ng mga Lebanese na nakagawiang magpaputok sa ere tuwing nagkakasayahan parte ng selebrasyon. Di na mabilang ang mga taong nabibiktima sa balang dumadapo pabalik sa lupa tuwing nagkakaroon ng celebratory gunfire. (Larawan mula sa internet)

Ang pagdiriwang ng Bagong Taon

Marami sa mga mga sinaunang tao ang nagdiriwang ng bagong taon at ang isa sa naitala sa kasaysayan mga 4,000 taon na ang nakalipas, ay ang mga Babylonians sa bansang kilala sa kasalukuyang tawag na Iraq. Ang sinaunang Babylonians ay ipinagdiriwang ang 'Akitu Festival' na kung saan ay pinaparada ang mga estatwa ng mga diyos-diyosan sa paniniwalang nilinis ng mga diyos ang makasalanang mundo, at sinasalubong ng mga tao ang bagong taon. 

Ang Akitu New Year's Festival ng mga kasalukuyang henerasyon ng mga Assyrian-Babylonian ay patuloy pa rin nilang ipinagdiriwang hanggang sa ngayon. (Larawan mula sa internet)

Dahil sa pakikisalamuha ng tao sa isa't-isa, kasama na rin ang epekto ng pananakop ng mga makapangyarihang pwersa, naging laganap ang selebrasyon sa iba't-ibang bansa kagaya sa Greece at sa Rome na kasama sa mga kilalang makapangyarihang bansa noong unang panahon. 

Importante ring malaman na ang kinilalang gumawa o nagpagawa ng sinaunang kalendaryo 800 taon bago ipinanganak si Kristo (8th century BC)  ay ang 'Ama' ng Rome na si Romulus, ngunit ang kasalukuyang ginagamit na Gregorian Calendar ay kahalintulad ng ipinagawang 'Julian Calendar' ng dakilang si Julius Caesar 46 taon bago ipinanganak si Kristo. Diumano, si Julius Caesar ang nag-utos na ipagdiwang ang Bagong Taon tuwing January l, bilang pag-alala na rin sa diyos ng mga Romano na si Janus, ang diyos na merong dalawang mukha, na simbolo ng Simula at Katapusan. 

Ang diyos ng mga Romano na si Janus na hinahandugan ng pagdiriwang ng Bagong Taon tuwing January 1, sa utos ni Emperor Julius Caesar. (Larawan mula sa internet)

Ang ibig sabihin, ang pagdiriwang sa New Year (Bagong Taon) ay walang kinalaman sa katuruan sa Kristiyanismo ngunit maturingan itong orihinal na tradisyon ng mga pagano. Katunayan, sa panahon na namamayagpag ang Kristianismo, ipinabura ng Council of Tours ang selebrasyon ng Bagong Taon, at pinalitan ito ng Feast Day of Circumcision (Pyesta ng Pagtuli) na merong kahulugan ayon sa tradisyon ng mga Hudeyo na ipatuli ang bata 8 araw pagkatapos na ito ay ipinanganak. Di ba't ginawang December 25 ang birthday ni Jesus Christ, kaya ang January 1 ay naging Feast of Circumcision din noon. 

Ang Paputok

Ayon sa kasaysayan, ang naunang nakadiskubre ng pulbura (gunpowder) na sangkap sa paggawa ng paputok ay ang mga Intsik. Ang aksidenteng pagkaimbento sa pulbura ay nagbigay daan naman para sa paggawa ng paputok (firecrackers/fireworks) na ginagamit sa mga kasayahan at selebrasyon sa bansang Tsina mga 2,000 taon na ang nakalipas. Sa paniniwala ng mga Intsik, nabubulabog at napapalayas ang mga masasamang espiritu o mga demonyo kapag malalakas na paputok ang ginagamit sa isang selebrasyon. 

Larawan ng mga sinaunang mga Intsik na aksidenteng nakadiskubre sa sangkap ng pulbura na ginagamit sa mga paputok. (Internet photo)

Kalaunan, nakopya ang kagawian na ito at pati ang sangkap ng pulbura ay kinopya ng mga Europeo, na nagbigay daan sa pagkaimbento ng bala at baril na syang nagbago sa kasaysayan sa buong mundo simula noong 15th century. Ang paggamit ng kanyon para sa pagbibigay pugay sa mga hari at mga heneral ay pinauso ng mga Europeo, na ngayon ay kilala sa tawag na 21-gun salute. Naging uso na rin ang pagratrat sa ere gamit ang small arms (pistol at rifles) bilang bahagi ng selebrasyon. 


Ang nakakamatay na punglo

Matagal-tagal din ang panahon na namulat ang mga tao na ang balang ipinuputok sa ere ay nakakamatay kapag bumalik sa lupa. Ito ay unang naobserbahan noong World War 1 dahil sa mga bala ng anti-aircraft guns na dumadapo sa lupa. Si Colonel Julian Hatcher ay nagsagawa ng masusing pagsaliksik tungkol dito pagkatapos ng madugong gyera, at napatunayan nya na ang Cal .30 na punglo ay may bilis (terminal velocity) na 300 feet per second pagdapong muli sa lupa. Ayon din sa pag-aaral sa terminal ballistics, ang balang may bilis na 200 feet per second ay kayang makasugat sa katawan ng tao. Kung naiputok ang baril sa anggulong palayo (halimbawa 30-45 degrees), mas matindi ang lakas ng bala pagdapo. Ayon din sa ibang nag-aral tungkol dito, ang balang dumapong muli sa lupa pagkatapos ipinutok sa ere ay may lakas na kaparehas ng pagpalo ng martilyo sa ulo. Sakit yon Tsong!

Ang larawang nagpapakita paano pinapatunayan na ang velocity ng punglo na dumadapo pabalik sa lupa ay nakakamatay. (Internet photo)

Ang pagpapaputok sa Bagong Taon

Ngayon, alam nyo nang hindi naman talaga naaayon sa turo sa Kristiyanismo o maging sa Islam ang magpaputok bilang bahagi ng pagpupugay o selebrasyon. Maliwanag na ideya ito ng mga sinaunang Intsik bilang pananakot sa mga masasamang espiritu. Ang selebrasyon ng New Year (Bagong Taon) ay orihinal din na kagawian ng mga paganong Babylonians na naipasa sa mga Romans na syang nagtatag ng Roman Catholic Church noong 325 A.D. Maliwanag din na ang balang ipinuputok sa ere ay nakakamatay. Marami nang napahamak dahil sa masamang kagawiang pagpapaputok ng baril bilang bahagi ng selebrasyon. Ngayon, gusto nyo pa ring subukan kung totoo nga ang sinabi sa kwentong ito? 

Para sa aming mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines, alam namin na kung susuwayin namin ang mga kautusan ng kinauukulan tungkol sa tamang paggamit ng sandatang pinagkatiwala ng sambayanang Pilipino sa amin, meron kaming kalalagyan! Dahil sa naipakita nang disiplina ng inyong mga kasundaluhan, ang pagselyo ng baril tuwing sasapit ang Bagong Taon ay di na kinakailangan. 

Larawan ng mga sundalong Pilipino bitbit ang kanilang armas na ipinagkatiwala sa kanila. (Philippine Daily Inquirer photo)

Sa kahit sinong pasaway na magdiwang ng Bagong Taon gamit ang pagpapaputok sa ere, malamig na rehas at punong-puno na kulungan ang nag-aantay sa inyo mga kaibigan!

Larawan ng kulungang nag-aantay para sa mga pasaway na magpapaputok ng baril bilang pagsalubong sa taong 2017. (Getty images)

Ang pinaghanguan ng sulat na ito ay ang sumusunod:



No comments:

Post a Comment