(Karugtong sa http://rangercabunzky.blogspot.com/2015/07/rules-of-engagement-shoot-or-hold_8.html)
To kill than be killed
Ipinag-uutos ko na 'low ready' position carry ng baril ang aming gagawin habang papalapit sa mga kalalakihan para hindi sila maging defensive agad at magkagulo. Sa 'low ready' carry, naka-45 degree angle downwards ang muzzle ng baril, trigger finger out ngunit handa ang sundalo na ito ay iputok sa loob ng 2-3 segundo. Ang engagement na ito ay ang tinatawag naming 'quick kill' firing na syang mabilisang pamamaraan na ma-engage ang targets sa layong 5-25 metro.
Nakikita kong nagulat silang lahat at tila parang nauupos na kandila sa kinatayuan. Ang iba sa kanila ay nakatitig sa kinalalagyan ng kanilang armas. Inihahanda ko na ang aking sarili sa aking sasabihin ngunit tinitingnan ko sa mata ang gwardya na nakahawak din ng kanyang Ca. 5.56mm M653 Rifle. Parang kasing talas ng kris ang kanyang titig sa akin. Tinitigan ko rin ang kanyang shooting hand dahil nakapasok ang trigger finger nya (Tila walang seminar ng Gun Safety Handling). Nagtitiwala na lang din ako na ready to fire si Ranger G, ang aking sniper na nakatutok sa noo nya ang 10x power Nimrod scope sa layong 50 metro. Samantala, pinag-aaralan ko na noon paano mag-side step, dumapa at pumutok sa pinakamabilis na paraan. Kalimitan, pagdating sa labanan, "It is better to kill than to be killed!"
Sa layong 10 metro, nauna na akong bumati. Hinarap ko ang pinakamatanda sa kanila.
"Ama, Assalamu Alaikum!" Hilaw ang kanyang ngiti ay ako rin ay binati: "Alaikum mussalam!"
Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa, sinabi ko na agad ang dapat sabihin.
"Mayta mataud sinapang dain di?" (Bakit maraming baril dito?)
Walang makapagsalita sa kanila. Napansin ko na palakad-lakad ang kanilang armadong gwardya na tila ay di mapakali.
"Sel, wayruun Abu Sayyaf dain di. MNLF kami katan!" (Sir, walang Abu Sayyaf dito. MNLF kaming lahat!)
Sanamasita talaga. Narinig ko na naman ang consistent alibi sa aming operasyon. Di ko maintindihan kung bakit kung saan-saan ay may biglang sumulpot na bagong 'MNLF camp' kuno, na hindi kasama sa napagkasunduan. Nakamarka sa aming mapa ang lahat ng 'recognized MNLF Camp'.
"Pasensya na kayo, hindi kasama sa registered MNLF camps itong inyong lugar. Kailangan kong kumpiskahin ang lahat na baril nyo."
Nang marinig nila iyon, nagsimula ang tensyon. Nauulinigan ko ang salita nila na galit at gustong lumaban. Dahan-dahang dumadami ang nagsipagdatingang kalalakihan at may nakita akong dalawang nakaposte na may bitbit na kris. Nakatali ang piraso ng cloth sa ulo at balikat nila. Napansin ko rin na dahan-dahang lumayo ang kababaihan at kabataan na noong una ay nakikiusyoso. Doon ko mas lalong naramdaman ang kaba. Senyales iyon ng juramentado. Doon nabiktima ang mga tauhan ni General Jack Pershing sa kanilang gyera sa Bud Bagsak at Bud Daho sa panahon ng American Pacification campaign noong early 1900s. Mabuti na lang ay nagbabasa ako ng kasaysayan ng pakikidigma sa Sulu.
Tuloy-tuloy ko silang pinakausap sa aking sundalong marunong mag-Tausug habang umatras ako sandali sa pwesto ni Cpl Cuevas, ang aking Radio Man. Inalerto ko ang lahat sa sitwasyon:
"Lahat ng may dala ng 7.62mm na baril, itutok sa pasaway na may itak."
Naninigurado ako na matutukan ang mga juramentado ng mas malakas na kalibreng baril kasi sa layong 10-15 metro, baka mataga rin ako kung di ko mapatumba sa aking 5.56mm M193 round, lalo na kung di ko mapatamaan sa ulo.
Kinausap ko rin ang TCP na noon ay naalarma sa aming sitwasyon. Ang aming S3 na si "Sir Kru" ang aking nakausap:
"Sir, mukhang magkakapintakasi na dito. Pakidala ang armored vehicles natin!"
Binalikan ko si Ama, ang pinakamatandang kausap ko at sinubukan kong pawiin ang kanilang pangamba.
"Ama, gumagawa lang kami ng trabaho. Walang papel ang baril nyo. Hindi rin registered MNLF camp ito. Ngunit, hindi natin ito pag-aawayan. Safekeeping lang ang gagawin ko sa baril nyo dahil ang mag-uusap tungkol dyan ay ang mga nakakataas sa atin."
Nang kumalma si Ama na tipong respetado ng grupo, ang isang mas nakababata naman ang tumapang at nagtaas ng boses.
"Hindi kami kalaban Sel. Pero lalaban kami kung kinakailangan!"
Nakikita kong lumalabas ang ugat ng leeg nya. Namumula sya na tila ay nakainom ng tuba. Walang patutunguhan ang usapan namin. Si Ama ang binigyan ko ng atensyon dahil sya naman talaga ang pinakikinggan ng karamihan.
Iilang minuto lamang nakalipas, naririnig na namin ang tunog at kalampag ng Simba armored personnel carriers. Armado ito ang Cal. 50 Heavy Machinegun. Masakit ata tumama iyon.
Napansin ko na nagbubulungan silang aming kaharap. Pinapawisan na ako sa matinding pressure sa napipintong barilan. Naririnig kong inuudyukan nila ang armadong gwardya. Ismol bat tiribol ang porma.
Di kalaunan, dumating ang mga Simba. Nagpwesto ito mga 30 metro sa aming likuran. Nanlupaypay sila dahil sa aming pwersa. Nakikita rin nila na meron pa kaming iba pang kasamahan sa iba't-ibang sulok doon.
Sinamantala ko ang sitwasyon para ibigay ang aking kautusan: "Kunin ang lahat na mga nakasandal na armas!"
"Relax lang kayo Ama, ako ang bahala. Hindi natin kailangang magpatayan. Ang Abu Sayyaf lamang ang aming kalaban."
Tahimik ang lahat. Kinolekta namin ang mga armas. Inilista namin ang klase ng armas at ano ang mga serial numbers.
Iniutos ko rin sa aking mga tauhan na kunin ang mga pangalan ng nagpakilalang MNLF members. Ang iilan sa kanila ay mayroong Identification Cards, ang ang mas nakararami ay panay cedula.
Sa madaling salita, hindi namin naiputok ang aming mga baril. Hindi nadagdagan ang nagtatangis na mga pamilya sa lalawigan ng Sulu. Hindi nadagdagan ang posibleng casualties sa hanay ng Army.
Sa pagkakataong iyon, naipakita ko sa mga mandirigmang Tausug na kaya ring rumespeto ng nakakalaban ang mga magigiting na Scout Rangers. Nasunod namin ang napakasimpleng Rules of Engagement.
Sa karanasan ko na iyon, doon ko napatunayan na mas ginagalang ng mamamayan lalo na ng mga tao sa makasaysayang lugar ng Sulu ang kasundaluhang nagbibigay din sa kanila ng parehas na pag-galang.
Kuha sa larawan si Pfc Rolly Alindajao na syang aking inutusan na ipunin ang mga armas mula sa armadong grupo. Umabot sa 38 na iba't-ibang klaseng riple ang aming nakuha.
Ito ang larawan namin nang humupa ang tensyon sa lugar na aming nilusob. Inakbayan ko ang gwardya na muntik kong maka-dwelo. Nasa aking likuran si Ama na syang aking masinsinang kausap para makumbinsi silang lahat na maging mahinahon. Nasa pinaka-kanan si Cpl Arnold Panganiban at pangatlo mula sa kanya ay ang isa sa muntik nang mag-juramentado gamit ang kanyang kris. Kasama sa aking 'inaawitan' ay ang pagbili sa kris na muntik nang maging sanhi sa pagdanak ng dugo sa panahong iyon. (10SRC Photo)
Hola
ReplyDeleteGood read sir!
ReplyDeleteVery great post. I simply stumbled upon your blog and wanted to say that I have really enjoyed browsing your weblog posts. After all I’ll be subscribing on your feed and I am hoping you write again very soon!
ReplyDeletenakakathrill pakinggan ang mga karanasan nyo sa buhay scout ranger Sir. super saludo ako. damang2 ko tuloy na parang ako din ang nasa field. nakakatakot na ewan pero higit sa lahat nakakaproud. It reminds me tuloy of the old days. mga old pictures gaya nyan. my dad who died at least not by the bullet. isang magiting na mandirigma tulad mo po. Sana More stories to tell Sir!
ReplyDeletenakakathrill pakinggan ang mga karanasan nyo sa buhay scout ranger Sir. super saludo ako. damang2 ko tuloy na parang ako din ang nasa field. nakakatakot na ewan pero higit sa lahat nakakaproud. It reminds me tuloy of the old days. mga old pictures gaya nyan. my dad who died at least not by the bullet. isang magiting na mandirigma tulad mo po. Sana More stories to tell Sir!
ReplyDeletebwisit ka, wala ako matapos na trabaho kakabasa ng blog mo.
ReplyDelete