Sunday, August 17, 2014

Barilan sa bahayan sa Central Luzon: Ang aking pakikipaglaro kay Kamatayan



Galing kami sa larong "cat and mouse" noong 1996, tinutugis namin ang mga armadong bandido na nagtungo sa isang sementadong bahay sa isang bayan sa Central Luzon. 

Ayaw kong palampasin ang pagkakataong ma-aresto sila. Matagal-tagal ko ring pinagtiisan ang mga lamok at niknik sa aming taguan para sila ay mahagilap. Sobrang dami na ng mga taong nagreklamo ng pangongotong at pananakot sa mga magsasaka sa lugar.

Humihingal pa ako nang dahan-dahan kaming lumapit at pinakiramdaman ang mga tao sa loob. 

Hawak ang aking chamber-loaded na M1911A1 Cal 45 pistol, nakatayo ako malapit sa pintuan habang inaaninag ang mga bandidong nasa loob ng bahay na kanilang pinasok.

Sa mga puno ng mangga na nakapalibot sa sementadong bahay, nakapwesto ang labing dalawa sa aking kasamahan. Kampante ako sa aking mga kasamahang panay beterano sa pakikidigma sa mga bandidong NPA sa hilagang Luzon at sa mga bandidong 'MNLF lost command' sa Sirawai. 

Kaharap ko si Ranger Reyland na hawak ang kanyang M653 Assault Rifle. Dahil nakailaw ang flourescent lamp sa loob, nakikita ko ang anyo ng kaaway. 

Ilang saglit lang, nakita ko sa kanyang anyo ang dulo ng baril. Di ako magkamali sa hitsura ng sight tower ng M16 Rifle. Papunta sya sa direksyon ng pintuan. Segundo na lang ang natira sa akin para mag-command. Bawal ang mabulol. 

"Alis! Take cover!"


 Prak! Bang! Bang!


Halos sabay kaming umatras papunta sa semento. Tumama sa gitna namin ang mga punglo. Nag-ricochet sa semento at tumilamsik ang mga splinters sa maraming direksyon. 


Mahapdi at parang maanghang ang naramdaman ko sa aking noo. Tamang aktor ang inabot ko. Salamat sa Diyos!  

Sa gitna ng kaguluhan, narinig ko ang iyak ng isang bata.

"Waaaaaaah! Waaaaah!" "Inay ko po!"

May isa pang paslit ang nagtatawag sa kanyang ina. Kahit pa man sa aking naramdamang sugat, dapat mabilis uli ang aking desisyon. 

Naawa ako sa madadamay. Wala silang kasalanan. 

"May mga bata, wag putukan ang bahay!" 

Praak! Bang! Bang! Bang! Trigger happy ata ang mga bandido sa bahay na iyon.

May namumutok na rin sa gilid na bahagi ng bahay. Nakikita ko ang traces ng apoy ng muzzle flash na likha ng kanyang baril.

Bang! Bang! Bang! Sumagot ng putok ang tatlo sa aking mga tauhan na nakapwesto sa bahaging yaon.

Sa kapuputok ng bandido na katabi ko lang ang pwesto, naamoy ko ang pulbura at nalanghap ko ang alikabok na sanhi ng pagkatama sa semento. Kailangan namin ng mas magandang pwesto.

"Sa mangga tayo Reyland! Go!" Mabilis pa sa kidlat naming tinakbo ang mangga at nagkubli doon. 

Sa aking bagong pwesto, tinawag ko si Ranger Razzy Boy at si Ranger JB na pinagbitbit ko ng aking M16 Rifle na may night vision scope. 

"Hatiin natin ang tropa. Doon kami nina Reyland at JB sa kanan. Icom Radio ang primary commo natin," sabi ko sa kanya habang nasa kalagitnaan ng putukan.

Halinhinan kaming palipat-lipat ng mga puno papunta sa kabilang bahagi ng bahay. Masigasig na 'arrival honors' ng riple ang sumalubong sa amin. 

Madilim ang paligid at ginagamitan ko ng instincts para matutukan ko sya ng aking pistol base sa general direction ng muzzle flash kanyang pwesto. 

"Pak! Pak! Pak! Pak!" May pagka-patsam ang tirada ko. Sumasagot sya at mas malakas ang putok. 

"Bratatat! Bratatatat!" Ramdam ko ang haging ng bala. 

Naalala ko si JB na may dalang Litton NVS. Sya lang nakakakita sa gabi. Sya ang hari sa panahon na iyon. Gusto ko namang madikitan ang mga bandido sa gilid ng bahay at patikimin ng aking Cal 45 ball ammunition.

"Ranger JB, bantayan mo ko. Hanapin mo sya at barilin mo!"

Ginapang ko ang nakita kong tila ay nakaumbok na sementadong pwesto. Dahil sa training namin sa gapangan, walang isang minuto ay nakapwesto na ako sa likod ng 'semento'. Humahapdi ang aking mga tuhod at siko sa kagagapang. 

Paano naman kasi ay naka-sando  lang ako at tatlo kong mga ka-buddy na nag-recon patrol sa hapon na iyon para hindi halata. Nang spotted na ang mga bandido, nagpasya na akong ituloy ang combat patrol nang nagbigay ng go signal ang aking Company Commander. At, nagpakatapang na akong ituloy ang pagtugis kahit pistol lang ang dala ko!

Ang aking 'cover'

Sa aking estimate noon, humigit-kumulang 5 metro lamang ang layo ko mula sa mga bandido na lumabas ng bahay. Ang pinakamalapit sa akin ay halos tatlong metro lamang. Naririnig ko ang pagpapalit nya ng magazine at ginawa ko itong pagkakataon na patsambahan ang kanyang pwesto ng putok mula sa gilid ng aking 'cover'. 

"Pak! Pak! Pak! Pak!" "Tsak!" Kabisado ko ang tunog na iyon. Nag-open slide ako. Ubos na ang 7-round mag ko. Kinakapa ko ang isang magazine sa aking shorts habang nagtago sa likod ng cover para mag-change mag. 

"Bratatatat! Bratatat!" 

Naramdaman ko ang alikabok sa bandang ulunan. Tagusan ang bala!

Doon ko na-realize na panay hollow-blocks lang pala yong cover ko na iyon. Lugi ako. 

"Barilin nyo! Cover!" Pinag-return fire ko ang aking kasamahan na iilang metro lamang sa aking pwesto, sa bandang likuran.

Pagapang din ang balik ko sa likod ng mangga. Napuwing ako sa dami ng alikabok ng hollow-block na tinamaan ng bala ng kalaban.

Di ko inaasahan, pagapang ding nag-forward si Ranger JB at pinalitan ang aking pwesto sa may hollow blocks. Sa tangkad nya, nakausli ang ulo nya sa kanyang 'cover'!

"Wag dyan! Alis ka dyan!" "Bratatatat! Bratatat!" "Bang! Bang! Bang!

Tila ay nahuli ang aking babala kay JB. Naratrat ang kanyang pwesto ng mga kaaway!

"Sir, may tama ako! May tama ako!" Nakita ko si JB na nakahilata na ngunit nakahawak pa sa baril.  

Pinagtulungan naming putukan ang pwesto ng mga kaaway. Nakagapang ang iilan sa aking kasama sa kanilang flanks. 

"Bang! Bang! Bang!" Single shots lang ang naririnig. Tumahimik sa kanilang pwesto. Nahiyang tumayo ang pinakamatapang sa kanila at nagsipagtakbuhan ang iba pa.

Narinig kong umuungol si JB. Di ko alam ang estado ng kanyang tama. Kailangang sagipin ko sya.

"Lakay Novie, forward! Recover natin si JB!" 

Six-footer si Ranger JB at tipong malaking tao. Alam kong mahirapan kaming buhatin sya. 

Naalala ko ang aming Humvee na nakapwesto kasama ang reserve na tropa 3 kilometro lamang ang layo.

"Razzy Boy, tawagan si CO at dalhin ang Humvee dali!"

Sa loob ng bahay, nag-hihiyawan ang mga bata at babae. Batid kong meron pang mga armado sa loob. Dalawa tuloy ang iniisip ko, ang pagsagip ng buhay ng tauhan ko at pati ang pagpasurender sa natitirang mga bandido.

Minabuti kong sinigawan ang mga armado sa loob ng bahay: "Kayong mga armadong nasa loob, sumurender na kayo! Mga sundalo ito!" 

Wala ni isang sumagot ngunit patuloy ang pag-iiyak ng mga paslit.  Samantala, di ko na maantay na maubusan ng dugo si JB. 

"Novie, mag-sacrifice ng damit. Pahintuin natin ang dugo!" 


Mabilis naming inakay si JB papunta sa likod ng puno. Groggy at halos ayaw nang magsalita. Nakahiga lang sya pagkatapos naming lunasan ng first aid. 

"Sir, dalhin nyo na po ako sa hospital!"

Ang pagpa-surrender

Tigasin ang mukha ng mga bandido na nasa loob ng bahay. Ayaw ko rin namang madamay ang mga bata doon. 

Nalagay ako sa mahirap na sitwasyon dahil gustong-gustong pagpapatayin ng aking mga tauhan ang mga namamaril na nagtatago sa loob. Iniisip din nila na mamamatay na si JB.

Nakaisip ako ng isa pang diskarte. Isinigaw ko ang aking 'command'. 

"Gunner, i-load ang bala ng bazooka!" 

Actually, wala akong dalang 90mm Recoilless Rifle sa engkwentro na iyon. Style 'bulok' ko lang na mag-command para ma-dictate ang kanilang aksyon sa loob.

Mabilis ding maka-pick up ng 'style' ang aking mga tuso sa gyera na mga tauhan. 

"Yes sir, loaded na ang bazooka!"

Doon ko sinigawang muli ang mga armado sa loob. 

"Kayong nasa loob, mag-isip isip na kayo. Dahil mamamatay na rin lang itong kasama namin, pasabugin na namin kayong lahat kung ayaw nyong sumurender! Bilangan ko kayo ng sampu!"

"Isa!"

"Dalawa!"

"Tatlo!"

"Ayaw nyo talaga?" 

"Razzy Boy, ready to fire!"

"Nanay ko! Tay! Ateeeee!" Naaawa ako sa lahat ng mga inosenteng ayaw mamamatay pero hindi iyon ang aking inaantay na reaksyon. 

"Reaaaady!!!!"

Ilang saglit lang, narinig ko ang boses na aking pinakaaantay.

"Wag po! Wag po! Maawa kayo! Susurender na po kami!"

Parang nabunutan ako ng tinik ngunit matindi pa rin ang aking tensyon. 

"Buksan nyo ang pinto! Itapon ang mga baril palabas sa pintuan! Paisa-isang lumabas at itaas ang kamay!"

Nakatutok kami sa pintuan at inantabayanan ang susunod na kabanata. 

Paisa-isang nagtilapon ang mga matataas na kalibre ng baril palabas. 

Sumunod ang mga kalalakihan na tila maamong tupa ang mga hitsura.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagulantang kaming lahat sa sumunod na pangyayari. 

Biglang tumayo si JB at kinwelyohan ang dalawang kaaway.

"Mga animal kayo! Akala nyo mapatay nyo ako ha!" 

Inawat ko si JB kasi para syang tigre na gustong lumamon ng tao.

"Oooops, akala ko ba ay mag-collapse ka na bay? Ba't bigla kang nabuhay?" 

Napatawa ako sa aking nakita. Umaagos ang dugo sa mukha pero nanumbalik ang sigla ni JB!

Minabuti kong dalhin lahat ng mga akusado sa istasyon ng kapulisan upang masampahan ng kaso habang si JB ay itinakbo namin sa pinakamalapit na ospital.

Ang aking mga aral

Marami-rami rin akong napulot sa engkwentro na iyon laban sa mga bandidong komunista. 

Una, na-appreciate ko ang kahalagahan ng pagsuot ng complete battle dress attire. Panay gasgas ang inabot ko sa kakagapang. 

Pangalawa, pwede rin palang matalo ang kalaban gamit ang pananalita. Napasurender ko sila na hindi ginamitan ng dagdag karahasan.

Pangatlo, dapat laging may dalang combat life-saving kit. Panay improvise lang kami noon at pati dahon ng mangga ay ipinangtapal na para ma-stop ang bleeding ng head wound. 

Pang-apat, totoong 'direktor' lamang ang opisyal sa combat patrols.  Pero kung nasa team at squad level ka, dapat warrior ka rin at dapat ay magbitbit ng assault rifle para hindi ka mukhang kawawa kung kailangan mo nang ipagtanggol ang iyong sarili at ang mga kasamahan.

Panglima, mas mabuting iniingatang hindi makapanakit ng inosenteng sibilyan sa mga bakbakan, lalo na ang mga kabataan at kababaihan. Kalimitan, wala naman talaga silang kinalaman sa kabulastugan ng mga kaibigan o kaanak nilang naging kriminal o marahas.



4 comments:

  1. Ang ganda nitong kwento ng buhay mo, Col. Harold. Mabuhay ka.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Atty. Toto, ipinamahagi ko lang ang akingbmga aral at parating nauulit ang mga sitwasyon na iyan na kung saan ay naiipit sa labanan ang mga inosenteng sibilyan. :-)

      Delete
  2. ang ganda ng kwento ,salamat po sa service sir harold

    ReplyDelete