Simula noong taong 2012, ginawa ko nang taunang tradisyon ang pagsali sa Heroes Run na inoorganisa ng Army Chapter ng Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated.
Maraming dahilan kung bakit nakikitakbo ako rito. Hindi ito kagaya sa iba na maaaring 'trip-trip' lang ang makikigulo kasama ang barkada.
Natatandaan ko noong ako ay tenyente pa noong mid-90s, mga Scout Rangers lang ang mga adik sa takbuhan at nagti-trip na sumali sa mga 42 kilometrong events. Ngayon, naging uso na sa publiko.
Una, ito ang bonding time namin ng aking nag-iisang anak na hindi naman talaga nakahiligan ang tumakbo. Nahawa ko sya sa larangan ng pagtudla at nahihila ko rin pa-minsan sa pagsagwan sa Dragon Boat, ngunit di nya 'type' ang takbuhan.
Dahil sa kanyang personal goal na pumayat simula sa 1st quarter ng taong ito, madali ko syang nahikayat na sumali para maipagpatuloy ang kanyang weight loss program, habang nakatulong pa sa mga bayani ng bayan, ang mga sundalo.
Fun run
Para hindi sya mabigla sa takbuhan, pinasya naming sa layong 3-kilometro ang aming salihan. Ito ang pinakamalapit na kategorya at dito sumasali ang may bitbit na mga tsikiting na sinasanay na ng kanilang mga magulang sa larangan ng pagtakbo. Sabi ko, keep smiling at enjoy lang kaya nga fun run!
Dahil 5:30am ang 'gun start' ng aming kategorya, maaga kaming gumising para umabot sa start line isang oras bago ang takbo. Mas maigi kasing makapag-stretching nang mabuti at makahalubilo na rin sa mga kalahok nito.
Halos parehas ang dami ng mga runners na lumahok kagaya noong taong 2012 na kung saan ay humigit kumulang sa 4,600 ka tao ang sumuporta sa patakbo.
Pati ang mascot ng Cherifer Premium na isa sa mga proud sponsors, ay nakikigulo rin sa starting line bilang suporta.
Merong mga sibilyan, kadete ng PMA, kadete ng Officer Candidate School, mga sundalo, reservists, mga estudyante at maging mga pulis. Merong Private, Generals at maging ROTC cadets.
Kasamang tumakbo si Major General Bennie De Leon, ang punong heneral ng Training and Doctrines Command ng Philippine Army at ang kanyang binatilyong anak.
Marami rin akong nakitang 'all in the family' na mga runners at nakakatuwa silang panoorin kasi bonding time talaga ang takbuhan para sa buong pamilya.
Ang aking mistah na si Lt Col Erick Sales ay kasamang tumatakbo ang kanyang misis na si Jopie at ang kambal na mga anak na sina RD1 at RD2.
Meron ding mga mag-asawa na seryosohang 21 kilometro ang nilalahukan. Kakaibang pagmamahalan di ba?
Ang aking foster brother at PMA upperclassman na si Lt Col Dick Balaba at ang kanyang lovely wife na si Candy ay parehas na tumatakbo ng 21k. Suki sila sa mga marathon at maging sa Iron Man 90.3.
Samantala, meron ding iba na sinasama ang maliliit na anak pati ang nasa stroller pa! Nakatakbo na, nakapag-alaga pa ng paslit!
Tunay na family bonding ang ginawa ng mag-asawa dahil isinama nila sa pagtakbo ang kanilang sanggol. Starting them young, ika nga.
Sa starting line, halos lahat na lang gusto sa harapan. Bakit kaya? Actually, hindi para makalamang sa oras kundi para makaisa sa selfie photos at sa pang FB na shots gaya nito. Oh, di ba?
Pati mga hi-tech na gadgets at mga Smartphone apps ay kinakalikot tuwing merong takbuhan na ganito. Merong nagmomonitor ng speed at time, at meron ding nagbibilang kung ilang hakbang ang nagawa at kung ilang calories ang nasunog.
Kanya-kanya ring pa-pormahan at pagandahan ng suot na running shoes, jersey at kung anu-anong tarakitos na ikinakabit sa katawan para maipakitang 'serious runners' at 'cool' sila sila. Teka, me hingal kabayo don ah.
Sa unang kilometro pa lang ng aming takbo, nagpakitang gilas na si Harvey sa akin. Dahil pumapayat na sya, medyo mabilis naman ang kanyang arangkada. Pinakikitaan ako sa kanyang kakayahan.
Nang umabot na kami ng 2 kilometro at meron nang akyatan, tila ay buong mundo na ang binubuhat nya. Nakalimutan ang itinuturo kong Positive Mental Attitude.
Dahil gusto na nyang maglakad, kailangan kong ipaalala sa kanya na ang mga tunay na lalaki ay dapat hindi mahuhuli sa mga maliliit na nasa aming tabi-tabi! Nang nalingon nya ang nasa aming tagiliran, bumalik ang kanyang kakisigan!
Sa wakas, narating naming muli ang finish line! Parang 'wala lang' kaya inaambisyon naming sa 5 kilometro na dapat ang susunod na sasalihan.
Ayan, sa aming pagtakbo sa Heroes Run 2013, nakasuporta na kami sa mga bayaning sundalo at sa mga biktima ng bagyong si Yolanda!
(Photos by Cpl Marlon San Esteban and Pfc Rolly Bernal)
No comments:
Post a Comment