Saturday, December 28, 2013

Ang aking bonding time: Opisyal na nagpa-facial





Pagkatapos ng kapaskuhan nitong taong 2013, binulaga ako ng aking misis sa isang kahindik-hindik na proposal para sa aming bonding day:

"Dear, magpa-facial tayong dalawa!"

Para akong ginulantang ng sabog ng kanyon sa bakbakan. Napa-nganga ata ako sa pagkabigla.

"Whaaaaaaaat? Ako na Ranger ay magpa-facial? Ano ako nababaliw?"


"Minsan-minsan lang ako mag-request sayo eh. Sige na, subukan mo lang at wala namang mawawala sayo. Ang importante, makapag-bonding tayo!"

Grrrrrr. Parang na-hostage ako don sa mga pakonsensya ng aking mahal na misis. Hmmmm. Bonding. Walang mawawala.

"Teka, pag-isipan ko munang isang milyong beses yan. Parang nakakahiyang makita ang isang Musang na nagpapa-facial!"

Marami akong iniisip sa aking pagpapasya. Paano kung makita ako ng kapwa sundalo? Baka tawanan ako

Naisip ko rin na baka akalain eh social climber ako. Baka sabihing nababakla ako. Kahirap magdesisyon pag napakaraming iniisip!

Ngunit sa huli ay nanaig ang pakonsensya ng aking misis. Lagi akong wala dati dahil malalayo ang aking destino. Bihira lang kaming mag-bonding. Minsan lang akong nakakabawi. 

Doon ako buong-tapang na nag-desisyon:

"Okay Dear, buga! Bahala na ano sabihin ng iba, basta maka-bonding kita!"

Kaya ayon, ako ay tangan-tangan ni misis papunta sa Flawless Skin Care Center para subukan ang kanilang Facial Treatment. 

Habang kami ay  pumipila sa front desk nila, grabe ang 'look around' ko para mag-recon sa paligid. Baka merong Ranger na nasa paligid. O kaya, baka merong Musang na nagpa-facial din!

Marami ang mga services na ino-offer nila sa aming dalawa. Wala akong kaalam-alam para sa alin ang mga iyon. 

Sa isip ko eh di ko naman kailangan yon. Sanay ako na camou face ang ginagamit para sa cam and con exercise. Anak ng baka talaga.

Basta ako, sunud-sunoran na lang ako sa aking misis. Sya ang lider sa aming vanity tripping. I am a good follower, eh?

"Sir, this one is good for you. Facial treatment with anti-ageing mask," sabi ni Ate. 

Parang gusto kong pilosopohin. Eh miss, what do you think of me, looking like a retired General?

Sa madaling salita, ayon nahila talaga ako ni misis sa aming bonding activity. Nakapwesto kami sa magkatabing higaang kutson.

Sinisilip ko ang iba pang mga nagpa-facial doon, nakita kong merong mga lalaki. Wow, hindi ako nag-iisa! Nabawasan ang aking hiya.

Merong mga ilaw at pink ang fave color sa paligid. Ito na po, nagiging Ranger in pink na ako, o kaya ay naging Pink Panther!

Opisyal na nagpa-facial


Kakaiba rin pala ang magpa-facial treatment. Sinimulan ni Ate sa pagpapaamoy ng aromatic oil para daw ma-relax ako. Teka ate, mukha ba akong stressed? Mukha ba akong balisa?

Ewan kung umepekto nga yon dahil tila ay nakalimutan ko nang ako ay isang Musang! 

Samo't-saring mga cream ang ipinangpahid ni Ate sa aking Musang face habang binabanatan nya ng strokes ng masahe. Nakatatlong klaseng cream ang kanyang ginamit kasama na ang amoy Eucalyptus na malamig sa pakiramdam. Ang alam ko sa kahoy na Eucalyptus na nakikita ko sa Bulacan, anti-lamok ito. Okay si Ate ah, tila alam nyang paborito akong sipsipin ng lamok. 

Mga sampung minuto rin ang iginugol para ako ay tapatan ng gadget na nagbubuga ng mainit na hangin. Ewan kung ganon ba talaga ang 'anti-ageing' treatment, pinapainitan ang mukha! Bahala na si Haring Musang!



Nahimasmasan ako sa aking malalim na pag-iisip nang sinumulan ni Ate ang kasunod na procedure. 

"Relax lang po, tanggalin lang po natin ang white heads."

Ewan ano yon parang kinakalikot nya ang aking mukha gamit ang isang maliit na pang-tusok o pangdiin. Masakit tsong, promise! Parang gusto kong sumigaw ng 'Aray', 'Agay', 'Nya met ten' at 'Linti gid!"

Syempre tiniis ko ang sakit  kasi si Misis ay tila kampante at tahimik lang sa kinalagyan nya. Sanay ata ito! Baka tawanan nya ako.

Pagkatapos ng pricking procedure, pinalingon nya ako sa hawak nyang napkin na merong mga puting bagay na galing daw sa balat ng aking mukha. Tumulo ang luha ko nang ako ay tumagilid. 

Tinapos ni Ate ang procedure sa pamamagitan ng paglagay muli ng cream. Uy, parang maskara ng mga tribo sa Africa!




Di kalaunan ay natapos din ang aking facial treatment. Nang sinilip ko sa salamin, parang wala namang pinagkaiba! Si Misis lang nagsabi na 'kuminis' daw ako at bagay na bagay nang maging Santolan Warrior!

Iyon ang aming bonding time. Di ko makakalimutan. Masakit pala at ako ay luhaan. 

Isa lang ang aking napatunayan: Si Misis ay panalo sa aming bonding time!


5 comments:

  1. Hahahahaha nakatawa rin kwento you sir

    ReplyDelete
  2. sakit baya gud ng facial! Ambot nganong mg antos gyud mi aning mga babaye uy! Nice bonding with your wife, Sir Harold. Salutes!

    ReplyDelete
  3. Haha. Vain pala ang mga Ranger!
    Ang kapatid ko ranger, nagpapafacial at umiinom ng pampakapal ng buhok.

    ReplyDelete