Ito ang larawan ng mga MNLF na hindi na-integrate sa AFP. Sila ay nakatira sa mga komunidad na kung tawagin ay 'recognized MNLF camps' sa ibat-ibang panig sa Sulu. (Philippine Star photo)
Ang buwan ng Setyembre 2000, ay isa ring kritikal na panahon sa pulitika sa ARMM na kung saan ay nakasalalay sa pulso ng mga lider nasyunal ang kapalaran ng ARMM Regional Governor na si Prof Nur Misuari na extended na bilang pinuno ng rehiyong Mindanao sa mga panahon na iyon.
Dapat ay tapos na ang kanyang termino at kumakati na rin ang mga paa ng mga gustong pumalit sa kanya bilang pinuno ng ARMM government simula nang sya ay nailuklok sa pwesto simula noong ika-1 ng Oktubre 1996.
Kahit pa man ay wala naman kaming pakialam sa AFP kung ano ang mga sigalot sa mga usaping pulitika, naaapektuhan kami minsan kung ano man ang mga kaganapan dito lalo na sa usaping pangkapayapaan sa hanay ng MNLF.
Ramdam namin sa ground ang problema lalo na at marami pa rin ang mga armas na nasa kamay pa rin ng mga miyembro nito na hindi na-integrate sa AFP at sa PNP sa mga panahon na iyon.
Sa aming paglalakbay sa kasulok-sulokan ng Sulu noong pagdating namin, nakikita namin ang mga tinaguriang 'recognized MNLF camps' na kung saan ay di dapat pasukin ng AFP kung wala silang pahintulot.
Naalala ko ang iilan sa mga 'kampo' na ito sa Luba Hill sa Patikul, sa Karawan Complex sa Indanan, sa Buhanginan sa Patikul at sa Silangkan. Binigyan kami ng 104th Brigade ng mga grid coordinates ng naturang mga kampo at ito ay aming nai-plot sa aming mapa.
Napuntahan ko ang iilan sa mga kampo na ito. Hindi ito kagaya sa kampo ng militar na makikita mo sa mga garrisons o detachments. Ang kanilang 'kampo' ay binubuo ng bahayan na kung saan ay doon na rin nakatira ang kanilang mga pamilya. Ang kaibahan nga lang ay meron itong running trenches sa ilalim ng mga bahay at may sand bags ang iilang mga fighting positions. Nilalagyan nila ng MNLF flag ang gitna ng komunidad o kaya ang gilid ng pwesto ng kanilang 'checkpoint' na may nakabantay lagi na gwardya nila.
Ang palagi lang naming problema sa mga 'MNLF camps' na ito ay dumidikit o kaya humahalo sa kanila ang nakakasagupa naming mga Abu Sayyaf. Syempre, alam ng mga Abu Sayyaf na hindi namin pakikialaman ang 'recognized MNLF camps'.
Enemy sighting
Pagkatapos naming nakasagupa ang Abu Sayyaf sa Lanao Dakula, nakatanggap kami ng ulat na merong sightings ng mga kalabang bandido sa isang lugar sa Silangkan.
Nang mai-plot namin ito sa mapa, napag-alaman namin na ito ay halos kadikit na sa 'MNLF camp' sa naturang barangay. Napaka-kumplikado kasi ang sitwasyon kung magkahalo na ang ASG at ang MNLF. Wala naman kasi silang roster of troops, walang ID o pagkakilanlan. Di naman pwedeng ratratin ang lahat na armadong makikita.
Kagaya ng dati, ang aking yunit ang nai-designate ni Lt Col Bobby Morales bilang leading element sa aming movement kinabukasan. Tila naging paborito ako ni Sir Bobby ngunit bukas sa aking kalooban na pangunahan ang naturang operasyon. Lead from the front, ika nga.
Pagkatapos ng commander's briefing sa LRB, kinausap ko naman ang aking mga Team Leaders. Dito namin ipinababa ang mga kautusan at pinapaintindi ang tinatawag na Commander's intent. Sinasabi rin namin ang sarili naming diskarte bilang pinuno at kung paano isakatuparan ang plano sa aming sariling yunit. Troop Leading Procedures ang tawag dito.
"Medyo malabolix ang information na ibinigay sa atin ngunit ipina-clear sa atin ang loob ng box na ito," sambit ko sa aking mga Team Leaders.
Ang 'box' ay ang grid square o ang 1km x 1km na area na nakapaloob sa intersecting grid lines sa mapa. Kapag hindi specific ang impormasyon, 'box' ang ibinibigay na 'objective' at bahala nang mag-recon ang yunit na mapag-utusan.
"Siguraduhin ang targets dahil merong kampo ng MNLF sa karatig na lugar. Bahayan ang nasa gilid ng dagat at hindi tayo nakakasigurado sino ang Abu Sayyaf at sino ang MNLF."
Mahirap ang aming sitwasyon kung minsan. Lugi kami dahil kumpleto naman kami sa identifications kagaya ng uniforms at patches. Hindi pwedeng ratratero kami dahil madadamay ang mga inosenteng sibilyan. Ayaw rin naming ma-misencounter ang MNLF na kasama na sa 'friendly forces' namin sa mga panahon na iyon. Ang problema, paano mo makilala kung sino ang tunay na kalaban?
Ang reference namin lagi, kung ang actuation ng nakikitang armado ay pumopormang lalaban o kaya ay namumutok, buga na agad. Mahirap pero dapat sundin.
Madaling araw na noon, bandang alas kwatro nang nilisan namin ang aming assembly area para i-clear ang aming objective sa gilid ng barangay Silangkan. Ang 10SRC ang naka-spearhead at nakasunod ang ibang mga kumpanya sa likuran.
Medyo kabado ako noon kasi katatapos lang ng engkwentro di kalayuan at maaaring aabangan namin kami para mabawian. Sobrang dahan-dahan kaming maglakad at tila ay wala ni isang gustong maglikha ng ingay. Kung pwede lang mangurot ang mga naiinis na Team Leaders ay ginagawa na nila dahil ang iba ay nasisipa ang maiingay na dahon ng niyog na nakakalat sa daanan. Lagi kong naririnig ang pigil na sigaw na bulong na ganito,"Buang, maghinay-hinay!". Actually, gusto kong ganon, lahat ay security conscious.
Mag-agaw liwanag na noon bandang alas singko ngunit nasa ilalim kami ng mga niyugan at mga marang. Masukal ang paligid dahil di tinabasan kaya masukal na ang mga damong Hagonoy at kogon.
"Haaalt!" "Freeze!" Nag-pass the word ang aming Lead Scout. Huminto kaming lahat at nagpaka-estatuwa sa aming kinatayuan. Nag-obserba kami sa paligid.
Nang naging tahimik na kaming lahat, dinig na dinig namin ang mga apak at mga ingay sa nadadaanang mga kogon at mga sukal.
"Hhhruuh. Hhhruuu. Hrrrrrrrr!" Parang inuubo na nababahing.
"Click! Click! Click!" Naririnig kong naka-unlocked na ang lahat ng kanilang safety lever ng baril. Lahat ay ready to fire. Nakaluhod ang tatlo kong tropa at nakalinya habang nakatutok sa pinanggalingan ng ingay. Nilapitan ko sila para manigurado.
"Hhruuh! Hhruu! Hruuuu!
Naaninag ko na ang mga gumagalaw. Nasa layong 50 metro sa akin. Gusto kong manigurado. Kaya namin silang pulbusin na agad sa unang volley of fire.
"Antayin nyo ang putok ko. Ako ang mauna," bulong ko sa team ni Cpl Rodel Bonifacio.
Parang nasilihan ang tenga ko. Kumakalabog ang dibdib ko. Yes, kinakabahan din ako pero hindi nerbyoso na wala nang kontrol sa sarili.
Nilingon ko ang paligid kasi tatatlo lang ang niyog na mapagtaguan naming nasa unahan, eh sobra sampu kami doon.
Ginagamit ko ang tritium sights ng aking AUG Steyr sa pagtutok sa kinaroroonan ng ingay. Naalala ko ang aking marksmanship lesson sa low-light shooting gamit ang quick sights: Align sights, Aim low, press the trigger fast and smoothly.
"Diyos ko, bahala ka na po sa pagtanggol sa amin!"
(Ipagpatuloy)
kelan ang next episode sir?...
ReplyDeletenaalala q tuloy ang akin pinsan na namatay jan sa patikul sulu,isang mabait at paltawa na tao...
PFC.ARMAN VICTOR
we miss u kuya jingle
Yes, may aantabayanan nanaman ako.
ReplyDeletekailan ang part 6 sir? excited na po ako sir..
ReplyDeletepart 11 sir..please
ReplyDelete