Napakasakit na dumarami ang nasasawi sa mga engkwentro sa pagitan ng mga bandido at mga militar o pulis. Lagi na lang nababalitaan: Ambush, ambush!
Isa sa pamamaraan na ginagawa ng isang pwersa upang maka-inflict ng maraming casualties sa kanyang katunggali ay ang pagsagawa ng ambush.
Ano nga ba ang pagsasalarawan ng ambush? Ayon sa mga libro ng infantry operations (naka-publish sa internet), ito ay ang atake sa isang mobile o kaya temporary halted enemy force.
Kung naunahang paputukan ang tropa ng pamahalaan na nagpa-patrol habang nakasakay o naglalakad, ay maituturing itong ambush.
Ito ay isa sa military operation na kung saan ay laging marami ang nasasawi lalo na kung nakamit ang elemento ng surprise at violence of action.
Maliban kasi sa interlocking fires at obstacles ay ginagamitan din ito ng command detonated explosive devices para masigurong malagasan ang kaaway.
Sa hanay ng militar, ipinagbabawal na ang pag-employ ng claymore mines para sa ambush ngunit sa mga bandidong NPA, walang habas ang pag-gamit nito. Kaya nga bandido di ba? Di sumusunod sa rule of law at international laws of armed conflict.
Iilang linggo pa lamang ang nakaraan, nalagas ang tatlong sundalo ng 2nd Infantry Battalion sa Camalig, Albay dahil sa pinasabog na explosive device habang dumaan ang kanilang patrolya.
Kontra ambush
Ika pa nga ng aking Ranger Instructor sa Scout Ranger Training School na si TSgt Paypon, ang Rule Number 1 daw sa ambush ay "Huwag magpa-ambush!". Ang hirap naman ng rule na yon ngunit mukhang tama naman.
Ang tanong uli, paano maiwasang ma-ambush? Mahirap uling sagutin di ba?
Actually, merong training para sa mga sundalo paano kami mang-ambush at kung paano naman ang pamamaraan kung kami ang ma-ambush. Simba ko!
Never pa akong na-ambush sa haba ng panahong iginugol ko sa Basilan, Sulu at sa Maguindanao. Marami ang dahilan kung bakit hindi ako na-ambush: Pinagpala kami ng Diyos, swerte lang talaga, nahiya ang kalaban mang-ambush sa amin at di lang siguro kami natyempuhan kasi sumusunod kami sa aming SOP.
Dahil dyan, allow me to say na ang unang paraan pang-kontra sa ambush ay ang taimtim na pagdarasal. Sa aking kapanahunan sa field, parte na ng aming SOP (standard operating procedure) ang magdasal ng personal at bilang grupo, bago kami lumisan papunta sa isang operasyon.
Di ko pa limot ang mga linya ng aming matapang na Platoon Leader sa 12th Scout Ranger Company na si Lt Ronald Clemente tuwing matapos ang pagdarasal ng tropa ng Psalm 91:
"Panginoon, wag nyo po kaming hayaang ma-ambush. Dapat kami ang makauna sa mga masasamang kaaway. Ipadala nyo po ang mga anghel upang kami ay bigyan ng gabay at proteksyon."
Ayos ba ang dasal namin? Naalala ko tuloy nong pinagdasal naman ako ng aking Course Director sa Scout Ranger Course Cls 121-95, bago namin lisanin ang DACON sa Siraway upang harapin ang mga bandidong pinamunuan ni Kumander Bangga noong 1995:
"God, give us clear vision so that we can see them first. Give us steady trigger finger so that we can shoot fast and accurately!" Tawanan tuloy mga classmates ko kahit seryoso naman talaga ako.
Ang taimtim na pagdarasal ay isa sa mga passive measures para maiwasan ang ambush. Syempre, mas matapang at kampante ka kung alam mong suporta sa iyo ang nag-iisang Diyos. Di ba laging nababasa, "God Saves?"
Maliban sa pagdarasal, me sundalo ring gumagamit sa 'anting-anting' o 'laning-laning' bilang extra protection. Meron dito ay tila gumagana at meron ding tipo ay hanggang bolahan lang ang epekto.
Dahil sabi ng Panginoon "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa", dapat gumagawa rin ang mga sundalo ng tamang aksyon para hindi sila mapahamak sa ambush.
Kung gusto mabuhay ng mga sundalo sa field, tandaan lamang nila ang mga alituntunin na nakasaad sa mga manuals ng infantry operations lalo na ang Scout Ranger Operations at Infantry Platoon/Squad operations.
Kung pag-aralan itong mabuti pati ang mga best practices sa combat operations, napakarami ang bawal!
Bawal ang magkwento ng plano sa isang operasyon kahit kanino. Tinatawag namin itong OPSEC o operational security.
Hindi rin pwedeng sabihin sa kahit sino maging sa mga asawa at anak o kaibigan ang destinasyon ng patrol. Wag magpa-cute sa GF at magpaalam na "Sweetheart, magpatrol lang kami sa kabilang baranggay simula mamaya 10:00pm kaya di na ako makatext."
Kung nakasakay ng military vehicle papunta sa line of departure (LD), dapat ma-plano kung saan dadaan. Huwag daanan ang ambush sites at huwag maglakbay na merong araw. Kung ang terrain ay kilalang ambush site, bumaba at lakarin at i-clear ang lugar na maaaring pagposisyonan ng kaaway. Hwag din patulog-tulog at dapat naka-alerto lagi.
Kung naglalakad, iwasan ang danger areas o mga terrain features na posibleng ambush sites o alanganin ang pwesto kung magkaroon ng engkwentro. Kasama sa danger areas ang open terrain, ilog, kalsada, established communities at mga pinupuntahan ng tao kagaya ng igiban.
Sa rules of movement, laging magmamatyag at inaanalisa ang mga daanan bago ito suruin. Kung alanganin, gamitin ang SLLS (stop, look, listen and smell). Kung me palatandaang me tao, maging doble alerto. Isipin mo muna syang kaaway kaysa isang kaibigan.
Bawal din ang dumaan sa established routes (kalsada at trails) dahil pwede itong nilagyan ng booby traps o kaya ginawang kill zone sa isang ambush.
Bawal ding dumaan sa established communities kasi pwedeng magkaroon ng espiya o pasa-bilis ang kaaway at ang patrol ay lalamunin sa isang ambush sa direksyon na pupuntahan. Oops, napakaraming bawal kung gusto mong mabuhay di ba?
Bawal din ang nag-iingay at nagbobolahan kapag naglalakad sa gubat. I-reserve ang bolahan kapag sa Luneta naglalakad sa pamamasyal.
Bawal din ang magsuot ng colorful na damit na madaling makita maging sa kasukalan. Throw away those colorful shirts at wag maglagay ng colorful patches. Tandaan ang itinuro sa camouflage and concealment techniques. Ito ang dahilan kung bakit ako ang nanguna na gawing camouflaged design ang colorful SOCOM patch at maging ang SR unit patch noong taong 2001.
Kapag gabi, bawal ang manigarilyo at bawal ang mag-flashlight. Kung gusto magpakamatay, pwede manigarilyo at ang bala ng kalaban ay mas mabilis kumitil ng buhay kaysa lung cancer.
Laging i-implement ang principle ng security sa patrolling. Laging merong gwardya sa long halts at short halts. Laging maglagay ng Observation Posts at Listening Posts.
Naku, napakahaba na ng listahan ng bawal tsong! Nakakatamad at nakakapagod na rin ba? Passive measures pa lang yon kontra-ambush. Pero gusto mo bang di na makaramdam ng pagod? Report to Commander God sa heaven na lang.
Teka, kapag mapasabak sa actual na ambush scenario, ang pinakaunang rule ay 'walang iwanan'!
Ika nga sa SOP, 'Suppress the enemy by establishing base of fire. Others will get out of the kill zone quickly at isama ang kasamahang casualties'.
Mag-maneuver kung kailangan. Gamitin ang principle ng fire and maneuver. Hindi pwedeng panay fire at walang maneuver! Eh, teka kapatid, mahilig ka bang mag-MR ng niyog o bato tuwing bakbakan at ito ay hindi mo na inaalisan?
Gawin ang lahat na paraan upang maiuwi ang lahat na kasamahan. Ang mang-iwan ng sugatan o nasawing ka-buddy ay isang mabigat na kasalanan.
Mahirap sundin ang napakaraming kautusan. Mahirap at laging me extra effort.
Kung gustong mabuhay, ang desisyon kung ito ay susundin o hindi ay nasa iyong kamay.
Nice post!
ReplyDeleteMabuhay ka, Sir!