Tuesday, April 16, 2013

Dressing Formation: My 1st day as a PMA plebe


Ang aking unang araw bilang isang plebo ay isa sa milestones ng aking military career na hindi ko makakalimutan.

Malamig ang ihip ng hangin noong ika-1 ng Abril 1990 ngunit napakainit ng aking katawan dahil sa matinding pagod na dulot ng aming reception ceremony.

Tila matatapang ang lahat ng mga kadete na nakatalaga sa aking grupo.  Nandidilat ang mga mata at panay pasigaw sa pagbibigay ng kadami-daming instructions.

"Simula ngayon, kayo ay tatawaging Plebo!"

"Bawal kayong mag-Tagalog kundi English sa lahat ng panahon na makipag-usap sa mga seniors."

Sa sobrang 'war schock' ay panay "Yes seeerrr!" na sigaw ang aming isinasagot. Lumalabas ang ugat sa aming leeg at galing sa ilalim ng dibdib ang pagpalabas ng boses para mas malakas.

Ang aking grupo ay tinatawag na squad at binubuo ng 6 na plebo, isang Yearling (2nd year cadet) at isang Squad Leader.

Nagmartsa kami patungo sa aming barracks area na kung tatawagin ay New Cadet Battalion (NCBn) para maghanda para sa aming pinakaunang hapunan na kung tawagin sa cadet lingo ay 'mess'.

Napakaraming bawal ang itinuro sa amin. Kapag nasa formation area o kaya ay mag-martsa ay bawal ang makipag-usap sa kapwa kadete. No rolling of eyeballs. No moving in ranks.

Mahigpit ang bilin ng aming SL (squad leader) na parang naghahayag ng Code of Kalantiaw. Nakakatakot ang kanyang babala.

"Bawal sa inyo ang mag-connive. Pag me mahuli kami, lips to lips ang abutin nyo!"

Pagdating sa aming kwarto, nakita ko na magkakasama kaming lahat doon at magkatabi ang aming double-deck na higaan na kung tawagin ay 'bunks'.

Meron kaming tig-iisang duffel bag na puno ng mga uniporme at mga accessories. Me maraming underwear, handkerchiefs, shirts, sweatshirts, jogging pants at marami pang iba.

Ang pinakauna naming uniporme ay olive drab na kung tatawagin ay Drill B uniform, ka-partner ito ng combat boots na tila ay nag-aantay na aming suotin.

"Iyan ang inyong mga gamit bilang kadete. Alagaan ang inyong gamit at huwag kayong magkalat. Sa lahat ng panahon ay maayos ang pagkatupi ng kagamitan at malinis ang inyong kwarto," sabi ni SL.

Kanya-kanya na kaming kuha ng aming uniporme nang kami ay binigyan ng kautusan na kumuha ng mga damit na kailangan para sa next duty, ang 'Evening Mess'.

"Gentlemen, lahat ng duties natin ay inoorasan. Hindi pwede ang pabagal-bagal at pabakla-bakla kumilos," ang bilin ni SL na matalim ang paningin lagi sa amin.

"Ngayon, gusto kong suotin nyong lahat ang inyong bath attire sa loob ng 10 counts!"

"One!.......two!.....three..."

Kanya-kanya na kaming hubad ng aming damit sibilyan at kandarapang isuot ang bathrobe at tuwalya.

Napatawa si SL dahil sa kanya-kanya naming porma. Paano ba naman kasi, pati pagtali ng bathrobe, pagdala ng tuwalya at sipilyo at kailangang nasa tama ayon sa kautusan.

"Ang tuwalya ay naka-fold ng kalahati at nakaipit sa kaliwang braso. Bitbitin ang sipilyo at sabon sa kanang kamay!"

Ganon na lang ang kalituhan namin kasi lahat pala ng gagawin ay merong 'rules'.

Sinunod namin ito lahat at parati ay pasigaw ang sagot na "Yessssssssssss  seeeeeeeeeeeeeeer!"

"Plebos, we have 20 mins remaining before our first evening mess formation. Gusto ko makaligo kayo sa loob ng 10 counts!"

Nalalabuan ako sa mga sinabi nya. Paano ka nga naman makaligo sa loob ng sampung bilang?

Parang natulala ako sa pag-iisip nang narinig ko uli ang boses ni SL.

"In 10 counts, nakaligo na kayo! 10!......9!....8!"

Kandarapa kami lahat. Nang naisabit ko ang aking tuwalya at bathrobe, gumawa na ako ng diskarte.

Sa kaliwang kamay ay ang tabo na nagbubuhos ng tubig. Sa kanang kamay ay gamit sa pag-toothbrush. Sinigurado kong mabasa buong katawan at makapag-sipilyo na rin.

Umaalingawngaw ang boses ni SL sa harap ng aming kwarto. "7!.....6!....5!.." 

Nasa numerong 4 pa lang, naisuot ko na ang bathrobe sabay karipas ng takbo pabalik sa harap ng nakangising si SL.

"Tsuuuunnnnn!" Ewan ko ano yong command nya. Busy ako sa pag-aayos ng aking bathrobe habang humihingal pa.

Ang ibig sabihin pala don ay "Attention!". Shortcut pala yon! Malay ko ba don?

Sorry na lang sa mga nahuli kong mistah. Meron na agad kaparusahan sa kanila.

Ganon pala ang tinatawag na 'dressing formation' sa militar. Nakakainis ngunit nakakapawis.











3 comments:

  1. The moment seems to be an eternally fresh memory for the veteran. ;-)

    ReplyDelete
  2. Wow "bath attire" philippine army's training and doctrine needs to be updated... too much bs and shenanigans going on.

    ReplyDelete
  3. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete