Larawan ng sulat kamay ng isang rebeldeng MNLF na nakipaglaban sa Philippine Marines at sa 15th Infantry Battalion sa loob ng Notre Dame of Jolo simula nang pasukin ng pwersa ng MNLF ang syudad ng Jolo noong ika-7 ng Pebrero 1974. (Photo credit to jihadalakbar.com)
Marami ang nagde-debate kung ang labanan pa sa Jolo ay may kulay na pulitika o kaya relihiyon. Ayon sa ibang miyembro ng MNLF, sila ay mga mujahideen at nakipaglaban sila para sa karapatan ng mga Muslim, kaya nilusob nila ang Sulu.
Para naman sa mga pinuno ng gobyerno sa mga panahon na iyon, may kulay pulitika ang paglunsad ng MNLF ng armadong karahasan. Hindi raw ito maituring na religious war o jihad ayon sa itinuturo sa Islam dahil hindi naman sinusupil ang freedom of religion sa Sulu. Katunayan, simula pa ng mapalaya ang Pilipinas mula sa Amerika noong 1946, mapayapang naninirahan at nagkakahalubilo ang mga Kristyano at Muslim sa Sulu. Malalim ang relasyon na naipundar ng mga residenteng nagmumula sa iba't-ibang rehiyon at sa mga Tausug at Sama na orihinal na nakatira sa isla.
Ganon pa man, hindi tuluyang mabura ang poot ng mga Tausug tuwing nagkakaroon ng karahasan lalo na kung ito ay dulot ng polisiya ng pamahalaan. Sa kanilang istorya, ipinagpilitan ng mga banyaga na sakupin ang Sulu na sinimulan noong taong 1578, nang si Capitan Esteban de Figueroa ay lumusob sa lugar. Paulit-ulit na sinubukang gawing alipin ng mga Espanyol ang mga Tausug sa mga sumunod na siglo, at may pagkakataon na gumamit sila ng mga Christianized Indios galing Luzon at Visayas, para kalabanin ang mga mandirigmang Muslim sa Mindanao.
Tuwing nagpapalitan ng gobyerno sa Sulu, nagkakaroon ng pagdanak ng dugo, na syang nagpapagising sa bulkan ng galit na namuo na sa isipan simula pa sa malayong kapanahunan. Ang halimbawa dito ay ang Bud Daho Massacre noong 1906 at ang Bud Bagsak Massacre noong 1913. Suicide attack lang ang panabla ng mga mandirigmang Tausug kontra sa mas organisado, at mas malakas na pwersa ng mga 'pwersang mapanakop', ang tawag nila sa kahit sinong pwersa ng gobyerno na pinapa-deploy sa lugar.
Sa taong 1952-1953, nagkaroon uli ng mga madugong bakbakan nang ginamitan ng malakas na pwersa ng gobyerno ang nag-aalburotong si Maas Kamlon, samantalang hindi naman ito nagrerebelde kontra sa gobyerno ayon sa kwento ng mga nakakatanda kagaya ni dating Vice Mayor Marcial Navata ng Luuk.
Ang istorya ng Jabidah Massacre sa taong 1968, at ang pagdeploy ng 11th Infantry Battalion noong 1972, ay nagpapaalala sa mga masakit na yugto ng kanilang kasaysayan na kung saan ay maraming nalagas sa kanilang mga kamag-anak na lumaban ng patayan. Kasama sa pinakamadugong labanan ay ang Battle of Sibalu Hill na kinakasangkutan ng Scout Ranger Class 14-72, ng 11th Infantry Battalion, at ang nirerespondehang tropa ng Philippine Marines na naipit sa labanan kontra MNLF sa pamumuno ni Maas Bawang Estino.
Ito ang klima ng Sulu nang dumating sina Bobords at ang bagong tatag na Molave Warriors (15th Infantry Battalion) noong ika-8 ng Pebrero 1974.
Dito napapalaban ang mga sundalo na mula sa Visayas kontra sa pwersa ng MNLF na pinamunuan nina Nur Misuari at Talib Congo.
Ang labanan sa Notre Dame of Jolo
Tumitindi ang labanan sa pagitan ng MNLF at sa pwersa ng gobyerno nang marating ng 15th Infantry Battalion ang loob ng Notre Dame of Jolo, ang eskwelahan na itinatag ng Oblates of Mary Immaculate noong taong 1954 para matulungan ang mga kabataang Muslim sa pagkuha ng edukasyon.
Butas-butas na mga buildings ang inabutan nina Bobords dahil sa walang tigil na putukan ng magkabilang panig. Marami ang patay na MNLF na nagkalat sa mga paligid dahil naiwan ng mga kasamahan.
Ang simbahan ay hindi nakaligtas sa nakakarimarim na karahasan. Pinagtataga ng mga kalaban ang ulo ng mga rebulto, at niratrat ang altar at mga imaheng nirerespeto ng mga Kristyano. Nagkaroon ng indikasyon na galit na galit sa Kristyano ang gumawa ng kabulastugan.
Bitbit ang kanyang Cal 30 M1919 Machinegun at ang kanyang scoped Cal. 30 M1 Garand, kumuha si Bobords ng magandang pwesto sa first floor ng building ng eskwelahan para makasuporta sa mga kasamahan na napabakbak sa paligid. Ang iba nyang mga ka-batch sa training ay nag-aagawan sa isang malaking puno dahil hindi sila makatawid papunta sa building. Naawa sya sa mga ka-klase na tinamaan dahil nasa ikatlong palapag ang ibang mga mandirigmang MNLF.
Pinapaputukan nya ang mga kalaban na sumusulpot sa mas mataas na pwesto para barilin ang Molave Warriors sa ibaba. Lingid sa kaalaman ng mga kaaway, nakaumang sa mga mukha nila ang cross hair ng 4-power scope ng M1 Garand ni Bobords.
Bang! Nakikita nya ang tumitilapon at duguang kaaway.
Isang bala ang pinadala nyang muli para sa lumabas na tila ay naghila nito papunta sa kabilang pwesto.
Bang!
"Agay!" "Pisting yawa! Agaaaay! Agaaay!"
Paglingon nya, si Asoki ang nakahawak sa ulo na bakas sa mukha ang sakit na nararamdaman habang inaabot ang dibdib.
"Naunsa man ka? Naigo ka ba?" (Naano ka? Tinamaan ka ba?)
May naabot si Asoki sa ilalim ng uniporme sa bandang dibdib at itinapon agad ito.
"Animal ning kinabuhia, nisulod ang imong empty shell sa akong uniporme!" (*#&! na buhay ito, pumasok ang empty shell mo sa aking uniporme!)
Parang napatawa sya na naawa sa kanyang ka-buddy.
"Aww, sori kaayo uy. Namusil man ko ug kurokongho nga nipatay sa atong mga amigo!" (Yay, sorry talaga. Namaril ako ng mga #&%^! na pumatay sa mga kaibigan natin!)
Sinilip nya sa teleskopyo ang pwesto ng mga kaklase na nasa likod ng puno. Namukhaan nya ang isa sa nakabulagta na duguan.
"Naigo si Batch Alburo!" Parang naluluha sya dahil kumikisay ito at tila kinakamayan sya para magpatulong. Pero, nasa 100 metro ang layo nila mula sa kanyang pwesto sa building.
Nakita nya na hinihila si Alburo ng isa pa nyang kaklase na si 2nd Class Trainee Pitogo at 2nd Class Trainee Bucao. Hirap na hirap ang kanyang mga ka-batch sa pagsagip ng kanilang kasamang tinamaan. Kailangan nyang tulungan ang mga kaibigan.
Sa pagsilip nya sa kabilang building, nakita nya uli ang mga kaaway at nagpatong ito ng isang machinegun sa kanyang pwesto. Sumisigaw ang mga ito habang nang-ratrat sa tropa ng Molave Warriors na tumatawid papunta sa konkretong mga pwesto.
"Allahu Akbar!" Bratatatatat! Brrrrrrrt! Brrrrrt!
Sa muli, naisentro nya ang kanyang scope sights sa mukha ng kaaway na nasa 150 metro lang ang layo sa kanya.
Bang! Kling! Ubos ang kanyang 8-round clip. Tumilapon ang gunner ng kalaban at nakita nyang muntik nalaglag ang hawak na baril. Gusto nyang barilin ang kasama nitong humawak sa Machinegun pero wala na syang bala. Nakita nya na ihinarap nito ang barrel sa kanyang pwesto.
Bratatatat! Bratatatatat! Brrrrrrrrrt!
"Drop!" Sabi ni Bobords sabay tago sa corner ng semento.
"Cover!" Sigaw ni Lt Yap na pumalit kay Lt Crucero bilang Platoon Leader pagkatapos nitong natamaan sa paa.
"Butalo! Wa kaigo!" Sinigawan ni Castillo at ni Bobords ang mga MNLF na nasa kabilang pwesto.
Saktong naka-reload muli si Bobords, sinilip nya uli sa scope ang tatlong kasama na tumatawid para masagip si Alburo.
Di nya makalimutan ang imahe na bumungad sa kanya. Duguan at tila wala nang buhay si Pitogo at Bucao na sumasagip kay Alburo.
"Cover fire!" Sigaw nang sigaw si Bobords habang pinaputukan ang mga bintana na pinagpwestuhan ng mga kaaway.
Nakita nya na tumayo si Pfc Banzon, ang kanyang iniidolong Musang.
"Irekober ang ating tropang natamaan! Samahan nyo ako!"
Buong tapang na nanguna sa paglabas sa covered position si Pfc Banzon at sinundan ito ni Pfc Berroya na kapwa nya Musang. Nakita ni Bobords na sumama sa pag-responde si 2CT Castillo at 2CT Flores.
Nakita nyang marami pang bitbit na linked ammo si Castillo na kanyang ammo bearer.
"Hoy, ibilin nang link sa akong machinegun!" (Hoy, iwanan mo yang bala ng aking machinegun!"
Bang! Bang! Bang! Brrrrrt! Brrrrt! Allahu Akbar!
"Argh!" "Agay!"
Nagsisimula pa lang muli ang kalbaryo ng 15th Infantry Battalion (Molave Warriors) sa Battle of Jolo.
(Sundan sa Part 10)
Para sa gustong mamimili ng mga online products, bisitahin ang link na ito ng Shopee!
Lage ko po sinusubayan ito author. More power. Sana marami pa kayong maisulat na katulad nito. Thank you for your service.
ReplyDeleteNext pa po sir ganda ng kwento sarap basahen..
ReplyDeleteSir... Salamat! More power!
ReplyDeletesana hindi lang istorya nya ang i-cover mo brad. salamat
ReplyDeleteatangi ang laing sumpay sa kulbahinam tang sugilanon
ReplyDeleteMurag mistah sir..inspired ko ug basa ba.
ReplyDeletenasaan na po ang part 10?
ReplyDelete