Showing posts with label My Own Story. Show all posts
Showing posts with label My Own Story. Show all posts

Sunday, October 21, 2018

Commander Banog: Ang aming pagkikita ng BIFF commander na si Datu Parido Balabagan

Noong ika-20 ng Oktubre 2018, nagpakita mismo sa aking opisina si Datu Parido Balabagan alias Commander Banog, kasama ang iilang mga kaanak at si Midconding Barangay Captain Bong Abdul, para ipahayag ang intensyon na suportahan ang isinusulong na kapayapaan ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion at ng buong pamahalaan. (Photo by Sgt Christian Santos)



Bandang alas dos ng hapon noong ika-20 ng Oktubre 2018, nakatanggap ako ng tawag sa cellphone na nagpaabot ng balita:


"Sir, gusto nang makipagkita sa iyo si Commander Banog!"


Natuwa ako sa narinig dahil ito na ang magiging susi sa pagbalik normal sa pamumuhay ng mga mamamayan sa Barangay Lumabao, sa bayan ng General Salipada K Pendatun, Maguindanao. 


Si Datu Parido Balabagan, 66, ay nasangkot sa problema ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters pagkatapos na kumampi sa grupo ni BIFF commander Edzrafil Guiwan sa mga pang-aatake nito sa Barangay Bagumbayan, President Quirino, Sultan Kudarat mga 4-5 taon na ang nakaraan. Nagkaroon sya ng warrant of arrest dahil dito. 

Larawan ng pagbisita ko sa Barangay Lasangan sa GSKP, Maguindanao na kung saan ay napabalitang itinatago si Commander Banog ng mga kaalyado nya sa MILF. 

Para maintindihan ko ang puno't dulo ng problema kung bakit merong kagaya ni Datu Parido na napupunta sa hanay ng BIFF o kaya ay nadadawit sa karahasan na isinusulong ng grupong iyon, binibisita ko ang mga pamayanan para pakinggan ang boses ng ordinaryong tao sa barangay. Binuksan ko ang aking puso't isipan para intindihin ang panig nila na malimit ay inisantabi lamang. 

Direkta kong pinapakinggan ang masa sa barangay para alamin ano ang kanilang saloobin at kung ano ang maitutulong ng mga sundalo sa kanilang mga problemang pang-komunidad. 

Ipinapaliwanag ko sa mga tao na kami ay kanilang sundalo at tungkulin namin na sila ay ipagtanggol sa kahit sinong gumagamit ng karahasan. Ipinaliwanag ko na hindi ko sila kaaway bagkus ay kaagapay sa pagsulong ng kapayapaan at kaunlaran sa kanilang lugar. 

Ipinaliwanag ko ang kahalagahan ng pagtapos sa mga hidwaan at karahasan na syang balakid sa pag-unlad ng kanilang pamumuhay. Ipinaintindi ko na ang kabataan ay dapat bigyan ng pagkakataon na magbalik sa paaralan at hindi masadlak sa mga bakbakan. 

Halos 20 taon ang inabot ng patayan sa Barangay Midpandacan kaya tila naging ghost town ang lugar nang una ko itong binisita noong March 2017. Nakakatuwa ang tanawin na kampante ng ang mga magsasaka na alagaan ang kanilang mga pananim na walang bitbit na mga armas. Kuha ang larawan noong Agosto 2018. 


Larawan ng aking Mortar Section nang ginamit ko sila para suportahan ang ground troops sa labanan kontra sa teroristang grupo ni Ustadz Sulaiman Tudon na nagtangkang lumusob sa bayan ng Datu Paglas, Maguindanao noong ika-10 ng Hulyo 2018. 

Binigyang diin ko na hindi ako mag-atubiling gamitin ang pwersa ng gobyerno para supilin ang magpupumilit na gumamit ng armas na syang dahilan kung bakit nadadamay ang mga sibilyan sa mga barilan. 

Gamit ang sniper scope, sinilip ko ang pwesto ng mga teroristang BIFF sa Sitio Mopac, Barangay Poblacion, Datu Paglas, Maguindanao noong ika-10 ng Hulyo 2018.  Doon ko nakita na merong mga menor de edad ang ginamit ni Ustadz Sulaiman Tudon bilang child warriors. Ginamitan namin ng calibrate force ang naturang engkwentro para mabawasan ang collateral damage sa komunidad. 

Ipinamahagi ko sa kanila ang istorya ng mga sumuko ng BIFF sub-leaders kagaya nina Commander Motolite, Commander Dido, at Commander Lapu-lapu.

Larawan ng pagsuko ni Commander Lapu-lapu kay Governor Esmael 'Toto' Mangudadatu sa Barangay Midconding, GSKP, Maguindanao noong ika-10 ng Oktubre 2018. 


Larawan ng pagsuko ni Commander Motolite at mga kasamahan nya kina Mayor Abdulkarim Langkuno at Mayor Bonnie Kali sa Bgy Damakling, Paglat, Maguindanao noong Mayo 2018.

Larawan ng pagsuko ng grupo ni Commander Dido Malawan ang Deputy Brigade Commander ng 2nd BIFF Division, na naganap sa Liguasan Marsh. 


Ipinaliwanag ko na mahirapan silang kalabanin ang pwersa ng pamahalaan kung sasadyain nila kaming gawing kaaway. Mas mahuhusay kaming bumaril. Unlimited ang aming bala.  Meron kaming tangke, eroplano, night fighting capabilities. Mas maraming tao ang kampi sa kapayapaan, kasama na doon ang overwhelming majority ng miyembro ng Moro Islamic Liberation Front. 

Dagdag pa dyan, matatapang at disiplinado ang aming mga sundalo, at handa ring magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng inang bayan. 

At, hindi mangyayari na ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang yuyuko at lumuhod sa kahit sinong masasamang elemento na lumalaban sa gobyerno. 


Sinusugod namin ang mga teroristang BIFF kahit sa kanilang balwarte sa Liguasan Marsh. Ipinapakita namin sa kanila na wala silang pagtataguan kung maging kakampi namin ang lahat nga mga Maguindanaon na nais maging mapayapa ang kanilang pamayanan. 

Kung talagang di nadadala sa negosasyon, magsama-sama ang mga sundalo at pulis para hulihin ang mga taong pinaghahanap sa batas kagaya ng mga miyembro ng BIFF. 

Mag-isip isip sila sa kanilang desisyon na lumaban dahil lalong pinaigting ang kampanya ng gobyerno laban sa kanila nang merong pagtatangkang atakehin ang PNP station ng Lambayon noong nakaraang linggo. 

                           
Sa aking commander's guidance, ipinaalala ko parati ang pagrespeto sa Rule of Law sa pagsasagawa ng aming tungkulin kagaya ng law enforcement operations. Kailangang mapanatili ang aming kredibilidad bilang pwersa ng estado kaya dapat ay walang napapabalitang pang-aabuso kagaya ng excessive use of force, nawawalang kagamitan, at pambabastos sa mga tao. 

Kasama ang CIDG-ARMM, 4SAB, SAF at 2nd Mechanized Infantry Battalion, sinugod namin ang Barangay Lumabao para i-serve ang arrest warrants laban kay Commander Banog at mga kasamahan niya. Dito namin nasamsam ang matataas na kalibre ng baril at naposasan ang iilang suspek na nahuli sa mismong compound nya.


Nakapuslit si Commander Banog ngunit hindi na matakasan ang mensaheng ipinaabot namin sa kanya. Pursigido kaming tugisin sila lahat kahit saang lupalop sya magtago. Ipinaliwanag din namin na bukas ang pintuan para yakapin nya ang kapayapaan. 

Kaya, sino ba naman ang matutuwa kung nagpasya ang isang taong nalihis ang landas para tahakin ang tamang daan tungo sa kapayapaan?


Nagpakuha kami ang larawan sa aking opisina bilang tanda na sa wakas, kami ay nagkakaintindihan. 




Dinala ko sila sa Mama's Love restaurant para i-welcome sa kabihasnan. (Kung meron lang Soldier's Love restaurant, doon ko talaga dadalhin!) 

Gusto kong makita nya ang dapat magkasama kaming ipagtanggol ang Tacurong City at Isulan City, pati ang mamamayan nito mula sa mga hardcore na teroristang BIFF na nambobomba dito. Gusto kong magiging saksi sya mismo na hindi naman ipinagbabawal ang magsambahayang ang mga Muslim sa Christian-dominated areas. Walang diskriminasyon sa mga katutubong Muslim at nakikinabang ang lahat sa kasaganaan na matatamasa sa syudad. 

Pinakinggan ko ang kwento ng buhay nya. Isa pala syang ama ng 10 anak. Isa dito ay nakatapos ng BSEED at kasalukuyang nagtuturo sa kanilang baranggay. Graduating din ng BSEED ang isa pang anak. Nagtatapos ng high school ang isa pang lalaking anak. Nangangarap din sya na maging normal na ang buhay nilang lahat. 

"Apektado ang pamumuhay naming lahat sir. Di ko masagot ang mga tanong kung kakilala ko ang kaapelyido kong si Parido Balabagan na naakusahan bilang kaaway ng gobyerno dahil baka ituring din akong terorista," luhaang sabi ni Bai Fariza na isa sa anak nya. 

Sa ganitong tagpo ko napapatunayan na dapat iniintinding mabuti ng isang military commander ang problemang kinakaharap sa kanyang Area of Operations. Nilalagyan dapat ng 'mukha' ang mga taong sangkot sa problema. Marami ang 'mukha' ng problema kagaya ng mga kaanak, ka-barangay, at mga political leaders. 

Kinikilala din dapat ang mukha ng tigasing terorista na gustong-gusto na maraming nasasaktan at namamatay sa mga labanan, dahil dadami ang recruits nila

Dahil dito, isinusulong ko ang ugnayan, pag-intindihan, at pagbibigay tugon sa mga suliraning panlipunan na hindi ginagamitan ng armas. Para sa mga tradisyonal na mag-isip, hindi ako magiging 'bayaning' kawal na nakikilala sa mga madugong labanan. 

Labis ang tuwa ng mga anak ni Commander Banog nang nagpasya itong lumabas sa pinagtataguan para makiisa sa kapayapaan. Parehas din yan sa gyera, kung kapayapaan at kaunlaran ang pag-usapan, dapat ay walang iwanan!

Abangan kung magiging katotohanan ang pormal na pagsuko ng grupo ni Commander Banog, at kung paano maging tulay para sa tunay na kapayapaan at kaunlaran ang mga sundalo ng bayan sa kanilang lugar. 

(Photo credits: Sgt Christian Santos, Pfc Henrich Burata, Pfc Jefferson Lipura, Pfc Salbidin Maulana)


Friday, January 27, 2017

Hitsurang Bandido: Ang kagawiang dapat walisin sa Sandatahang Lakas

 Ang hitsura ng mga rebeldeng nakakaaway ng mga sundalong Pilipino noong unang panahon. (Larawan mula sa open sources)


Simula nang magkaroon ng mga propesyonal na Army sa Europa noong 1800s, dahan-dahan na nabuo ang mga regulasyon na syang nagpapairal sa kakaibang disiplina ng organisasyong itinatatag para ipagtanggol ang mga umusbong na mga bansa. 

Ang pagsusunod sa mga regulasyon ng militar kagaya ng tamang kasuutan, gupit at kagawian ay nagpapakita sa kakaibang disiplina na inaasahan sa isang propesyonal na organisasyong militar. 

Kahit ang mga sinaunang mandirigma sa Battle of Thermopylae ay pare-parehas ang kasuutan at sumusunod sa mahigpit na regulasyon ng kanilang mga pinuno. (Larawan mula sa open sources)

Ang hitsura at kasuutan ng mga sundalo ng France na pinamunuan ni Napoleon Bonaparte sa pakikidigma ay sumusunod din sa mga regulasyon ng kasuutan. (Larawan mula sa open sources)

Ang pagpapasunod sa parehas na standard ng gupit at uniporme ay mahalaga para sa isang yunit ng militar nang sa gayon ay mapanatili ang kakaibang unit pride, disciplinary standard, at comradeship ng mga tropa. 

Simula nang maitatag ang Philippine Army noong 1897, dahan-dahan ding naisulat ang mga regulasyon kagaya ng tamang gupit at uniporme. Si Heneral Antonio Luna ay kilala sa isang mabagsik na pinuno sa larangan ng pagpapairal ng disiplina, kasama na ang pagsusuot ng tamang uniporme at gupit militar. 

Ito ang hitsura ng mga mandirigmang kagaya ni Macario Sakay na lumaban sa mga Amerikano noong Filipino-American war. (Larawan mula sa open sources)

Ang mga sundalong Amerikano ang nagpataas sa antas ng disiplina militar nang binuo ang USAFFE bago ang ikalawang digmaang pandaigdig. Naipagpatuloy na muli ang pagsasanay ng mga sundalo  sa tamang disiplina nang matapos ang digmaan ngunit agad-agad namang nasabak ang mga sundalo sa pakikidigma sa mga gerilyang Huk noong 1950s. 

Hitsurang bandido

Noong 1950s, ang mga sundalong Scout Rangers ay pinapayagang magpahaba ng buhok at mag-hitsurang bandido dahil sa kanila iniaatas ang mga sensitibong misyon kagaya ng paghahagilap sa mga kuta ng mga bandido at ang pagpatay sa mga pinuno nito. Katunayan, nagawa ng mga Musang na sina Msgt Francisco Camacho Cpl Weenee Martillana ang pagpatay sa kilabot na lider ng bandidong Huk na si Eddie Villapando, dahil nagpahaba rin sila ng buhok at nagpanggap na mga sibilyan habang nasa misyon. 

Nakagawian na rin ng mga Scout Rangers ang magpahaba ng buhok noong 1970s at 1980s dahil sa mga 'espesyal' na mga misyon na kung saan ay nakikihalubilo sila sa mga ordinaryong tao sa kanayunan para mahagilap ang mga bandidong humahalo sa komunidad. 

Disiplinado at maayos ang hitsura ng mga sundalong Pilipino na nakikidigma noong WWII kasama ang US Army na nasa larawan. (Larawan mula sa open sources)

Pagwawasto sa kagawian

Para sa akin, dapat pairaling muli ang disiplina ng mga sundalo kagaya ng tamang pagsuot ng uniporme at pagsunod sa tamang hitsura ng isang propesyonal na sundalo. Una, nawawala ang silbi ng pagpapahaba ng buhok habang nasa misyon dahil sa mga karanasan ng mga kaaway sa taktika ng pakikidigma ng mga sundalo sa mga nakaraang panahon. Halimbawa, ang misyon ng mga Musang ay 'strike mission' (direct action mission) lamang at hindi kaparehas sa Special Forces na tumitira sa kanayunan at nag-oorganisa ng CHDF o CAFGU para idepensa ang mga tao mula sa bandido. Common sense na lang na makikiayon ang Special Forces sa kagawian ng tao nang mapadali ang pagtanggap ng mga ito sa kanila. Kagawian sa kultura ng mga Pilipinong Muslim ay magpatubo ng bigote kaya praktikal na rin noon na gayahin ang hitsura nila bilang pakikiayon sa kanilang kultura. 

Pangalawa, kahit mahahaba ang buhok ng mga sundalo, di naman sila marunong ng salita ng mga netibo sa lugar. Mas lalo nang malabong useful ang pagpapahaba ng buhok o bigote kung natuto na rin ng passwords at countersigns ang mga bandido. Nasa internet na ngayon ang mga kwento ng pakikidigma, kasama na ang counterinsurgency warfare

Pangatlo, dapat lang na tatalima ang lahat sa nakasaad sa AFP Transformation Roadmap na kung saan ay inaasam ng pamunuan na 'aakuin at ipagmamalaki ng mga Pilipino ang kanilang mga sundalo'. Sino ba namang matinong Pilipino ang magmamalaki sa sundalong hitsurang bandidong Abu Sayyaf o NPA? 

Pang-apat, ang matitinong lider ay dapat malawak ang pananaw at natututo sa mga karanasan. Minsan, hindi mo na matukoy kung sino ang sundalo o bandido sa mga engkwentro kung maghalo-halo na ang iba't-ibang yunit. Ito ang aking mapait na karanasan nang mag-reinforce ako sa mga estudyante ng SR Class 145 na nakasagupa ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Tuburan, Basilan noong taong 2002. 

Pangwakas, walang direktang koneksyon ang pagpahaba ng buhok at ng katapangan. Noong ako ay Tenyente, binuo ko ang grupo ng mga sundalong ayaw magpagupit at pinamunuan ko bilang nasa spearhead ng mga operasyon kontra Abu Sayyaf. Sa mga labanan, nakikita ko yong sumusubsob sa likuran ng bato o sa puno ng niyog ang mga 'warrior' kuno. Di rin nagtagal, gusto nang magpagupit iyong ibang gupit bandido. Porma lang pala pare ko. Sa ngayon, ang aking opinyon sa mga nagpapahaba ng buhok ay pabebe at pang-porma lang sa FB posts.

Ang dapat na hitsura ng respetadong mandirigmang Pilipino. Pinaninidigan ang pagiging mandirigma sa aktwal na labanan at hindi sa porma lamang. Pinatunayan ito ng mga mandirigma ng SOCOM (SR, SF at LRC) sa Zamboanga Siege noong 2013. (Larawan mula sa open sources)

Therefore, hindi ako sang-ayon sa inyong baluktot na paniniwala at argumento tungkol sa paggaya sa hitsurang bandido. Kung ipagpilitan ninyo, volunteer agad na maging assault element parati sa yunit ninyo. Mas maigi kung magiging pinuno nyo ako, katabi sa labanan at kikilatisin ko ang pagiging 'warrior' base sa hitsura nyo. 


Saturday, December 31, 2016

Ang Paputok at ang Pagdiriwang ng Bagong Taon


Ang Opera House sa Sydney ang isa sa tanyag na lugar na pinagdarausan ng fireworks display tuwing bagong taon. Kasama ako sa daan-daang libong taong dumagsa para panoorin ang makulay na gabi ng pagpapakitang gilas sa larangan ng paputok.

Kasama ang mga Pilipino sa milyon-milyong ka taong nakikisaya sa pagsalubong sa Bagong Taon tuwing ika-1 ng Enero ngunit hindi lahat ay nakakaalam kung bakit nga ba ipinagdiriwang ito. Nakasanayan na rin natin ang paggamit ng fireworks at samo't-saring mga paputok dahil sa paniniwala na lalo itong magpapasaya sa mga taong nakakasama. 

Nakagawian na ring gamitin ng iilan ang baril na ipinuputok sa ere bilang bahagi ng selebrasyon. Ito ay tinaguriang 'celebratory gunfire' na parte rin sa tradisyon ng pagdiriwang ng iba't-ibang okasyon sa ilang bansa sa Middle East at sa Eastern Europe. Sa Pilipinas, naging uso ito kahit sa Kamaynilaan pero mas talamak ito sa probinsya lalo na sa Sulu, Maguindanao at Basilan. Sa Sulu ko naranasan ang umuulan na punglo dahil sa libo-libong bala na ipinutok sa ere ng mga Tausug noong Disyembre 2000. Sariwa pa sa aking ala-ala na isa sa bala ang dumapo sa aming barracks sa Camp Bautista sa Busbus, tumagos ito sa bubungan at kita ang pwersa nito nang ito ay dumapo sa sementong aming kinatayuan. Ginagawa rin ng iilan sa mga Tausug ang kagawiang magpapaputok ng baril kung magbunyi dahil nanganak ang asawa, kung may nag-graduate sa kolehiyo na kaanak, at kung nanalo sa barilan sa rido ang kanilang angkan. 

Larawan ng mga Lebanese na nakagawiang magpaputok sa ere tuwing nagkakasayahan parte ng selebrasyon. Di na mabilang ang mga taong nabibiktima sa balang dumadapo pabalik sa lupa tuwing nagkakaroon ng celebratory gunfire. (Larawan mula sa internet)

Ang pagdiriwang ng Bagong Taon

Marami sa mga mga sinaunang tao ang nagdiriwang ng bagong taon at ang isa sa naitala sa kasaysayan mga 4,000 taon na ang nakalipas, ay ang mga Babylonians sa bansang kilala sa kasalukuyang tawag na Iraq. Ang sinaunang Babylonians ay ipinagdiriwang ang 'Akitu Festival' na kung saan ay pinaparada ang mga estatwa ng mga diyos-diyosan sa paniniwalang nilinis ng mga diyos ang makasalanang mundo, at sinasalubong ng mga tao ang bagong taon. 

Ang Akitu New Year's Festival ng mga kasalukuyang henerasyon ng mga Assyrian-Babylonian ay patuloy pa rin nilang ipinagdiriwang hanggang sa ngayon. (Larawan mula sa internet)

Dahil sa pakikisalamuha ng tao sa isa't-isa, kasama na rin ang epekto ng pananakop ng mga makapangyarihang pwersa, naging laganap ang selebrasyon sa iba't-ibang bansa kagaya sa Greece at sa Rome na kasama sa mga kilalang makapangyarihang bansa noong unang panahon. 

Importante ring malaman na ang kinilalang gumawa o nagpagawa ng sinaunang kalendaryo 800 taon bago ipinanganak si Kristo (8th century BC)  ay ang 'Ama' ng Rome na si Romulus, ngunit ang kasalukuyang ginagamit na Gregorian Calendar ay kahalintulad ng ipinagawang 'Julian Calendar' ng dakilang si Julius Caesar 46 taon bago ipinanganak si Kristo. Diumano, si Julius Caesar ang nag-utos na ipagdiwang ang Bagong Taon tuwing January l, bilang pag-alala na rin sa diyos ng mga Romano na si Janus, ang diyos na merong dalawang mukha, na simbolo ng Simula at Katapusan. 

Ang diyos ng mga Romano na si Janus na hinahandugan ng pagdiriwang ng Bagong Taon tuwing January 1, sa utos ni Emperor Julius Caesar. (Larawan mula sa internet)

Ang ibig sabihin, ang pagdiriwang sa New Year (Bagong Taon) ay walang kinalaman sa katuruan sa Kristiyanismo ngunit maturingan itong orihinal na tradisyon ng mga pagano. Katunayan, sa panahon na namamayagpag ang Kristianismo, ipinabura ng Council of Tours ang selebrasyon ng Bagong Taon, at pinalitan ito ng Feast Day of Circumcision (Pyesta ng Pagtuli) na merong kahulugan ayon sa tradisyon ng mga Hudeyo na ipatuli ang bata 8 araw pagkatapos na ito ay ipinanganak. Di ba't ginawang December 25 ang birthday ni Jesus Christ, kaya ang January 1 ay naging Feast of Circumcision din noon. 

Ang Paputok

Ayon sa kasaysayan, ang naunang nakadiskubre ng pulbura (gunpowder) na sangkap sa paggawa ng paputok ay ang mga Intsik. Ang aksidenteng pagkaimbento sa pulbura ay nagbigay daan naman para sa paggawa ng paputok (firecrackers/fireworks) na ginagamit sa mga kasayahan at selebrasyon sa bansang Tsina mga 2,000 taon na ang nakalipas. Sa paniniwala ng mga Intsik, nabubulabog at napapalayas ang mga masasamang espiritu o mga demonyo kapag malalakas na paputok ang ginagamit sa isang selebrasyon. 

Larawan ng mga sinaunang mga Intsik na aksidenteng nakadiskubre sa sangkap ng pulbura na ginagamit sa mga paputok. (Internet photo)

Kalaunan, nakopya ang kagawian na ito at pati ang sangkap ng pulbura ay kinopya ng mga Europeo, na nagbigay daan sa pagkaimbento ng bala at baril na syang nagbago sa kasaysayan sa buong mundo simula noong 15th century. Ang paggamit ng kanyon para sa pagbibigay pugay sa mga hari at mga heneral ay pinauso ng mga Europeo, na ngayon ay kilala sa tawag na 21-gun salute. Naging uso na rin ang pagratrat sa ere gamit ang small arms (pistol at rifles) bilang bahagi ng selebrasyon. 


Ang nakakamatay na punglo

Matagal-tagal din ang panahon na namulat ang mga tao na ang balang ipinuputok sa ere ay nakakamatay kapag bumalik sa lupa. Ito ay unang naobserbahan noong World War 1 dahil sa mga bala ng anti-aircraft guns na dumadapo sa lupa. Si Colonel Julian Hatcher ay nagsagawa ng masusing pagsaliksik tungkol dito pagkatapos ng madugong gyera, at napatunayan nya na ang Cal .30 na punglo ay may bilis (terminal velocity) na 300 feet per second pagdapong muli sa lupa. Ayon din sa pag-aaral sa terminal ballistics, ang balang may bilis na 200 feet per second ay kayang makasugat sa katawan ng tao. Kung naiputok ang baril sa anggulong palayo (halimbawa 30-45 degrees), mas matindi ang lakas ng bala pagdapo. Ayon din sa ibang nag-aral tungkol dito, ang balang dumapong muli sa lupa pagkatapos ipinutok sa ere ay may lakas na kaparehas ng pagpalo ng martilyo sa ulo. Sakit yon Tsong!

Ang larawang nagpapakita paano pinapatunayan na ang velocity ng punglo na dumadapo pabalik sa lupa ay nakakamatay. (Internet photo)

Ang pagpapaputok sa Bagong Taon

Ngayon, alam nyo nang hindi naman talaga naaayon sa turo sa Kristiyanismo o maging sa Islam ang magpaputok bilang bahagi ng pagpupugay o selebrasyon. Maliwanag na ideya ito ng mga sinaunang Intsik bilang pananakot sa mga masasamang espiritu. Ang selebrasyon ng New Year (Bagong Taon) ay orihinal din na kagawian ng mga paganong Babylonians na naipasa sa mga Romans na syang nagtatag ng Roman Catholic Church noong 325 A.D. Maliwanag din na ang balang ipinuputok sa ere ay nakakamatay. Marami nang napahamak dahil sa masamang kagawiang pagpapaputok ng baril bilang bahagi ng selebrasyon. Ngayon, gusto nyo pa ring subukan kung totoo nga ang sinabi sa kwentong ito? 

Para sa aming mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines, alam namin na kung susuwayin namin ang mga kautusan ng kinauukulan tungkol sa tamang paggamit ng sandatang pinagkatiwala ng sambayanang Pilipino sa amin, meron kaming kalalagyan! Dahil sa naipakita nang disiplina ng inyong mga kasundaluhan, ang pagselyo ng baril tuwing sasapit ang Bagong Taon ay di na kinakailangan. 

Larawan ng mga sundalong Pilipino bitbit ang kanilang armas na ipinagkatiwala sa kanila. (Philippine Daily Inquirer photo)

Sa kahit sinong pasaway na magdiwang ng Bagong Taon gamit ang pagpapaputok sa ere, malamig na rehas at punong-puno na kulungan ang nag-aantay sa inyo mga kaibigan!

Larawan ng kulungang nag-aantay para sa mga pasaway na magpapaputok ng baril bilang pagsalubong sa taong 2017. (Getty images)

Ang pinaghanguan ng sulat na ito ay ang sumusunod:



Sunday, January 10, 2016

5 secrets in getting a slot for Army enlistment



Di nauubos ang mga tanong at pati mga guni-guni ng mga interesadong kabataan paano ba talaga papasa sa taunang selection process para sa Army recruitment. Binabaha ang aking inbox ng request ng tulong at maging reklamo dahil sa akusasyon na 'bata-bata' system daw ang pagpili sa iilang mga aplikante para maging sundalo. 

Kaysa maubos ang oras ko sa pagtatanggol sa kung sino man iyong damuho na inaakusahang nagre-recruit ng mga aplikanteng hindi pasado o kwalipikado, hayaan nyo na lang akong bigyan kayo ng tip paano tumaas ang inyong tsansa na mapili bilang mandirigma ng ating bayan. 

Ang basehan ko sa mga ideya paano piliin ang ating mga mandirigma ay ang mga nakasaad sa Army policies, common sense,  at ang tunay na pangangailangan sa line units ayon sa aking personal na karanasan bilang 'manager' ng mga sundalo.

So, para sa mga interesado, ilahad ko na sa inyo ang mga sikreto para makapasa na kayo sa susunod na quota ng enlistment. Matinding sikreto ito. Fasten your seatbelt at huminga ng malalim. Djaraaaan!

1. 'Backer'. Pinakaimportante sa lahat ay dapat meron kayong 'backer' na syang susuporta sa inyo para makapasa. Sino ba dapat ang backer mo? Drum rolls, please! Eh di ang nag-iisang Diyos! Yes, ang Panginoong Maykapal na syang lumikha sa ating lahat. Dapat bigyan ka nya ng lakas ng loob, mabuting pangangatawan at proteksyon mula sa disgrasya. Kung tatalikuran ka ng iyong 'backer', tigok ka na. 

2. Mental preparation. Dapat mong paghandaan ang tinatawag na PAATB o entrance exams. Napakadali lang ng exams na ito kung hindi ka namamayabas noong high school. Simpleng English, logical reasoning at mathematics na pang-high school lang naman ang laman ng exam. Kung ikaw ay nasa college level, mas lalong wala ka nang karapatang sabihing napakahirap ng PAATB. Sa totoo lang, hindi naman ito maihalintulad sa UPCAT o PMA entrance exams na nose bleed o heart attack aabutin mo kung hindi ka asintado sa pagsagot. So, relax lang at simulan ang paghahanda. Basahing muli ang mga aralin sa English at Math. Magpaturo sa isang titser o matalinong high school classmate kung kailangan. Pwede ka ring sumangguni sa mga Youtube videos na naglipana sa internet.

3. Palakasan. Ito ang isa pang tunay na sikreto, ang palakasan sa Army. Hoy, baka iba ang nasa isip mong 'palakasan'. Ganito yon, kung desidido ka talagang mag-sundalo, magpalakas ka tsong! Kailangan mo ang malakas magbuhat, magtulak, malakas na sikmura at maging sa lakaran at takbuhan. Kung gusto mong maungusan ang lahat sa Physical Fitness Test (PFT) na batayan sa slot, magsimula ka nang mag-takbo, push-up at pull-up mga tatlong buwan bago ang processing. Kung asal batugan ka na panay inom, kain at tulog, sigurado ka nang timbog pagdating sa palakasan.

4. Added value. Maliban sa combat duties, maraming support tasks ang ginagawa rin ng mga sundalo para magampanan ng frontline units ang mga misyon nila. Ihambing mo rin kami sa isang munisipyo na merong employees na driver, karpintero, mekaniko, electrician, computer operator, writer at maging radio broadcaster. Therefore, kung ako ay isang Division Commander ng Army, sinisigurado kong merong highly-skilled soldiers na kasama sa annual quota dahil kailangan sila sa unit. Kung ikaw ay aplikante na merong ipinagmamalaking special skill, mas malaki ang iyong chance na mapasama sa quota. Tanungin mo sarili mo, anong kaalaman o kakayahan na meron ako na wala ang iba? 

5. Complete, orignal documentary requirements. Kumuha ng listahan ng requirements at ilagay ito sa folder ayon sa hinihingi ng line unit na pinag-aplayan. Siguraduhing tunay at hindi gawang Recto dahil ma-blacklisted ka lang sa buong Army kung mahuli kang namemeke ng dokumento. Meron nang pamamaraan ang Validation Team ng Army headquarters kung paano masuri ang dokumento.

Taas-noong tumayo sa formation ang mga aplikanteng kasama sa annual recruitment ng 9th Infantry (Spear) Division sa Bicol Region. (9th DPAO photo)



Ngayong alam nyo na ang mga sikreto, maghanda na kayo para pumasok bilang mandirigma ng bayan!


Sunday, December 27, 2015

10 things a Scout Ranger leader can do to boost soldiers' morale (Part 2)


Nakikita sa larawan ang aking pagtuturo ng pag-gamit ng Microsoft Office para sa aking admin personnel. Layunin ng training na maging bihasa ang mga NCOs sa pagsagawa ng admin support tasks habang ang tropa ay nakikipaglaban. Ang lahat ng mga NCOs na ito ay boluntaryo ring sumasama sa combat patrols dahil mas mataas ang tsansa ng meritorious promotions ng combat operators kaysa mga taong opisina. 


Sa unang bahagi ng aking kwento, nailahad ko ang mga personal na diskarte paano labanan ng isang Scout Ranger ang kalungkutan sa field assignment. Parang kalokohan lang no? 

Sa totoo lang, napakabihira ang insidente ng battle stress o post traumatic stress disorder (PTSD) na kalimitang nangyayari sa mga miyembro ng US armed forces. Siguro, dahil ito sa pagiging madiskarte ng sundalong Pilipino paano nya pasayahin ang sarili. Maliban pa dyan, likas na masayahin naman tayo kahit napakahirap ng sitwasyon na ating nararanasan. Ganon din kaming mga sundalo.

Ganon pa man, malaking problema pa rin at sakit sa ulo ang magkaroon ng 'war shock' na kasamahan. Merong nakikitaan ng sintomas nito mula sa iba't-ibang units na nakasama namin sa Sulu noong taong 2000. Merong namamaril ng kanyang kasamahan. May isang nagtapon ng granada. Merong nawalan na ng focus sa ginagawa at naiputok ang Cal 50 machinegun sa friendly forces. May isa akong tao na parati nang nakatingin sa langit at nagbibilang ng mga bituin o naghahanap ng planetang Uranus. Bilang lider, responsibilidad ko rin ang maaksyunan ang problemang ito bago manganak ng mas masalimuot na problema. Dito papasok ang malaking tulong ng mga NCO-leaders na syang direktang nakakasalamuha sa mga tao sa squad o team level. 

Maraming mga pamamaraan para mapataas ang morale ng mga sundalo at ng yunit sa pangkalahatan. Ang mga pamamaraan na ito ay ginagawa ng isang Company Commander na syang merong direktang responsibilidad sa kanyang kinasasakupan, at ito rin ay pwedeng ginagawa ng isang Platoon Leader o Detachment Commander na nadestino sa isang malayong assignment. Merong mga diskarte na kailangan ng pondo ng yunit (wag magtipid o magdamot ng MOE) at meron namang pawis at malamig na tubig lang ang puhunan (wag magpatamad-tamad o patulog-tulog sa pansitan)

Ibahagi ko ang iilan sa pamamaraan para parating 'on the go' at 'high-morale' ang aking mga sundalo sa yunit:

1. Sustainment training. Lagi kaming nagsasanay sa pakikidigma para lagi kaming lamang sa kaalaman at kagalingan kaysa mga kaaway. Sama-sama kami sa physical exercises (roadruns at calisthenics), sa pag-review ng operational TTPs (techniques, tactics and procedures),sa live-fire exercises, quick-reaction drills at team/platoon maneuvers. Sa pamamagitan nito, kampante kaming lahat na mas asintado, mas malalakas at mas mahusay kami sa larangan ng pakikidigma kaysa mga kalaban. Kapag confident sa combat operations ang sundalo at mataas ang level ng samahan ng yunit, mataas din ang kanilang morale. Paano na lang kaya kung ang ginagawa ng mga sundalo mo ay maghimas ng manok,  nag-tong-it maghapon, nagkukuyakoy sa duyan at naglalasing habang nagtatambay sa barangay?

                            
Kahit graduates ng Scout Ranger Course ay kailangan ng regular refresher training ng Techniques, Tactics and Procedures (TTPs) ng operations. Dito namin napupuna ang mga lapses ng procedures at ginagawan ng spot corrections para hindi maulit sa aktwal na pakikidigma. Ang mga sundalong tinatalikuran ang pagsasanay na ito ay posibleng ma-windang sa aktwal na bakbakan. Dahil hindi kampante sa kasamahan, nagreresulta sa pagka-watak-watak, iwanan  (run for your life) at napupugutan ng ulo.

                              
Sinasanay sa combat swimming ang aking mga tauhan bilang paghahanda sa waterborne operations sa mga isla ng Sulu. Ginanap ko ang pagsasanay na ito sa Taglibi, Patikul, Sulu. Makikita sa background ang aming playground, ang Bud Bagsak-Bud Tunggul-Mt Sinumaan complex.

                              
Nagsasanay ang aking mga NCOs ng mission planning gamit ang modelo ng terrain na pinamumugaran ng mga bandido. Layunin ng training ang pagpataas ng kanilang kakayahan sa pagplano ng team level o platoon level operations na minimum ang supervision ng mga opisyal.      

                             
Kuha sa larawan ang live-firing activities ng aking yunit sa paanan ng Bud Datu, Indanan, Sulu. Kasama sa regular na nagsasanay ay ang aking mga snipers na merong kakayahang magpatama ng bandido sa layong kalahating kilometro. 

2. Rest & Recreation and Leaves. Binibigyan ko parati ng pribilehiyo ang aking mga tauhan na makauwi kasama ng kanilang kapamilya. Sa tulong ng First Sergeant at ng mga sub-unit leaders, sila-sila na ang nag-uusap sa diskarte ng release ng mga magbabakasyon. Ang requirement ko lamang ay hindi masira ang team integrity, ang ibig sabihin, dapat buo pa rin ang team kung may pinauwi na miyembro nito. Dito rin papasok ang succession of command na kung saan ay merong katiwa-tiwala na NCO na syang magdadala sa Team/Squad habang nakabakasyon ang isa. Dalawang aspeto ang naisaayos ko para mapanatili ang taas na level ng morale: Una, nakakabili sila ng murang ticket dahil planado ang uwi. Pangalawa, kampante sila na buo ang team at hindi mag-iiwanan dahil magaling pa rin ang magdadala sa kanila.

3. "Happy hour". Sa pagkakataong meron kaming iilang araw ng pahinga, ginaganap namin ang happy hour na kung saan ay merong boodle fight, videoke at inuman para sa mga birthday boys. Magandang stress-reliever ang aktibidad na ito at dito lumalabas ang mga hidden talents ng mga tropa simula sa pagluluto ng masasarap na putahe, hanggang sa pagalingan sa pag-awit ng walang kamatayang "My Way"

                            
Napatunayan na ring pangtanggal ng combat stress ang videoke singing tuwing 'Happy Hour'. Kuha sa larawan si Cpl Junjie Cuevas ng Mindoro na kinakantyawan naman kanyang batchmate na si  Cpl Arnold Panganiban ng Cavite.

4. Rewards and Punishments. Sinisigurado ko parati na ang magagandang accomplishments ay may kaukulang  awards  o kaya ay meritorious promotion kung nakakumpiska kami ng matataas na kalibre ng baril. Sa mga iilang nagpapasaway, sinisigurado ko ring merong patas na kaparusahan. Mahirap itong gawin ngunit kailangang pagtyagaan ng mga officers at Admin NCOs na syang mag-proseso sa mga papeles nito. Sa dami ng meritorious promotions sa aking yunit, lahat na personnel ay gustong sumama sa combat patrols. 

5. Letters to family. Dahil hindi pa gaanong uso ang cellphone sa lahat ng tropa sa panahon na iyon, sinusulatan ko ang mga magulang o kaya mga asawa ng aking mga sundalo para ipaabot ang aking pagbati, ipanatag ang kanilang kalooban at impormahan sila tungkol sa schedule ng R&R. Sa iilang pagkakataon, naipagbati ko yong nag-aaway na mag-asawa o kaya nagawan ko ng paraan na mabawasan ang iniinda nilang problema na nakakaapekto sa morale ng sundalo.

6. Best-best competition. Tuwing nasa kampo kami, isinasakatuparan namin ang paligsahan sa team kagaya ng Team Equipment Run o Team live firing o pagandahan ng Vegetable Garden. Sa pamamagitan ng mga palarong ito, nabubuo lalo ang kanilang samahan at tumataas ang kanilang kumpyansa sa bawat isa. Binibigyan ko ng kaukulang cash prizes ang team o kaya passes ang nananalo sa paligsahan.

                           
Kuha sa larawan ang team level firearms maintenance training ng aking kumpanya tuwing nakakapagpahinga kami sa Camp Teodulfo Bautista, Busbus, Jolo, Sulu. Si Cpl Gil Galsim (right), ang syang nanguna sa pagsasanay ng mga tropa sa layuning lahat ay bihasa paano paganahing mabuti ang mga armas tuwing merong bakbakan. 

                           
Kuha sa larawan ang sustainment training ng aking unit sa advanced rifle marksmanship na ginagamitan namin ng improvised moving targets at disappearing targets para mahasa ang shooting skills ng aking mga sundalo mula 25 metro hanggang 250 metro. Para may kasayahan sa training, binibigyan ko ng cash prize ang pinakamagaling na Team Score. Sa firing range din na ito nagdaos ng shooting competition para sa mga sundalo na pinondohan ni ex-Governor Wahab Akbar.  

Sa tulong ng iba't-ibang personnel mula sa mga ka-buddy na SR Companies, pinagtyagaan naming linisin at ginastusan ng fuel ang mga bulldozers na ginamit para sa pagpapagawa ng sarili naming firing range na ito sa Bgy Cabunbata, Isabela, Basilan. Nang makita ito ng 103rd Brigade Commander Col Hermogenes Esperon, nagpagawa rin sya ng firing range sa kanyang headquarters sa Bgy Tabiawan. 


7.  Messing. Ang isa sa sikreto para tumaas ang morale ng tropa ay ang pag-maximize sa mabibiling pagkain ng aming kapiranggot na mess allowance. Para magawa ito, lahat ay dapat kasama sa consolidated mess pati ang mga opisyal at senior NCOs. Kapag combat patrols, pinapabaunan namin ang bawat team ng extra viand na kagaya ng deep fried chicken o simpleng bagoong. Tuwing resupply naman, pinapalutuan ko sila ng pansit at tinola para matanggal sa dila ang lasa ng walang kamatayang sardinas. Binibigyan ko rin ang mga Team Leaders ng fund support para pambili ng extra ulam ng team at kanya-kanya na silang diskarte ng  pagluluto para sa team members nila.  Di ba't nakaka-high morale iyon?

8.  Community service. Kinakaibigan namin ang mga tao sa paligid ng aming resupply area. Pinaparamdam namin sa kanila na hindi kaaway ang turing namin sa kanilang mga sibilyan. Nang may nag-request ng libreng tuli, pinag-tutuli namin ang mga kalalakihan. Tinulungan din namin silang magkaroon ng public toilet para hindi na nila kailangang magkalat ng yellow submarine napakaganda nilang dalampasigan. Dahil dumami ang aming kaibigan sa lugar, nababawasan ang aming combat stress at ito ay nagpapataas din ng morale. 
                            
Kinaibigan namin ang mamamayan sa Taglibi, Patikul, Sulu na syang resupply area ng 1st Scout Ranger Battalion tuwing may combat operations sa lugar noong 2000-2001. Kuha ang larawan bago ang ground breaking ng ipinatayo naming public toilet na ginastusan mula sa kontribusyon ng pondo mula sa iba't-ibang SR Companies (10SRC, 1SRC, 19SRC, 14SRC, 7SRC) at maging ng 1st SRB. Kasama ko sa larawan ang Company Commander ng 7SRC na si 1st Lt. Roy Derilo (4th from left). 


9.  Entertainment area. Ang aking yunit ang isa sa kauna-unahang nagkaroon ng Satellite Dream Cable sa Basilan. Ginastusan ko ito para makapanood ang tropa ng samo't-saring palabas na makakapag-pasaya sa kanila kagaya ng National Geographic Channel, History Channel at HBO Movies. Ang paborito nilang panoorin ay iyong Tagalog movies lalo na ang mga sine ni Robin Padilla, Dolphy at Vic Sotto. 

10. Schooling. Kahit nasa field duty kami, pinapa-schedule ko parati ang pagpapadala ng career at specialization schooling ng tropa. Ito ay parte sa pagtingin sa kanilang career path habang tumataas ang ranggo na kung saan ay pwede silang madestino sa ibang mga assignments sa higher headquarters. Kapag nakakalimutan ng mga opisyal na ipadala rin ang tropa sa schooling ay nakakababa ng morale dahil naaapektuhan ang promotion nila kung hindi nagkaroon ng required schooling sa ranggong dapat makuha nila. 


Saturday, December 26, 2015

10 things a Scout Ranger warrior does to fight boredom (Part 1)





Para sa mga sundalong naka-deploy sa frontlines na kalimitan ay malalayo sa kabihasnan, ang pagpapanatili sa mataas na level ng morale ay isang malaking challenge. Ito ay kasama sa hamon ng isang lider kagaya ng mga opisyal at non-commissioned officers na syang may responsibilidad na maisakatuparan ang mga iniatas na misyon ng yunit. Dito nakikita ang diskarte ng lider paano timbangin ang personnel welfare at mission accomplishment.


Ang buhay sa field ay magkahalong excitement, lungkot at saya. Para sa mga bagong graduate na mga sundalo (opisyal o enlisted personnel), ang field assignment ay isang adventure at isang karangalan ang mapasabak sa makatotohanang bakbakan. Kung paano maging malungkot o masaya ang isang sundalo, depende ito sa personal nyang diskarte o sa kanyang opisyal na nagdadala sa kanila. Kung negatibo ang attitude, normal na ang kalungkutan at kaakibat na stress,  lalo na sa mga panahong sunud-sunod na nasasaksihan ng tropa ang madugong bakbakan. Samantala, kung positibo ang pananaw, madali ang pagpapasaya sa sarili sa munting pamamaraan. 

Sa unang bahagi ng aking kwento, unahin kung ilahad paano namin pinapasaya ang aming sarili lalo na kung nasa gitna kami ng kagubatan naka-destino.

Ang tanong: Mapapasaya mo nga ba naman talaga ang iyong sarili kung nakakalungkot ang iyong kapaligiran? Para sa akin, ang sagot ay umaalingawngaw na Yes. Nasa diskarte lang talaga iyan. Basahin paano namin pinapasaya ang sarili. Drum rolls please! Djaraaaan! 

1. Manghuli ng niknik o lamok. Alam nyo, nakakabwisit ang maliliit na demonyong ito dahil maliban sa makati kumagat, nakakainis na makitang nahihigop nya ang iyong dugo. So, paano mo mapasaya ang sarili? Hmmmm. Bawian mo sila. Dahan-dahan mo itong hulihin gamit ang daliri, ilapit sa iyong tenga bago pisatin. Prrrrt! Dinig mong nadurog ang kanyang buto-buto kung meron man sya. Another technique ay kumuha ka ng insect repellent at isawsaw mo ang bunganga nya doon. Minsan kasi duda ako na nagsusuot sila ng face mask kaya sugod pa rin kahit naghilamos ka ng repellent! Isa pang diskarte, wag mo syang patayin kundi ilapit sa iyong bibig at bulungan nitong orasyon bago ito pakawalan: "Tutuliin ko kayong lahat kung bumalik kayo sa akin!". Di ba, bawi-bawi lang? Nakangisi ka na pagkatapos noon.

2. Langaw Sniping. Gamitin ang elastic band o lastiko, pitikin mo ang mga langaw na mahilig dumapo sa iyong pagkain. Nakakatuwa na timbuwang sila pag inabutan ng lastiko. Magsama ka ng ka-buddy at paramihan kayo ng bodycount. Ang saya di ba?

3. Limatik torture. Ipunin mo yong mga limatik na mahilig pumasok sa combat boots at naninipsip ng dugo. Maglagay ng konting tubig sa cellophane, ipabula gamit ang panlabang sabon at palanguyin ang limatik hanggang isusuka nya ang dugo na galing sa iyo. 

4.  Story-telling a lie. Kumuha ng ka-buddy, pwesto kayo sa gilid ng puno dala ang rifle at bulungan kayong magbolahan tungkol sa military jokes, paano manligaw sa baranggay o kaya magkwentuhan sino ang mas magaling sa inyong mga lolo!

5. Basa ng libro o komiks. Ilabas ang baong libro, sumandal sa bato at kunwari nasa batuhan sa Coron, Palawan kang ninamnam mo ang istorya na binabasa. Imagine, kaya palang pumunta sa Coron!

6. URC 187 entertainment. I-scan mo ang frequencies ng URC 187 at pakinggan ang bolahan ng mga Chinese o Malaysian radio operators na nasa ere. Pwede ring ilipat sa admin frequency ng higher headquarters at makiusyoso kung merong 'kabuhayan' kagaya ng PIB, Bonus o karagdagan sa sweldo. Iwasan lang na mag-ingay at mamalasin ka sa iyong mga kasamahan.

7. Signaling. Kumuha ng ka-buddy at magkontes kayo sino ang mas magaling sa hand and arm signals pati semaphore signaling. Ang talo, manlibre ng tuba pag-uwi sa kampo.

8. Food patrol. Kung sawang-sawa na sa lasa ng sardinas, magsama ng isang team at manghagilap sa gubat ng pako, gabi, saging, camote at 'tenga ng unggoy' na nasa mga patay na puno. Pwede ring pagtyagaan ang maliliit na isda o kaya ang igat (eel) na nasa ilog. Kung may mukhang gulay na damo, pwedeng tikman at  kung hindi nangangagat sa dila,  ipatong sa kanin para subukang kainin. Pag mailuto mo ang mga iyon, masaya na kayo!

9. Animal sounds. Panatiliin ang katahimikan, pakinggan ang lumalabas na huni sa gubat at pagalingan kung ito ba ay baboy damo, kalaw, bato-bato, usa, ahas o Abu Sayyaf na kung umubo ay parang aso!

10. Weapon maintenance. Kung hindi ka duty guard, pumunta sa gitna ng patrol base, maglatag ng poncho at magdala ng gun oil, pamunas at kutsara. Punasan ng konting oil ang moving parts at kiskisin ang lahat ng kalawang gamit ang kutsara. Dapat walang ingay at kailangang hindi masira ang protective coating ng baril. Pagkatapos noon, ilatag ang poncho sa gilid ng puno at yakap-yakapin ang baril, imagine mo ang iyong sweetheart hanggang maidlip.  

(Abangan ang Part 2)


Saturday, October 10, 2015

How to apply for an Australian Tourist Visa (Sub-Class 600)


I posed for a souvenir photo with American tourists during my visit at the Opera House in Sydney, Australia in November 2005.

Most of the times na ako ay nagkaroon ng opportunity na mag-travel, iyon ay official mission bilang parte ng aking trabaho sa Armed Forces of the Philippines. There are three examples na ako ay nasa official mission: 1. Ang pag-attend ng military courses; 2. Ang pagsali sa shooting competitions o Dragon Boat races; at, 3. Ang pag-inspect ng military equipment na binili ng AFP sa ibayong dagat. 

Ang privilege ng official mission ay halos hassle-free ang pag-proseso ng mga papeles lalo na sa pag-apply ng visa. Merong opisina at mga personnel na nag-aasikaso nito sa embassy ng bansang pupuntahan at ang kailangan lang naming gawin ay i-submit ang kumpletong requirements. May pagkakataon na mabilisan ang pag-proseso ng visa dahil na rin sa biglaang mga lakad. 

Sa una kong pagbisita sa Australia noong 2005, ako ay miyembro ng Philippine Army Shooting Team na lumahok sa Australian Army Skill-at-Arms Meeting (AASAM) na ginanap sa Singleton, New South Wales. Dahil official mission iyon, wala akong matandaang proseso sa pag-apply ng visa maliban sa pagpasa ng aming passports at pag-fill out ng application forms. 

I was the Team Leader of the Army Shooting Team when I first visited Australia in 2005. This photo was taken during the action-packed Squad Assault shooting match which was physically challenging but a rewarding experience for us. Seeing new places was only a bonus for us.


Ranger Cabunzky's Steps

I am aware that there are plenty of blogs out there that can be used as reference in applying for an Australian tourist visa. Sa mga nabasa ko, parating may kulang na impormasyon kaya hayaan nyong ipamahagi ko ang sarili kong experiences kamakailan lamang. Ayokong ituro sa inyo ang pang-techie na Online Processing ng visa dahil baka magkakamot ulo lang kayo sa pagkalikot ng computer sa pag-attach ng mga files na i-submit at sa pagbibigay ng Credit Card details ninyo para sa pagbayad. Dito na tayo sa less hassle na proseso. However, kung nasa malayong lugar kayo, konting cost and benefit analysis ang gagamitin para magdesisyon kung mag-online processing ka or mag-byahe ka ng oras-oras papuntang VFS Global office.

Isa-isahin ko sa inyo ang Ranger Cabunzky's steps sa pag-apply ng tourist visa:

1. Una, siguraduhin mo muna kung talagang pupunta ka ba sa Australia! Simple di ba? Bakit ka mag-apply kung di ka naman pupunta!

2. Alamin mo kung ano ba ang dahilan kung bakit ka pupunta doon? Mag-selfie ka lang ba sa mga kangaroo at Tasmanian Devil sa loob ng isang linggo? Inimbitahan kang mag-date ng iyong Australian girlfriend? Doon mo ba panoorin ang Heneral Luna? 

3. Paano mo suportahan ang iyong pagliliwaliw? May sarili ka bang business na kumikita? May pamana ka ba kay Bill Gates na nakaimbak sa iyong bank account? Ang sweldo mo ba ay sapat na pambayad ng air fares, pagkain at pang-hotel? May manlilibre sayo na tao, company o ang gobyerno ng Pilipinas?

4. Wala ka bang nakakahawang sakit? Wala ka bang naging kaugnayan sa ISIS o Abu Sayyaf o mga kilabot na kriminal? Pag YES ang sagot, ma-disapprove ka lang pre!

5. Bisitahin ang website ng Australian Embassy Manila para alamin ang mga basic requirements ng specific visa type na iyong aplayan. I-click ang 'Visas and Citizenship'. Halimbawa, ikaw magliliwaliw ng iilang araw sa Australia, ikaw ay mapapabilang sa temporary visitor na pwedeng mag-apply ng tourist visa. I-down load at i-fill-out ang Form 1419. Fill out mo ito gamit ang 'All caps' na pagkasulat. Bawal ang sulat na style na pang-doctor ha (Iyong tipong sya lang nakakabasa) kasi baka ma-disapproved ka lang. Kung may kasama sa byahe na anak na less than 18 years old, i-down load at fill-out ang Form 1229. Just in case na di magsasabay ng byahe, ang magulang na hindi kasama sa byahe ang mag-fill out at pipirma ng application forms ng bata.

6. I-down load ang Visitor Visa-Tourist Stream (Sub-class 600) checklist  at i-fill out ito. Magsisilbi itong guide paano kumpletuhin ang mga requirements kagaya ng:

    6.a. Personal documents
        
          6.a.1. NSO-certified birth certificate;
        6.a.2. Notarised photocopy of your passport (including bio page na kung saan makita ang iyong passport photo at details, visas na na-grant lalo na ng OECD countries, entry/exit stamps na nagpapatunay na bumabalik ka tuwing may travel abroad);
          6.a.3. Passport photo. Magsuot ka ng polo shirt o kaya manghiram ka ng coat sa kodaker na nasa kilalang photo studio. Actually, sabihin mo lang na para sa Australian visa, alam na nila iyon. Handa ka ng 2 photos.
    
    6.b. Financial documents

      6.b.1. Certificate of Employment mula as Personnel Department o G1/S1 sa military organization. Data nakabanggit magkano tinatanggap mong monthly salary. 
           6.b.2. Photo copy of your payslip sa loob ng 3 months.
      6.b.3. Pakuha ka ng Bank Statement at Bank Certificate ng sarili mong bank deposits. Di naman requirement na milyones ang  laman ng bangko ngunit mas maigi kung tipong sobra pa sa  pang-return  flight  air fare ang laman ng bangko mo. 
       6.b.4. Kung may sponsor ka na tao o business firm, magpagawa ka ng Certification na suportahan nya ang lahat ng gastos mo sa Australia. Maaaring hingan din ng Bank Certificate at Bank Statement ang iyong sponsor.
           6.b.5. BIR Form 2316 (Income Tax Return).
           

    6.c. Other supporting documents

          6.c.1. Invitation Letter from your contact in Australia. Halimbawa, kung competition ang pupuntahan, hingan mo ng Official Invitation ang organiser mismo. Kung individual ang nangimbita sayo, pasulatin mo sya ng invitation letter na inaanyayahan ka nya sa kanyang lugar para magliwaliw. Data may photo copy ka ng mga katibayan  sa kanyang pagkatao kagaya ng birth certificate, marriage certificate,  at government-issued ID card. Kung wala namang nangimbita sa iyo, syempre di mo na kailangan ito. Ang i-prove mo lang ay lab na lab mo lang talaga magliwaliw pero babalikan mo ang naiwang trabaho, pera sa bangko at ari-arian, at syempre ang mga mahal mo sa buhay!
     6.c.2. Kung competition ang pupuntahan, isang Certification na parte ka sa delegation para sa palaro na pupuntahan. Sa aming mga Dragon Boat Federation members, magagamit ang official ID's namin sa aming Club.
          6.c.3. Kung may kasama sa byahe na anak na less than 18 years old:
                 6.c.3.1. Sumulat ng International Travel Authority na pipirmahan ng non-accompanying parent, at ito ay ipa-notarize. 
          6.c.3.2. NSO-certified marriage certificate na magpapakita na kayo nga ang magulang ng bata. 

7. Tawagan mo ang VFS toll free hotline +632-790-4900 o subukang gamitin ang Price Estimator sa Australian Embassy website para sa Visa Fees na babayaran. As of October 9, 2015, ang bayarin para sa tourist visa (Sub-class 600) ay nasa P4,900.00 (depende ito sa exchange rate ng Aus Dollar). Kung ano ang sasabihing latest rate ng visa fee, ito ang bank checque na iyong ipahanda sa bangko, payable sa 'Australian Embassy'. Ilagay mo ang iyong full name at passport number sa likuran ng tseke.

Actual sample of the Manager's Check that I paid to VFS Global. You can get one from any bank near your location.

8. Kahit plano pa lang ang pagbisita, gumawa ka ng sample itinerary paano ka magbyahe papunta doon at pabalik. Ilagay syempre ang estimated time of departures (ETD) at estimated time of arrivals (ETA) at kung saan ang entry point/exit point. Kung meron ka nang round trip air tickets, astig ka tsong, probably ay aprubado ka na!

9. Gumawa ka ng Cover Letter addressed to Australian Embassy. Direct to the point lang ang sasabihin: Sino ka at saan ka nagtrabaho, bakit ka pupunta sa Australia, ano ang request mo na visa (single entry or multiple entry) at good for 3 months, 6 months o 12 months ba gusto mo. Wag mo nang pahabain ang letter at lagyan ng hi-fallutin words na tila ay si William Shakespeare ang may akda! Para sa anak na less than 18yrs old, ang magulang ang gumawa at pumirma sa cover letter.

10. I-arrange mong mabuti ang mga dokumento at ilagay sa folder. Wag kalimutang isama ang Manager's Check na pambayad sa processing fee. 

11. Ang mga papeles ay i-submit sa VFS Global sa Eco Plaza Building , Pasong Tamo Extension, Makati City (mas malapit ito sa bandang Gate 3 ng Fort Bonifacio). Pwedeng ikaw mismo magdala o ang iyong authorized representative. Pwedeng walk-in o magpa-appointment sa VFS through their website.
       11.a. Kumuha ka ng number sa front desk bago ka pumasok sa processing center;
        11.b. Patayin ang cellphone. Bawal kumuha ng mga photos o gumamit ng telepono sa loob. Wag magpasaway;
            11.c. Antaying tawagin ang iyong numero sa TV screen at public address system;
     11.d. Kung gusto mo ng SMS advisory ng iyong application, bayad ka ng additional P730.00. I-indicate ang phone number for SMS at confirm email address for future correspondence. Ipadala through email ang balita kung approved o hindi ang application. 

12. Ang processing time ay more or less 15-20 minutes lamang kung organisado lang mga papeles na dala mo  Antayin ang resibo.


13. Antayin sa iyong email ang copy ng iyong Visa. I-print mo lang iyon, you are good to go na. Kung gusto mo na itatak ito sa iyong passport, additional na bayad iyon.

14. Magdasal ka na ma-approve ang application.