Showing posts with label My Army Job. Show all posts
Showing posts with label My Army Job. Show all posts

Sunday, October 21, 2018

Commander Banog: Ang aming pagkikita ng BIFF commander na si Datu Parido Balabagan

Noong ika-20 ng Oktubre 2018, nagpakita mismo sa aking opisina si Datu Parido Balabagan alias Commander Banog, kasama ang iilang mga kaanak at si Midconding Barangay Captain Bong Abdul, para ipahayag ang intensyon na suportahan ang isinusulong na kapayapaan ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion at ng buong pamahalaan. (Photo by Sgt Christian Santos)



Bandang alas dos ng hapon noong ika-20 ng Oktubre 2018, nakatanggap ako ng tawag sa cellphone na nagpaabot ng balita:


"Sir, gusto nang makipagkita sa iyo si Commander Banog!"


Natuwa ako sa narinig dahil ito na ang magiging susi sa pagbalik normal sa pamumuhay ng mga mamamayan sa Barangay Lumabao, sa bayan ng General Salipada K Pendatun, Maguindanao. 


Si Datu Parido Balabagan, 66, ay nasangkot sa problema ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters pagkatapos na kumampi sa grupo ni BIFF commander Edzrafil Guiwan sa mga pang-aatake nito sa Barangay Bagumbayan, President Quirino, Sultan Kudarat mga 4-5 taon na ang nakaraan. Nagkaroon sya ng warrant of arrest dahil dito. 

Larawan ng pagbisita ko sa Barangay Lasangan sa GSKP, Maguindanao na kung saan ay napabalitang itinatago si Commander Banog ng mga kaalyado nya sa MILF. 

Para maintindihan ko ang puno't dulo ng problema kung bakit merong kagaya ni Datu Parido na napupunta sa hanay ng BIFF o kaya ay nadadawit sa karahasan na isinusulong ng grupong iyon, binibisita ko ang mga pamayanan para pakinggan ang boses ng ordinaryong tao sa barangay. Binuksan ko ang aking puso't isipan para intindihin ang panig nila na malimit ay inisantabi lamang. 

Direkta kong pinapakinggan ang masa sa barangay para alamin ano ang kanilang saloobin at kung ano ang maitutulong ng mga sundalo sa kanilang mga problemang pang-komunidad. 

Ipinapaliwanag ko sa mga tao na kami ay kanilang sundalo at tungkulin namin na sila ay ipagtanggol sa kahit sinong gumagamit ng karahasan. Ipinaliwanag ko na hindi ko sila kaaway bagkus ay kaagapay sa pagsulong ng kapayapaan at kaunlaran sa kanilang lugar. 

Ipinaliwanag ko ang kahalagahan ng pagtapos sa mga hidwaan at karahasan na syang balakid sa pag-unlad ng kanilang pamumuhay. Ipinaintindi ko na ang kabataan ay dapat bigyan ng pagkakataon na magbalik sa paaralan at hindi masadlak sa mga bakbakan. 

Halos 20 taon ang inabot ng patayan sa Barangay Midpandacan kaya tila naging ghost town ang lugar nang una ko itong binisita noong March 2017. Nakakatuwa ang tanawin na kampante ng ang mga magsasaka na alagaan ang kanilang mga pananim na walang bitbit na mga armas. Kuha ang larawan noong Agosto 2018. 


Larawan ng aking Mortar Section nang ginamit ko sila para suportahan ang ground troops sa labanan kontra sa teroristang grupo ni Ustadz Sulaiman Tudon na nagtangkang lumusob sa bayan ng Datu Paglas, Maguindanao noong ika-10 ng Hulyo 2018. 

Binigyang diin ko na hindi ako mag-atubiling gamitin ang pwersa ng gobyerno para supilin ang magpupumilit na gumamit ng armas na syang dahilan kung bakit nadadamay ang mga sibilyan sa mga barilan. 

Gamit ang sniper scope, sinilip ko ang pwesto ng mga teroristang BIFF sa Sitio Mopac, Barangay Poblacion, Datu Paglas, Maguindanao noong ika-10 ng Hulyo 2018.  Doon ko nakita na merong mga menor de edad ang ginamit ni Ustadz Sulaiman Tudon bilang child warriors. Ginamitan namin ng calibrate force ang naturang engkwentro para mabawasan ang collateral damage sa komunidad. 

Ipinamahagi ko sa kanila ang istorya ng mga sumuko ng BIFF sub-leaders kagaya nina Commander Motolite, Commander Dido, at Commander Lapu-lapu.

Larawan ng pagsuko ni Commander Lapu-lapu kay Governor Esmael 'Toto' Mangudadatu sa Barangay Midconding, GSKP, Maguindanao noong ika-10 ng Oktubre 2018. 


Larawan ng pagsuko ni Commander Motolite at mga kasamahan nya kina Mayor Abdulkarim Langkuno at Mayor Bonnie Kali sa Bgy Damakling, Paglat, Maguindanao noong Mayo 2018.

Larawan ng pagsuko ng grupo ni Commander Dido Malawan ang Deputy Brigade Commander ng 2nd BIFF Division, na naganap sa Liguasan Marsh. 


Ipinaliwanag ko na mahirapan silang kalabanin ang pwersa ng pamahalaan kung sasadyain nila kaming gawing kaaway. Mas mahuhusay kaming bumaril. Unlimited ang aming bala.  Meron kaming tangke, eroplano, night fighting capabilities. Mas maraming tao ang kampi sa kapayapaan, kasama na doon ang overwhelming majority ng miyembro ng Moro Islamic Liberation Front. 

Dagdag pa dyan, matatapang at disiplinado ang aming mga sundalo, at handa ring magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng inang bayan. 

At, hindi mangyayari na ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang yuyuko at lumuhod sa kahit sinong masasamang elemento na lumalaban sa gobyerno. 


Sinusugod namin ang mga teroristang BIFF kahit sa kanilang balwarte sa Liguasan Marsh. Ipinapakita namin sa kanila na wala silang pagtataguan kung maging kakampi namin ang lahat nga mga Maguindanaon na nais maging mapayapa ang kanilang pamayanan. 

Kung talagang di nadadala sa negosasyon, magsama-sama ang mga sundalo at pulis para hulihin ang mga taong pinaghahanap sa batas kagaya ng mga miyembro ng BIFF. 

Mag-isip isip sila sa kanilang desisyon na lumaban dahil lalong pinaigting ang kampanya ng gobyerno laban sa kanila nang merong pagtatangkang atakehin ang PNP station ng Lambayon noong nakaraang linggo. 

                           
Sa aking commander's guidance, ipinaalala ko parati ang pagrespeto sa Rule of Law sa pagsasagawa ng aming tungkulin kagaya ng law enforcement operations. Kailangang mapanatili ang aming kredibilidad bilang pwersa ng estado kaya dapat ay walang napapabalitang pang-aabuso kagaya ng excessive use of force, nawawalang kagamitan, at pambabastos sa mga tao. 

Kasama ang CIDG-ARMM, 4SAB, SAF at 2nd Mechanized Infantry Battalion, sinugod namin ang Barangay Lumabao para i-serve ang arrest warrants laban kay Commander Banog at mga kasamahan niya. Dito namin nasamsam ang matataas na kalibre ng baril at naposasan ang iilang suspek na nahuli sa mismong compound nya.


Nakapuslit si Commander Banog ngunit hindi na matakasan ang mensaheng ipinaabot namin sa kanya. Pursigido kaming tugisin sila lahat kahit saang lupalop sya magtago. Ipinaliwanag din namin na bukas ang pintuan para yakapin nya ang kapayapaan. 

Kaya, sino ba naman ang matutuwa kung nagpasya ang isang taong nalihis ang landas para tahakin ang tamang daan tungo sa kapayapaan?


Nagpakuha kami ang larawan sa aking opisina bilang tanda na sa wakas, kami ay nagkakaintindihan. 




Dinala ko sila sa Mama's Love restaurant para i-welcome sa kabihasnan. (Kung meron lang Soldier's Love restaurant, doon ko talaga dadalhin!) 

Gusto kong makita nya ang dapat magkasama kaming ipagtanggol ang Tacurong City at Isulan City, pati ang mamamayan nito mula sa mga hardcore na teroristang BIFF na nambobomba dito. Gusto kong magiging saksi sya mismo na hindi naman ipinagbabawal ang magsambahayang ang mga Muslim sa Christian-dominated areas. Walang diskriminasyon sa mga katutubong Muslim at nakikinabang ang lahat sa kasaganaan na matatamasa sa syudad. 

Pinakinggan ko ang kwento ng buhay nya. Isa pala syang ama ng 10 anak. Isa dito ay nakatapos ng BSEED at kasalukuyang nagtuturo sa kanilang baranggay. Graduating din ng BSEED ang isa pang anak. Nagtatapos ng high school ang isa pang lalaking anak. Nangangarap din sya na maging normal na ang buhay nilang lahat. 

"Apektado ang pamumuhay naming lahat sir. Di ko masagot ang mga tanong kung kakilala ko ang kaapelyido kong si Parido Balabagan na naakusahan bilang kaaway ng gobyerno dahil baka ituring din akong terorista," luhaang sabi ni Bai Fariza na isa sa anak nya. 

Sa ganitong tagpo ko napapatunayan na dapat iniintinding mabuti ng isang military commander ang problemang kinakaharap sa kanyang Area of Operations. Nilalagyan dapat ng 'mukha' ang mga taong sangkot sa problema. Marami ang 'mukha' ng problema kagaya ng mga kaanak, ka-barangay, at mga political leaders. 

Kinikilala din dapat ang mukha ng tigasing terorista na gustong-gusto na maraming nasasaktan at namamatay sa mga labanan, dahil dadami ang recruits nila

Dahil dito, isinusulong ko ang ugnayan, pag-intindihan, at pagbibigay tugon sa mga suliraning panlipunan na hindi ginagamitan ng armas. Para sa mga tradisyonal na mag-isip, hindi ako magiging 'bayaning' kawal na nakikilala sa mga madugong labanan. 

Labis ang tuwa ng mga anak ni Commander Banog nang nagpasya itong lumabas sa pinagtataguan para makiisa sa kapayapaan. Parehas din yan sa gyera, kung kapayapaan at kaunlaran ang pag-usapan, dapat ay walang iwanan!

Abangan kung magiging katotohanan ang pormal na pagsuko ng grupo ni Commander Banog, at kung paano maging tulay para sa tunay na kapayapaan at kaunlaran ang mga sundalo ng bayan sa kanilang lugar. 

(Photo credits: Sgt Christian Santos, Pfc Henrich Burata, Pfc Jefferson Lipura, Pfc Salbidin Maulana)


Friday, January 27, 2017

Hitsurang Bandido: Ang kagawiang dapat walisin sa Sandatahang Lakas

 Ang hitsura ng mga rebeldeng nakakaaway ng mga sundalong Pilipino noong unang panahon. (Larawan mula sa open sources)


Simula nang magkaroon ng mga propesyonal na Army sa Europa noong 1800s, dahan-dahan na nabuo ang mga regulasyon na syang nagpapairal sa kakaibang disiplina ng organisasyong itinatatag para ipagtanggol ang mga umusbong na mga bansa. 

Ang pagsusunod sa mga regulasyon ng militar kagaya ng tamang kasuutan, gupit at kagawian ay nagpapakita sa kakaibang disiplina na inaasahan sa isang propesyonal na organisasyong militar. 

Kahit ang mga sinaunang mandirigma sa Battle of Thermopylae ay pare-parehas ang kasuutan at sumusunod sa mahigpit na regulasyon ng kanilang mga pinuno. (Larawan mula sa open sources)

Ang hitsura at kasuutan ng mga sundalo ng France na pinamunuan ni Napoleon Bonaparte sa pakikidigma ay sumusunod din sa mga regulasyon ng kasuutan. (Larawan mula sa open sources)

Ang pagpapasunod sa parehas na standard ng gupit at uniporme ay mahalaga para sa isang yunit ng militar nang sa gayon ay mapanatili ang kakaibang unit pride, disciplinary standard, at comradeship ng mga tropa. 

Simula nang maitatag ang Philippine Army noong 1897, dahan-dahan ding naisulat ang mga regulasyon kagaya ng tamang gupit at uniporme. Si Heneral Antonio Luna ay kilala sa isang mabagsik na pinuno sa larangan ng pagpapairal ng disiplina, kasama na ang pagsusuot ng tamang uniporme at gupit militar. 

Ito ang hitsura ng mga mandirigmang kagaya ni Macario Sakay na lumaban sa mga Amerikano noong Filipino-American war. (Larawan mula sa open sources)

Ang mga sundalong Amerikano ang nagpataas sa antas ng disiplina militar nang binuo ang USAFFE bago ang ikalawang digmaang pandaigdig. Naipagpatuloy na muli ang pagsasanay ng mga sundalo  sa tamang disiplina nang matapos ang digmaan ngunit agad-agad namang nasabak ang mga sundalo sa pakikidigma sa mga gerilyang Huk noong 1950s. 

Hitsurang bandido

Noong 1950s, ang mga sundalong Scout Rangers ay pinapayagang magpahaba ng buhok at mag-hitsurang bandido dahil sa kanila iniaatas ang mga sensitibong misyon kagaya ng paghahagilap sa mga kuta ng mga bandido at ang pagpatay sa mga pinuno nito. Katunayan, nagawa ng mga Musang na sina Msgt Francisco Camacho Cpl Weenee Martillana ang pagpatay sa kilabot na lider ng bandidong Huk na si Eddie Villapando, dahil nagpahaba rin sila ng buhok at nagpanggap na mga sibilyan habang nasa misyon. 

Nakagawian na rin ng mga Scout Rangers ang magpahaba ng buhok noong 1970s at 1980s dahil sa mga 'espesyal' na mga misyon na kung saan ay nakikihalubilo sila sa mga ordinaryong tao sa kanayunan para mahagilap ang mga bandidong humahalo sa komunidad. 

Disiplinado at maayos ang hitsura ng mga sundalong Pilipino na nakikidigma noong WWII kasama ang US Army na nasa larawan. (Larawan mula sa open sources)

Pagwawasto sa kagawian

Para sa akin, dapat pairaling muli ang disiplina ng mga sundalo kagaya ng tamang pagsuot ng uniporme at pagsunod sa tamang hitsura ng isang propesyonal na sundalo. Una, nawawala ang silbi ng pagpapahaba ng buhok habang nasa misyon dahil sa mga karanasan ng mga kaaway sa taktika ng pakikidigma ng mga sundalo sa mga nakaraang panahon. Halimbawa, ang misyon ng mga Musang ay 'strike mission' (direct action mission) lamang at hindi kaparehas sa Special Forces na tumitira sa kanayunan at nag-oorganisa ng CHDF o CAFGU para idepensa ang mga tao mula sa bandido. Common sense na lang na makikiayon ang Special Forces sa kagawian ng tao nang mapadali ang pagtanggap ng mga ito sa kanila. Kagawian sa kultura ng mga Pilipinong Muslim ay magpatubo ng bigote kaya praktikal na rin noon na gayahin ang hitsura nila bilang pakikiayon sa kanilang kultura. 

Pangalawa, kahit mahahaba ang buhok ng mga sundalo, di naman sila marunong ng salita ng mga netibo sa lugar. Mas lalo nang malabong useful ang pagpapahaba ng buhok o bigote kung natuto na rin ng passwords at countersigns ang mga bandido. Nasa internet na ngayon ang mga kwento ng pakikidigma, kasama na ang counterinsurgency warfare

Pangatlo, dapat lang na tatalima ang lahat sa nakasaad sa AFP Transformation Roadmap na kung saan ay inaasam ng pamunuan na 'aakuin at ipagmamalaki ng mga Pilipino ang kanilang mga sundalo'. Sino ba namang matinong Pilipino ang magmamalaki sa sundalong hitsurang bandidong Abu Sayyaf o NPA? 

Pang-apat, ang matitinong lider ay dapat malawak ang pananaw at natututo sa mga karanasan. Minsan, hindi mo na matukoy kung sino ang sundalo o bandido sa mga engkwentro kung maghalo-halo na ang iba't-ibang yunit. Ito ang aking mapait na karanasan nang mag-reinforce ako sa mga estudyante ng SR Class 145 na nakasagupa ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Tuburan, Basilan noong taong 2002. 

Pangwakas, walang direktang koneksyon ang pagpahaba ng buhok at ng katapangan. Noong ako ay Tenyente, binuo ko ang grupo ng mga sundalong ayaw magpagupit at pinamunuan ko bilang nasa spearhead ng mga operasyon kontra Abu Sayyaf. Sa mga labanan, nakikita ko yong sumusubsob sa likuran ng bato o sa puno ng niyog ang mga 'warrior' kuno. Di rin nagtagal, gusto nang magpagupit iyong ibang gupit bandido. Porma lang pala pare ko. Sa ngayon, ang aking opinyon sa mga nagpapahaba ng buhok ay pabebe at pang-porma lang sa FB posts.

Ang dapat na hitsura ng respetadong mandirigmang Pilipino. Pinaninidigan ang pagiging mandirigma sa aktwal na labanan at hindi sa porma lamang. Pinatunayan ito ng mga mandirigma ng SOCOM (SR, SF at LRC) sa Zamboanga Siege noong 2013. (Larawan mula sa open sources)

Therefore, hindi ako sang-ayon sa inyong baluktot na paniniwala at argumento tungkol sa paggaya sa hitsurang bandido. Kung ipagpilitan ninyo, volunteer agad na maging assault element parati sa yunit ninyo. Mas maigi kung magiging pinuno nyo ako, katabi sa labanan at kikilatisin ko ang pagiging 'warrior' base sa hitsura nyo. 


Sunday, January 10, 2016

5 secrets in getting a slot for Army enlistment



Di nauubos ang mga tanong at pati mga guni-guni ng mga interesadong kabataan paano ba talaga papasa sa taunang selection process para sa Army recruitment. Binabaha ang aking inbox ng request ng tulong at maging reklamo dahil sa akusasyon na 'bata-bata' system daw ang pagpili sa iilang mga aplikante para maging sundalo. 

Kaysa maubos ang oras ko sa pagtatanggol sa kung sino man iyong damuho na inaakusahang nagre-recruit ng mga aplikanteng hindi pasado o kwalipikado, hayaan nyo na lang akong bigyan kayo ng tip paano tumaas ang inyong tsansa na mapili bilang mandirigma ng ating bayan. 

Ang basehan ko sa mga ideya paano piliin ang ating mga mandirigma ay ang mga nakasaad sa Army policies, common sense,  at ang tunay na pangangailangan sa line units ayon sa aking personal na karanasan bilang 'manager' ng mga sundalo.

So, para sa mga interesado, ilahad ko na sa inyo ang mga sikreto para makapasa na kayo sa susunod na quota ng enlistment. Matinding sikreto ito. Fasten your seatbelt at huminga ng malalim. Djaraaaan!

1. 'Backer'. Pinakaimportante sa lahat ay dapat meron kayong 'backer' na syang susuporta sa inyo para makapasa. Sino ba dapat ang backer mo? Drum rolls, please! Eh di ang nag-iisang Diyos! Yes, ang Panginoong Maykapal na syang lumikha sa ating lahat. Dapat bigyan ka nya ng lakas ng loob, mabuting pangangatawan at proteksyon mula sa disgrasya. Kung tatalikuran ka ng iyong 'backer', tigok ka na. 

2. Mental preparation. Dapat mong paghandaan ang tinatawag na PAATB o entrance exams. Napakadali lang ng exams na ito kung hindi ka namamayabas noong high school. Simpleng English, logical reasoning at mathematics na pang-high school lang naman ang laman ng exam. Kung ikaw ay nasa college level, mas lalong wala ka nang karapatang sabihing napakahirap ng PAATB. Sa totoo lang, hindi naman ito maihalintulad sa UPCAT o PMA entrance exams na nose bleed o heart attack aabutin mo kung hindi ka asintado sa pagsagot. So, relax lang at simulan ang paghahanda. Basahing muli ang mga aralin sa English at Math. Magpaturo sa isang titser o matalinong high school classmate kung kailangan. Pwede ka ring sumangguni sa mga Youtube videos na naglipana sa internet.

3. Palakasan. Ito ang isa pang tunay na sikreto, ang palakasan sa Army. Hoy, baka iba ang nasa isip mong 'palakasan'. Ganito yon, kung desidido ka talagang mag-sundalo, magpalakas ka tsong! Kailangan mo ang malakas magbuhat, magtulak, malakas na sikmura at maging sa lakaran at takbuhan. Kung gusto mong maungusan ang lahat sa Physical Fitness Test (PFT) na batayan sa slot, magsimula ka nang mag-takbo, push-up at pull-up mga tatlong buwan bago ang processing. Kung asal batugan ka na panay inom, kain at tulog, sigurado ka nang timbog pagdating sa palakasan.

4. Added value. Maliban sa combat duties, maraming support tasks ang ginagawa rin ng mga sundalo para magampanan ng frontline units ang mga misyon nila. Ihambing mo rin kami sa isang munisipyo na merong employees na driver, karpintero, mekaniko, electrician, computer operator, writer at maging radio broadcaster. Therefore, kung ako ay isang Division Commander ng Army, sinisigurado kong merong highly-skilled soldiers na kasama sa annual quota dahil kailangan sila sa unit. Kung ikaw ay aplikante na merong ipinagmamalaking special skill, mas malaki ang iyong chance na mapasama sa quota. Tanungin mo sarili mo, anong kaalaman o kakayahan na meron ako na wala ang iba? 

5. Complete, orignal documentary requirements. Kumuha ng listahan ng requirements at ilagay ito sa folder ayon sa hinihingi ng line unit na pinag-aplayan. Siguraduhing tunay at hindi gawang Recto dahil ma-blacklisted ka lang sa buong Army kung mahuli kang namemeke ng dokumento. Meron nang pamamaraan ang Validation Team ng Army headquarters kung paano masuri ang dokumento.

Taas-noong tumayo sa formation ang mga aplikanteng kasama sa annual recruitment ng 9th Infantry (Spear) Division sa Bicol Region. (9th DPAO photo)



Ngayong alam nyo na ang mga sikreto, maghanda na kayo para pumasok bilang mandirigma ng bayan!


Sunday, December 27, 2015

10 things a Scout Ranger leader can do to boost soldiers' morale (Part 2)


Nakikita sa larawan ang aking pagtuturo ng pag-gamit ng Microsoft Office para sa aking admin personnel. Layunin ng training na maging bihasa ang mga NCOs sa pagsagawa ng admin support tasks habang ang tropa ay nakikipaglaban. Ang lahat ng mga NCOs na ito ay boluntaryo ring sumasama sa combat patrols dahil mas mataas ang tsansa ng meritorious promotions ng combat operators kaysa mga taong opisina. 


Sa unang bahagi ng aking kwento, nailahad ko ang mga personal na diskarte paano labanan ng isang Scout Ranger ang kalungkutan sa field assignment. Parang kalokohan lang no? 

Sa totoo lang, napakabihira ang insidente ng battle stress o post traumatic stress disorder (PTSD) na kalimitang nangyayari sa mga miyembro ng US armed forces. Siguro, dahil ito sa pagiging madiskarte ng sundalong Pilipino paano nya pasayahin ang sarili. Maliban pa dyan, likas na masayahin naman tayo kahit napakahirap ng sitwasyon na ating nararanasan. Ganon din kaming mga sundalo.

Ganon pa man, malaking problema pa rin at sakit sa ulo ang magkaroon ng 'war shock' na kasamahan. Merong nakikitaan ng sintomas nito mula sa iba't-ibang units na nakasama namin sa Sulu noong taong 2000. Merong namamaril ng kanyang kasamahan. May isang nagtapon ng granada. Merong nawalan na ng focus sa ginagawa at naiputok ang Cal 50 machinegun sa friendly forces. May isa akong tao na parati nang nakatingin sa langit at nagbibilang ng mga bituin o naghahanap ng planetang Uranus. Bilang lider, responsibilidad ko rin ang maaksyunan ang problemang ito bago manganak ng mas masalimuot na problema. Dito papasok ang malaking tulong ng mga NCO-leaders na syang direktang nakakasalamuha sa mga tao sa squad o team level. 

Maraming mga pamamaraan para mapataas ang morale ng mga sundalo at ng yunit sa pangkalahatan. Ang mga pamamaraan na ito ay ginagawa ng isang Company Commander na syang merong direktang responsibilidad sa kanyang kinasasakupan, at ito rin ay pwedeng ginagawa ng isang Platoon Leader o Detachment Commander na nadestino sa isang malayong assignment. Merong mga diskarte na kailangan ng pondo ng yunit (wag magtipid o magdamot ng MOE) at meron namang pawis at malamig na tubig lang ang puhunan (wag magpatamad-tamad o patulog-tulog sa pansitan)

Ibahagi ko ang iilan sa pamamaraan para parating 'on the go' at 'high-morale' ang aking mga sundalo sa yunit:

1. Sustainment training. Lagi kaming nagsasanay sa pakikidigma para lagi kaming lamang sa kaalaman at kagalingan kaysa mga kaaway. Sama-sama kami sa physical exercises (roadruns at calisthenics), sa pag-review ng operational TTPs (techniques, tactics and procedures),sa live-fire exercises, quick-reaction drills at team/platoon maneuvers. Sa pamamagitan nito, kampante kaming lahat na mas asintado, mas malalakas at mas mahusay kami sa larangan ng pakikidigma kaysa mga kalaban. Kapag confident sa combat operations ang sundalo at mataas ang level ng samahan ng yunit, mataas din ang kanilang morale. Paano na lang kaya kung ang ginagawa ng mga sundalo mo ay maghimas ng manok,  nag-tong-it maghapon, nagkukuyakoy sa duyan at naglalasing habang nagtatambay sa barangay?

                            
Kahit graduates ng Scout Ranger Course ay kailangan ng regular refresher training ng Techniques, Tactics and Procedures (TTPs) ng operations. Dito namin napupuna ang mga lapses ng procedures at ginagawan ng spot corrections para hindi maulit sa aktwal na pakikidigma. Ang mga sundalong tinatalikuran ang pagsasanay na ito ay posibleng ma-windang sa aktwal na bakbakan. Dahil hindi kampante sa kasamahan, nagreresulta sa pagka-watak-watak, iwanan  (run for your life) at napupugutan ng ulo.

                              
Sinasanay sa combat swimming ang aking mga tauhan bilang paghahanda sa waterborne operations sa mga isla ng Sulu. Ginanap ko ang pagsasanay na ito sa Taglibi, Patikul, Sulu. Makikita sa background ang aming playground, ang Bud Bagsak-Bud Tunggul-Mt Sinumaan complex.

                              
Nagsasanay ang aking mga NCOs ng mission planning gamit ang modelo ng terrain na pinamumugaran ng mga bandido. Layunin ng training ang pagpataas ng kanilang kakayahan sa pagplano ng team level o platoon level operations na minimum ang supervision ng mga opisyal.      

                             
Kuha sa larawan ang live-firing activities ng aking yunit sa paanan ng Bud Datu, Indanan, Sulu. Kasama sa regular na nagsasanay ay ang aking mga snipers na merong kakayahang magpatama ng bandido sa layong kalahating kilometro. 

2. Rest & Recreation and Leaves. Binibigyan ko parati ng pribilehiyo ang aking mga tauhan na makauwi kasama ng kanilang kapamilya. Sa tulong ng First Sergeant at ng mga sub-unit leaders, sila-sila na ang nag-uusap sa diskarte ng release ng mga magbabakasyon. Ang requirement ko lamang ay hindi masira ang team integrity, ang ibig sabihin, dapat buo pa rin ang team kung may pinauwi na miyembro nito. Dito rin papasok ang succession of command na kung saan ay merong katiwa-tiwala na NCO na syang magdadala sa Team/Squad habang nakabakasyon ang isa. Dalawang aspeto ang naisaayos ko para mapanatili ang taas na level ng morale: Una, nakakabili sila ng murang ticket dahil planado ang uwi. Pangalawa, kampante sila na buo ang team at hindi mag-iiwanan dahil magaling pa rin ang magdadala sa kanila.

3. "Happy hour". Sa pagkakataong meron kaming iilang araw ng pahinga, ginaganap namin ang happy hour na kung saan ay merong boodle fight, videoke at inuman para sa mga birthday boys. Magandang stress-reliever ang aktibidad na ito at dito lumalabas ang mga hidden talents ng mga tropa simula sa pagluluto ng masasarap na putahe, hanggang sa pagalingan sa pag-awit ng walang kamatayang "My Way"

                            
Napatunayan na ring pangtanggal ng combat stress ang videoke singing tuwing 'Happy Hour'. Kuha sa larawan si Cpl Junjie Cuevas ng Mindoro na kinakantyawan naman kanyang batchmate na si  Cpl Arnold Panganiban ng Cavite.

4. Rewards and Punishments. Sinisigurado ko parati na ang magagandang accomplishments ay may kaukulang  awards  o kaya ay meritorious promotion kung nakakumpiska kami ng matataas na kalibre ng baril. Sa mga iilang nagpapasaway, sinisigurado ko ring merong patas na kaparusahan. Mahirap itong gawin ngunit kailangang pagtyagaan ng mga officers at Admin NCOs na syang mag-proseso sa mga papeles nito. Sa dami ng meritorious promotions sa aking yunit, lahat na personnel ay gustong sumama sa combat patrols. 

5. Letters to family. Dahil hindi pa gaanong uso ang cellphone sa lahat ng tropa sa panahon na iyon, sinusulatan ko ang mga magulang o kaya mga asawa ng aking mga sundalo para ipaabot ang aking pagbati, ipanatag ang kanilang kalooban at impormahan sila tungkol sa schedule ng R&R. Sa iilang pagkakataon, naipagbati ko yong nag-aaway na mag-asawa o kaya nagawan ko ng paraan na mabawasan ang iniinda nilang problema na nakakaapekto sa morale ng sundalo.

6. Best-best competition. Tuwing nasa kampo kami, isinasakatuparan namin ang paligsahan sa team kagaya ng Team Equipment Run o Team live firing o pagandahan ng Vegetable Garden. Sa pamamagitan ng mga palarong ito, nabubuo lalo ang kanilang samahan at tumataas ang kanilang kumpyansa sa bawat isa. Binibigyan ko ng kaukulang cash prizes ang team o kaya passes ang nananalo sa paligsahan.

                           
Kuha sa larawan ang team level firearms maintenance training ng aking kumpanya tuwing nakakapagpahinga kami sa Camp Teodulfo Bautista, Busbus, Jolo, Sulu. Si Cpl Gil Galsim (right), ang syang nanguna sa pagsasanay ng mga tropa sa layuning lahat ay bihasa paano paganahing mabuti ang mga armas tuwing merong bakbakan. 

                           
Kuha sa larawan ang sustainment training ng aking unit sa advanced rifle marksmanship na ginagamitan namin ng improvised moving targets at disappearing targets para mahasa ang shooting skills ng aking mga sundalo mula 25 metro hanggang 250 metro. Para may kasayahan sa training, binibigyan ko ng cash prize ang pinakamagaling na Team Score. Sa firing range din na ito nagdaos ng shooting competition para sa mga sundalo na pinondohan ni ex-Governor Wahab Akbar.  

Sa tulong ng iba't-ibang personnel mula sa mga ka-buddy na SR Companies, pinagtyagaan naming linisin at ginastusan ng fuel ang mga bulldozers na ginamit para sa pagpapagawa ng sarili naming firing range na ito sa Bgy Cabunbata, Isabela, Basilan. Nang makita ito ng 103rd Brigade Commander Col Hermogenes Esperon, nagpagawa rin sya ng firing range sa kanyang headquarters sa Bgy Tabiawan. 


7.  Messing. Ang isa sa sikreto para tumaas ang morale ng tropa ay ang pag-maximize sa mabibiling pagkain ng aming kapiranggot na mess allowance. Para magawa ito, lahat ay dapat kasama sa consolidated mess pati ang mga opisyal at senior NCOs. Kapag combat patrols, pinapabaunan namin ang bawat team ng extra viand na kagaya ng deep fried chicken o simpleng bagoong. Tuwing resupply naman, pinapalutuan ko sila ng pansit at tinola para matanggal sa dila ang lasa ng walang kamatayang sardinas. Binibigyan ko rin ang mga Team Leaders ng fund support para pambili ng extra ulam ng team at kanya-kanya na silang diskarte ng  pagluluto para sa team members nila.  Di ba't nakaka-high morale iyon?

8.  Community service. Kinakaibigan namin ang mga tao sa paligid ng aming resupply area. Pinaparamdam namin sa kanila na hindi kaaway ang turing namin sa kanilang mga sibilyan. Nang may nag-request ng libreng tuli, pinag-tutuli namin ang mga kalalakihan. Tinulungan din namin silang magkaroon ng public toilet para hindi na nila kailangang magkalat ng yellow submarine napakaganda nilang dalampasigan. Dahil dumami ang aming kaibigan sa lugar, nababawasan ang aming combat stress at ito ay nagpapataas din ng morale. 
                            
Kinaibigan namin ang mamamayan sa Taglibi, Patikul, Sulu na syang resupply area ng 1st Scout Ranger Battalion tuwing may combat operations sa lugar noong 2000-2001. Kuha ang larawan bago ang ground breaking ng ipinatayo naming public toilet na ginastusan mula sa kontribusyon ng pondo mula sa iba't-ibang SR Companies (10SRC, 1SRC, 19SRC, 14SRC, 7SRC) at maging ng 1st SRB. Kasama ko sa larawan ang Company Commander ng 7SRC na si 1st Lt. Roy Derilo (4th from left). 


9.  Entertainment area. Ang aking yunit ang isa sa kauna-unahang nagkaroon ng Satellite Dream Cable sa Basilan. Ginastusan ko ito para makapanood ang tropa ng samo't-saring palabas na makakapag-pasaya sa kanila kagaya ng National Geographic Channel, History Channel at HBO Movies. Ang paborito nilang panoorin ay iyong Tagalog movies lalo na ang mga sine ni Robin Padilla, Dolphy at Vic Sotto. 

10. Schooling. Kahit nasa field duty kami, pinapa-schedule ko parati ang pagpapadala ng career at specialization schooling ng tropa. Ito ay parte sa pagtingin sa kanilang career path habang tumataas ang ranggo na kung saan ay pwede silang madestino sa ibang mga assignments sa higher headquarters. Kapag nakakalimutan ng mga opisyal na ipadala rin ang tropa sa schooling ay nakakababa ng morale dahil naaapektuhan ang promotion nila kung hindi nagkaroon ng required schooling sa ranggong dapat makuha nila. 


Thursday, September 17, 2015

The AFP's 'badass' fighter: Cpl Leonardo Orozco


Si Cpl Leonardo Orrozco (kaliwa) ay kasalukuyang naninilbihan sa Basilan Province. Kasama nya sa larawan si Lt Col. Elmer 'Tex' Suderio, ang pinuno ng 3rd Scout Ranger Battalion. Bilang CAFGU guide ng aking unit, si Orrozco ang nakapagbigay ng malaking combat score para sa 10th Scout Ranger Company na aking pinamunuan, kaya nahirang itong Best Company for Operations noong taong 2001. (3rd SRB photo)   


Meron na akong naibahaging kwento ng kagitingan at kabayanihan ng mga mga kasundaluhan at mga CAFGU na katuwang namin sa pagsugpo sa karahasan ng mga terorista na bumibiktima sa mga mamamayan sa kanayunan. 

Isa sa matagurian kong 'Badass' na sundalo ay ang mangangaso (hunter) at miyembro ng CAFGU na si Cpl Leonardo Orozco. Bakit sya 'badass'? Ganito yon: Sya ay kalmado lang pero mataas ang kumpyansa sa sarili, 'tuso sa labanan', mataas ang level ng survivor instincts; at, higit sa lahat ay hindi nakikitaan ng nerbyos sa mga nakaambang panganib kahit sa gitna ng putukan! Napatunayan ko ang lahat ng iyan sa pinakamadugong engkwentro na aking  naranasan noong aking kabataan. To know more about him, you may also see these links:

1) Meeting Orrozco  http://rangercabunzky.blogspot.com/2013/10/my-most-memorable-combat-action-leave_11.html

2) Fighting with Orrozco. http://rangercabunzky.blogspot.com/2013/10/my-most-memorable-combat-action-leave_13.html 

                                     
Binisita ko si Sgt Castro Kitong, ang dati kong tauhan sa 10th SRC na nasugatan sa engkwentro laban sa mga bandidong Abu Sayyaf sa Talipao, Sulu noong November 2014. Si Kitong ang Private na ka-buddy ni CAA Orrozco na aking naatasan na dakmain ang M60 Machine Gun sa gitna ng bakbakan namin sa grupo nina Abu Sabaya noong October 7, 2001. 


Bago pa man ang aming engkwentro, meron na syang naipakitang katapangan at kagalingan sa recon operations. Kasama ang kanyang kapatid, nagapang nilang dalawa ang pwesto ng mga Abu Sayyaf na pinamunuan ni Hamsiraji Salih sa Bgy Makiri, Isabela City, Basilan. Kahit Cal 45 pistol lang ang dala nila, nilapitan nila ang mga bandido upang manmanang mabuti ang kanilang ginagawa. Sa kanilang pagtitiyaga, napag-alaman nilang nasa hiwalay na pwesto ang 4 bandido na naglilinis ng Cal. 50 Heavy Machine Gun! Napagkasunduan nilang agawin ang Cal. 50 HMG kaya gumawa sila ng diskarte. Naghiwalay sila ng pwesto at kinasahan ng pistola ang mga bandido. Malakas ang apog no?

Buong loob na sinigawan ni Orrozco ang mga bandido.

"Hoy, napaligiran na namin kayo! Sumuko na kayo kundi ratratin namin kayo ngayon din!"

Sa sobrang nerbyos, nabitawan ng mag bandido ang mabigat na machinegun at kumaripas ng takbo para iwasan ang ratrat ng 'maraming' sundalo. Ito ang kinuha nina Orrozco na pagkakataon para naman ay pulutin ang napakabigat na baril ay itinakbo paakyat sa high ground, palapit sa pwesto ng kanilang mga kasamahan. Nganga ang inabot ng mga Abu Sayyaf.

Sa ikatlong pagkakataon, halos dalawang buwan lamang pagkatapos na sya ay masugatan sa aming engkwentro sa Balatanay, nagapang uli ni Orrozco ang mga bandido at nakita ang grupo ni Hamsiraji malapit  sa Bgy Balawatin-Bgy Makiri area. Dahil nasa Sampinit Complex ako sa mga panahong iyon, sa Light Reaction Company nya ibinigay ang impormasyon na nagbunga ng isang matagumpay na engkwentro na pinangunahan ni Cpt Toto Dela Cruz. Timbuwang ang mga bandido at nakuha ang 90mm Recoilless Rifle, iilang matataas na kalibre ng baril at pati ang  na-recover na Raytheon Thermal Imager mula sa tropa ng 10th IB ay nabawi mula sa mga terorista.

Dahil sa kanyang kakaibang tapang at galing sa patrolling missions bilang CAFGU, inirekomenda ko si Orrozco na ma-enlist sa Philippine Army noong taong 2002. Pinagawaran din namin sya ng pinakamataas na parangal para sa isang CAFGU na kung saan ay mismong si Presidente Gloria Macapagal Arroyo ang nagsabit sa kanyang medalya.

Sa tingin nyo, matagurian ba syang 'badass' na sundalo? Saludo ka ba sa kagalingan nya?


Thursday, July 09, 2015

Rules of Engagement: Shoot or Hold? (Leadership Experience Part 25)



(Karugtong sa http://rangercabunzky.blogspot.com/2015/07/rules-of-engagement-shoot-or-hold_8.html)


To kill than be killed

Ipinag-uutos ko na 'low ready' position carry ng baril ang aming gagawin habang papalapit sa mga kalalakihan para hindi sila maging defensive agad at magkagulo. Sa 'low ready' carry, naka-45 degree angle downwards ang muzzle ng baril, trigger finger out ngunit handa ang sundalo na ito ay iputok sa loob ng 2-3 segundo. Ang engagement na ito ay ang tinatawag naming 'quick kill' firing na syang mabilisang pamamaraan na ma-engage ang targets sa layong 5-25 metro.

Nakikita kong nagulat silang lahat at tila parang nauupos na kandila sa kinatayuan. Ang iba sa kanila ay nakatitig sa kinalalagyan ng kanilang armas. Inihahanda ko na ang aking sarili sa aking sasabihin ngunit tinitingnan ko sa mata ang gwardya na nakahawak din ng kanyang Ca. 5.56mm M653 Rifle. Parang kasing talas ng kris ang kanyang titig sa akin. Tinitigan ko rin ang kanyang shooting hand dahil nakapasok ang trigger finger nya (Tila walang seminar ng Gun Safety Handling). Nagtitiwala na lang din ako na ready to fire si Ranger G, ang aking sniper na nakatutok sa noo nya ang 10x power Nimrod scope sa layong 50 metro. Samantala, pinag-aaralan ko na noon paano mag-side step, dumapa at pumutok sa pinakamabilis na paraan. Kalimitan, pagdating sa labanan, "It is better to kill than to be killed!"

Sa layong 10 metro, nauna na akong bumati. Hinarap ko ang pinakamatanda sa kanila.

"Ama, Assalamu Alaikum!" Hilaw ang kanyang ngiti ay ako rin ay binati: "Alaikum mussalam!"

Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa, sinabi ko na agad ang dapat sabihin.

"Mayta mataud sinapang dain di?" (Bakit maraming baril dito?)

Walang makapagsalita sa kanila. Napansin ko na palakad-lakad ang kanilang armadong gwardya na tila ay di mapakali.

"Sel, wayruun Abu Sayyaf dain di. MNLF kami katan!" (Sir, walang Abu Sayyaf dito. MNLF kaming lahat!)

Sanamasita talaga. Narinig ko na naman ang consistent alibi sa aming operasyon. Di ko maintindihan kung bakit kung saan-saan ay may biglang sumulpot na bagong 'MNLF camp' kuno, na hindi kasama sa napagkasunduan. Nakamarka sa aming mapa ang lahat ng 'recognized MNLF Camp'. 

"Pasensya na kayo, hindi kasama sa registered MNLF camps itong inyong lugar. Kailangan kong kumpiskahin ang lahat na baril nyo."

Nang marinig nila iyon, nagsimula ang tensyon. Nauulinigan ko ang salita nila na galit at gustong lumaban. Dahan-dahang dumadami ang nagsipagdatingang kalalakihan at may nakita akong dalawang nakaposte na may bitbit na kris. Nakatali ang piraso ng cloth sa ulo at balikat nila. Napansin ko rin na dahan-dahang lumayo ang kababaihan at kabataan na noong una ay nakikiusyoso. Doon ko mas lalong naramdaman ang kaba. Senyales iyon ng juramentado. Doon nabiktima ang mga tauhan ni General Jack Pershing sa kanilang gyera sa Bud Bagsak at Bud Daho sa panahon ng American Pacification campaign noong early 1900s. Mabuti na lang ay nagbabasa ako ng kasaysayan ng pakikidigma sa Sulu.

Tuloy-tuloy ko silang pinakausap sa aking sundalong marunong mag-Tausug habang umatras ako sandali sa pwesto ni Cpl Cuevas, ang aking Radio Man.  Inalerto ko ang lahat sa sitwasyon: 

"Lahat ng may dala ng 7.62mm na baril, itutok sa pasaway na may itak."

Naninigurado ako na matutukan ang mga juramentado ng mas malakas na kalibreng baril kasi sa layong 10-15 metro, baka mataga rin ako kung di ko mapatumba sa aking 5.56mm M193 round, lalo na kung di ko mapatamaan sa ulo. 

Kinausap ko rin ang TCP na noon ay naalarma sa aming sitwasyon. Ang aming S3 na si "Sir Kru" ang aking nakausap:

"Sir, mukhang magkakapintakasi na dito. Pakidala ang armored vehicles natin!"

Binalikan ko si Ama,  ang pinakamatandang kausap ko at sinubukan kong pawiin ang kanilang pangamba.

"Ama, gumagawa lang kami ng trabaho. Walang papel ang baril nyo. Hindi rin registered MNLF camp ito. Ngunit, hindi natin ito pag-aawayan. Safekeeping lang ang gagawin ko sa baril nyo dahil ang mag-uusap tungkol dyan ay ang mga nakakataas sa atin."

Nang kumalma si Ama na tipong respetado ng grupo, ang isang mas nakababata naman ang tumapang at nagtaas ng boses. 

"Hindi kami kalaban Sel. Pero lalaban kami kung kinakailangan!"

Nakikita kong lumalabas ang ugat ng leeg nya. Namumula sya na tila ay nakainom ng tuba. Walang patutunguhan ang usapan namin. Si Ama ang binigyan ko ng atensyon dahil sya naman talaga ang pinakikinggan ng karamihan. 

Iilang minuto lamang nakalipas, naririnig na namin ang tunog at kalampag ng Simba armored personnel carriers. Armado ito ang Cal. 50 Heavy Machinegun. Masakit ata tumama iyon.  

Napansin ko na nagbubulungan silang aming kaharap. Pinapawisan na ako sa matinding pressure sa napipintong barilan. Naririnig kong inuudyukan nila ang armadong gwardya. Ismol bat tiribol ang porma.

Di kalaunan, dumating ang mga Simba. Nagpwesto ito mga 30 metro sa aming likuran. Nanlupaypay sila dahil sa aming pwersa. Nakikita rin nila na meron pa kaming iba pang kasamahan sa iba't-ibang sulok doon.

Sinamantala ko ang sitwasyon para ibigay ang aking kautusan: "Kunin ang lahat na mga nakasandal na armas!"

"Relax lang kayo Ama, ako ang bahala. Hindi natin kailangang magpatayan. Ang Abu Sayyaf lamang ang aming kalaban."

Tahimik ang lahat. Kinolekta namin ang mga armas. Inilista namin ang klase ng armas at ano ang mga serial numbers. 

Iniutos ko rin sa aking mga tauhan na kunin ang mga pangalan ng nagpakilalang MNLF members. Ang iilan sa kanila ay mayroong Identification Cards, ang ang mas nakararami ay panay cedula.

Sa madaling salita, hindi namin naiputok ang aming mga baril. Hindi nadagdagan ang nagtatangis na mga pamilya sa lalawigan ng Sulu. Hindi nadagdagan ang posibleng casualties sa hanay ng Army.

Sa pagkakataong iyon, naipakita ko sa mga mandirigmang Tausug na kaya ring rumespeto ng nakakalaban ang mga magigiting na Scout Rangers. Nasunod namin ang napakasimpleng Rules of Engagement.

Sa karanasan ko na iyon, doon ko napatunayan na mas ginagalang ng mamamayan lalo na ng mga tao sa makasaysayang lugar ng Sulu ang kasundaluhang nagbibigay din sa kanila ng parehas na pag-galang.

 Kuha sa larawan si Pfc Rolly Alindajao na syang aking inutusan na ipunin ang mga armas mula sa  armadong grupo. Umabot sa 38 na iba't-ibang klaseng riple ang aming nakuha.


Ito ang larawan namin nang humupa ang tensyon sa lugar na aming nilusob. Inakbayan ko ang gwardya na muntik kong maka-dwelo. Nasa aking likuran si Ama na syang aking masinsinang kausap para makumbinsi silang lahat na maging mahinahon. Nasa pinaka-kanan si Cpl Arnold Panganiban at pangatlo mula sa kanya ay ang isa sa muntik nang mag-juramentado gamit ang kanyang kris. Kasama sa aking 'inaawitan' ay ang pagbili sa kris na muntik nang maging sanhi sa pagdanak ng dugo sa panahong iyon. (10SRC Photo)



Sunday, June 21, 2015

10 Life Lessons that I learned from my father


Sa aming taunang pagbisita sa aking ama, isinasama nya ang aking anak sa sakahan na aking kinalakihan. Doon ko naikwento sa aking anak ang hirap ng buhay ng mga magsasaka kagaya namin ng kanyang lolo. Kasama sa larawan ang tatlong unang lalaking apo ng aming butihing ama na sina Miggi at Ken.


My father, Roberto 'Toto' Caneos Cabunoc, is my first mentor and teacher. During my childhood, he taught me life lessons that had served as the foundation of my beliefs and practices. I will pay tribute to this down-to earth man by writing some of the nuggets of wisdom that I learned from him. Please allow me to tell the story in Tagalog.

1. Discipline. Simula noong ako ay nagkamulat, lagi ko nang naririnig ang salitang disiplina. Importante daw ito sabi ng aking ama. Tinuruan nya ako at ang aking mga kapatid na maging disiplinado para maging matagumpay sa aming gagawin sa buhay. Meron kaming oras sa paglalaro at sa pagsagawa ng aming munting assignments. Nagsimula kami sa paghuhugas ng pinggan, sa pagpapakain ng mga alagang aso at manok,  hanggang noong panahon na kaya na naming magpastol ng kabayo, kalabaw at baka. Noong high school na ako, medyo seryosohan na dahil pinag-araro at gapas na rin kami sa bukid. Dahil malikot din akong bata, di maiwasang nagpapasaway dahil nahahawa sa mga ka-barkadang mga bugoy sa aming barangay. Kapag nalilimutan naming gawin ang aming mga taskings sa bahay, naririnig namin ang kakaibang sipol. Kapag sumobra sa sampong beses ang paulit-ulit ang pagsipol, mabigat ang consequences at dapat namin itong harapin na kagaya ng isang tunay na lalaki.

2. Lead by good example. Sa aming sakahan, meron kaming mga taong pinagtatrabaho ng arawan. Noong una, sama-sama lang ako sa aking tatay sa paglilinis ng aming bukid kasama ang aming mga trabahador. Di nagtagal na-promote na ako bilang 'Manager'. Pero, kakaiba ang istilo ng Manager na ipinagkatiwala sa akin. Dapat kong samahan sa pag-araro o kaya sa pagtabas ng damo ang aming mga tauhan. Ang ibig sabihin, dapat kong bilis-bilisan ang aking kilos kasi tinatapatan lang din ako ng aming mga trabahante. Paano, bilisan man nila o hindi, may kumpleto silang sweldo pagsapit ng hapon. Hirap no? Yes, napakainit at masakit sa likod ang naghahagilap ng damo sa ilalim ng mais at palay para bunutin at tabasin para maayos ang tubo ng mga halaman. Di ko lang alam, iyon pala ay matataguriang 'Lead by good example' na mapapakinabangan sa serbisyo!

3. Sense of responsibility. Maliliit pa lang kaming magkakapatid, tinuruan na kami ng kahalagahan ng sense of responsibility. Elementary pa lang ako ay marunong na akong magsaing at maghugas ng pinggan. Meron kaming division of labor sa bahay at ginagampanan namin ang kanya-kanyang tungkulin na hindi na kailangang sabihang paulit-ulit. Naalala ko na tuwing bakasyon sa eskwela, kakaiba ang aming battle cry kay sa mga may mayayaman at maging sa mga patamad-tamad na kabataan. Kung sila ay nagsasabing "Yehey, bakasyon na naman!", kami naman ay "Hay, naku pagtatabas time na naman!"

4. Don't waste any single grain of rice. Sabi ng aking ama, huwag daw sayangin kahit isang butil ng kanin sa lamesa. Baket? Obvious ba? Ito ang kanyang sagot: "Alalahanin ninyo ang ating butil-butil na pawis na bumabaha para makapag-ani ng palay na ating pagkain. Lalo na kung hindi nyo naranasan ang magsaka sa bukirin, wala kayong karapatan na ang pinagpawisan ng magsasaka ay sayangin.". Tama nga naman. Nang nangitim din ang aking balat sa pagsasaka sa bukirin, naramdaman ko ang kahalagahan ng kanyang sinabi.

5. Be generous. Hindi kami mayaman pero likas na matulungin ang aming mga magulang, lalo na sa aming mga mahihirap na mga kaanak lalo na yong hindi nakayanang mag-aral. Noong alkalde ang aking ama ay normal nang magamit din nya ang sariling kita sa sakahan para itulong sa mga nangangailangan, kaya minsan nagkokomento ang aking ina. Pero, may karagdagang kondisyon ang aming pagtulong: Dapat tinutulungan din ng nagpapatulong ang kanyang sarili! Kung tipong panay asa lang sa agarang tulong at hindi man lang nagsusumikap, mukhang abusado iyon sa kabaitan ng iba.

6. Hardwork. Itinuro ng aking ama ang pagsusumikap sa trabaho upang makamit ang kagalingan. Pati extra allowance ko noon ay paghihirapan ko muna ang magbenta ng kalabasa at malunggay o kaya saging. Kaya mo yon umikot sa buong barangay at naglalako ng gulay? Kaya ko yon tsong! Ika nga sa TV show na 'John en Marsha', "Magsumikap ka John, magsumikap ka!". Sa aking serbisyo ngayon, normal na iyong pagsusumikap parati na mapaganda ang aking trabaho, kahit ano man iyon.

7. Education. Dahil maagang naulila sa ama, naging padre pamilya ang aking ama para matulungan ang ina at mga kapatid. Dahil dito, hindi na nya natupad ang hangaring makatuntong sa kolehiyo. Sa amin sya bumabawi at pinagsisikapan nyang makatapos kaming lahat na magkakapatid sa pag-aaral para makamtan ang bantayog ng tagumpay. Ika pa nya, "Kung ayaw nyo na panay pagtatabas at pag-aararo lang din ang abutin nyo pagdating ng araw, mag-aral kayong mabuti para maging negosyante o propesyonal.". Oo nga naman, di ba? Wala atang matinong negosyante o ahensya ng gobyerno ang mag-hire ng empleyadong walang pinag-aralan para sa mga sensitibong posisyon. Naranasan ko kaya ang mainitan at nilalamok at niknik sa ilalim ng makating alagang mais at palay! Dahil doon, nag-aral akong mabuti para makatapos. 

8. Public service. Ang paglilingkod sa bayan ay nakamulatan na namin sa aming mga magulang. Ang aking ina ay isang public school teacher. Ang aking ama ay naging konsehal ng bayan bago nahalal bilang alkalde. Seryoso sya sa paglilingkod sa aming kababayan. Teka, baka naisip nyo na sya ay isa ring 'trapo'. Ang sama ng reputasyon ng karamihang pulitiko no? Ganito ko sya isalarawan. Walang convoy ng armadong VIP security personnel at wala ring magarang sasakyan at lalong walang 'SOP' sa mga proyekto. Hindi sya nag-abuso sa pwesto o nagpayaman mula sa kaban ng bayan. Kadiri yong taong may limpak-limpak ang salapi pero galing pala sa pondo ng bayan no? Sa halip na magpayaman sa sarili, pinaganda nya ang aming bayan, pinalaganap ang serbisyo publiko at pinaunlad ang kalakalan. Ika pa nya, ang kanyang tanging puhunan ang malinis na pangalan ng aming angkan. Isa ito sa dahilan kung bakit lima sa aming magkakapatid ay nasa serbisyo publiko ngayon. Ito rin ang dahilan kung bakit nanatili ako sa mahirap na serbisyo militar hanggang sa ngayon.

9. Fairness. Likas sa aking ama ang maging patas. Bawal sa kanya yong nanlalamang at iyong tipong palaging nang-iisa. Ayos lang sa kanya ang makipag-compete para sa pagpapakita ng kagalingan pero huwag lamang mandaya. Dahil dito, merong pagkakataon na walang lumaban sa kanya bilang alkalde dahil hindi sya matatalo sa patas at walang dayaan na halalan. Sa ngayon, ang prinsipyo na ito rin ang isa sa aking sinusundan sa aking serbisyo. Lumalaban ako ng patas at bawal iyong gumagamit ng padrino para sa makasariling kapakanan.

10. Modest lifestyle. Kung sa kasimplehan sa buhay ang hanapin, iyon na ang imahe na makikita mo sa aking ama. Hindi sya maarte na tipong one-day millionnaire kung umasta. Kayang kumain kasama ang maralita habang nagkakamay at bagoong lang ang ulam, kayang makipagtagay ng tuba sa mga manginginom sa barangay at kaya ring makikipag-usap sa mga katutubong Manobo gamit ang kanilang sariling wika. Kaya nyang makihalubilo sa lahat ng klase ng tao maging tambay sa kanto, magsasaka, negosyante o kaya mga lingkod bayan. Ito ang isa sa aking nakopya sa kanya nang ako ay nasa serbisyo na kung saan ay kailangan naming mga sundalo ang kilalanin ng taumbayan bilang mga sundalo ng Pilipino. 

Iilan lamang ito sa napakaraming aral na natutunan ko mula sa aking magiting na ama. Kung hindi dahil sa kanya, siguro nasa kangkungan ako pupulutin ngayon. 

Maraming salamat sa iyo Pa! Di kita mababayaran. Promise, ipamana ko na lang ang iyong mga aral sa iyong apong si Mikhail Harvey.

Pinasubok ko kay Harvey ang aking naranasang pagtatabas ng aming sakahan sa Bukidnon. Syempre, sa simula lang ginaganahan. Mag-aral na lang daw syang maging doktor!

Tumampisaw sa putikan si Harvey para maramdaman ang kati ng palay na malapit nang aanihin. Doon nya unang nahawakan ang halaman ng bigas na paborito nyang kainin araw-araw. Nangako na rin syang hindi na magsasayang ng butil na bigas tuwing kakain.

Tinuruan ko rin si Harvey na umangkas ng kabayo na aking paboritong sasakyan noong ako ay bata pa. Doon nya nalaman ang mga sound and gesture signals para palakarin, patakbuhin o pahintuin ang kabayo. 

Masaya kaming nagpakuha ng larawan nang hinatid kami ni Erpats sa Laguindingan airport pagkatapos ng aming bakasyon sa probinsya. Gusto na ni Harvey na bumalik para matuto pa ng mga bagong kaalaman mula sa kanyang Lolo kasama na ang pagmamaneho at pamamahala ng sakahan.


To my great Erpats,  'Happy Father's Day!'