Sunday, September 08, 2019

Msg Bobords Dela Cerna: Byaheng Jolo (Part 2)



Ang Landing Ship Tank ng Philippine Navy na kaparehas sa sinakyan ng 15th Infantry Battalion papuntang Jolo noong 1974. (Internet photo)



Ang mga mandirigma ng 15th Infantry Battalion

Sa pagkaalaala ni Msg Bobords Dela Cerna, naaayon sa grupo ng region ang pagka-organisa sa kanilang battalion.

Mga Bisayang taga Ormoc at Cebu, napunta sa Alpha Company. Si Bobords ay miyembro ng 1st Platoon ng kumpanyang ito at ang kanyang Platoon Leader ay si 2LT Crucero at ang kanyang Company Commander ay si 1Lt Suarez.

Ang mga Bisayang Waray galing Samar, solid silang lahat napunta sa Bravo Company. Ang mga ‘tikal’ na Ilonggo naman ay napunta sa Charlie Company lahat.

Samantala, sa Headquarters Company ay nagkahalo-halo na ang mga Cebuano, Ilonggo, Waray, at iilang mga Ilokano.

Ini-organisa sila ni Colonel Villalon na merong weapons squad kada kumpanya. Dala-dala ng mga miyembro nito ang Bazooka at M19 Cal 30 Machinegun. Bawat kumpanya ay merong dalawang Advanced Marksman o Sniper na ang ginagamit ay scoped Cal. 30 M1 Garand Rifle.

Ang mga Scout Ranger qualified personnel naman ay naka-distribute sa mga Platoons ng bawat kumpanya dahil sila ang inaasahan na mag-control sa mga baguhang sundalo, lalo na ang mga 2nd Class trainees sa mga misyon. Madali silang makilala dahil authorized silang magsuot ng 'Seven Colors', ang camouflaged uniform ng US Army, na kakaiba sa Olive Drab (fatigue) uniform ng Philippine Army sa mga panahong iyon. 

Dahil iniidolo ni Bobords ang mga Musang, lagi syang dumidikit sa mga ito para makipagkwentuhan at matuto sa kanilang mga kaalaman. Iniidolo nya ang mga batikang mandirigmang Musang na kagaya ni Sgt Banzon at Sgt Bernas. Iisa ang maalala nyang turo ng mga NCOs na Musang:

“Bobords, para sa mga Musang, hindi kami mag-iiwanan. Dapat tayong mga miyembro ng 15th IB ay hindi mag-iiwanan kahit sa bayag na magkaipitan.”

Natutunan din nya sa mga Musang na mahuhusay silang magdala ng tao. Napapakibagayan nila ang lahat na tauhan kahit Bisaya, Ilonggo, o Waray. Dahil kaya ni Bobords na makapagsalita sa lahat ng dialect na iyon, nagagawa nyang makipagbolahan sa kahit anong miyembro ng battalion. 


“Mas madali kong nakakapalagayang loob  ang tropa kung parehas ang aming salita. Mabuti na lang alam ko ang mga salita nila dahil sa mga barkada ko simula noong ako ay elementarya pa lang,” sabi nya.

Ang kanyang kaalaman sa mga dialects ay nagagamit nya para maging mediator sa mga awayan ng iba’t-ibang grupo. Isang araw, inawat nya ang nagsusuntukan na isang Ilonggo at isang Waray. Nabitawan nya ito ang matinding pananalita.

“Bay, kanang atong kaisog, ato kanang ipakita sa mga kontra. Paghulat lang gud mo kay hapit na ta makigyera sa Jolo, tan-awon gyud nato kinsa ning mga tinuod nga banggiitan ug kinsa ning mga talawan!” (Pare, ang ating katapangan ay ipakita natin sa mga kaaway. Antay lang kayo kasi malapit na tayo makikidigma sa Jolo, tingnan talaga natin kung sino ang tunay na mga tigasing matatapang at kung sino ang mga nerbyoso sa labanan!)

Ang mga kalaban sa Jolo

Mainit pa ang mga kwentong ‘Jabidah Massacre’ noong 1968 na kung saan ay pinagbintangan ang Philippine Constabulary trainors ng mga recruits na Moros na syang nagmasaker diumano sa sinasanay na tropa na dapat ay lulusob sa Sabah para bawiin ang teritoryo na inaangkin ng Malaysia pagkatapos na lumayas ang British colonizers.

Dahil sa galit ng mga Moro, nasindihang muli ang poot sa dibdib ng mga Moro na nag-ugat pa sa pang-aabuso ng pwersa ng mga Espanyol kagaya ni Capitan Esteban de Figueroa na nagkanyon sa Jolo noong June 1578. Nanatili ang galit na ito sa mga pwersang mapanakop, lalo na sa mga Kristyano, dahil sa ipinagpatuloy na pagkontrol ng dayuhan simula ng malagdaan ang 1998 Treaty of Paris na kung saan ay nagbigay daan ito para pumalit naman ang pwersa ng mga Amerikano sa Sulu at sa buong Pilipinas.

Kasama ang Bud Dahu Massacre noong 1906 at Bud Bagsak Massacre noong 1913 sa mga pang-aapi ng mga Amerikano sa nagpapaliyab ng poot ng mga Tausug. Dahan-dahang nananahimik ang Sulu dahil sa Benevolent Assimilation na estratehiya ng mga Amerikano.

 Makikita sa larawan ang pangkakanyon ng mga American Forces sa mga Tausug warriors na nagkuta sa Bud Daho, Indananan, Sulu noong 1906. (Internet Photos)

Ang karima-rimarim na sinapit ng mga Tausug na lumaban sa pwersa ng mga Amerikano ang kasama sa poot na nararamdaman ng mga nakikidigma sa naturang lugar hanggang sa kasalukuyang panahon. (Internet Photo)

Subalit, nabuhay muli ang galit sa mga dayuhang pwersa dahil sa dami rin ng pinatay na Tausug ng mga Hapon nang sinakop nila ang Pilipinas at karatig na mga bansa noong 1942 para itatag ang Greater East Asia Co-Prosperity Sphere, na layunin ay pag-isahin ang kultura at ekonomiya ng mga Asiano.

Iilang taon lamang pagkatapos ng kalayaan ng Pilipinas noong 1946, nasindihan muli ang galit at pakikidigma ng mga Tausug nang ginamitan ng malakas na pwersa ng Armed Forces of the Philippines nang nag-alburoto ang grupo ni Maas Kamlon noong 1950s. Marami ang napatay sa bakbakan, samantalang hindi naman nagrerebelde si Kamlon kontra sa pamahalaan, kundi kumapit sa patalim dahil sa nakikitang di parehas ng pag-disarma ng Philippine Constabulary sa mga armadong grupo.

Kaya naman, ang sinaunang kampo ng Bangsamoro Army (na naging kilala bilang MNLF) ni Commander Talib Congo noong 1970s ay pinangalanang Camp Kamlon. Sila ang lumusob sa bayan ng Jolo noong February 1974.

Ito ang naging hudyat para magpadala ng pwersa ang AFP sa Jolo, kasama ang 14th Infantry Battalion at 15th Infantry Battalion na kinabibilangan ni Second Class Trainee Eugenio ‘Bobords’ Dela Cerna.

Kagaya sa mga pwersa na ipinadala para labanan ang mga Tausug noong 1578 (Spanish), 1900s (Americans), 1942-1945 (Japanese), 1950s (AFP), sa narrative ng mga rebelde o kaya sa mga bandido o terorista, ang mga deployed troops ay ‘pwersang mapanakop’ o ‘pwersa ng mga Kristyano’, lalo na at gumamit din ng Christianized indios mula sa Visayas ang mga Espanyol sa pang-aatake nila sa Sulu Sultanate sa mga panahon na iyon. 

Makakaharap nina Bobords Dela Cerna at mga Bisayang tropa ng 15th Infantry Battalion, ang mga salin-lahi ng mga mandirigma na lumaban sa mga dayuhang pwersa simula pa noong 1600s.

Byaheng Jolo

Katatapos pa lang mag-agahan ang mga tropa ng 15th Infantry Battalion nang sila ay ipinatawag ng kanilang Battalion Commander para sa kanilang final briefing bago ang kanilang jump-off papunta sa Landing Ship Tank (LST), ang barko na  syang magkarga sa kanila papunta sa Jolo, Sulu para sa isakatuparan ang kanilang misyon.

Mataas ang gupit at maliliit ang tiyan dahil sa mahihirap ng physical training kagaya ng Molave Warfare Training, ang mga Second Class Trainees kagaya ni Bobords Dela Cerna, ay naka-distribute sa mga line companies ang infantry platoons.

Hindi nya maisalarawan ang naramdaman nang marinig na tuloy-na tuloy na ang deployment nila doon. Pagkakataon na nila yon para maipakita sa mga kasamahan na ganap na silang sundalo.

“Parang naiihi, natatae pinapawisan, nilalamig, umiinit ang tenga namin sa formation area. Pero, maliwanag para sa akin na pakitaan na ito ng katapangan,” sabi ni Bobords, na gustong ipamalas sa mga Musang ng 15th IB na meron din syang angking katapangan.

Sa nagdaang gabi, di sya gaano nakatulog dahil nagkandandarapa sya at mga kapwa 2nd Class Trainees sa mga preparasyon.

Para sa sariling paghahanda, isinasaulo nya muli ang itinuro ng lolo nya na dasal. Inusisa nya ang combat pack na naglalaman sa kanyang mission-essential equipment: Bala, bala, bala. Nagsiksik sya ng halos 500 na bala ng Cal 30 para sa kanyang M1 Garand.

“Wala na akong dinalang pagkain kundi mess kit lang at canteen na pinuno ko ng tubig. Panay bala at konting mga damit lang nilagay ko sa aking pack. Kahit isang lingo akong makipagbarilan, pwede!”

Sinaulo at inilagay nya sa imahinasyon ang naisalarawan ng kanyang Platoon Leader sa kanilang OPORD briefing.

“Halos isang libong kalaban ang makakaharap natin. Okupado nila halos lahat ng kabahayan lalo ang mga sementadong pwesto. Ang misyon natin ay bawiin ang Jolo, iligtas ang mga mamamayan, at ipabalik normal ang pamumuhay ng mga tao doon sa lugar. Magdasal kayo, merong iba sa atin ay posibleng tuwid na ang paa na makauwi. Ingatan ang sarili. Ingatan ang kasamahan.”

Sinalansan nya sa kanyang higaan ang lahat ng mga gamit pakikidigma, pati ang kanyang steel helmet bago sya naglinis muli ng kanyang baril. Sinigurado nya ng nalagyan ito ng lubricants at nahigpitan ang lahat ng turnilyo ng kanyang scope.

“Wala akong pinalampas sa inspection ng gamit. Dapat mananagumpay kami para buhay kaming uuwi,” sabi nya.

                                        
Ang kaparehas na Scoped M1 Garand Rifle na ginamit ni Bobords Dela Cerna sa pakikidigma sa Sulu noong 1974. (Internet Photo)


Di nya alam alin pa ang pwedeng paalaman. Wala naman siyang girlfriend. Napagsabihan na nya ang kanyang tatay at mga kapatid. Nakapagmano na sya sa kanyang lolo. Nag-isip isip pa rin sya.  Patay na kung patay.

“Gentlemen, form!”

Boses ng First Sergeant.

“Form na kayo at pag accounted na lahat, sakay na sa trak. Byahe na tayong Jolo!”

Bog. Bog. Bog. Lumalakas ang pintig ng puso nya na tila gustong umalpas sa dibdib nya. Mainit ang kanyang mukha sa kanyang pakiramdam. Tumaas ang kanyang adrenaline. Atat na sya na makipagbarilan sa mga kalaban. 

Tinapik nya ang classmate na si 2nd Class Trainee Hontiveros.

“Wala tayong iwanan bay!”


(Merong karugtong)

9 comments:

  1. Ipost nyo nnpo sir harold ang part 3 ��������
    Sarap basahin, kahit ulit ultin pa..
    God Bless po.

    ReplyDelete
  2. Sir Yong kasunod agad, nabitin ako.

    ReplyDelete
  3. Laging nambibitin si sir Cabunoc. isapelikula nalang yan para buo istorya.

    ReplyDelete
  4. Ganda ng kwento ni sarge. Yun lang sir parang di akma yung pictures sa Bud Daho at yung mga patay na inihihilera sa mass grave, parang 1940's na yung mga larawan.

    ReplyDelete