Pages

Saturday, July 04, 2015

Rules of Engagement: Shoot or Hold? (Leadership Experience Part 23)



Kuha ang larawan sa aking ginagawang Troop Information & Education (TI&E) sa 10th SRC na aking pinamunuan, na kung saan aking tinatalakay ang aking simpleng Rules of Engagement (ROE) sa aming pakikidigma laban sa mga Abu Sayyaf sa Sulu. (10SRC Photo)

(Karugtong ang kwento na ito sa http://rangercabunzky.blogspot.com/2014/03/ang-manager-ng-10th-scout-ranger.html)


Pagkatapos ng halos dalawang buwan ng sunod-sunod na combat operations sa kasuluk-sulukan ng Sulu, tila ay naglahong parang bula ang mga bandidong Abu Sayyaf na sa mga video footages ay naghahamon ng barilan sa mga sundalo. 

Nababalitaan namin na ang ilan sa kanila ay pa-simpleng humalo sa mga kaanak nila sa 'recognized' MNLF camps at ang iba naman ay sa kanilang mga kapamilya sa mga pamayanan. Ito ang kasama sa mga hamon na aming kinakaharap noong panahon na iyon dahil ang mga kaaway ay hindi namin lahat kilala ang hitsura. Kung walang armas, pwede silang magkunwaring magsasaka, mangingisda o kaya ay MNLF din! 

Dahil sa kababayan din natin ang mga kaaway, parati kong ipinaalala ang aking pinaiiral na Rules of Engagement (ROE) na hango sa aming pinag-aaralang International Humanitarian Law (IHL). Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

1. Kung ang nakikita ay armadong nag-kakampo sa gubat, mas paniniwalaan naming sila ay mga demonyong Abu Sayyaf. Sa bakbakan, ang lahat ng  nakikipagbarilan lamang ang barilin. Gawan ng paraan na hindi mabaril ang mga hostages.

2. Kung ang nakikita ay armadong nasa bahayan o komunidad, i-trato muna namin iyon bilang ordinaryong sibilyan. Depende sa sitwasyon, pwede itong lapitan para kausapin, at disarmahan sa mapayapang pamamaraan. 

3. Kung ang engkwentro ay nasa bahayan, iwasang mawasak ang buong bahay gamit ang sobra-sobrang pagpaputok dito. Bawal ang manunog ng bahay. 

4. Kapag nasa bahayan ang engkwentro, siguraduhing nakaumang na mabuti ang putok sa armadong nakikipagbarilan para maiwasan ang makatama ng non-combatants.

5. Ang ayaw lumaban, ipataas ang kamay at ipatapon ang armas. Respetuhin ang natatalong kaaway.


Ipinaliliwanag ko sa aking mga tauhan ang malaking responsibilidad na masiguradong mga kaaway na kriminal at terorista lamang ang aming kinakalaban. Hirap no? Oo nga, mahirap ang lumaban ng patas ngunit mabigat ang responsibilidad naming mga sundalo dahil sumusunod kami ng tinatawag na laws of armed conflict.

Dahil dyan, palagi naming ipinaalala ang aming responsibilidad na sundin ang ROE tuwing bakbakan. Halimbawa, sa aming live firing activities, ipinaalala namin na armadong kalaban lamang ang babarilin, kailan gagamitin ang machinegun, 90mm Recoilless Rifle, Mortar fire at lalo na ang artillery fires. 

Sa aming combat firing exercises sa Sulu, tinuturuan ko ang aking mga tauhan paano sipating mabuti ang target at kailan kalabitin ang baril kung kinakailangan. Kasama sa aming pagsasanay ang pagpatama ng headshot sa layong 100m at 200m.


Ang aming kaaway

Kami ay nag-resupply noon sa Bgy Taglibi sa bayan ng Patikul nang kami ay nilapitan ng isang 'walk-in' informant kasama ang isang opisyal ng baranggay tungkol sa mga Abu Sayyaf na nagtatago diumano sa bahayan mga tatlong kilometro lamang mula sa aking kinaroroonan.

"Sel, awun Abu Sayyaf dain duun ha Taong!" (Sir, merong Abu Sayyaf doon sa Taong!) 

Inusisa ko ang kanyang report at pinagawa ko sya ng sketch ng lugar. Sabi nya, nasa 40-50 ang armadong nakita nya na mga Abu Sayyaf.  Nang kinumpara at inaral ko ito sa mapa, nakita ko na ito ay malapit sa dalampasigan. Tiningnan ko rin ang mga grid coordinates ng 'recognized MNLF camps' at ang pinakamalapit ay nasa Bgy Buhanginan na mga 3-4 na kilometro lamang ang layo. 

"Bagay, sigurado kaw? Bunnal yan?" 

Hindi ako kumbinsido sa salita nya ngunit binigyan ko rin ng benefit of the doubt. Marami kasi ang possibilities kagaya ng paghahalo ng mga magkakamag-anak na Abu Sayyaf at mga ordinaryong sibilyan. Ika nga eh, "Blood is thicker than water." Naisip ko rin na baka naman ay ka-rido lang ng impormante ang armadong grupo at gagawin kaming kasangkapan na sila ay masagasaan ng mga Musang! Hmmm. Naranasan ko na ang style na iyon sa Basilan.

Dahil hindi pa ako kumbinsido, minabuti kong gumawa ng recon plan at nang madagdagan ang aking kaalaman tungkol sa lugar.

Kuha ang larawan sa ginawa naming recon sa lugar na may nakitang mga armadong kalalakihan. Nagsuot kami ng sibilyan pero nagbitbit pa rin kami ng armas. Doon ko nakita ang mas maliwanag na picture tungkol sa terrain conditions ng target area na hindi kalayuan sa maraming bahayan. Nakita ko na ito ay malapit sa isang Masjid na mataguriang non-military target.

Pagbalik sa kampo, binuo ko ang plano paano 'tirahin' ang target gamit ang SMESC na format. Inatasan ako ng aming Bat Com na maging over-all Ground Commander at ang aking yunit ang Main Effort. Nagbigay ng tig-isang platoon ang 15th SRC, 12th SRC, 7th SRC at ang 1st SRC. Pinaiwan bilang Reserve ang 14th SRC. Mahigpit kong ipinaalala ang aming taktika laban sa 'pintakasi'.

Simple ang aming plano na aking ipinaliwanag sa lahat ng mga unit leaders sa aming mission briefing. Dapat malapitan namin ang mga armado sa kanilang pinagtataguan at bubulagain namin sila mula sa dilim. As much as possible, hindi namin paputukan kung hindi lalaban. Dapat maabutan namin silang walang hawak na baril. Ang aktong lalaban lamang ang putukan. Paano iyon? Easy ba? Basa pa more.

'Gapang Musang, gapang!'

Pagkatapos ng final inspection ng kagamitan, inipon ko ang aking tropa para sa aming tradisyon na magdasal ng aming combat prayer. 

"Pagpalain tayo ng Diyos at tayo ay kanyang patnubayan. Maging alerto, uuwi tayong lahat na buhay!"

Palihim kaming lumisan mula sa aming Patrol Base mga ala-una ng madaling araw, habang ang lahat ay mahimbing na natutulog. Chamber-loaded kaming lahat at handang pumatay kung kinakailangan.

Isa ang nais naming makamit sa aming mga lakad. Bawal ang mabuking! Dapat may element of surprise. Nakasalalay sa Patrol Leader ang mga kritikal na desisyon gamit ang instincts at judgment call. Kapag mali ang desisyon ng leader, posibleng mas mabigat ang consequences ng engkwentro kagaya ng kaguluhan sa pulitika o kaya madagdagan lamang ang magiging kaaway ng gobyerno. 

Maraming beses kong inihinto ang buong patrol para sa pag-map check at pag-reorient. Iniwas ko ang aking tropa sa mga paisa-isang bahayan sa lugar para hindi ma-compromise. 

Narating namin ang lugar bandang alas singko ng umaga. Gamit ang Night Observation Devices ay inusisa kong mabuti ang aktwal na kinaroonan ng mga bahay ayon sa sketch na ibinigay ng aming impormante.

Kausap ko ang lahat ng mga opisyal na aking kasama sa aming Objective Rally Point nang bigla kaming nabulabog sa isang sigaw: "Alllllllllllahu Akbar, Allahu Akbarrrrrrr!"

Narinig ko ang lagatok ng mga tauhan kong nag-unlock ng safety lock ng baril. Dahan-dahan kong pinindot ang safety mechanism ng aking AUG Steyr. Inobserbahan ko ang paligid.

Inaantay ng aking mga tauhan ang aking kautusan. Nasa aking mga balikat ang mabigat na responsibilidad. Para akong nilalagnat at kumakalabog ang aking dibdib. Putukan o hindi?

(May karugtong sa susunod na kabanata sa pamamagitan ng pag-sunod sa link http://rangercabunzky.blogspot.com.au/2015/07/rules-of-engagement-shoot-or-hold_8.html)


No comments:

Post a Comment