Pages

Sunday, June 21, 2015

10 Life Lessons that I learned from my father


Sa aming taunang pagbisita sa aking ama, isinasama nya ang aking anak sa sakahan na aking kinalakihan. Doon ko naikwento sa aking anak ang hirap ng buhay ng mga magsasaka kagaya namin ng kanyang lolo. Kasama sa larawan ang tatlong unang lalaking apo ng aming butihing ama na sina Miggi at Ken.


My father, Roberto 'Toto' Caneos Cabunoc, is my first mentor and teacher. During my childhood, he taught me life lessons that had served as the foundation of my beliefs and practices. I will pay tribute to this down-to earth man by writing some of the nuggets of wisdom that I learned from him. Please allow me to tell the story in Tagalog.

1. Discipline. Simula noong ako ay nagkamulat, lagi ko nang naririnig ang salitang disiplina. Importante daw ito sabi ng aking ama. Tinuruan nya ako at ang aking mga kapatid na maging disiplinado para maging matagumpay sa aming gagawin sa buhay. Meron kaming oras sa paglalaro at sa pagsagawa ng aming munting assignments. Nagsimula kami sa paghuhugas ng pinggan, sa pagpapakain ng mga alagang aso at manok,  hanggang noong panahon na kaya na naming magpastol ng kabayo, kalabaw at baka. Noong high school na ako, medyo seryosohan na dahil pinag-araro at gapas na rin kami sa bukid. Dahil malikot din akong bata, di maiwasang nagpapasaway dahil nahahawa sa mga ka-barkadang mga bugoy sa aming barangay. Kapag nalilimutan naming gawin ang aming mga taskings sa bahay, naririnig namin ang kakaibang sipol. Kapag sumobra sa sampong beses ang paulit-ulit ang pagsipol, mabigat ang consequences at dapat namin itong harapin na kagaya ng isang tunay na lalaki.

2. Lead by good example. Sa aming sakahan, meron kaming mga taong pinagtatrabaho ng arawan. Noong una, sama-sama lang ako sa aking tatay sa paglilinis ng aming bukid kasama ang aming mga trabahador. Di nagtagal na-promote na ako bilang 'Manager'. Pero, kakaiba ang istilo ng Manager na ipinagkatiwala sa akin. Dapat kong samahan sa pag-araro o kaya sa pagtabas ng damo ang aming mga tauhan. Ang ibig sabihin, dapat kong bilis-bilisan ang aking kilos kasi tinatapatan lang din ako ng aming mga trabahante. Paano, bilisan man nila o hindi, may kumpleto silang sweldo pagsapit ng hapon. Hirap no? Yes, napakainit at masakit sa likod ang naghahagilap ng damo sa ilalim ng mais at palay para bunutin at tabasin para maayos ang tubo ng mga halaman. Di ko lang alam, iyon pala ay matataguriang 'Lead by good example' na mapapakinabangan sa serbisyo!

3. Sense of responsibility. Maliliit pa lang kaming magkakapatid, tinuruan na kami ng kahalagahan ng sense of responsibility. Elementary pa lang ako ay marunong na akong magsaing at maghugas ng pinggan. Meron kaming division of labor sa bahay at ginagampanan namin ang kanya-kanyang tungkulin na hindi na kailangang sabihang paulit-ulit. Naalala ko na tuwing bakasyon sa eskwela, kakaiba ang aming battle cry kay sa mga may mayayaman at maging sa mga patamad-tamad na kabataan. Kung sila ay nagsasabing "Yehey, bakasyon na naman!", kami naman ay "Hay, naku pagtatabas time na naman!"

4. Don't waste any single grain of rice. Sabi ng aking ama, huwag daw sayangin kahit isang butil ng kanin sa lamesa. Baket? Obvious ba? Ito ang kanyang sagot: "Alalahanin ninyo ang ating butil-butil na pawis na bumabaha para makapag-ani ng palay na ating pagkain. Lalo na kung hindi nyo naranasan ang magsaka sa bukirin, wala kayong karapatan na ang pinagpawisan ng magsasaka ay sayangin.". Tama nga naman. Nang nangitim din ang aking balat sa pagsasaka sa bukirin, naramdaman ko ang kahalagahan ng kanyang sinabi.

5. Be generous. Hindi kami mayaman pero likas na matulungin ang aming mga magulang, lalo na sa aming mga mahihirap na mga kaanak lalo na yong hindi nakayanang mag-aral. Noong alkalde ang aking ama ay normal nang magamit din nya ang sariling kita sa sakahan para itulong sa mga nangangailangan, kaya minsan nagkokomento ang aking ina. Pero, may karagdagang kondisyon ang aming pagtulong: Dapat tinutulungan din ng nagpapatulong ang kanyang sarili! Kung tipong panay asa lang sa agarang tulong at hindi man lang nagsusumikap, mukhang abusado iyon sa kabaitan ng iba.

6. Hardwork. Itinuro ng aking ama ang pagsusumikap sa trabaho upang makamit ang kagalingan. Pati extra allowance ko noon ay paghihirapan ko muna ang magbenta ng kalabasa at malunggay o kaya saging. Kaya mo yon umikot sa buong barangay at naglalako ng gulay? Kaya ko yon tsong! Ika nga sa TV show na 'John en Marsha', "Magsumikap ka John, magsumikap ka!". Sa aking serbisyo ngayon, normal na iyong pagsusumikap parati na mapaganda ang aking trabaho, kahit ano man iyon.

7. Education. Dahil maagang naulila sa ama, naging padre pamilya ang aking ama para matulungan ang ina at mga kapatid. Dahil dito, hindi na nya natupad ang hangaring makatuntong sa kolehiyo. Sa amin sya bumabawi at pinagsisikapan nyang makatapos kaming lahat na magkakapatid sa pag-aaral para makamtan ang bantayog ng tagumpay. Ika pa nya, "Kung ayaw nyo na panay pagtatabas at pag-aararo lang din ang abutin nyo pagdating ng araw, mag-aral kayong mabuti para maging negosyante o propesyonal.". Oo nga naman, di ba? Wala atang matinong negosyante o ahensya ng gobyerno ang mag-hire ng empleyadong walang pinag-aralan para sa mga sensitibong posisyon. Naranasan ko kaya ang mainitan at nilalamok at niknik sa ilalim ng makating alagang mais at palay! Dahil doon, nag-aral akong mabuti para makatapos. 

8. Public service. Ang paglilingkod sa bayan ay nakamulatan na namin sa aming mga magulang. Ang aking ina ay isang public school teacher. Ang aking ama ay naging konsehal ng bayan bago nahalal bilang alkalde. Seryoso sya sa paglilingkod sa aming kababayan. Teka, baka naisip nyo na sya ay isa ring 'trapo'. Ang sama ng reputasyon ng karamihang pulitiko no? Ganito ko sya isalarawan. Walang convoy ng armadong VIP security personnel at wala ring magarang sasakyan at lalong walang 'SOP' sa mga proyekto. Hindi sya nag-abuso sa pwesto o nagpayaman mula sa kaban ng bayan. Kadiri yong taong may limpak-limpak ang salapi pero galing pala sa pondo ng bayan no? Sa halip na magpayaman sa sarili, pinaganda nya ang aming bayan, pinalaganap ang serbisyo publiko at pinaunlad ang kalakalan. Ika pa nya, ang kanyang tanging puhunan ang malinis na pangalan ng aming angkan. Isa ito sa dahilan kung bakit lima sa aming magkakapatid ay nasa serbisyo publiko ngayon. Ito rin ang dahilan kung bakit nanatili ako sa mahirap na serbisyo militar hanggang sa ngayon.

9. Fairness. Likas sa aking ama ang maging patas. Bawal sa kanya yong nanlalamang at iyong tipong palaging nang-iisa. Ayos lang sa kanya ang makipag-compete para sa pagpapakita ng kagalingan pero huwag lamang mandaya. Dahil dito, merong pagkakataon na walang lumaban sa kanya bilang alkalde dahil hindi sya matatalo sa patas at walang dayaan na halalan. Sa ngayon, ang prinsipyo na ito rin ang isa sa aking sinusundan sa aking serbisyo. Lumalaban ako ng patas at bawal iyong gumagamit ng padrino para sa makasariling kapakanan.

10. Modest lifestyle. Kung sa kasimplehan sa buhay ang hanapin, iyon na ang imahe na makikita mo sa aking ama. Hindi sya maarte na tipong one-day millionnaire kung umasta. Kayang kumain kasama ang maralita habang nagkakamay at bagoong lang ang ulam, kayang makipagtagay ng tuba sa mga manginginom sa barangay at kaya ring makikipag-usap sa mga katutubong Manobo gamit ang kanilang sariling wika. Kaya nyang makihalubilo sa lahat ng klase ng tao maging tambay sa kanto, magsasaka, negosyante o kaya mga lingkod bayan. Ito ang isa sa aking nakopya sa kanya nang ako ay nasa serbisyo na kung saan ay kailangan naming mga sundalo ang kilalanin ng taumbayan bilang mga sundalo ng Pilipino. 

Iilan lamang ito sa napakaraming aral na natutunan ko mula sa aking magiting na ama. Kung hindi dahil sa kanya, siguro nasa kangkungan ako pupulutin ngayon. 

Maraming salamat sa iyo Pa! Di kita mababayaran. Promise, ipamana ko na lang ang iyong mga aral sa iyong apong si Mikhail Harvey.

Pinasubok ko kay Harvey ang aking naranasang pagtatabas ng aming sakahan sa Bukidnon. Syempre, sa simula lang ginaganahan. Mag-aral na lang daw syang maging doktor!

Tumampisaw sa putikan si Harvey para maramdaman ang kati ng palay na malapit nang aanihin. Doon nya unang nahawakan ang halaman ng bigas na paborito nyang kainin araw-araw. Nangako na rin syang hindi na magsasayang ng butil na bigas tuwing kakain.

Tinuruan ko rin si Harvey na umangkas ng kabayo na aking paboritong sasakyan noong ako ay bata pa. Doon nya nalaman ang mga sound and gesture signals para palakarin, patakbuhin o pahintuin ang kabayo. 

Masaya kaming nagpakuha ng larawan nang hinatid kami ni Erpats sa Laguindingan airport pagkatapos ng aming bakasyon sa probinsya. Gusto na ni Harvey na bumalik para matuto pa ng mga bagong kaalaman mula sa kanyang Lolo kasama na ang pagmamaneho at pamamahala ng sakahan.


To my great Erpats,  'Happy Father's Day!'


6 comments:

  1. Great story! nakaka-inspire naman yung post nyo sir! Like you, marami din ako natutunan from my father. Thanks to my father who always working hard for us.

    Harry, from Nuvali Sta. Rosa Laguna Philippines

    ReplyDelete
  2. Thanks katukayong Harry!

    Pasalamatan natin ang ating mga magulang habang buhay pa sila. 😊

    ReplyDelete
  3. kade-kade sigaw ng manobo na madalas kong naririnig sa umaga kapag nababa sila ng bundok may mga dalang kalakal tulad ng kape at ratan sa probinsya.....

    Salamat sa ating mga butihing magulang na walang pagod at sawa sa pagmamahal at pag gabay sa atin...

    ReplyDelete
    Replies
    1. Nakaka-relate ako dyan bro. Sa amin ay normal ang may bisitang lumad kahit noong ako ay bata pa. Naalala ko noon, tuwing piyesta ay welcome ang katutubong Manobo sa aming tahanan para makisaya.

      Delete
  4. tuwang tuwa kami sa tuwing may bumibisita sa amin... ganun din kapag piyesta nandun sila... nakakamiss ang buhay probinsya...

    ReplyDelete