Pages

Wednesday, July 08, 2015

Rules of Engagement: Shoot or Hold? (Leadership Experience Part 24)



Ang mga taong nagsasamba sa masjid ay dapat respetuhin ng miyembro ng armed forces sa pagsagawa ng military operations sa mga lugar na pinamumugaran ng mga terorista at bandido. (Photo from internet sources)


(Karugtong sa kwento mula sa http://rangercabunzky.blogspot.com/2015/07/rules-of-engagement-shoot-or-hold.html)


Ewan ko lang pero tila ay nilalagnat ang aking pakiramdam tuwing merong nakaambang panganib. Bumibilis ang pintig ng aking puso na tila ay babala para maging alerto. Para sa ibang hindi nakokontrol ang pakiramdam na ganito, nauuwi sa nerbyos at hindi nakakapagbigay ng tamang desisyon sa mabilis na paraan. 

At sa pagkakataong iyon, kailangan kong magbigay ng desisyon at kautusan. Buhay ang nakataya sa aking mga hakbang kaya nais ko ring makapanigurado.

Nilapitan ko ang mga tropang nagmamanman sa harapan. Ang mga baril nila ay nakaumang sa masjid at inaantay ang aking command.

"Shhhhhhhhh. Antay muna. Adhan (call to prayer) iyang naririnig natin," bulong ko sa aking tropa. 

"Pass the word, freeze tayong lahat. Establish all around security."

Tila isang awit ang adhan na syang panawagan sa mga Muslim para sa pagdarasal. Sa ibang lugar ay ginagamitan ng muezzin o imam ng mikropono ang adhan para malaman ng lahat na magsisimula na ang salah (prayers).

"Allahu akbar! Allahu akbar!Allahu akbar! Allahu akbar!"

"Asshadu anna la ila illa Allah!Asshadu anna la ila illa Allah!"

"Haya alas salah! Haya alas salah!"


Parang dahan-dahang napawi ang aking kaba dahil parang awit para sa akin ang adhan. Ganon pa man, nananatili kaming alerto dahil hindi pa namin sigurado kung Abu Sayyaf ang mga armado. 

Batid na batid naming mga Musang na pati teroristang Abu Sayyaf na kagaya nina Radulan Sahiron at Isnilon Hapilon ay tila matinong Muslim kung mag-salah. Sanamagan ang mga pekeng Muslim na iyon.

Mula sa aking pwesto, nakikita kong paisa-isang pumasok ang mga kalalakihan. Ang iba ay huminto sa isang sulok at naglilinis ng kanilang katawan bilang paghahanda sa pagdadasal, na kung tatawagin ay wudu o ritual ablution.

Di kalayuan nakikita kong naka-high crawl palapit sa akin si Pfc Rolly Alindajao para ako ay bulungan. Kahit agaw dilim ay naaaninag ko ang kanyang hitsura at lalo ko syang nakikilala kapag nagsasalita dahil sa kanyang heavily-accented Bisaya. 

"Sir, nakasandal ang mga baril nila nasa gilid ng isang bahay. Isang tao lang ang nagbabantay at nakahawak ng baril. Antay lang kami kung kumins payring (commence firing) na sir!"

Para makumpirma ang kanyang impormasyon, gumapang ako sa posisyon nila at inobserbahan ang paligid gamit ang Night Vision Goggles. 

Nakita kong tila ay flash light ang ilaw na galing sa sigarilyo ng kanilang gwardya. Sa loob ng masjid ay humigit kumulang sa 20 ka tao ang nagsisimula nang magdasal. Wala syang kamalay-malay na magkahalong M60 Machinegun, M16A1 Rifle at Sniper Rifle ang nakaumang sa kanyang pwesto.

Tinapik ko si Cpl Jonjie Cuevas, ang aking Radio Man na taga Mindoro, para tawagan si Batcom gamit ang aming radyo na kung tatawagin ay 'Pito-pito' (PRC 77). Binigay ko ang aming grid coordinates at ang sitwasyon sa kinaroroonan.

"Eagle this is Bullseye, nakikita namin posibleng mga kalaban. More or less 20 ang nasa masjid, nakasandal ang mga baril at ang isa ay nakaalerto bilang gwardya. Oobserbahan pa naming mabuti ang kanilang aksyon."

Pagkatapos na makausap ang aking Commander na nasa Tactical Command Post, inipon ko ang lahat na mga Company Commanders na kasama para sa aking final briefing.

"Di pa sigurado kung mga Abu Sayyaf ang armadong iyan. Ang gagawin natin ay lapitan namin ang mga taong iyan bilang Main Effort at mapayapang kumpiskahin ang mga armas. Bantayan nyo ang bawat sector at iyong akmang makipagbarilan lamang ang puntiryahin. Ipakita nating mas marami tayo at nakahanda tayong lumaban kung kailangan."

Pagkatapos ko silang makausap, ang mga Team Leaders ko naman sa kumpanya ang aking binigyan ng specific instructions.
"Ang sniper ang take charge sa gwardya. Kung ipuntirya nya ang baril at tipong mamumutok, bigyan ng 1 round sa ulo. Skirmishers line ang dalawang section palapit sa kanila. I-secure ang lahat ng mga armas na nakasandal habang kakausapin ko ang pinaka-lider nila. Hangga't maaari, iwasang paputukan ang mga bahayan."

Ang aming 'Pintakasi'

Marami na ring karanasan ang mga Musang sa pakikipaglaban sa mga teroristang Abu Sayyaf simula 1990s at maging sa MNLF noong 1970s. Natuto na rin ang karamihan sa amin pagkatapos na nalagasan sa tinatawag na 'pintakasi' na kung saan ay nilalamok ang buong patrol kapag buong barangay ang nagtulong-tulong para labanan ang mga sundalo na pumasok sa kanilang lugar. Hindi na pinag-uusapan doon kung sino ang Abu Sayyaf, MNLF o ordinaryong mamamayan sa panahon ng bakbakan sa kanilang komunidad. Naranasan din ito ng 10th SRC sa Al-Barka (Tipo-tipo) noong 1999 at sa Upper Manggas noong 1997. Ang 1st SRC naman ay nasubukan ang makipaglaban sa mas nakararaming Abu Sayyaf at nakikisawsaw na mga kababaryong armado sa Sitio Crusher, Bgy Caro, Kapayawan noong 1995 na kung saan ay nanaig ang mga Musang at nagawaran ng Medal for Valor si Captain Cirilito Sobejana, ang magiting nilang Company Commander.

Bilang ground commander, responsibilidad ko na mapigilan ang pintakasi at sa halip ay gamitin ito laban sa aming kaaway. Ang inaalala ko lang parati ay ang maiwasan ang makapatay ng mga ordinaryong sibilyan na napilitan lang din na lumaban dahil sa pagkamatay ng mga kaanak nila. Ayaw ko naman na ako pa maging dahilan na merong ma-inspire na kabataan na mag-Abu Sayyaf!

Nang mapansin kong tapos na ang kanilang pagdarasal, inalerto ko ang aking mga tauhan sa aming susunod na hakbang. Iyon ang pinaka-kritikal na bahagi dahil lalapitan namin sila at ma-expose pati ako sa enemy fires. 

Depende sa gwardyang may hawak ng baril kung tuluyan nga kaming magkabarilan at magpapatayan. Depende rin iyon sa reaksyon ng mga may-ari ng mga nakasandal na armas.

Depende rin iyon sa aming ipapakitang aksyon habang papalapit sa kanilang grupo.

Nanalangin ako sa Diyos at humingi ng proteksiyon bago ko tinapik ang balikat ni Cpl Arnold Panganiban, ang Team Leader ng leading elements na aking sasamahan. 

Pumunta ako sa harapan at sabay-sabay na kaming tumayo para lapitan ang gwardya at ang mga taong kalalabas sa masjid. Dalawampung metro ang layo ng mga damong pinagtaguan namin mula sa kanila.

"Let's go, walang iwanan!"

Naka-unlock na ang aking chamber-loaded na AUG Steyr. Nilalagnat akong muli habang naglalakad palapit sa mga bagong dasal na kalalakihan. Di maipinta ang hitsura ng kanilang mukha na nabigla sa kanilang nakikita.

(Abangan ang karugtong)

1 comment:

  1. Awesome work.Just wanted to drop a comment and say I am new to your blog and really like what I am reading.Thanks for the share

    ReplyDelete