Thursday, December 25, 2014

Ang Noche Buena ng Scout Rangers


Larawan ng aking mga tauhan sa paanan ng Mt. Sinumaan sa Patikul, Sulu noong kasagsagan ng Operation Final Option II noong taong 2000. (10SRC photo)


Ang isa sa pinakaaabangang yugto ng mga hukbo na nakatalaga sa field ay ang makakauwi sa kapaskuhan para makapiling ang mga kapamilya. Noong ako ay Company Commander ng 10th SRC, nakalatag na ang schedule ng bakasyon sa Nobyembre pa lamang. Pinag-uusapan ng mga members ng teams kung paano sila salitang magbakasyon sa Pasko at sa Bagong Taon.

Ang Pasko ay may kaakibat na tradisyon na kung saan ay panay kasayahan kasama ang mga mahal sa buhay at ang pinakaimportante sa lahat ay ang kainan tuwing Noche Buena. Di po ba? 

Walang katapusang kainan ng masasarap na pagkain na tipong sa Pasko mo rin lang matitikman ang iba. Syempre, sa ating mga Pilipino, pag-ipunan natin ang Pasko para ang Noche Buena ay talagang bonggacious kagaya ng larawan sa ibaba. 

Larawan ng masasarap na pagkain na karaniwan ay natitikman tuwing Noche Buena. Ang ganitong larawan ang nasa aming imahinasyon kapag kami ay nasa gubat habang nag-iisip paano naman kami makapag-Noche Buena para kahit papaano ay nakikiisa rin kami sa diwa ng tradisyon na ito. (Kuha ang larawan sa internet)


Ang Noche Buena ng mga Musang

Malaking porsyento ng mga sundalo ay mga Kristiyano at kalimitan ay mga Katoliko. Ito ang dahilan kung bakit ang mga yunit ay nagkakaroon din ng mga selebrasyon na alinsunod sa ginagawa ng karamihang sibilyan. 

Pagkatapos ng isang engkwentro namin noong Disyembre 17, 2000 sa Patikul ay nagkaroon kami ng pagkakataon na magpahinga ng 3 araw sa Barangay Taglibi para magpa-resupply ng bala at mga pagkain para sa operations. 

Kinuha ko na rin iyon na pagkakataon para magpadala ng karneng manok, baka, isda at pati tinapay at pancit miki na syang ihahanda para sa aming munting salu-salo. 

Once in a blue moon din lang na hinahayaan ko silang tumikim ng alak. Tikim lang talaga kasi isang lapad lang bawat team. Bawal kasi malasing kapag nasa kasagsagan ng combat operations.

Ang ginagawa namin ay naka-distribute sa bawat teams ang mga sangkap at kanya-kanyang assignment ng putahe. Division of labor ika nga

Sa kanilang munting pagpupulong, ipinasa ng Platoon Sergeant ang aking kautusan.

"Team 1, adobong manok!"

"Team 2, pancit miki guisado!"

"Team 3, nilagang buto ng baka!"

"Team 4, escabeche at kinilaw na isda!"

Syempre, paminsan lang din naman kaming maghahanda ng ganoon kagaya ng may unit anniversary o birthday celebration ng tropa. 

Ang kaibahan lang sa amin, iniba namin ang oras ng Noche Buena. Instead na sa hating-gabi ay ginagawa namin bago ang tinatawag na End of Evening Nautical Twilight, o bago tuluyang dumilim. Bakit? Syempre, mahirap yatang kumakain sa gitna ng dilim! 

Pre, baka magtanong ka kung 'Noche Buena' pa ba yon? Alam ko naman na "Good night" ang ibig sabihin noon salitang iyon pero syempre practical kami sa field. Mas mahalaga ang safety ng tropa kaysa naman mag-flashlight kami para makapaglatag ng kainan sa hating-gabi. 

Okay, sabihin na lang nating, "Buenas Tardes" (Good afternoon) ang aming handaan dahil bago gumabi namin kinakain ang handa na pang-Noche Buena. Ang importante sa lahat, solved kami. Naka-smile ang lahat at nalilimutan ang lungkot na nararamdaman ng mga mandirigma na naiiwang makikipaglaban sa mga bandido sa kapaskuhan.

Well, maswerte kami noon kasi nasa 'admin area' kami para sa resupply operations. Paano naman pala kung nasa gitna ng gubat kami inabutan ng Pasko? Syempre, pang-tactical din ang Noche Buena. 

Actually, pinadalhan ako ng larawan ng mga mandirigma na nasa kagubatan ng Patikul ngayong Pasko ng 2014. Nasa parehas silang lugar na aking ginagalugad sampung taon lang ang nakalipas. 




Dahil hindi sila nakababa sa kabihasnan, pinagtitiyagaan nila ang parte ng kanilang nakaraang resupply: Loaf bread at pancit canton. Iyon lang ang kanilang handa. As in wala nang iba. Walang palamang sandwich spread, walang kape o soft drinks. Pagkakain bandang alas singko kahapon (December 24), kanya-kanyang lagok ng tubig sa water canteen. Sobrang happy pa rin sila, di po ba? Musang kasi.

                         
  
Nang aking kinausap ang Platoon Leader, ipinaabot nya ang mensahe ng kanyang yunit na walang humpay ang paghahalughog sa kasukalan para tugisin ang mga bandido na may hawak pa ring mga hostages.

"Sir, para maramdaman namin ang diwa ng Pasko, naghahanda pa rin kami ng espesyal na menu. Pinaaabot namin sa ating mga kababayan ang aming mainit na pagbati ng Merry Christmas mula dito sa kagubatan ng Patikul."

Sa nakikita ko noong aking kapanahunan at ngayon, halos parehas lang ang aming pakikiisa sa Noche Buena. Ang importante sa amin ay nararamdaman namin ang pagiging pamilya ng aming mga kasamahang tropa at nalilimutan ang nararamdamang kalungkutan tuwing naaalala namin ang kanya-kanyang pamilya sa aming tahanan.

Ganon lamang kasimple ang aming handa at kung ano man ang available ay aming pinagkakasya. Ang importante sa amin ay tuloy-tuloy na magagampanan ang sinumpaang tungkulin na ipagtanggol ang ating kababayan sa pwersa ng masasama. 


3 comments:

  1. nalungkot ako bigla... langya kasi tong pasimuno ng gulo e.. hehe!

    lahat ba yan sila sir SR?

    ReplyDelete
  2. My Respect and Salute. Merry Christmas. God Bless sa ating lahat.

    ReplyDelete
  3. aaawww... samantalang yung mga tambay sa kanto namn walang alam sa buhay. :(

    ReplyDelete