Grabe ang ingay sa pwesto ng 12th Scout Ranger Company. Di ko natiis at sila ay tinawagan sa PRC 77.
"Thunder this is Cyclops, over!"
"Cyclops this is Thunder, go ahead over!"
"Thunder, pwede bang umayos kayo? Pati kami mararatrat ng kalaban sa ginagawa nyo!"
Hindi naitatago sa aking boses ang inis sa mga panahon na iyon. Actually, mga tao ko rin dati sa Basilan ang 12th SRC. Dati rin silang pasaway bago kami nailagay bilang leading officers doon ni 1Lt Elmer Suderio noong January 1998. Si Lt Suderio ang CO at ako naman ang kanyang 'bastonero' bilang Executive Officer. Kilalang kilala ng mga tropa ang aking katauhan bilang opisyal.
"Cyclops this is Thunder, wilco instruction sir!"
Para sa akin, wala naman talagang mataguriang 'bad unit' bagkus meron lamang mga 'bad leaders'.
Nasa diskarte ng isang leader kung paano patinuin ang tropa pati yong type lang talagang magpasaway kasi hindi naman sinasaway.
Napakasimple at praktikal ang mga pamamaraan paano pasunurin ang tropa willfully. Ang iba sa diskarte ay wala sa mga leadership handbooks. Kailangan lang kilalanin ang tropa at pakitaan ng magandang ehemplo. Kagaya noon sa ginawa naming paghahalughog sa bakawan, ako mismo ang nanguna sa patrol para siguradong maisakatuparan ito. Sa mga mapanganib na mga misyon, mas mabisa ang pagpapasunod sa pamamagitan ng pagbigay ng inspirasyon. Bilang lider, we must lead the way at doon mo masasabi sa mga tropa na "Follow me!".
Sa aming pag-lalakad sa kasukalan ng bakawan, marami akong nadiskubre doon. Meron palang nakatagong mga maliliit na 'isla' na tipong magkasya ang lima hanggang sampung tao kapag low tide.
Halatang merong nagtatago doon dahil merong mga balat ng kendi at mga pinagbalatan ng kamanting (cassava). Sa ibang puno ay makikita ang bakas ng inapakan ng boots. Siguro ay umaakyat sila tuwing umaangat ang tubig.
Merong iilang bahagi ng bakawan na malalim at maburak ang tubig. Doon namin napakinabangan ang bangka na aming dala-dala. Hindi namin hinintuan ang pag-iikot hanggat nadaanan namin ang lahat na posibleng taguan. Napatunayan kong wala sila doon.
Magtanghali na noon nang nagpasya na akong bumalik sa patrol base. Itinawag ko sa aking tropa ang aking intensyon:
"Pabalik na ako sa papa bravo. Sa west ako manggaling. Disseminate mo sa lahat ng adjacent units."
Pagod at gutom ang aking naramdaman pagkatapos ang ginawa naming recon patrol sa loob ng bakawan. Nang nakabalik na kami para mag-link up sa aking left-behind force, mainit na sabaw naman ang sumalubong sa akin.
"Sir, sardinas na me sili at papaya tayo ngayon. Me nakuha kami doon sa gilid ng sukalan," sabi ni Pvt Adel Hermano, ang isa sa mga Tail Scout at 'Kaldero 6'.
Tila Kimchi ng mga Korean ang aking imahinasyon sa napakasarap naming ulam sa tanghalian. Bihira din kaming makapagsabaw ng aming ulam. Buti na lang din, nadiskubre namin yong bumubulwak na fresh water sa gilid mismo ng dagat. Ang problema lang doon ay natatabunan ito ng sea water tuwing high tide.
Pagkatapos ng tanghalian, tinitingnan ko naman ng masama ang kabilang bahagi ng bakawan na nasa area ng 12th SRC. Pahaba ang area na ito at ang dulo nito ay ang bakawan sa may Bgy Mabahay na aming pinanggalingan noong unang araw. Sobrang duda ako na andon pa rin ang mga Abu Sayyaf. Ang problema lang doon ay marami ang maputik na lugar at malalalim ang karamihang areas.
Naisip kong magpahanap ng dagdag na bangka. Kinausap ko si Sgt Manalastas at Sgt Fernandez, ang aking Platoon Sergeants.
"Hanap kayo ng dagdag na bangka. Kailangan natin at least apat para may ka-buddy ang papasok sa loob. Mas maiging magkasuportahan para mas kampante tayo."
Sa estimate ko ay more or less 300-500 meter na stretch ng area na lang ng bakawan ang hindi pa namin napasok. Paliit nang paliit na lang ang mundo ng mga Abu Sayyaf. Gusto kong ang 10SRC na mismo ang sumuyod doon at suporta na lang sa gilid ng dalampasigan ang ibang tropa.
Marami na rin ang gigil na gigil sa mga bandido sa mga oras na iyon. Nakakarinig na ako ng samo't-saring mga rekomendasyon at mga parinig.
"Sir, kapag mahuli, sampalin natin isa-isa."
"Ako sir, kurutin ko sa tagiliran!"
"Reypist mga yan sir, tanggalan natin ng bay_g".
"Kung ako masunod sir, ratratin natin gamit itong tatlo nating M60 Machinegun!"
Batid ko ang galit ng tropa dahil sa mga napapabalitang pangri-rape ng mga bandido sa mga bihag nila. Ma-foreigner o Filipino, di nila pinalampas. Syempre, kung meron kang sister o nanay, maisip mo rin ang kung mga 'what if', kagaya na lang kung ang mismong kapatid mong babae ang na-kidnap nila.
Nasa malalim akong pag-iisip nang lumapit si Cpl Cuevas sa akin, dala ang kanyang radyo.
"Sir, tumawag si Batcom at kakausapin ka."
Commander's intent
Kapag tumatawag na ang aming Batcom, alam ko na ang i-expect. Meron itong mga changes sa kautusan o kaya ay may special instructions na ibinibigay.
"Cyclops, magpadala ako ng supply ng batteries at dagdag na de lata. Gusto ko by 1600H (4pm), i-vacate mo na ang area at sama-sama muna kayong lahat sa Bgy Mabahay bago kayo magsimula magpatrol sa western portion ng Mt Mahala bukas ng 0800H."
Di ko masyado makuha ano ang intent ng kanyang kautusan kaya naman ako ay nag-counterproposal.
"Sir, sa aking estimate, andito pa sa bakawan ang mga Abu Sayyaf na nagpakawala kina Almeda. Baka pwede pasukin namin ngayon hanggang bukas ng hapon, ang direksyon ng aming clearing operations ay papunta sa Bgy Mabahay."
"Harold, wag nyo nang pagpaguran ang bakawan. Ang intent ko ay halughugin nyo ang giliran ng Mt Mahala dahil may magandang development ayon sa intelligence estimates."
Di man ako kumbinsido na tama ang estimates ng aming TCP, wala na rin akong magawa. Dapat kung sundin ang chain of command. Ganon talaga minsan, di kami nag-agree sa ground sa kung ano man ang mga kautusan. Ngunit, mahigpit naming tinatalima kung ano ang tinatawag na 'Commander's intent'.
Tinawagan ko naman ang lahat na katabing units sa kautusan ng aming Battalion Commander. Kanya-kanya na kaming briefing sa aming mga nasasakupan.
"Gentlemen, by 1400H, darating ang Simba vehicles at M35 trucks na magdadala ng karagdagang supply. Pagka-repack ng ating mga combat packs, scram tayo dito sa Buhangin Puti not later than 1500H."
Di kalaunan, nagdatingan ang mga sasakyan na nagdala ng aming supplies. Kanya-kanya na kaming kuha ng mga sakong naglalaman ng aming mga karagdagang mga baon at ito ay idinistribute naman sa bawat miyembro ng patrol.
Nakahanda na kaming lisanin ang lugar nang lumapit ang NCO ng Light Armor Company sa akin.
"Sir, wag nyo muna kaming iwan. Nasira ang isang armored vehicle!"
"Iyon lang. Ilang oras nyo kayang ayusin yan?"
"Sir, ipasundo ko pa ang mekaniko nito. Baka pwedeng samahan nyo kami hanggang bukas ng umaga lang."
Nakakaawa naman ang hitsura ng taga Armor na tila sobrang nag-alala kung maiwan sila doon. Syempre, baka naman ay gapangin sila ng mga bandido dahil iilan lang silang sakay doon.
"Okay, samahan namin kayo. Pero pagsapit ng 0600H bukas, aalis na kami, finished or not finished. Magpadagdag na lang kayo ng kasamahang mag-security kung kailangan.
Dahil doon, minabuti kong i-recommend sa kay Batcom ang pag-extend ng aming pananatili roon. Nag-atubili man, pinayagan ako hanggang 0600H ayon sa aking rekomendasyon.
"Paalisin mo na ang ibang tropa dyan para magtungo na sa area ng Mabahay. Mag-buddy na lang kayo ng 12SRC dyan hanggang bukas."
Nag-overtime sa pagkumpuni ang tropa nang Armor Company nang makarating ang kanilang mekaniko. Kinuha naman namin ang pagkakataon na magpahinga sa gabi na iyon.
Merong panaka-nakang pag-uulan sa mga oras na iyon kaya sumiksik kami sa sukalan na area at nagpalagay ng poncho na masisilungan.
Nang tumaas uli ang tubig sa dagat, pina-secure ko sa tropa ang paligid ng Simba sa gilid ng dalampasigan, at kami naman ay nananatili sa sukalan iilang metro lamang ang layo.
Kinaumagahan, kasabay namin ang mga Simba vehicles na lisanin ang lugar bandang 6:00am. Papuntang direction ng Talipao proper ang mga vehicles, samantalang kami ay patungo sa direksyon ng Mabahay.
Bandang tanghali na noon nang marating naming muli at makalink-up ang aming mga kasamahan sa LRB sa Bgy Mabahay.
Kuha sa larawan ang mga 'botong' (niyog) na ginawa na rin naming sabaw pagkatapos na maubusan ng tubig sa area ng Mabahay sa Talipao, Sulu na walang natatagpuang water point. Kasama ko sa larawan ang pinuno ng 20th SRC na si Lt Sam Yunque. (10SRC photo)
Doon namin nabalitaan ang tsismis nang nag-set up kami ng URC 187 radio para kausapin ang aming admin and support personnel na naiwan sa aming barracks sa Jolo.
"Sir, sumuko na yong mga Abu Sayyaf na galing sa area ng Mabahay. Sila yong nagtatago dyan sa bakawan," sabi ni Sgt Greg Manzolim sa akin na nooy nasa headquarters ng 104th Brigade sa Camp Teodulfo Bautista.
Parang di ako makapaniwala sa balita ngunit confirmed ito ni Lt Col Morales, ang aming Batcom. Lalo akong na-excite na malaman ang kadaragdagang mga detalye tungkol sa mga bandido na dinadala na papunta sa Brigade headquarters.
"Greg, isama mo yong tropa na marunong mag-Tausug. Salubungin mo ang pagdating nila dyan sa kampo. Ipakausap mo ang mga surrenderees at tanungin kung saan sila nagtago, may baril ba yan sila at paanong di namin nahagilap?"
Grabe ang pag-iisip ko noon. Kaya pala pinapaalis kami ni Batcom kasi pinapasurender pala nila ang humigit kumulang na 15 na mga Abu Sayyaf. Tumawag daw ang mga bandido sa isang Bgy Captain ng Talipao na lumapit naman sa joint TCP ng LRB at ng Infantry Battalion na andoon din sa Talipao proper. Iyon ang tunay na Commander's intent.
Kinabukasan, nasa URC 187 na uli si Sgt Manzolim para magbigay sa akin ng feedback. Nasa Busbus na ang mga sumurender sa mga panahon na iyon.
"Sir, sa bakawan sa palagitnaan ng Buhangin Puti at Mabahay pala sila nagtatago. Mga 15 metro na lang daw sila sa mga Musang at muntik nang magkabarilan. Nalapitan daw sila nong naghahabol ng pato na mga Rangers na sakay sa bangka. Huminto daw ang mga iyon nang mahuli na yong mga pato. Isang gabi daw silang naglublob uli doon at sobrang nilalamig kasi di naman daw kayo umalis kaagad. Doon daw kayo natulog sa gilid ng bakawan na tinaguan nila!"
Nalaman ko na bakit kami nagmintis kahapon. Pero, di ko alam kung sabihin ko bang blessing in disguise ang kapalpakan ng mga tropang nag-isip bata sa paglalaro ng habulan sa mga pato. Kung sakali pala, naratrat sila dahil maapakan na nila yong pwesto ng mga Abu Sayyaf!
Parang okay na rin ang pangyayari. After all, napasuko silang lahat kasama ang kanilang armas. Hindi namin sila napatay ngunit wala rin namang nasaktan sa aming hanay.
Ang masakit lang, wala si Robot sa mga sumuko kaya hindi pa tapos ang aming pagkainis sa kanya.
Para syang palos sa dulas. Napabuntong hininga na lang ako. Wala syang balls, nang-iwan pala ng mga kasamahan.
"Animal ka Robot, may araw ka rin sa amin!"
(Ipagpatuloy)
nice one again, Sir Harold!
ReplyDeleteThanks Flipzi! :-)
DeleteSir, gawin mo na itong libro. Ayus talaga!
ReplyDeletesir, ang galing...favorite ko basahin mga combat stories mo sir...idol po kita lt.col. magallanes!
ReplyDeletenice..panu sundan to? ano title? thanks.
ReplyDeleteAlexis, I am sharing the link to my new entries everytime may new article ako.
Delete