Nang humupa ang pukpukan sa pagitan ng 20th SRC at ng mga bandidong Abu Sayyaf na napagawi sa kanilang pwesto, tinawagan ko ang aking mistah na si Lt Sam Yunque, ang Company Commander.
Gamit ang aming tactical radio, agad ko syang kinumusta. Marami rin akong mga dating kasamahan na miyembro na rin ng 20th SRC.
"Musta kayo dyan bay?"
Parang natawa din ako sa update nya. Halos parehas ang aming sinapit sa hapon na iyon.
"Nagkabiglaan din kami bay. Pistol lang naiwan nila sa encounter site bago nagsipagtakbuhan!"
"Buti ka pa nakakuha ng pistol. So far, tsinelas lang ata nakuha namin!"
Kakalungkot nga naman kung tsinelas lang at patak ng dugo. Gusto kong makita talaga noon ang bangkay ni Robot at pati yong kanyang ipinagmamalaking Ultimax Automatic Rifle habang naghahamon sa katapangan ng mga sundalo.
Sa amin sa Rangers, ang basehan ng 'combat score' ay bodycount at firearms recovery at pati mga na-overran na encampment. Sa paningin ko, zero kami sa araw na iyon. Na-motivate ako na pag-igihan ang search operations sa periphery ng encounter site.
"Gentlemen, isang team ang mag-overwatch habang mag-search kami sa encounter site. Malay natin may naiwang mga armas dito sa paligid," bilin ko sa tropa.
Nang maka-pwesto na ang aming security elements, pinag-line formation ko ang tropa para maghagilap sa eastern part ng aming rally point.
Ginagawa namin ito para makita ang mga bagay na makatulong sa pag-analisa sa aming kalaban. Lahat ng kagamitan, traces at mga indications ay aming inaaral. Ganon kami mangalap ng tactical intelligence.
Nasa immediate scene na kami ng encounter site nang mapansin namin ang mosquito net sa ilalim ng mga cogon. Nabigla ako sa aking nakita.
"Ay sanamagan, dito sila natutulog sa ilalim ng kogonan! Me banig at kumot pa ang mga animal!"
Magaling ang sistemang ginawa ng mga bandido. Hindi nila sinira ang hitsura ng mga damo at kagaya ng baboy damo, gumagawa sila ng espasyo sa ilalim ng sukal at doon nila ipinuwesto ang banig at mosquito net. Sa malayo, wala kang makikitang tao.
Naalala ko ang iilan sa aming taktika sa Scout Rangers. Use natural camouflage. Stay in a place where you are least expected.
Humigit kumulang sa anim na tulugan ang aming nakita. Tig 3-5 metro ang layo nila sa isa't-isa. Sapat lang iyon para magbulungan at magkarinigan. Pagapang lang sila kung lumipat ng posisyon palapit sa kanilang kasama.
Sa estimate ko sa sitwasyon, nagkataon na tumayo yong isa o dalawa sa kanila para may gagawin at kaya naman nagkasalubungan sila ng aking mga tropa na papalabas naman mula sa sukalan. Meeting engagement ang nangyari. Kung mahina sa quick fire ang Lead Scout, hindi nya basta-basta matamaan ang moving target at lalo na kung bumabaril din ito.
Inireport ko ang aking findings sa aming TCP. Nagbigay din ako ng update sa aking planong maglipat ng patrol base kinagabihan. Alam kong buking na yong dati naming pwesto. Nakita ko sa mapa ang lugar na may pangalang kakaiba: Buhangin Puti. Sa biglaang tingin, white beach siguro yon. Sa mapa, naka-indicate na merong iilang bahay sa lugar na iyon. Dapat malapitan ko ang lugar at nang aming mahalughog kinabukasan.
Nang-makalink up na uli kami sa aming patrol base security elements bandang 5:30pm, pinaghanda ko sila para sa paglipat ng area na matulugan.
"Recon by force na tayo at occupy tayo ng alternate patrol base 300m-400m west of our present position."
Bago ang movement, dali-dali naming lamunin ang aming baong Skyflakes na isinasawsaw sa Milkmaid na gatas. Tig-tatlong grid square lang, ayos na kami. Ok lang kasi kahit light meal basta gabi. Mas ayos ring dry ration ang kainin dahil hindi na kailangang gumamit ng portable stove na kailangan kung magpasyang magkanin. Tinatawag namin iyong 'light discipline'. Para sa mga balasubas sa combat patrols, tila nag-aapoy pa ang kanilang tropa. Taboo sa amin yon.
Lumubog nang tuluyan ang araw nang kami ay nagsimulang lumakad papunta sa bagong patrol base. Madilim sa aming area dahil masukal pa ang lugar. Pinagamit ko ng Night Vision Googles ang aming lead elements para mas kampante. Dahil sa sobrang ingat sa paglalakad, umabot ding halos isang oras ang paglalakad namin sa kasukalan bago ako nakapili ng aming pagtulugan.
Nasa gilid kami ng dagat at overlooking ang dalampasigan mula sa aming posisyon. Merong mga puno na mapagtaguan sakaling magkabarilan sa gabi. Ginawa kong round formation ang aming security perimeter at pinag-designate ko ang Platoon Sergeant ng kanya-kanyang sector of fire ang bawat Team. Meron na rin kaming designated rally point sa aming pinanggalingang route sakaling mapabakbak kami at magkawatak-watak sa dilim.
Samantala, bawat team ay may naka-on duty at nagpapalitan hanggang umaga. Ang principle namin ay "I watch your back, please watch my back!" Galit kami sa patulog-tulog na tropa kasi iyon ang magpapahamak sa lahat.
Nang naka-settle na ang aking patrol, ibinigay ko sa Tactical Command Post ang aming location. Kinuha ko rin ang mga bagong posisyon ng mga friendly forces para ma-markahan ko ito sa aking mapa. Halos tig-kalahating kilometro lang kami sa isa't-isa. Supporting distance lang.
Tila pagod na pagod ako sa gabi na iyon. Basa ng pawis ang aking upper uniform dahil sa kalalakad. Ang ginagawa ko, pinapalitan ko ng tuyong sweatshirt ang upper uniform para hindi ako matuyuan ng pawis. Mahirap na, nakaiwas nga ako sa bala, patay naman ako sa pulmonia!
Di naglaon, ramdam ko uli ang gutom kaya lang nahihiya naman akong humingi ng hirit na Skyflakes kasi magsunuran din yong iba. Kasya-kasya lang din kasi baon namin at naka-compute na sa number of days na patrol namin. Naalala ko na meron akong sariling dalang White Rabbit sa aking combat pack. Actually, lahat ng tropa ay may issue na kendi at bahala na sila kung paano ito tipirin sa pag-consume araw-araw. Pwede na rin kasing pampawi ng gutom yon. Dahil alam kong maglikha ito ng 'kaguluhan', kailangan lang super-tactical ang pagbukas nito. Parang musang ang tirada, dahan-dahan kong inabot ang aking lagayan ng kendi at nagbukas ng isa.
"Kssst.Kssst" Animal, tumutunog talaga ang balot ng White Rabbit. Nagdasal ako na harinaway walang nakarinig.
Di naglaon, may bumubulong na sa dilim at lumalapit sa aking pwesto: "Gent, pengeng kendi!"
Nang makalapit ang tropa, hinawakan ko ang kwelyo at inilapit sa akin ang kanyang tenga para bulungan na tila pasigaw.
"Hoy boloy, ang Abu Sayyaf ang bantayan mo at wag ang kendi ko!"
"Awwwww, si C.O. diay! Sorry ser!" Bisdak ang loko.
"Ayan, ang lakas pa ng bulong mo. Eto kendi mo, manahimik ka na at wag patulog-tulog!"
Napatawa na lang akong nakasandal sa aking combat pack habang nagmumuni-muni. Di ako agad makatulog sa dami ng niknik na nag-tsikini sa aking leeg at sa puno ng tenga. Bawal man ang maglagay ng Off lotion, pinahiran ko na. Baka ma-loss blood ako sa mga parasite na iyon eh. Lalo akong naiinis na naman kay Robot dahil sila ang dahilan na ang aking Pancit Molo ay naging Pancit Jolo. Ganon pa man, trabaho lang talaga. Animal kayong mga Abu Sayyaf kayo. Makalmot rin namin kayo!
(Ipagpatuloy)
ang ganda talaga ng mga detalye ng mga kwento mo sir. na iimagaine ko na ring parang nandun ako sa kwento. ayo ayo kanunay sir. usa ako sa kananuy nagpaabot sa imong mga storya.
ReplyDeleteGood read sir!
ReplyDelete