September 27, 2000-
Halos dalawang linggo na noon sa aming combat deployment sa islang lalawigan ng Sulu. Nakatala ang aking yunit ng isang engkwentro at milya-milyang patrolling missions sa iba't-ibang bahagi ng makasaysayang isla.
Noong bandang alas diyes ng umaga ng September 27, nakatanggap kami ng isang radio message mula sa 104th Brigade para lumipat kami sa Indanan-Talipao area na kung saan ay namataan diumano ang mga Abu Sayyaf faction na pinamunuan nina Galib Andang at Mujib Susukan.
Ganon talaga kasi ang deployment ng SOCOM. Ang yunit namin ay mataguriang quick reaction force (QRF) ng Philippine Army na kung saan ay sa mabilisang pamamaraan ay mai-deploy namin ang aming yunit sa bagong AO with short notice. Iyon ang dahilan kung bakit ang aming tirahan ay ang aming combat pack na naglalaman ng aming poncho, supplies at mission-essential equipment.
As usual, ipinatawag ko ang aking NCOs para sa short mission briefing:
"Prepare for entrucking at 2:00pm. Destination is Bgy Pantao in Indanan. Sighted daw ang grupo ni Commander Robot numbering about 50. Two meals ang i-pack up."
Si Commander Nandi
Isa sa inaalala ko noong araw na iyon ay nang malaman ko na ang assembly area naming lahat ay sa Barangay Pantao na balwarte ng armadong grupo ni Commander Nandi na dati ay umanib sa hanay ng Abu Sayyaf.
Nagtanong-tanong ako sa mga taga Bgy Adjied na kung saan kami nag-consolidate sa araw na yon.
"Sya ang lider ng mga armado dyan sir. Nag-away sila ni Mujib sa hatian sa pera kaya bumaligtad sya at inambus nya ang grupo nina Mujib na dumaan sa kanilang barangay papuntang Jolo," sabi ng isang Tausug na nakakilala sa kanya.
"Sa atin na iyan si Nandi. Tumutulong na sya sa atin at naipakita nyang kakampi na natin sya," sabi naman ng isang Intel Officer na aking napagtanungan.
Pula-puti. Ganon lang kadali mag-switch ng loyalties sa Sulu. Ang kabarilan mo kahapon ay maaaring kakampi mo sa susunod na araw. Hindi rin kasi pwedeng kalabanin mo ang lahat nang sabay-sabay.
Ganon pa man, pinaalalahanan ko ang tropa na huwag magkumpyansa. Huwag ibigay nang 100% ang tiwala lalo na at first time ko rin namang makasalamuha ang taong yon. Di ako nagtitiwala sa 'loyalty' nya ayon sa sabi-sabi ng ibang opisyal. Minabuti kong paalalahanan ang tropa na 'locked and loaded' lagi at kailangang security conscious kung ayaw nilang umuwi na 'tuwid ang paa' sa loob ng kabaong.
Malapit lang ang Barangay Pantao mula sa aming pinanggalingan. Both sides ng M35 truck ay may nakausling dulo ng baril habang nilalawig namin ang sementadong kalsada papunta sa lugar. Kahit na meron kaming armored personnel carrier na escort sa harap at likod ng convoy, very vulnerable pa rin kami sa ambush. Iba na rin kapag makapagdeliver agad ng suppressive fires sa unang bugso ng ambush, nang magkaroon ng pagkakataon para sa pag maniobra ng less engaged elements. Ganon ang parte sa ginagawa sa counter-vehicular ambush na kung tawagin namin ay TTPs (techniques, tactics and procedures).
Pagdating namin sa naturang barangay dakong alas tres ng hapon, kumakaway na mga armado ang sumasalubong sa amin. Humigit kumulang sa sampu ang humarap sa amin para i-welcome kami sa kanilang lugar. Isa doon si Commander Nandi.
Isa-isa nya kaming niyakap at kinamayan. Naka-muzzle down ang baril ng mga opisyal ngunit ang mga tropa ko ay sumunod sa usapan na maging alerto. Naka-low ready carry sila. Naturuan ko sila ng quick firing techniques na ginagamit sa close quarter combat kaya kampante ako.
Nang sa akin na nakaharap si Commander Nandi, tinitigan nya ang aking 'pis-pis' (anting-anting ng mga Muslim) at ang aking barong.
"Salam sel! Tausug kaw sel?" (Peace be with you sir. Tausug ka ba?)
"Bukun, taymanghud." (No, brother) Sagot ko sa salita nya.
"Pero, magkapatid tayo lahat at tingnan mo magkakulay ang balat natin," dagdag ko sabay pakita sa aking kutis na walang pinagkaiba sa kanila.
"Iisa lang ang pinanggalingan natin, ang sampung Datu na galing sa Borneo".
"Iisa lang ang pinanggalingan natin, ang sampung Datu na galing sa Borneo".
Nang binigyan na kaming lahat ng kanya-kanyang sector, pinili ko ang southern part na kaharap ng Barangay Samak at Bandang, ang balwarte nina Mujib Susukan at Galib Andang (Commander Robot). Nasa silangang bahagi naman ito ng Bud Pantao (Pantao Hill) na syang commanding terrain sa lugar na iyon.
Binalak kong ipa-recon ang lugar na iyon. Sa pakiramdam ko kasi parang kawawain kami kung atakehin kami at ang andon ay mga kalaban. Kinausap ko ang tauhan ni Nandi na sumama sa aking sector.
"Sel, wag kayong mag-alala. Ang kubo na nasa tuktok ay tao natin ang nakabantay. Meron kaming 'masinggan' (Machinegun) dyan," sabi nya.
Okey talaga mga tao sa Sulu. Survivalist lahat. Simula nang inambus nina Commander Nandi ang tropa ni Susukan, tinaniman na rin sila ng kawayan ng mga ito. Ang ibig sabihin, dugo at buhay ang kapalit. Kahit sino sa barangay Pantao ay posibleng target sa retaliatory attacks. Ganon ang nangyayari sa rido (feudal war) na kung saan sila-sila ang nagpapatayan. Iyon ang dahilan kung bakit ang kanilang barangay ay tila isang military camp. Merong running trenches at defensive positions sa paligid.
Nagpasya na lang ako na mag-recon patrol hanggang sa barangay Samak na kung saan ay naging abandonado na simula nang malaman ng mga residente na lulusubin na ang buong Jolo ng libo-libong sundalo noong September 16.
Ipinahamak ang Samak
Batid naming mga opisyal ng Light Reaction Battalion na hindi lahat ng mga tao sa Sulu ay masasama. Ang naging problema ng mamamayan dito ay ang mga tigasing miyembro ng bandidong Abus Sayyaf na naninirahan at naghahari-harian dito sa lugar. Isa dito ay si Mujib Susukan, ang anak ng isang MNLF commander noong 1970s na si Commander Susukan.
Kaya naman ay dinala ko ang kalahating platoon na sundalo para mag-patrol doon sa lugar, nang alamin ang hitsura ng lugar.
Pagkatapos kong mag-coordinate sa mga tropa na naka-base sa Bayog Hill, pinuntahan ko ang lugar na hindi naman kalayuan mula sa Barangay Pantao.
Ang Samak ay isa sa mga barangay na sakop ng bayan ng Talipao. Pagsasaka ang hanap-buhay ng mga mamamayan dito. Napakataba rin ng lupain dito at naglipana ang mga punong kahoy, niyog, saging at iba pang mga halaman.
Sa gilid ng kalsada ay merong mga bahayan at napansin ko ang iilan dito ay tila may kakayahan sa buhay. Merong pinturadong bahay at maayos ang pagkagawa. Karamihan sa mga bahay ay ang tradisyonal na Tausug house na gawa sa kawayan at light materials.
Napansin ko lang na maraming nakatimbuwang na lupain dito. Maaaring sanhi ito ng katamaran o kaya ay talagang kulang lang sa kaalaman sa mas maayos na teknika sa pagsasaka na ginagawa sa Visayas at Luzon.
Sa ilalim ng niyugan ay nagtatanim naman sila ng kamoteng kahoy (cassava) na isa sa staple food ng mga Tausug. Mas madali kasi itong alagaan at tipong baboy-ramo lang ang kalaban nito.
Wala ni anino ng tao na natira sa lugar. Ang mga miyembro ng Abu Sayyaf ay siguradong nasa gubat, samantala, ang ibang mga residente ay nasa mga kaanak nila sa downtown Jolo at sa iilang lugar sa Indanan para makaiwas ng kaguluhan. Sila ay naging 'bakwet' (evacuees) dahil sa takot na madamay sa mga engkwentro.
Pagkatapos ng higit-kumulang na isang oras na pagmamanman sa paligid, bumalik na kami sa Pantao para maghanda sa patrolling mission sa susunod na araw.
Ang aking 'kapatid'
Ewan ko anong nakain nitong si Commander Nandi dahil ako naman ang napili nitong dikit-dikitan at bolahin habang naghahanda kami ng hapunan.
Kung anu-ano ang dinala nitong pagkain para sa amin sa aking pwesto. Merong 'kamanting' (cassava), duryan at pati baw-lu (maliliit na rice cake).
"Sel, itinuturing kitang kapatid. Mas maluwag ang kalooban ko sa iyo," sabi pa nya.
Pilit kong arukin sa pamamagitan ng pagtingin sa kanyang mga mata kung seryoso ba ang pinagsasabi o kaya ay tila orasyon ang dayalogo. Paano naman kasi, naka-sling lagi ang kanyang M16 rifle habang kausap ako. Kaya naman, di kalayuan sa amin, nakabantay lang ang aking mga tauhan at nang hindi kami ma-'check mate'.
Pinagbigyan ko syang makabolahan. Tinanong ko sya bakit siya sumali sa Abu Sayyaf. Nagpakwento ako kung sino ang itinuturing nilang 'kaaway'.
Marami akong natutunan sa mga kwento nya. Nalaman ko paano ang sistema ng kanilang pag-aasawa, ang kanilang mga paniniwala sa relihiyon, folk beliefs at maging ang alam niya sa kasaysayan ng Sulu.
Meron din syang kwentong tipong boladas lang kagaya ng motibo nya kung bakit pumanig sya sa grupo ni Susukan, at pati ang mga kwento nya sa larangan ng panliligaw ng 'malingkat na budjang' (beautiful lady) na kung saan ay sinabi nyang mas mabuti raw na makapag-asawa sa barangay Bandang dahil ang babae lang daw nagtatrabaho at ang lalaki ay ang naghihimas lang ng baril.
Nalaman ko na gaya ng ibang mga komunidad doon, kailangan nilang mag-armas upang protektahan ang kanilang pamilya at hanap-buhay mula sa mga karibal na grupo. Kung wala ka nga namang armas, aapihin ka at tipong iba ang mag-harvest ng iyong kopra. Kung noong unang panahon ay mga itak at sibat ang gamit nila, ngayon ay matataas na kalibre ng baril. Nasa kanilang mga kamay ang hustisya. Sila na rin ang nagsisilbing 'pulis' sa kanilang barangay. Sila na rin ang military force para depensahan ang kanilang barangay. Kung me income opportunities kagaya ng pang-kidnap ng mga karatig barangay, minsan nakikisawsaw sila para makakuha ng parte sa ransom. Mantakin mo naman eh napabalitang tig $1.0 Million ang ransom na ibinigay ni Muammar Qaddafi para sa bawat isang hostages na galing sa Sipadan. Quick math: Sobra 20 Million dollars yon! Big time di ba? Iyon ang dahilan kung bakit umabot diumano sa 5,000 ang bilang ng miyembro nila noong August 2000, dahil marami ang nagpapalista.
Napahaba ang aming kwentuhan at umabot kaming sobra dalawang oras na nagbobolahan habang nilalasap namin ang sinabawang sardinas na may halong gabi at binudburan ng maraming sili.
Bago umalis, nakita kong hinugot nya ang isang magazine mula sa kanyang dalang backpack.
"Sel, bilang tanda ng aking pagkilala sa iyo bilang kapatid, baunin mo itong 'banana type' magazine ng M16 bilang alaala mo sa akin."
"Uy, magsukul!" (Thank you!). Nagustuhan ko ang improvised magazine nya dahil tila gamit ng mga mujahideen sa Afghanistan.
"Sel, tatlong long magazine ang ginamit ko pag-gawa dyan. Pero, dapat 50 rounds lang ilagay mo kasi ayaw umakyat ang bala dahil hindi kaya ng spring," bilin pa nya.
Ayon na nga po. Nauna ang porma. Pero, kakaiba at mayabang tingnan kaya kinuha ko. Di nga lang ito pwede gamitin sa aking AUG Steyr na merong plastic magazine na hindi compatible sa M16 rifle.
Nang makaalis na si Commander Nandi para bumalik sa kanyang bahay, kinausap ko ang mga Team Leaders.
"Gentlemen, adjust tayo ng patrol base ngayong gabi. Lipat tayo sa ilalim ng sukalan. Ibigay nyo lang ang sketch at grid coordinate ng bagong pwesto sa ating mga katabing units."
Ayaw naming magpaisa sa kahit sino. Hirap na.
Nakahanap ako ng perfect na pwesto. Merong malaking puno na mapagtaguan kapag magkaputukan. Malay mo hindi gumana si anting-anting.
Bago kami nanahimik, ibinigay ko ang grid locations ng target reference points (TRP) para sa 105mm Howitzer at pati sa 81mm na mortar na dala ng 32nd SF Company.
Kung merong matapang na aatake, nasa harap ng posisyon ko ang priority targets para sa indirect fires. Maligo ng shrapnel ang magtangkang kami ay kalabanin.
(Ipagpatuloy)
No comments:
Post a Comment