Ang isa sa taunang aktibidad na nilalahukan ng mga miyembro ng Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated (PMAAAI) ay ang Cavalier's Family Sportsfest na kung saan ay nagkikita-kita ang mga graduates ng PMA kasama ang kanilang pamilya para sa isang araw na bonding activity.
Panay fun games naman ang mararanasan sa palarong ito ngunit lahat na mga graduates (kilala rin sa tawag na Cavaliers) ay excited na makasama at makilahok dito. Dahil dito, fun ang unang pakay, at next na yong mananalo!
Nang ginanap ang sportsfest kahapon (December 8, 2013), nagkaroon ako ng pagkakataon na sumali dahil ang aking assignment ay sa Camp Aguinaldo lamang.
Marami ang 'come-ons' bakit sumasali kami rito at kasama na dyan ang pag-alala sa mga karaniwang karanasan na nadaanan namin nang kami ay kadete pa sa PMA. Ang mga tradisyon na ito ay nagpapaigting sa mabuting samahan ng mga Cavaliers na nasa iba't-ibang sektor ng lipunan, lalo na yong nasa aktibong serbisyo.
Ang Cadet Corps Armed Forces of the Philippines ay binubuo ng walong kumpanya na tinatawag ayon sa alphabetic designation nito: Alpha, Bravo, Charlie, Delta, Echo, Foxtrot, Golf at ang Hawk Company.
Meron ding kanya-kanyang palayaw ang mga companies ng Corps: Alpha Indians, Bravo Bulls, Charlie Wildcats, Delta Bull Dogs, Echo Eagles, Foxtrot 'Cools', Golf Gallants at Hawk Hunters.
Isa rin sa matinding itinuturo sa amin ang sense of loyalty at integrity na ipinapahayag sa simpleng pakikipaglaban para maging 'Best Company' ang aming kumpanya. Basta merong magtanong alin ang pinaka-best company, syempre Hawk Company iyon! (Kung kaming taga Hawk ang tanungin)
Noong kadete pa kami, merong regular na mga patimpalak (Best-best competition) na talagang pinag-aagawan ng mga kumpanya na masungkit. Merong tinatawag na Superintendent's Cup, Commandant's Cup, Jurado Cup, at pati Close Order Drill Best Company streamer.
Kung sino ang nakakasungkit ng award, syempre sila ang may bragging rights at nagki-claim bilang 'Best Company'.
Dahil din dito, kanya-kanyang pagalingan ang mga companies in terms of academic performance, sa disiplina (conduct), sa pagalingan sa larangan ng sports at maging sa pagparada.
Fun Games
Sa disenyo ng fun games, maraming nakikitang mga elemento ng tradisyon at pagsasanay na dinaanan namin sa PMA.
Pinagsama-sama ang mga graduates ayon sa Company na kung saan sila nag-graduate. Bilang miyembro ng Hawk Company sa loob ng apat na taon na ako ay nag-aral sa PMA, syempre doon ako kasali sa tinaguriang 'Hunters'.
Halo-halo na ang mga PMA classes doon at ang pinaka-senior ay ang CRSAFP Commander na si Brigadier General Rolando Jungco na syang nahirang bilang Team Captain o Company Commander.
Kagaya rin ng mga palaro, ni-require din kaming magkaroon ng Muse dahil kasama ito sa patimpalak na kung tawagin ay Best Company Muse. Kung hindi lang pumayag ang magandang anak ni General Jungco, siguro magiging lalaki na ang aming 'muse'.
Samo't-sari ang mga fun games na umabot sa pitong events. Karamihan ay relay at paunahan sa pagsagawa ng 'task'.
Minsan masalimuot ang rules pero pinapagana na lang ang imagination paano 'makalamang'. Wala namang samaan ng loob kasi ang habol ng lahat ay ang katuwaan na makasama sa laro.
Simple lang ngunit maraming takbuhan ang aming fun games. Hindi namin isinantabi ang paghahanda sa aming sarili sa pamamagitan ng tamang stretching exercises.
Ini-estima namin ang mga katunggaling Companies. Lamang kapag sino ang may maraming miyembro na physically fit pa lalo ang mga upperclassmen. Kaya mga Sir, mag-exercise din pag may time!
Napapalaban ako sa takbuhan at pag-perform ng 'mase-mase' (mga ehersisyo na parte sa Army calisthenics na ginagawang form of punishments sa mga gumagawa ng kabulastugan sa PMA). Naalala ko tuloy pagka-plebo na pinaparusahan ng aking Squad Leader pag hindi makapag-memorize ng Guard Details.
Dito naman ay pagalingan sa Company Call gamit ang tunog ng hayop o kaya ay ibon. Syempre, Hawk kami. Ano pa ba? Uwaaaaaaaaaaaak! Uwaaaaaaak!
Sa larong 'Fix your bunks', paunahan naman sa pag-ayos ng higaan. Sa PMA, ang mga kadete ay tinuturuan ng highest standards ng disiplina at kasama doon ang tamang pag-fix ng bunks. Dapat ay walang gusot, merong 45 degrees na tupi, tama ang sukat ng pagtupi at dapat hindi baligtad ang marka ng PMA. Nagkakaintindihan lahat ng graduates kung paano ito ginagawa dahil parehas ang standards na ipinasa from one generation to another. Oopps, don't forget to fold the towel!
Ni-review namin ang pamamaraan paano ayusin ang bunks sa pinakamabilis na panahon. Pinapagana rin dito ang Bayanihan.
Dahil kasama kami sa top performers sa pag-ayos ng bunks, proud kaming nagpakuha ng larawan sa aming bunks.
Dressing formation naman ang tawag sa pabilisan ng pagbihis para mahabol ang maikling panahon na ibinigay. Kasama ito sa training ng mga bagong recruits na kung saan ay bilang plebo, paunahan kaming magpalit ng uniporme at ang mga pahuli-huli ay may parusang 'mase-mase'. Ikaw, kaya mo bang magbihis ng uniporme sa loob ng isang minuto? At, magpalit-palit ng iba-ibang uniporme na binibilangan ng '10 counts'?
Ngayon, wag na kayong magtaka bakit ang mga sundalo ay mabilis kumain at mabilis ring magbihis!
Sa bath robe race, tatlong robes ang isuot at mag-trot papunta sa palikuran. Modification ito sa parusang 'Wear 100 bath robes!" kapag nahuhuli ng mga upperclass ang plebo na improper uniform sa toilet. Don't forget to greet the upperclassman at mag-side step ha?
Kakaiba naman itong isang race na sinalihan ko dahil meron pang selfie pic sa Sundial bago tumakbo at magsampay ng mga nilabhang uniporme. Well, nakikisabay sa panahon ng Smartphones. Selfie-selfie rin kami pag may time!
Ganito magkandarapang magsampay ng labada kung tipong naghahabol ng 'Attention Call' para sa isang formation. Ang pa-lampa-lampa ay magtu-touring din pag may time.
Ika nga, "We did our best but it wasn't good enough!". Nang sinilip namin ang official scores, tinalo kami ng mga Bull Dogs by 2pts para maagaw ang korona bilang Best Company sa Cavalier's Family Sports Fest!
Nagbunyi pa rin kami dahil naipakita ng Hawk Company na kami pa rin ay 'Mabangis' at laging handa na ipakita ang competitiveness maging sa fun games o sa aming serbisyo sa Armed Forces of the Philippines.
Kayong mga Delta Bull Dogs, abangan ang aming sweet revenge sa 2014!
(Photos by Cpl Marlon San Esteban and SSg Henry Noynay)
thanks for the inspiring stories! A snappy salute for you sir at sa mga kawal Pinoy. ~desertknightfm
ReplyDelete