Sunday, December 09, 2012

Pursuing excellence as an infantry company leader


Ang pamumuno ng isang Infantry Company ay isa sa pinaka-challenging job na dapat masubukan ng lahat ng mga Infantry Officers. Dito unang hinuhubog at sinusubukan ang leadership skills ng isang  Army leader. Ako ay naitalaga bilang Company Commander pagkatapos ng 5 taon kong nanilbihan as Platoon Leader/Executive Officer sa iba't-ibang yunit. (10SRC photo)

Part I

Every time I am assigned to a certain unit, I want to make it one of best, if not the best unit of them all.

I don't allow myself to be staying in a certain  unit without doing something to improve its performance. I always seek for self-improvement and pursue excellence in every endeavor.

 Parang nahihiya rin ako na mataguriang 'low bat' ang aking yunit o opisina habang ako ang namumuno nito.

Maliban pa dyan, nasanay na kasi ako na parating adjudged  bilang best unit and aking napupuntahan sa First Scout Ranger Regiment, simula nang ako ay nag-report as Platoon Leader ng 7th Scout Ranger Company na naging Best Company for Administration noong taong 1996 sa pamumuno ni 1st Lt Jason Aquino.

Maswerte rin ako na makasama ang magagaling na lider kagaya ng aking Company Commander sa 12th Scout Ranger Company na si 1st Lt Elmer Suderio na pinangunahan ang yunit para tanghaling Best Company for Operations sa Basilan noong 1998.

Sa aking karanasan sa iba't-ibang mga yunit , napatunayan ko na "There are no bad units, only bad leaders."

Kahit gaano kagaling ang mga tauhan, kung mahina ang mga pinuno na naitalaga, walang mangyayari.

Kung saan ang direksyon ng ulo, andon din ang buntot.Kasunod nito, kung mababa ang level ng standard of performance ng leader, mababa rin ang i-deliver ng mga tauhan.


Leading the 10th Scout Ranger Company

Nang ako ay maitalaga bilang pinuno ng 10th Scout Ranger Company noong ika-6 ng Marso 2000, malaki ang aking challenges na kinakaharap.

Ang yunit na iyon ay bagong pulled out mula sa Basilan para sa retraining. Nagkaroon ito ng mapait na karanasan sa isang madugong bakbakan sa Tipo-tipo, sa lugar na ngayon ay kilala bilang Al-Barka, na kung saan ay namatayan ng miyembro at sugatan ang mga opisyal nito.

In general, hindi mataas ang level ng confidence ng mga tauhan, at sa aking assessment ay kulang pa ito sa unit integrity.

Para mapataas ko ang kanilang sense of pride, isinakatuparan ko ang aking plano ng pamumuno. Inuna ko ang mga bagay na napakadaling baguhin: ang hitsura at ugali ng sundalo.

The first order for the day

Bago ang aktwal na turn-over ceremony, ang pinakauna kong kinausap ay ang aking First Sergeant na si TSg Noel Jerios, tubong Iligan at matagal nanilbihan sa lalawigan ng Negros at sa Panay island.

"First, gusto kong coordinated tayo sa lahat ng pamamalakad sa kumpanya. Simulan natin sa ating hitsura at pananamit."

"Gusto ko na lahat tayo sa kumpanya at gupit karespeto-respetong sundalo at matikas magdala ng uniporme bilang pagpakita ng magandang disiplina."

Mabait at mapang-unawa ang aking First Sergeant. Kinagabihan, kanya-kanya na kaming pagupit para ipakita sa mga tauhan sa formation kinaumagahan.

Tinitigan ng lahat ang crew cut at panot na ulo namin ni First. Nanibago sila dahil 'mahahaba' ang buhok ng karamihan sa kanila.

"Gentlemen, good morning! Nakita nyo ba ang matikas na gupit namin ni First Sergeant?"

"Ganyan ang gupit disiplinado. Ganyan ang hitsura ng warrior sa aking standard at hindi yang pa-cute na mahahaba na buhok na ginagawa ng ilan sa mga kasamahan natin sa field."

Napapangiti ang karamihan sa mga tropa ko at nagtitinginan sila, na tila nanibago sa aking istilo ng leadership.
"Sino sa inyo ang ayaw magpagupit?" Nakakabingi ang katahimikan ngunit  nasundan ng paisa-isang "Wala po sir. Magpagupit na po kami sir".

"Gusto ko, sa mga NCOS ay 'three fingers' ang dinaanan ng labaha.Sa mga bagong saltang Privates ay gupit Candidate Soldier, yung isang dakot ng kamay ang matirang buhok sa tuktok ng ulo, at ito ay manatili hanggang ma-promote ng Private First Class, . Bukas ng alas-otso, lahat ay dapat nakapagupit na."

Nang sumunod na formation the next day, naglipana ang kalbo sa aking kumpanya. Noong una, tinatawanan nila ang sarili nila.



"Do as I do. Follow me!"
 
Sa isang pagtitipon ng mga NCOs, ipinaliwanag ko sa kanila ang kahalagahan ng 'leading by good example' at hindi yong 'leading by popularity'.

Naiinis kasi ako sa mga officers at mga NCOs na dinadaan sa pasikat ang pagdadala ng tao. Lahat na lang ng privileges at leeway ay ibinibigay para 'sikat' sa tao, ngunit nasasakripisyo ang disiplina.

Ang pasikat na leader ay tila tumatakbo sa elective post na kailangan i-satisfy ang lahat na tauhan. Kalimitan, ang mga ganitong opisyal ay tamad at kuntento sa routine lang na bagay-bagay, o kaya ayaw lang talagang mag-initiative na makagawa ng mas nakabubuting bagay para sa yunit at sa mga mamayang pinagsisilbihan.

Sa akin, nagbibigay lamang ako ng karapat-dapat na pribilehiyo na may kaakibat na responsibilidad. Ipinapaintindi ko sa kanila na sa military service ay may mga pagkakataon na 'mission first' at kailangan ng self-sacrifice.Ang para sa kanila ay ibinibigay at dapat ang para sa bayan ay kanila ring dapat gampanan.

Sa Scout Ranger Regiment, kapag panay SR qualified ang hawak mong tauhan, understandable na 'mayayabang' (confident) ang  karamihan sa mga sundalo at tinitingnan nila kung merong 'K' (karapatan) ang opisyal na namumuno sa kanila.

Kalimitan, ang 'K' ay idinadaan sa dami ng gyerang nadaanan at maraming napatay na kalaban, pati paramihan ng nakumpiskang armas.

Dahil pare-parehas din naman kaming lahat na 'beterano' sa mga bakbakan sa Mindanao sinisigurado ko sa aking sarili na makuha ang respeto  ng aking mga tauhan sa pamamagitan ng kredibilidad.

May kredibilidad ang isang lider kung ginagawa nya ang kanyang sinasabi at maipakita nya na sya ay proficient tactically and technically.

Maipapakita rin ng isang opisyal ang kredibilidad kung hindi makitaan ng kabulastugan ang lider kagaya ng pangungupit ng pera (kurapsyon), palayas-layas, pasugal-sugal (lalo na yong napakarami naman ng utang), babaero (lalo na yung ipinagyayabang pa sa mga tauhan) at lasenggero (lalo na yong matatapang lamang sa inuman).

 Kapag nangunguna ang isang lider sa mga aktibidad ng yunit, walang karapatan na magreklamo ang mga tauhan. Mas motivated sila dahil ang lider ang kanilang inspirasyon para kumilos at abutin ang standards na pinapaabot ng pinuno. (MTU Photo)


Company Policies

Bago pa man ako umupo bilang Company Commander, nakasulat na ang draft ng aking unit policies.Gamit bilang basehan ang mga direktiba mula sa higher headquarters, gumagawa ang mga unit leaders ng specific unit policies na pwede sa kanyang sariling unit.

Ang pinaka-purpose ko nito ay maipahayag ko sa kanila paano ko sila i-lead at ano ang gusto kong maabot para sa yunit sa loob ng dalawang taon.

Ang ginawa ko ay kopyahin ang mga best practices na nakikita mula sa iba't-ibang yunit lalo na yong mga napagdaanang mga SR Company. Nagpapatupad  lamang ako ng mga polisiya na akma sa aking yunit.

Ang halimbawa sa aking mga ginawang sistema ng pamamalakad yunit ay ang mga sumusunod:

1. Ang pondo ng yunit ay  hawak ng tatlong tao: Executive Officer, First Sergeant at Finance NCO. Sila ang mga co-signatories sa aming bank account. Si 1st Lt Marlo Jomalesa (EX-O), Tsg Noel Jerios (First Sergeant) at SSg Greg Manzolim (Finance NCO) ang mga pinagkakatiwalaan ko. Ako ang approving authority sa gastusin na umaabot ng P5,000.00. Ang libro ay pwedeng usisahin ng kahit sinong tropa.

2. Bawal ang sugal at pag-aalaga ng panabong. Shoot to kill ang mga Texas na manok sa akin. Kapalit nito, pinag-alaga ko sila ang manok at pato bilang kasama sa cooperative store ng yunit.

3. Bawal ang magdala ng kapamilya na tumira ng higit sa 7-days sa kumpanya. Ang sundalo ang pinapauwi ko sa kanilang tahanan at hindi pwede ang sibilyang kapamilya na binibitbit ng sundalo kahit saang lupalop ng aming assignment dahil distraction sila sa sundalo at nailalagay sila sa line of fire ng mga kalaban. Sa Basilan, ipinagtayo ko ng transient barracks para sa mga kapamilyang bibisita ng panandalian.

4. Tuloy-tuloy ang training activities. Ang aking mga NCOs na ipinapahinga sa combat operations ay obliged na mag-conduct ng team level training kagaya ng firearm maintenance, team movement techniques and formations, map reading/land navigation at tactical radio operations, at mission planning.

 Lahat ng misyon ay dapat i-plano ng lider dahil buhay ang nakataya. Sa larawan, makikita na ginagamit ng mga Team Leaders ng 10th SRC ang field-expedient terrain model para planuhin ang pagpasok sa kuta ng mga bandidong Abu Sayyaf. (10SRC photo)

Ang aking kumpanya ang palaging nangunguna sa training activities kagaya ng combat marksmanship training na nasa larawan. Pati mga unit maneuvers ay sinasamahan ng live fire drills para maging kampante ang lahat ng mga sundalo. Ang mga ibang infantry battalions at kasamahang SR companies ay ina-accommodate ko rin sa aking company training activities bilang tulong sa kanila. (10SRC photo)

Ang pagsasanay sa individual skills kagaya ng firearm maintenance procedures ay isinakatuparan sa level ng mga NCOs. Pinag-aral ko sa TRADOC ng specialization training ang iilan sa aking NCOs kagaya ni Cpl Gil Galsim (rightmost) upang maipamahagi ito sa lahat ng mga miyembro ng aking yunit.  (10SRC photo)

Ang SR movement formation and techniques ay laging hinahasa ng aking mga tauhan. Tuwing makababa kami sa kampo ay nire-review namin ito at palitan ng pwesto ang mga tao lalo na yong nasa linya ng 'succession of command' upang laging handa na dalhin ang smaller units (teams/sections) kapag ma-incapacitated ang Patrol Leader. Sa pamamagitan ng repetitive drills na ganito, mas kampante ang mga sundalo na sumabak sa gyera. Kuha ang larawan sa Camp Teodulfo Bautista, Busbus, Jolo Sulu noong taong 2000. (10SRC photo)




5. Dapat pairalin ang unit integrity. Bawal ang factionalism (Ilonggo Group, Cebuano group, Antingan group, Ilokano group), at kung merong mapatunayang nag-oorganisa o magpasimuno ay malilintikan.

6. Ayaw ko ng gula-gulanit at karag-karag na sasakyan. Dapat ito ay show window ng yunit. Pinapairal ko ang 'owner mentality' na kung saan ay tinatrato nilang personal nilang sasakyan ang aming organic vehicles. Kasalanan ng driver at ng Company Maintenance NCO kung hindi tumatakbo ang sasakyan.

7. Walang lulumutin sa posisyon at dapat walang 'feeling indispensable'. Lahat mag-operate sa bundok, palitan regardless of position in the unit. Pati Liaison NCOs sa Fort Bonifacio ay salitan para makaranas lahat sa mga paghihirap ng mandirigma sa gubat. Maging ang First Sergeant at ang kanyang deputy ay nakaranas umakyat sa bundok kasama ng tropa. Dapat may exposure sa patrolling missions at pati sa admin functions ang mga key NCOs.

8. Salitan ang sumalang sa career at specialization training. Sinusunod ang proposed program of schooling na inirekomenda ng mga NCOs.

9. Bawal ang mag-maoy sa inuman. Bawal uminom kapag wala namang rason  kagaya ng birthday o kaya selebrasyon, at bawal uminom kung may nakaambang combat operation o kaya ay incoming guard. Dapat merong NCO in charge sa inuman na syang maniguradong matiwasay at malinis ang kapaligiran pagkatapos ng kasayahan. Mas lalong bawal ang magbitbit ng baril sa inuman. Kapag may gulo o makalat ang makita kinaumagahan, kasamang maparusahan ang NCOIC.

10. Lahat ay kasama sa physical training activities. Bawal ang takipan o sinungaling sa personnel accounting. Opisyal o NCO ay dapat mangunguna sa mga ehersisyo. Ang C.O., EX-O at First Sergeant ay laging nasa unahan ng mga physical training activities kagaya ng roadruns at Army calisthenics. Di pwede ang nag-uutos ng mga bagay na hindi kayang gawin o hindi ginagawa.

11. Ang unit prayer ay ang Psalm 91 bago ang personal prayers tuwing sumalang sa combat patrols.

12. Implement Rewards and Punishment sa kumpanya. Kapag deserving ng promotion, i-recommend agad. Kung merong tigas-ulong rescidivist, Investigation Board naman ang kakaharapin at parusahan kung kailangan. Ang pagdisiplina sa mga tauhan ay dapat gampanan sa level ng mga sub-unit leaders at hindi isalang agad sa mga opisyal. Ang mga unit leaders ay responsible sa performance rating (EPEM) at leader's counselling ng mga tauhan.

13. Magtatag ng unit revolving fund na pwedeng hiramin ng tropa na lubos na nangangailangan. Ito ay merong napakaliit na por syento (2.5%).

14.  Walang iwanan sa gyera! Di bale nang mamatay, wag lang mapahiya. Wag hayaang mabalasubas ng kalaban ang kasamahang natutumba sa labanan.


Pagkatapos ng napakaraming bakbakan na naranasan ng aking yunit sa Basilan at Sulu, napatunayan namin ang kahalagahan ng 'Walang Iwanan'. Nakauwi lahat na buhay sa kanilang pamilya ang aking mga tauhan. Marami sa kanila ay umangat na sa pwesto at dalawa rito ay naging Company First Sergeant na sa mga kumpanya ngayon. (10SRC photo)


15.  Minomonitor ang kalagayan ng mga kapamilya ng sundalo. Inaalam kung inuuwian tuwing ma-release sa Rest and Recreation and family. Inaaksyunan ang mga problema na kayang aksyunan na pinapaabot sa pamamagitan ng unit cellphone o sa Liaison NCO. Pinapadalhan ko ng sulat ang mga kapamilya ng aking sundalo upang maipaabot sa kanila ang estado ng aming yunit at ang kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay.

16.  Lahat ng sub-unit leaders ay dapat gampanan ang tungkulin bilang leaders at hindi gawing palamuti ang rank insignia sa uniporme. Tanggalin sa pwesto ang mapatunayang mahina sa leadership. Dahil ang labanan ay tila larong basketball na kailangang maipanalo, ang mga players ay dapat magagaling at hindi saling pusa at kung sinu-sino na lamang.

(End of Part 1)

 *** Sa mga susunod na parte ng aking kwento, ihahayag ko ang pamamaraan upang makamit ang minimithi kong disiplina at kagalingan ng sarili kong yunit na itinanghal bilang Best Company sa First Scout Ranger Regiment.


Suki ang aking kumpanya na sabitan ng Best Company streamer tuwing anibersaryo ng First Scout Ranger Regiment. Naging Best Battalion din ang 1st Scout Ranger Battalion na kung saan kami ay na-OPCON (operational control) noong taong 2000-2002. (10SRC photo)

Nang ma-grandslam ng 10th Scout Ranger Company ang pagiging Best Scout Ranger Company sa loob ng dalawang magkasunod na taon, tumaas ang morale ng lahat ng tropa at sila ay naging ehemplo sa ibang yunit ng 1st Scout Ranger Battalion at sa buong First Scout Ranger Regiment. Si SSgt Rodel Bonifacio (seated, 3rd from right ay natanghal bilang Best EP of the year at isa sa The Outstanding Philippine Soldiers ng Metrobank Foundation. kagaya ng isa pa nyang kasamang si SSg Roselito Tayros)  (10SRC photo)

No comments:

Post a Comment