Tuesday, November 06, 2012

Ang 'travel light' techniques ng Scout Rangers





Ang First Scout Ranger Regiment ay ang unitna mataguriang Rapid Deployment Force ng Philippine Army.
 
Kapag may mga mabibigat na misyon na kailangan ng mga sundalong matatapang, highly-skilled sa jungle warfare at magaling sa pakikidigma, sila na agad ang tinatawag.

Maihalintulad ko ang unit na ito sa bombero na kung nasaan ang sunog andon sila.
 
Kung saan may pasaway na bandido at mga gumagawa ng karahasan laban sa mamamayan, present ang Scout Rangers. Andon kami pagkatapos ng Ipil Raid, Dos Palmas Kidnapping incident, Sipadan Kidnapping, Punoh Mohadji, yong 'All out War' sa Central Mindanao at marami pang iba.
 
Kung banggitin ko pa lahat, magsimula tayo noong 1950s campaign sa pag-alburoto ni Kamlon dahil mga Rangers din na dala ni Cpt Ernesto Mata ang kasama sa sumabak doon.
 
Sa Scout Rangers, kaya naming mag-move within 24-hour notice. Pag sinabing 'pack-up and ready to move tomorrow 5:00am', alam na namin ang aming gagawin.
 
Ganon din nangyari sa akin noong August 2000, grabe kain ko ng pancit Molo sa Iloilo City, napalitan ng pancit Jolo noong September 16, 2000 nang lusubin namin ang kuta ni Galib Andang a.k.a. Commander Robot sa Talipao, Sulu.
 
 
 
 
Ika nga history repeats itself nang nagmumuni-muni ako sa Jolo, Sulu noong June 1, 2001 at nandon na uli ako sa Basilan kinaumagahan dahil sa tawag ng tungkulin, pagkatapos na nagpasaway si Abu Sabaya doon sa Lamitan.

Pag nasa bundok, mabilis pa sa alas kwatro kung kami ay tawagin para mag-reinforce sa aming kasamahan.
 
Nang naglabo-labo ang labanan ng 10th SRC at Abu Sayyaf sa Lower Manggas, Lantawan, Basilan noong 1997, within 1 hr lang palang takbuhin ng 12th SRC na dala ni 2nd Lt Ronald Clemente ang paakyat na terrain papunta sa encounter site na humigit kumulang sa 5kms ang air distance.
 
Merong sikreto ang mga Rangers bakit nagagawa nila ito. 
 
Unang-una, sinasanay sila ng 'travel light' sa lahat ng panahon.
 
Ika nga, ang kanilang combat pack ang kanilang tahanan. Andon na ang higaan (poncho at jungle hammock), bihisan at mga personal na kagamitan (cellphone, pitaka, toothbrush, toothpaste, Eskinol, alcohol at toilet paper).
 
(Honestly,  di naman talaga ako nag-Eskinol dahil di naman delicate ang skin ko at ayaw kong mabansagang si 'Boy Pogi', isang sikat na Ranger noong unang panahon na inuunang pakinisin ang mukha kaysa tanggalan ng kalawang ang M16 rifle).

Isinasaksak na rin namin sa combat pack mga gamit pakikidigma na kung tawagin ay mission-essential equipment kagaya ng GPS receiver, mapa, compass, binoculars, Night Vision Goggles, spare batteries, knife, personal medical kit, smoke grenade, hand grenade, spare ammo at iba pa.  
 
Ang bigat ng pack ay depende sa tagal ng mission at kung ano ang uri ng trabaho ang dapat gagawin. Halimbawa, kung recon missions na tumatagal ng hanggang isang linggo, marami kaming nakasaksak na pagkaing de lata at mga biscuits. More or less ay 20-25kgs ang load ng mga Rangers.
 
Nagdadala rin kami ng bigas at portable stove para makapagluto kung may pagkakataon. Ito ay dala ni 'Kaldero 6', ang lowest mammal ng Team. 
 
Sa dami ng dapat dalhin, kinakailangan ay mapakonti namin ang mga damit. Halimbawa, pwede namang isang shirt lang na ulit-uliting gamitin kapag naglalakad sa araw. Kung gabi, merong sweat shirt na suutin at palitan kinaumagahan.

Dapat rin konti lang ang medyas. Ang ginagawa ko noon, hindi na rin ako nagmemedyas para wala nang problema. Masakit sa paa sa una, ngunit no problem kapag kumapal na ang balat. Ako lang ang nag-iisa sa buong 1st Scout Ranger Battalion na original ang medias---sarili kong balat sa paa. Wala ni isang gumaya sa akin sa lahat nang pinakitaan at iniimpluwensahan ko.

Sa underwear naman ay cycling shorts na gamit namin. Kung dati ay So-en panties ang pinauso ng mga nakakatandang Rangers, medyo improved version na kaming new generation.
 
Kahit di na rin palitan kahit isang linggong suutin. Kung amoy baboy damo, the better kasi di na mahalata ng mga bandidong tubong bundok kagaya ng Abu Sayyaf.

Di rin uso sa Rangers ang maligo kasi bawal ito sa SOP kung nasa bundok. Aanhin mong makaligo eh mabaril ka sa pwet kagaya nong kakilala ko sa Dona Mercedes, Buldon, Maguindanao.
 
Kapag nasa gubat, bawal din ang marinig ang boses. Panay bulungan lang kasi malayo ang hearing distance kapag nasa gubat. Mahalata ang boses tao at ito ay kakaiba sa mga huni ng hayop gubat o mga insekto.
 
Para mapanatili ang 'sound discipline', dito nagagamit ang hand and arm signals. Marami sa aming gamit ay wala sa libro ng mga Kano na aming pinag-aaralan. Me signal sa pag-chow, pag-salok ng tubig, pag-tulog at pati pagbasa ng mapa.
 
Nang sumama sa amin sa Jungle Base sa Puno Passey, Sampinit Complex ang mga Kano noong 2002 para sa aming joint training, natuto sila sa importansya ng 'travel light'.
 
Eh mahirap din pala ang high-tech soldiers. Sa 3 days na mission, 20liters ang baong mineral water. Kaming Rangers ay yong nakalagay sa water canteen lang, ayos na.
 
 Pag may ilog, salok agad, solved na kahit walang purifier. Napapailing lamang silang makita na di lubos maisip ang mga 'germs' na maiinom namin.
 
"Germ is only found in the English books buddy," sabi ko sa kanilang Team Leader. Sa awa ng nag-iisang Diyos, wala namang nagkasakit sa amin.
 
Paano naman kasi, umaabot ng 60-80lbs ang kanilang bigat ng kanilang over-sized ALICE pack (combat pack) dahil sa dami ng dalang gamit. Meron silang malaking radio, individual handheld radio, tig-isang NVGs, extra shirts for 3 days, socks, undies at sangkatutak na MREs.

Sa bigat ng dala, makikita mo ang mga ugat sa mukha kapag naglalakad sa matatarik na bangin, samantalang 'easy-easy' ang mga bugoy na Scout Rangers. Kapag mag-short halt kami, napipilitan silang umupo instead na mag 'take a knee', sa sobrang pagod. At, kapag tatayo, kailangan hilain o tulungang buhatin ang pack.
 
Ganon pa man, kapag sobrang masukal ang nilalakad at matarik ang dinadaanan para maiwasan ang ambush, napapagod din kami. Dito namin ginagawa ang long halt na umaabot ng 15-30mins. Palitan ang bantay at lagi pa rin nakayakap sa baril.
 
Ganyan ang buhay mandirigma. Mahirap pero isang rewarding experience.
 
Masarap alalahanin lalo na ang pasasalamat ng mga taga Lamitan kagaya ng mga kaanak ng mga hostages na naibalik sa kanilang mga pamilya.
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

1 comment:

  1. Ranger C,

    "Sa underwear naman ay cycling shorts na gamit namin. Kung dati ay So-en panties ang pinauso ng mga nakakatandang Rangers, medyo improved version na kaming new generation."

    I can't imagine myself meeting a ranger in his 50s or 60s... O.O

    Anyway, do you SR's get to have medicals every now and then? You mentioned kasi na puro de lata ang mga dala nio, plus one canteen of water (I presume that's the army-type water canister?)

    Parang high risk of Urinary Tract Infection kayo sir... Additionally, without a doubt, after your missions eh inuman to da max?

    Just Curious.

    Best Regards,
    Drey Roque

    ReplyDelete