Sunday, October 14, 2012

Bakbakan sa Patikul: Walang Iwanan!


Kuha sa larawan ang aking yunit, ang 10th scout Ranger Company sa paanan ng Bud Bagsak sa Patikul, Sulu. Sa pinaka-kaliwa ay ang aking magiting na Team Leader na naparangalan bilang isa sa The Outstanding Philippine Soldiers ng Metrobank Foundation at Rotary Club of Makati-Metro. (10SRC photo)



December 16, 2000-Eksaktong tatlong buwan sa aming pagdating sa lalawigan ng Sulu para sa combat-rescue missions para sa Sipadan hostages, ang aking yunit ay nakadestino sa Patikul, Sulu bilang bahagi ng 1st Scout Ranger Battalion. 

Maraming mga sagupaan na rin ang napagdaanan ng aming mga sundalo sa iba't-ibang lugar. Hindi natupad ang 'sabi-sabing' 2 weeks lang ang aming paninilbihan sa Sulu at babalik uli sa Panay island ang aking yunit na kung saan kami tunay na nakadestino. 

Kagaya sa ibang mga kumpanya na aking kasama sa combat operations, nag-release ako ng kalahati ng aking sundalo para makapagbakasyon at makapiling ang kanilang mga pamilya sa Pasko. 

Humigit kumulang sa 30 ka tao ang natira sa akin sa bundok kasi ang iba ay tiga-bantay ng gamit sa aming Company CP sa Dingle, Iloilo at pati sa Camp Teodulfo Bautista sa Busbus, Jolo, Sulu.

Batid namin na umaabot pa rin ng 100 ang dami ng bandidong kasama sa pinagsanib na pwersa nina Isnilon Hapilon, Abu Sabaya at Radulan Sahiron (Kumander Putol) kaya naman ay pinagsanib din namin ang pwersa ng 1st Scout Ranger Battalion para hagilapin ang mga bandido sa kagubatan ng Patikul.

Sa araw na iyon, ang kasama kong mga yunit ay ang 19th Scout Ranger Company na pinamunuan ni 1st Lt Clifford Cordova, 1st Scout Ranger Company na pinamunuan ni 1st Lt Erick Sales, 12th Scout Ranger Company na pinamunuan ni Cpt Jagger Guerrero, ang 14th SRC na dinala ng kanilang First Sergeant na si Master Sergeant Patribo, at ang Bn Headquarters na kung saan ay si Cpt Guerrero na rin ang nag-Acting S3. Umabot din kami sa humigit-kumulang na 100 sundalo. 

Ang dalawa sa aking mga mistahs na kasama kong nagpakuha ng larawan sa gilid ng Mt Sinumaan. Makikita sa aming likuran ang karagatan ng Taglibi, Patikul, Sulu. Sa aking kaliwa ay si 1st Lt Erick Sales, ang magiting na pinuno ng 1st Scout Ranger Company, ang Best Company for Operations sa taong 2000 at ang isa pang magiting na mandirigmang si 1st Lt Clifford Cordova, pinuno ng 19th Scout Ranger Company, na nabigyan ng dalawang Distinguished Conduct Star medals sa kanyang katapangan sa Basilan noong April-May  2000. (10SRC photo)


Ang 'Patrol Base Operations'

Dakong 4:00 pm ng hapon ng dumating kami sa Bgy Panglayahan na malapit sa paanan ng Bud Tunggul at Bud Gasam. Galing kami noon sa tatlong araw na recon operations sa bahagi ng Hill 269, Bgy Mindjay at sa bundok ng Sinumaan.

Nang makita ko ang napakalinis na batis, pinahinto ko ang patrol upang makapag-igib ang lahat ng tubig. Pinabantayan ko ang mga high grounds at halinhinang nagsalok ng tubig ang lahat na kumpanya. 

Dakong alas singko nang makakita ako ng posibleng Patrol Base na kung saan ay pwede kaming makakain at makapagpahinga bago maghanap ng matulugang 'hotel' sa gubat.

Nang mai-poste ko ang lahat ng security outposts, ipinag-uutos ko agad ang paglabas ng pagkain na niluto namin noong umaga pa lang. Bawal kasing magluto kapag gabi dahil mas madaling makita o maulinigan ang mga tunog na hindi normal sa gubat. 

"Ilabas ang Jollibee, Mc Donalds, Andok's at ilatag sa poncho," pabiro kong utos sa aking mga Team Leaders. Naglalaway kami lagi pag naaalala namin mga paboritong pagkain kaya panay imagination na lang habang ninanamnam ang pabalik-balik na ulam sa bundok.

Di kalaunan ay nag-distribute na ng pagkain ang lahat na Tail Scouts na kilala rin sa tawag na Kaldero 6, o 'bossing ng kaldero'. Ang kagaya ko kasing Company Commander ay kilala sa code name ayon sa aming unit call sign.

Ako ay kilalang si Cyclops 6 sa aming radio communications. Kapag bakbakan, minsan ay Say-Ploks Six ang nababanggit ng aking radio man o RATELO, marahil sa stressful situation nabubulol sila. 

Pero, mas kilala ako sa aking Muslim name na Abu Dakil. Kapag wala ako, namomonitor ko na may nagpapakilala ring si Abu Basit. Sa Ilocano kasi, ang 'dakil' ay malaki at ang 'basit' ay maliit. Syempre, walang nagpaparinig sa akin ng kantyaw at baka malintikan sa akin.

Kalimitan ang Kaldero 6 ay ang lowest ranking soldier na syang me dala sa aming sinaing na kanin. Importanteng mama din ito sa patrol. Paano na lang kung bigla syang mawala? Pasma kami lahat.

Masarap ang aming hapunan sa gabing iyon. Meron akong isang pirasong sardinas na Ligo, me dalawang sandok na kutsara sa Ligo Carne Norte at meron akong isang pirasong tuyo na tamban na aking pina-prito mga tatlong araw na ang nakaraan. 

Tig 10-minuto lang ang tagal na dapat matapos ang pagkain kasi dapat ay magpalitan ang mga sundalo sa pag-gwardya. Habang kumakain naman, dapat nakaharap ka pa rin sa ibinigay na sektor na babantayan para makatulong sa pagbantay sa paligid. Ganon kami sa Rangers, "Doing 2-3 things all at the same time".

Pagkatapos ng tatlumpung minuto ay naghingi ako ng clearance sa S3 na mag-recon ng clandestine Patrol Base para aming matulugan pagsapit ng dilim. 

 
Makikita sa larawan ang Patrol base operations na ginagawa ng mga Scout Rangers. Ito ay kuha sa isang capability demonstration na pinanood ng mga bisita sa Camp Tecson, San Miguel Bulacan. (SRTS photo)


Ang Patrol Base ay isang security perimeter na inilalagak ng patrol para kumain, matulog, magbihis, o kaya ay mag-maintain ng weapon systems.

Ang hinahanap namin sa isang Patrol Base ay dapat merong cover and concealment, merong ruta na magamit pag-eskapo kapag di makayanan ang aatake na kalaban. 

Marami kaming Standard Operating Procedures sa isang PB: Dapat hindi lalampas sa 24 hours na ito ay i-occupy, dapat hindi balikan ang dating ginamit na PB. Bawal yong malapit sa populated area, malapit sa kalsada, malapit sa natural lines of drift at marami pang pamantayan. Bawal din ang mag-iingay sa Patrol Base. Lahat ay bulungan ang usapan. Masama ang tingin ng mga Sarhento namin kapag nag-iingay ang kahit sino. Buhay naming lahat ang nakataya kung may mag-violate ng SOP.

Sa madaling salita, hindi bakasyon ang pakiramdam kapag nasa Patrol Base. Dapat ay laging alerto at laging me contingency plans para sa kung ano mang pangyayari. At, kalimitan ay sa pinakamasukal na bahagi kami nagtatago at paborito namin yong may malalaking bato o dambuhalang puno.

Dakong 6:00 pm ay nailagak na namin ang aming Patrol Base. Nagsimula nang mag-duty ang 1st shift na mga sentinel na me gamit na PVS7 Night Vision Googles para manmanan ang paligid ng aming pansamantalang lungga.

Naibato na rin namin sa Tactical Command Post ang aming SITREP (Situation Report) na kung saan ay sinasabi namin ang aming latest location at ang resulta ng patrolling mission. 

Bulungan ang aming bolahan kasama ang mga opisyal sa kaganapan sa Estrada Impeachment Trial habang nagpapalipas ng oras at nagpapaantok. Meron kasi kaming maliit na transistor radio na minsan ay halinhinan naming pinapakinggan gamit ang earphone. Mga tsismoso rin kami lalo na ang pinag-usapan ay kung matatanggal ba sa pwesto ang aming Commander-in-Chief.

Nasa kalagitnaan kami ng aming bolahan nang umalingawngaw ang mga putok sa di kalayuang lugar sa kanlurang bahagi ng aming kinaroroonan. 

Kalampagan kaming lahat at takbo agad ako sa aking RATELO. Naging abala ang aking Platoon Sergeant at Team Leaders sa pagmando ng lahat na tropa upang maghanda sa posibleng aksyon. 

Don ko napag-alaman na inatake ng mga Abu Sayyaf ang yunit ng 33rd Infantry Battalion na humigit kumulang isang kilometro ang layo sa kagubatan ng Pansol, sa paanan ng Bud Bagsak at Bud Munggit. (ang salitang Tausug na 'Bud' ay bundok sa Tagalog)

Dalawa ang platun ng naturang yunit sa lugar na iyon at sila ay magkatabi lamang. Kung hindi nila kakayanin ang kalaban, naka-alerto na kaming mag-responde at sila ay tulungan.

Nakatawag ng artillery support ang Platoon Leader at sumisipol ang mga projectiles na dumadaan sa ere sa taas ng aming kinaroonan bago ito lumalagabog sa impact area sa encounter site. Napaaga ata ang pasko at putukan sa amin, sabi ko sa aking sarili.

Umabot din sa humigit kumulang sa isang oras ang bakbakan bago ito humupa. Napag-alaman namin na namatay ang isang sundalo at sugatan ang iilan. 

Kami rin ang nag-falicitate sa coordinations para sa pag-pick up ng mga sugatan at nasawing sundalo upang maisakay sa Simba armored vehicle na ipinadala.

Sa aming coordination, ipinagpaalam namin sa Brigade TCP na pasukin ang area ng 33rd IB upang magsagawa ng tracking patrol sa lugar. 

Agad naman kaming pinahintulutan at nagbigay kami ng FRAGO (fragmentation order) o pagbabago sa aming plano para malaman ng lahat ng aming kinasasakupan.

Dahil sa tension, hindi kami nakatulog sa gabi na iyon. Kayakap ko ang aking Austrian-made AUG Steyr Rifle sa buong magdamag. Kahit nakapikit ang mata ay tila memorized ko ang steps papunta sa puno na aking proteksyon kapag uulan ng Rocket Propelled Grenades at maliliit na bala.

Ang "Tracking Patrol"

December 17, 2000-Alas singko pa lang ng umaga, nagsaing na ng tatlong set na meals ang aming mga Kaldero 6, gamit ang aming portable stoves na tinatakpan ng poncho upang hindi makita ang maliit na liwanag na dulot nito. 

Lagi naming ginagawa ay 'Two Meals up", ang  ibig sabihin ay meron kaming dalang sinaing na kanin para lunch at dinner tuwing lalakad. 

Kapag wala kasing nailuto, magtitiis kami sa aming emergency meals na Skyflakes na tipong tig anin na 'grid squares' ang share sa kainan.

Dakong 7:00am ay nakahanda na ang lahat para sa aming jump-off. Nag-finalize kami sa aming coordinations para sa plano sa aming paghahagilap sa mga bandidong umatake sa 33rd Infantry Battalion.

Bahagi ng aming SOP sa Rangers ay ang taimtim na pagdarasal. Lahat ay kasama kahit ano pa mang relihiyon. Dahil majority ng mga sundalo ay Kristiyano, ang pambungad na dasal ay ang Psalm 91, bago ang generic na dasal para sa lahat at ang mga personal na panalangin sa kung sinong Dios na tatawagin at hingan ng blessings at protection. 

Kagaya ng dati, ang yunit ko ang nasa spearhead. We lead the way, ika nga. Ni-radyohan namin ang tinatawag na 'Taray-taray' Battaliion (33rd IB) na papasok kami sa kanilang area of operations (AO). Kailangan iyon para hindi magkaroon ng mis-encounter at kami-kami ang magbarilan.

Dahil sa sobrang ingat na hindi kami mamalayan ng mga bandido, sobrang dahan-dahan ang aming kilos para hindi maging maingay lalo na sa sukal. Pag mababa ang damo, nakayuko at minsan ay baby crawl para hindi makita. Kakapagod pero kailangan.

Tuwing merong danger areas kagaya ng low grounds o open terrain, nakalatag ang aking support by fire (SBF) na kasama ang snipers at machineguns upang hindi kami ma-wallop kapag mabakbakan. 

Sa ganitong set up, confident kami na me pumuputok na snipers sa likod habang kami ay nasa harapan, just in case na merong mang-ambush sa leading elements. 

Umabot na halos dalawang oras ang stalking na aming ginawa bago namin narating ang encounter site. Nang tiningnan ko ang aking GPS, nakita ko na 200m air distance lamang ang layo ko sa mismong bakbakan noong nakaraang gabi. 

Agad kong sinabihan ang Platoon Leader ng 33rd Infantry Battalion na si Lt Onggao, sa aking bagong position at sa aking direksyon na puntahan. 

"I am approximately 200m south of your position and I am moving southeast," sabi ko sa radyo at ang aking grid location ay itinala rin ng TCP na nagmomonitor sa amin.

Di kalaunan, nakita ng aking Lead Scout na si Pfc Alindajao ang mga patak ng dugo at mga apak ng mga bandido. Merong naka-bota, merong naka-combat boots at merong tila ay naka-paa. Presko ang mga dugo at hindi pa natutuyo. Estimate ko ay mga isang oras lang silang umalis mula sa lugar na iyon. 

Sa aking nakita, para akong nilalagnat. Uminit ang aking tenga at mukha. Alam ko na ang kalaban ay nasa paligid lamang. 

Napahimas ako sa pabaon ng aking amah sa Basilan na 'pis-pis' na ayon sa kanya ay anting-anting nya na nagbibigay proteksyon sa mga labanan. Ito ay dilaw na panyo na may nakasulat na Arabic inscriptions, mga dasal para sa nag-iisang Dios na si Allah. 

 Ang pamana sa akin na 'pis-pis' at ang aking barong (Itak ng Basilan/Sulu) ay ang aking mga tinaguriang lucky charms habang nakikipagsapalaran sa lalawigan ng Basilan at Sulu. Kasama ko sa larawan ang mga estudyante ng Scout Ranger Class 142. (10SRC photo)


Suot ko ito bilang bandanna sa aking ulo. Nakikita ko rin ito na suot ng iilang Abu Sayyaf sa mga TV footages. Kapag good boy gumamit ng 'pispis', gumagana ang dasal, sabi ko sa aking sarili.

Nagbigay agad ako ng advise sa mga kasamang Ranger units na nasa aking likuran.

"Andito ang kalaban sa ating paligid, nakikita namin ang kanilang withdrawal route," pabulong kong sinabi sa press-to-talk (PTT) handset ng PRC 77 radio na gamit namin. 

Dahan-dahan naming sinundan ang mga yapak ng mga bandido at nakikita naming sila ay papuntang direction ng Pansol. Base sa kanilang apak, hindi sila bababa sa 50 ka tao. Hindi ko lang mabatid kung merong katabing grupo na ang apak ay hindi namin napuna. 

Umabot na naman sa 3 oras ang aming tracking patrol at ramdam ng lahat ang pagod at tension. Pinagpahinga ko ang tropa ng 5 minutes tuwing isang oras na movement para makapag-recover. 

Dakong alas-dose, nasusundan pa rin namin ang mga bandido, at lalong naging klarado ang kanilang traces. Hindi sila makakalayo sa amin dahil tila ay naging malaking kalsada ang kanilang dinaanan. Nag-martsa ata sila na platoon in column formation habang buhat ang kanilang mga kasamahang nasugatan.

Nang humihilab na rin ang aking tyan, nagpaalam ako kay Cpt Guerrero na magkaroon ng 15-minute lunch break.

"Sir, mabuti nang makipaglabang busog. Salitan muna tayong kumain," pabiro ko sa kanya. 

Kagaya ng aming nakagawian sa alin mang Scout Ranger unit, salitan kaming kumain habang merong nagbabantay, nilalasap namin ang napakasarap na sardinas. Binudburan ko ito ng konting sukang puno ng bawang at sili at pati asin ang aking sardinas para maiba ang lasa. Sarap. Solved na naman. Parang nasa pyestahan lang ang feeling ko.  

Na-energized na naman ang mga musang pagkatapos ng kainan. Ngunit, bakas sa hitsura ng lahat ang tension.

Kampante naman ako na kayang-kaya namin ang Abu Sayyaf kagaya ng mga naunang engkwentro sa Indanan at Maimbung sa mga naunang buwan. 

Confident ako kasi naipakita na ng aking yunit ang kahalagahan ng 'Walang iwanan!".

(Sundan ang susunod na kabanata na kung saan ay nakasagupa namin ang humigit kumulang na 100 Abu Sayyaf dakong alas dos ng hapon noong December 17, 2000. I-click ang link na ito: http://rangercabunzky.blogspot.com/2012/10/bakbakan-sa-patikul-walang-iwanan-part-2.html)


7 comments:

  1. sayang po sir,, wla ba tong karugtong?

    ReplyDelete
  2. nice one again, Sir Cabunzki!

    ReplyDelete
  3. Sir, yung ibig nyong sabihin sa " Taray - taray 33rd IB ay tagirgir battalion kasi ang '"taray" sa Ilocano ay takbo? hahahaha

    ReplyDelete
  4. Galing nyo po talaga sir...kaya idol po kau ng asawa ko...kinuha nya po kaung ninong nmin sa kasal khit dipo kau nasabhan...Pasensya na po kau.

    ReplyDelete