Monday, November 21, 2011

Christmas Break: Ang bulungan sa Sampinit Complex

(Disyembre 2001)

Pagkatapos na mabakbakan ng 77th Infantry Battalion ang Abu Sayyaf sa Bgy Lumbang, noong ikatlong linggo ng Oktubre 2001, nakita namin ang kanilang tracks papunta sa direksyon ng Sampinit Complex na kung saan ay masukal ang kagubatan.

Ang Sampinit Complex ay nakapaloob sa Basilan National Park na kung saan makikita ang mga matataas na bundok kagaya ng Puno Mohaji, Mt Abong-abong, Hill 800 at Basilan Peak. Dahil masukal ang lugar, paborito din itong taguan ng bandidong grupong Abu Sayyaf. Naka-marka sa mapa ang Al-Barka na kung saan ay matatagpuan ang komunidad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at maging mga Abu Sayyaf na nagkakampo sa gilid-gilid ng recognized 'camps' (community) ng MILF. Sa bayan naman ng Sumisip ay matatagpuan ang paboritong kampo ng Abu Sayyaf sa Bgy Baiwas, katabi naman sa MILF camp na iilang kilometro lamang sa naturang lugar.

Naging tanyag ang Sampinit Complex dahil sa matinding bakbakan na sinuong ng 1st Scout Ranger Battalion na pinamunuan noon ni  Lt. Col Roberto 'Bert' Caldeo kontra sa grupo ni Khadaffy Janjalani, Isnilon Hapilon at Abu Sabaya noon Abril 2000.

Kabisado ng mga bandido ang terrain sa lugar na ito kahit walang gamit na mapa at lensatic compass. Simula ng kanilang kabataan, tinatahak na nila ang trail networks sa gubat na ito. Sa aming hanay, ginagamit namin ang kaalaman na itinuturong paulit-ulit sa Scout Ranger Training School,  ang map reading at land navigation.  

Mahirap isakatuparan ang tracking patrol na ang layunin ay hagilapin ang mga kalaban gamit ang mga palatandaang naiiwan sa kapaligiran. Lahat ng nakikitang bagay sa paligid ay aming pinupuna at pinag-iisipan kung ito ba ay ebidensya ng presensya ng tao o hayop lamang. Halimbawa, tinitingnan namin ang mga nababaling halaman, mga puno na nabalatan, at mga apak na naiiwan. Malaking bonus para sa amin kung mahagilap namin ang balat ng kendi, lata ng sardinas, upos ng sigarilyo at maging naiwang panty na nakita ko mismo sa kanilang harboring area sa Puno Passey (Puno Pasay)! Syempre, posibleng sa mga babaeng hostages iyon na sina Reina Malonzo at Ediborah Yap na nakuha mula sa Dr. Torres Hospital noong June 2001 (Si Reina ay ini-release ni Khadaffy sa bayan ng Maluso noong Nobyembre 2001). Ewan lang din kung nagsusuot na rin ng panty noon si Abu Sabaya dahil dati na rin itong ginagawa ng mga Musang nang hindi pa naimbento ang cycling shorts!

Sa mahabang panahon, buhay mangangaso (hunter) ang aming ginagawa sa kagubatan. Nagalugad ko ang lugar ng Upper Mahayahay sa Maluso, hanggang narating ko ang ma-limatik na gubat sa Mt Abong-abong, nakababa sa Baiwas hanggang nakalusot sa  sa Bgy Libug Kabaw sa Sumisip. Pagkatanggap uli ng resupply, akyat kami uli sa gubat mula sa ibang axis of advance para usisahin ang lahat ng sulok na posibleng pagtaguan. 

Gula-gulanit na ang mga uniporme namin at kasing-amoy na namin ang mga hayop gubat pero masigasig pa rin kami. Hinahanap ko rin ang pagkakataon na makasagupang muli ang grupo ni Abu Sabaya pagkatapos itong nakatakbo sa madugo naming engkwentro sa Balatanay noong Oktubre 2001.

Napakailap ng aming kalaban kaya para mas malawak ang lugar na aming ma-cover, ang mga kumpanya 1st SRB ay binigyan ng kanya-kanyang area of operations (AO). Ang AO ay ang specific na lugar sa ground na pwedeng umikot ang mga sundalo at maghalughog ng nagtatagong bandido. 

Merong tactical command post (TCP) ang 1st SRB na nagmomonitor di kalayuan sa aming playing ground. Bawat direction ng movement at ang resulta ng bawat lakad ay inire-report namin gamit ang tactical radio, ang PRC 77. 

Maraming pagkakataon na maa-ambush na namin ang mga bandido ngunit nakakahulagpos pa. Minsan ay namataan silang umaakyat ng puno ng langka. Bago nakapwesto ang snipers sa tamang posisyon, nakaalis agad sila at tila ay kapiranggot ding swerte sa katawan. 

Pamaskong pagtugis

Sa ikalawang linggo ng Disyembre, isang radio message ang pinaabot ni 103rd Brigade Commander Col. Hermogenes Esperon para sa tuloy-tuloy na pagtugis sa mga bandido. Ang intensyon ay hindi sila pagpahingahin at antayin na magkamali. Para sa mga Musang, walang problema iyon. Sanay na sanay na kaming nagpa-Pasko sa bundok, lalo na sa Basilan na hindi nauubusan ng bandidong Abu Sayyaf simula pa noong 1990s.

Pero, bahagi ng regulasyon at para na rin mapanatili ang combat effectiveness, pinapayagan ng mga nakakataas na magkaroon ng Chrismas leave ang tropa na inire-releases sa tatlong grupo. Sa aking yunit, palitan ang sistema sa uwian pag Pasko. One is to one.  Mag-usap kayo ng kapallitan mong ka-level na ranggo. Malas mo pag pahuli-huling dumating ang kapalitan dahil hindi ka rin makakaalis. Pinag-usapan namin na ang late dumating ay may multa maliban sa admin sanctions.

Nasa lugar kami na kung tawagan ay Kan Jana sa parte ng  kagubatan na parte ng bayan ng Maluso, nang inianunsyo ko ang first release ng Christmas break. Nagliliwanag ang mga mukha ng naka-schedule umuwi na tila ay bagong nakaahon mula sa kumunoy. Ang iba sa kanila ay mahaba ang foresight at nakabili na ng cheap return tickets samantalang ang iba ay saka pa lang nagkukumahog kung kailan ay paalis na. Isa na rito ay ang magiting na mandirigmang opisyal ng SR company.
  


Ang aking pinamunuang mga magigiting na Scout Rangers sa Sulu at Basilan simula 2000 hanggang 2002. (10SRC Photo)


Secret message

Gamit ang aming PRC 77 radio, ipinaaabot namin sa aming admin personnel na nasa TCP ang mga mensahe tungkol sa aming bakasyon. Dahil nasa operational area kami, mahigpit pa ring ipinatutupad ang 'noise discipline' para hindi kami matunugan ng mga kalabang maaaring nasa paligid lamang. Nakakainis lang minsan kasi hindi magkakaintindihan dahil sa masamang panahon o kaya ay hindi naipwesto nang mabuti ang antenna nito. 

Para sa admin purposes na radio calls,  parte sa Standing Operating Procedure na mag-'lipat bahay' ang yunit para hindi maging magulo ang frequency na ginagamit sa operations. Sa iilang pagkakataon naman, inuusyoso ng radio operator ng TCP ang pinaglipatan ng frequency kasi baka meron pa ring transmissions na related sa combat patrols. Kaya naman ay, nauulinigan sa TCP ng Brigade ang bulong-bulongan ng isang opisyal at ang kanyang Admin NCO. Mga chismoso!

Nakasanayan na rin kasi ng mga nagmo-monitor na mga koronel at heneral sa Brigade TCP  na kapag nagbubulungan ang mga Scout Rangers, may nakikita na itong mga kalaban. Kalimitan kasi, putukan na ang kasunod kapag nasa 'whisper mode' kami.
Sa sobrang hina ng bulong-bulongan na usapan, lalong naintriga ang mga boss. Tila ay coded messages pa ang ibinabato ng nasa linyang opisyal ng kumpanya.

"Ihanda ang helicopter at ang artillery, baka mapaengkwentro ang mga Musang," sabi ng S3 (Operations Officer).

Halos idikit na nila ang kanilang mga tenga sa handset para ma 'decode' ang pinag-usapan ng mga Musang. Animo'y naka-Enigma code ang radio transmissions. Sobrang excited na sila. Walang boses na maririnig ngunit parang isinisigaw ang mga salita tuwing hindi nakukuha ang mensahe. Sanay sa ganitong 'bulungan transmissions' ang mga Rangers. Ito ang isa sa pinakamahigpit naming SOP kapag naka-eyes on sa kalaban.

Kinalaunan, napahalakhak ang lahat sa TCP. Ito ang kanilang na-decode na usapan sa 'careless whisper' ng mga Musang sa tactical radio:

"Toto, kunan mo ako ng tiket, sa December 24 ng umaga ang lipad ko galing Zamboanga. Bilhan mo ko ng lobster sa coop ng SF sa Lampinigan island.  Wag mo sabihan si Misis at i-sorpresa ko!"

Larawan ng aking tropa habang nagsagawa ng walang humpay na combat patrols para hagilapin ang mga mailap na mga Abu Sayyaf sa kagubatan. (10SRC photo)




(May karugtong)

5 comments:

  1. Saludo kami sa inyo !!! Mabuhay ang bagong bayani ng bayan!!! Salamat sa pagtatanggol nyo sa amin.

    ReplyDelete
  2. Merry Christmas sa lahat ng ating kasundaluhan.. Pasko man eh nasa bundok at pinagtatanggol nyo ang mamayan...sana naman ay itaas ng gobyerno ang inyong sahod.. gawin ng 25000 pesos minimum... :)

    ReplyDelete
  3. SIR HAROLD RANGER CABUNZKY... NAPASARAPAN AKO SA PAG BABASA DITO SA BLOGSPOT MO.... JEJEJEJEJEJEJE LIMNG ORAS NA AKNG NAG BABASA DITO SARAP PAKIGGAN SA TINGA..... FROM T'KEN-3 ....... NG BUTUAN CITY AGUSAN DEL NORTE

    ReplyDelete