Tuesday, December 30, 2014

Ang aking pagbisita sa 10th Scout Ranger Company


 Kuha ang larawan ng sabitan ng Best Company Streamer ang aking yunit nina dating CGPA na si Lt Gen Jaime Delos Santos, katulong si SOCOM Commander MGen Delfin Lorenzana noong ika-25 ng Nobyembre 2001, habang nakamasid si BGen Gabriel Ledesma na noon ay Regiment Commander ng First Scout Ranger Regiment.

Ang isa sa masaklap na kaganapan tungkol sa aking pinamunuang yunit, ang 10th Scout Ranger Company, ay ang pagka-dissolve nito noong 2003. 

Isa ako sa unang binalitaan ng aking mga tauhan na ang kumpanyang kanilang kinabibilangan ay buwagin at sila ay ilipat sa ibang mga line companies. 

Ang una kong naiisip ay baka naman mapariwara ang iilan sa tropa kapag ihalo na sa iba't-ibang yunit. 

Marami agad ang mga 'Baka' na pumasok sa aking isipan sa mga panahong iyon:

  • Baka naman wala nang mag-mentor sa kanilang mga pinagkatiwalaan  NCOs?
  • Baka naman ay mawalan sila ng disiplina at maging pasaway sa ibang yunit?

Ang paliwanag ng pamunuan ng Philippine Army sa panahong iyon ay kailangang i-'downsize' ang FSRR. Napakarami ng tanong ko noon kung bakit kailangang buwagin ngunit wala ni isang opisyal na aking tinanungan ang makapagbigay noon ng maliwanag na sagot. 

Paano naman kasi, di naman kumokonti ang mga tigasing kalaban ng estado sa mga panahong iyon, eh bakit paliitin ang First Scout Ranger Regiment? Nariyan pa rin ang mga teroristang Abu Sayyaf, NPA at samo't-saring secessionist groups sa Mindanao! 

Nasayangan ako sa naipundar ko na pagod at pawis para maiangat ang kakayahan at kumpyansa ng yunit na ito sa pamamagitan ng paghubog sa kaalaman sa pakikidigma, leadership skills ng NCOs at integridad nito. Hindi kasi ito nagagawa ng overnight at kailangan ay aktwal na karanasan at mga pagsubok na syang nagbibigay ng di makakalimutang aral para sa aming mga mandirigma.

Batid rin namin na ang Scout Rangers ang pinakamadaling tawagin para kalabanin ang pinakapasaway na mga kalaban ng pamahalaan sa panahon na iyon kaya nalungkot din kami na mabuwag ang ilan sa mga Ranger Companies. 

Anyway, we naturally obey first before we complain. Kahit murmuring kami noon, natuloy ang pagbuwag sa humigit kumulang na sampung kumpanya para i-merge sa ibang mga units.

Kung susuriin, hindi naman lumiit ang FSRR kundi pinarami ang fill-up ng mga companies. Ang punto lang naman talaga namin ay baka naman pwedeng dagdagan ang strength ng FSRR as a whole at wag na itong buwagin.
 
Ayon sa naitala sa kasaysayan, nangyari din noong 1991 na ang dating deactivated na First Scout Ranger Regiment ay binuong muli dahil sa nakita ng AFP leadership ang importansya nito sa pakikipaglaban sa rebelde at terorista. 

Dahil sa napipintong pagbuwag ng aming kumpanya, minabuti kong ipagbilin kay Lt Mon Gurat na ipadala sa akin ang mga memorabilia ng yunit lalo na ang Best Company Streamers na nasungkit namin sa aking kapanahunan. Malay nga naman, buuhing muli ang 10th SRC. 

Tuwing makibalita ako sa kalagayan ng tropa simula noon, napag-alaman ko na sila ay nasa iba't-ibang dako ng Pilipinas. Natutuwa ako kapag sila ay nakikilalang magagaling at maaasahang NCOs sa kani-kanilang yunit. 

Dalawa sa kanila, si SSg Roselito Tayros at SSg Rodel Bonifacio ay nagiging awardees ng The Outstanding Philippine Soldiers (TOPS) na iginawad ng Metrobank Foundation Inc. at Rotary Club of Makati-Metro. 

Noong 2012, si SSg Arnold Panganiban at SSg Jose Legaspi ay naitalagang First Sergeant ng 11SRC at 10th SRC, respectively.

Samantala, karamihan sa mga tropa ay mga mandirigma pa rin at naitalagang Platoon Sergeants at mga staff NCOs. 

Reactivation

Ayon sa aking inaasahan, binuong muli ang 10SRC pagkatapos ng humigit kumulang na tatlong taon na ito ay buwagin. Dahil nalipat na rin ako noon sa ibang yunit, hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na bisitahin at isabit na muli ang streamers sa kanilang company colors. 

Nang mabalitaan kong sila ay nalipat sa battlegrounds ng Bukidnon iilang linggo lamang ang nakaraan, kinuha ko ang pagkakataon na sila ay bisitahin at ibalik ang streamers na ebidensya ng kagalingan at kontribusyon nito sa kasaysayan ng pakikidigma ng First Scout Ranger Regiment.

Hindi ako nag-atubiling tahakin ang maputik na daanan papunta sa kanilang lungga para sa wakas, maibalik ang parte ng kasaysayan ng yunit. 

Ito ay parte sa aking misyon ngayong kapaskuhan. Mission accomplished!

Sa isang simpleng 'seremonya' noong December 28, 2014, isinabit kong muli ang Best Company Streamers na nasungkit ng yunit noong taong 2000 at 2001. Kasama ko sa larawan si Lt Jayvee Santiago, ang Company Ex-O, at si TSg Jose Legaspi, ang First Sergeant.

Souvenir photo namin kasama ang mga tropa na sobrang high morale na makita ang Best Company streamers na pinaghirapan ng yunit sa pakikidigma nito sa Basilan at Sulu. Hinamon ko sila na dagdagan ang streamer sa pamamagitan ng pagpapairal ng disiplina, pagsasanay sa mga kaalamang pakikidigma at pagpapakita ng kabayanihan sa pakikidigma. 





Iginawad ko rin ang tactical boots na handog ng isang OFW sa California, USA na kumikilala sa kabayanihan ng mga Scout Rangers. 

Si  Sgt Ferdie Bisnar ay ang isa sa dalawang orihinal na miyembro ng 10th SRC na aking pinamunuan noong 2000. Sya ay nasugatan sa engkwentro namin sa Balatanay, Isabela Basilan at iniinda pa rin ang injury na natamo sa naturang engkwentro.

 Dahil hindi pa sila nakauwi para magbakasyon sa kapaskuhan, minabuti kong dalhan sila ng belated Noche Buena na pang-Scout Ranger. Hindi nawawala ang walang katapusang kwentuhan na matiyaga namang pinakikinggan ng aking anak na si Harvey.

Kinabukasan, inanyayahan ko ang ilan sa mga Musang sa aking tahanan sa probinsya para sa isang boodlefight bilang selebrasyon ng aking birthday.

 Simple lamang ang kaligayahan naming mga sundalo kagaya ng pagbibigay ng halaga sa kanilang sakripisyo at sila ay pasalamatan sa kanilang serbisyo sa bayan.


Thursday, December 25, 2014

Ang Noche Buena ng Scout Rangers


Larawan ng aking mga tauhan sa paanan ng Mt. Sinumaan sa Patikul, Sulu noong kasagsagan ng Operation Final Option II noong taong 2000. (10SRC photo)


Ang isa sa pinakaaabangang yugto ng mga hukbo na nakatalaga sa field ay ang makakauwi sa kapaskuhan para makapiling ang mga kapamilya. Noong ako ay Company Commander ng 10th SRC, nakalatag na ang schedule ng bakasyon sa Nobyembre pa lamang. Pinag-uusapan ng mga members ng teams kung paano sila salitang magbakasyon sa Pasko at sa Bagong Taon.

Ang Pasko ay may kaakibat na tradisyon na kung saan ay panay kasayahan kasama ang mga mahal sa buhay at ang pinakaimportante sa lahat ay ang kainan tuwing Noche Buena. Di po ba? 

Walang katapusang kainan ng masasarap na pagkain na tipong sa Pasko mo rin lang matitikman ang iba. Syempre, sa ating mga Pilipino, pag-ipunan natin ang Pasko para ang Noche Buena ay talagang bonggacious kagaya ng larawan sa ibaba. 

Larawan ng masasarap na pagkain na karaniwan ay natitikman tuwing Noche Buena. Ang ganitong larawan ang nasa aming imahinasyon kapag kami ay nasa gubat habang nag-iisip paano naman kami makapag-Noche Buena para kahit papaano ay nakikiisa rin kami sa diwa ng tradisyon na ito. (Kuha ang larawan sa internet)


Ang Noche Buena ng mga Musang

Malaking porsyento ng mga sundalo ay mga Kristiyano at kalimitan ay mga Katoliko. Ito ang dahilan kung bakit ang mga yunit ay nagkakaroon din ng mga selebrasyon na alinsunod sa ginagawa ng karamihang sibilyan. 

Pagkatapos ng isang engkwentro namin noong Disyembre 17, 2000 sa Patikul ay nagkaroon kami ng pagkakataon na magpahinga ng 3 araw sa Barangay Taglibi para magpa-resupply ng bala at mga pagkain para sa operations. 

Kinuha ko na rin iyon na pagkakataon para magpadala ng karneng manok, baka, isda at pati tinapay at pancit miki na syang ihahanda para sa aming munting salu-salo. 

Once in a blue moon din lang na hinahayaan ko silang tumikim ng alak. Tikim lang talaga kasi isang lapad lang bawat team. Bawal kasi malasing kapag nasa kasagsagan ng combat operations.

Ang ginagawa namin ay naka-distribute sa bawat teams ang mga sangkap at kanya-kanyang assignment ng putahe. Division of labor ika nga

Sa kanilang munting pagpupulong, ipinasa ng Platoon Sergeant ang aking kautusan.

"Team 1, adobong manok!"

"Team 2, pancit miki guisado!"

"Team 3, nilagang buto ng baka!"

"Team 4, escabeche at kinilaw na isda!"

Syempre, paminsan lang din naman kaming maghahanda ng ganoon kagaya ng may unit anniversary o birthday celebration ng tropa. 

Ang kaibahan lang sa amin, iniba namin ang oras ng Noche Buena. Instead na sa hating-gabi ay ginagawa namin bago ang tinatawag na End of Evening Nautical Twilight, o bago tuluyang dumilim. Bakit? Syempre, mahirap yatang kumakain sa gitna ng dilim! 

Pre, baka magtanong ka kung 'Noche Buena' pa ba yon? Alam ko naman na "Good night" ang ibig sabihin noon salitang iyon pero syempre practical kami sa field. Mas mahalaga ang safety ng tropa kaysa naman mag-flashlight kami para makapaglatag ng kainan sa hating-gabi. 

Okay, sabihin na lang nating, "Buenas Tardes" (Good afternoon) ang aming handaan dahil bago gumabi namin kinakain ang handa na pang-Noche Buena. Ang importante sa lahat, solved kami. Naka-smile ang lahat at nalilimutan ang lungkot na nararamdaman ng mga mandirigma na naiiwang makikipaglaban sa mga bandido sa kapaskuhan.

Well, maswerte kami noon kasi nasa 'admin area' kami para sa resupply operations. Paano naman pala kung nasa gitna ng gubat kami inabutan ng Pasko? Syempre, pang-tactical din ang Noche Buena. 

Actually, pinadalhan ako ng larawan ng mga mandirigma na nasa kagubatan ng Patikul ngayong Pasko ng 2014. Nasa parehas silang lugar na aking ginagalugad sampung taon lang ang nakalipas. 




Dahil hindi sila nakababa sa kabihasnan, pinagtitiyagaan nila ang parte ng kanilang nakaraang resupply: Loaf bread at pancit canton. Iyon lang ang kanilang handa. As in wala nang iba. Walang palamang sandwich spread, walang kape o soft drinks. Pagkakain bandang alas singko kahapon (December 24), kanya-kanyang lagok ng tubig sa water canteen. Sobrang happy pa rin sila, di po ba? Musang kasi.

                         
  
Nang aking kinausap ang Platoon Leader, ipinaabot nya ang mensahe ng kanyang yunit na walang humpay ang paghahalughog sa kasukalan para tugisin ang mga bandido na may hawak pa ring mga hostages.

"Sir, para maramdaman namin ang diwa ng Pasko, naghahanda pa rin kami ng espesyal na menu. Pinaaabot namin sa ating mga kababayan ang aming mainit na pagbati ng Merry Christmas mula dito sa kagubatan ng Patikul."

Sa nakikita ko noong aking kapanahunan at ngayon, halos parehas lang ang aming pakikiisa sa Noche Buena. Ang importante sa amin ay nararamdaman namin ang pagiging pamilya ng aming mga kasamahang tropa at nalilimutan ang nararamdamang kalungkutan tuwing naaalala namin ang kanya-kanyang pamilya sa aming tahanan.

Ganon lamang kasimple ang aming handa at kung ano man ang available ay aming pinagkakasya. Ang importante sa amin ay tuloy-tuloy na magagampanan ang sinumpaang tungkulin na ipagtanggol ang ating kababayan sa pwersa ng masasama.