Pages

Friday, January 27, 2017

Hitsurang Bandido: Ang kagawiang dapat walisin sa Sandatahang Lakas

 Ang hitsura ng mga rebeldeng nakakaaway ng mga sundalong Pilipino noong unang panahon. (Larawan mula sa open sources)


Simula nang magkaroon ng mga propesyonal na Army sa Europa noong 1800s, dahan-dahan na nabuo ang mga regulasyon na syang nagpapairal sa kakaibang disiplina ng organisasyong itinatatag para ipagtanggol ang mga umusbong na mga bansa. 

Ang pagsusunod sa mga regulasyon ng militar kagaya ng tamang kasuutan, gupit at kagawian ay nagpapakita sa kakaibang disiplina na inaasahan sa isang propesyonal na organisasyong militar. 

Kahit ang mga sinaunang mandirigma sa Battle of Thermopylae ay pare-parehas ang kasuutan at sumusunod sa mahigpit na regulasyon ng kanilang mga pinuno. (Larawan mula sa open sources)

Ang hitsura at kasuutan ng mga sundalo ng France na pinamunuan ni Napoleon Bonaparte sa pakikidigma ay sumusunod din sa mga regulasyon ng kasuutan. (Larawan mula sa open sources)

Ang pagpapasunod sa parehas na standard ng gupit at uniporme ay mahalaga para sa isang yunit ng militar nang sa gayon ay mapanatili ang kakaibang unit pride, disciplinary standard, at comradeship ng mga tropa. 

Simula nang maitatag ang Philippine Army noong 1897, dahan-dahan ding naisulat ang mga regulasyon kagaya ng tamang gupit at uniporme. Si Heneral Antonio Luna ay kilala sa isang mabagsik na pinuno sa larangan ng pagpapairal ng disiplina, kasama na ang pagsusuot ng tamang uniporme at gupit militar. 

Ito ang hitsura ng mga mandirigmang kagaya ni Macario Sakay na lumaban sa mga Amerikano noong Filipino-American war. (Larawan mula sa open sources)

Ang mga sundalong Amerikano ang nagpataas sa antas ng disiplina militar nang binuo ang USAFFE bago ang ikalawang digmaang pandaigdig. Naipagpatuloy na muli ang pagsasanay ng mga sundalo  sa tamang disiplina nang matapos ang digmaan ngunit agad-agad namang nasabak ang mga sundalo sa pakikidigma sa mga gerilyang Huk noong 1950s. 

Hitsurang bandido

Noong 1950s, ang mga sundalong Scout Rangers ay pinapayagang magpahaba ng buhok at mag-hitsurang bandido dahil sa kanila iniaatas ang mga sensitibong misyon kagaya ng paghahagilap sa mga kuta ng mga bandido at ang pagpatay sa mga pinuno nito. Katunayan, nagawa ng mga Musang na sina Msgt Francisco Camacho Cpl Weenee Martillana ang pagpatay sa kilabot na lider ng bandidong Huk na si Eddie Villapando, dahil nagpahaba rin sila ng buhok at nagpanggap na mga sibilyan habang nasa misyon. 

Nakagawian na rin ng mga Scout Rangers ang magpahaba ng buhok noong 1970s at 1980s dahil sa mga 'espesyal' na mga misyon na kung saan ay nakikihalubilo sila sa mga ordinaryong tao sa kanayunan para mahagilap ang mga bandidong humahalo sa komunidad. 

Disiplinado at maayos ang hitsura ng mga sundalong Pilipino na nakikidigma noong WWII kasama ang US Army na nasa larawan. (Larawan mula sa open sources)

Pagwawasto sa kagawian

Para sa akin, dapat pairaling muli ang disiplina ng mga sundalo kagaya ng tamang pagsuot ng uniporme at pagsunod sa tamang hitsura ng isang propesyonal na sundalo. Una, nawawala ang silbi ng pagpapahaba ng buhok habang nasa misyon dahil sa mga karanasan ng mga kaaway sa taktika ng pakikidigma ng mga sundalo sa mga nakaraang panahon. Halimbawa, ang misyon ng mga Musang ay 'strike mission' (direct action mission) lamang at hindi kaparehas sa Special Forces na tumitira sa kanayunan at nag-oorganisa ng CHDF o CAFGU para idepensa ang mga tao mula sa bandido. Common sense na lang na makikiayon ang Special Forces sa kagawian ng tao nang mapadali ang pagtanggap ng mga ito sa kanila. Kagawian sa kultura ng mga Pilipinong Muslim ay magpatubo ng bigote kaya praktikal na rin noon na gayahin ang hitsura nila bilang pakikiayon sa kanilang kultura. 

Pangalawa, kahit mahahaba ang buhok ng mga sundalo, di naman sila marunong ng salita ng mga netibo sa lugar. Mas lalo nang malabong useful ang pagpapahaba ng buhok o bigote kung natuto na rin ng passwords at countersigns ang mga bandido. Nasa internet na ngayon ang mga kwento ng pakikidigma, kasama na ang counterinsurgency warfare

Pangatlo, dapat lang na tatalima ang lahat sa nakasaad sa AFP Transformation Roadmap na kung saan ay inaasam ng pamunuan na 'aakuin at ipagmamalaki ng mga Pilipino ang kanilang mga sundalo'. Sino ba namang matinong Pilipino ang magmamalaki sa sundalong hitsurang bandidong Abu Sayyaf o NPA? 

Pang-apat, ang matitinong lider ay dapat malawak ang pananaw at natututo sa mga karanasan. Minsan, hindi mo na matukoy kung sino ang sundalo o bandido sa mga engkwentro kung maghalo-halo na ang iba't-ibang yunit. Ito ang aking mapait na karanasan nang mag-reinforce ako sa mga estudyante ng SR Class 145 na nakasagupa ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Tuburan, Basilan noong taong 2002. 

Pangwakas, walang direktang koneksyon ang pagpahaba ng buhok at ng katapangan. Noong ako ay Tenyente, binuo ko ang grupo ng mga sundalong ayaw magpagupit at pinamunuan ko bilang nasa spearhead ng mga operasyon kontra Abu Sayyaf. Sa mga labanan, nakikita ko yong sumusubsob sa likuran ng bato o sa puno ng niyog ang mga 'warrior' kuno. Di rin nagtagal, gusto nang magpagupit iyong ibang gupit bandido. Porma lang pala pare ko. Sa ngayon, ang aking opinyon sa mga nagpapahaba ng buhok ay pabebe at pang-porma lang sa FB posts.

Ang dapat na hitsura ng respetadong mandirigmang Pilipino. Pinaninidigan ang pagiging mandirigma sa aktwal na labanan at hindi sa porma lamang. Pinatunayan ito ng mga mandirigma ng SOCOM (SR, SF at LRC) sa Zamboanga Siege noong 2013. (Larawan mula sa open sources)

Therefore, hindi ako sang-ayon sa inyong baluktot na paniniwala at argumento tungkol sa paggaya sa hitsurang bandido. Kung ipagpilitan ninyo, volunteer agad na maging assault element parati sa yunit ninyo. Mas maigi kung magiging pinuno nyo ako, katabi sa labanan at kikilatisin ko ang pagiging 'warrior' base sa hitsura nyo. 


No comments:

Post a Comment