Pages

Saturday, December 26, 2015

10 things a Scout Ranger warrior does to fight boredom (Part 1)





Para sa mga sundalong naka-deploy sa frontlines na kalimitan ay malalayo sa kabihasnan, ang pagpapanatili sa mataas na level ng morale ay isang malaking challenge. Ito ay kasama sa hamon ng isang lider kagaya ng mga opisyal at non-commissioned officers na syang may responsibilidad na maisakatuparan ang mga iniatas na misyon ng yunit. Dito nakikita ang diskarte ng lider paano timbangin ang personnel welfare at mission accomplishment.


Ang buhay sa field ay magkahalong excitement, lungkot at saya. Para sa mga bagong graduate na mga sundalo (opisyal o enlisted personnel), ang field assignment ay isang adventure at isang karangalan ang mapasabak sa makatotohanang bakbakan. Kung paano maging malungkot o masaya ang isang sundalo, depende ito sa personal nyang diskarte o sa kanyang opisyal na nagdadala sa kanila. Kung negatibo ang attitude, normal na ang kalungkutan at kaakibat na stress,  lalo na sa mga panahong sunud-sunod na nasasaksihan ng tropa ang madugong bakbakan. Samantala, kung positibo ang pananaw, madali ang pagpapasaya sa sarili sa munting pamamaraan. 

Sa unang bahagi ng aking kwento, unahin kung ilahad paano namin pinapasaya ang aming sarili lalo na kung nasa gitna kami ng kagubatan naka-destino.

Ang tanong: Mapapasaya mo nga ba naman talaga ang iyong sarili kung nakakalungkot ang iyong kapaligiran? Para sa akin, ang sagot ay umaalingawngaw na Yes. Nasa diskarte lang talaga iyan. Basahin paano namin pinapasaya ang sarili. Drum rolls please! Djaraaaan! 

1. Manghuli ng niknik o lamok. Alam nyo, nakakabwisit ang maliliit na demonyong ito dahil maliban sa makati kumagat, nakakainis na makitang nahihigop nya ang iyong dugo. So, paano mo mapasaya ang sarili? Hmmmm. Bawian mo sila. Dahan-dahan mo itong hulihin gamit ang daliri, ilapit sa iyong tenga bago pisatin. Prrrrt! Dinig mong nadurog ang kanyang buto-buto kung meron man sya. Another technique ay kumuha ka ng insect repellent at isawsaw mo ang bunganga nya doon. Minsan kasi duda ako na nagsusuot sila ng face mask kaya sugod pa rin kahit naghilamos ka ng repellent! Isa pang diskarte, wag mo syang patayin kundi ilapit sa iyong bibig at bulungan nitong orasyon bago ito pakawalan: "Tutuliin ko kayong lahat kung bumalik kayo sa akin!". Di ba, bawi-bawi lang? Nakangisi ka na pagkatapos noon.

2. Langaw Sniping. Gamitin ang elastic band o lastiko, pitikin mo ang mga langaw na mahilig dumapo sa iyong pagkain. Nakakatuwa na timbuwang sila pag inabutan ng lastiko. Magsama ka ng ka-buddy at paramihan kayo ng bodycount. Ang saya di ba?

3. Limatik torture. Ipunin mo yong mga limatik na mahilig pumasok sa combat boots at naninipsip ng dugo. Maglagay ng konting tubig sa cellophane, ipabula gamit ang panlabang sabon at palanguyin ang limatik hanggang isusuka nya ang dugo na galing sa iyo. 

4.  Story-telling a lie. Kumuha ng ka-buddy, pwesto kayo sa gilid ng puno dala ang rifle at bulungan kayong magbolahan tungkol sa military jokes, paano manligaw sa baranggay o kaya magkwentuhan sino ang mas magaling sa inyong mga lolo!

5. Basa ng libro o komiks. Ilabas ang baong libro, sumandal sa bato at kunwari nasa batuhan sa Coron, Palawan kang ninamnam mo ang istorya na binabasa. Imagine, kaya palang pumunta sa Coron!

6. URC 187 entertainment. I-scan mo ang frequencies ng URC 187 at pakinggan ang bolahan ng mga Chinese o Malaysian radio operators na nasa ere. Pwede ring ilipat sa admin frequency ng higher headquarters at makiusyoso kung merong 'kabuhayan' kagaya ng PIB, Bonus o karagdagan sa sweldo. Iwasan lang na mag-ingay at mamalasin ka sa iyong mga kasamahan.

7. Signaling. Kumuha ng ka-buddy at magkontes kayo sino ang mas magaling sa hand and arm signals pati semaphore signaling. Ang talo, manlibre ng tuba pag-uwi sa kampo.

8. Food patrol. Kung sawang-sawa na sa lasa ng sardinas, magsama ng isang team at manghagilap sa gubat ng pako, gabi, saging, camote at 'tenga ng unggoy' na nasa mga patay na puno. Pwede ring pagtyagaan ang maliliit na isda o kaya ang igat (eel) na nasa ilog. Kung may mukhang gulay na damo, pwedeng tikman at  kung hindi nangangagat sa dila,  ipatong sa kanin para subukang kainin. Pag mailuto mo ang mga iyon, masaya na kayo!

9. Animal sounds. Panatiliin ang katahimikan, pakinggan ang lumalabas na huni sa gubat at pagalingan kung ito ba ay baboy damo, kalaw, bato-bato, usa, ahas o Abu Sayyaf na kung umubo ay parang aso!

10. Weapon maintenance. Kung hindi ka duty guard, pumunta sa gitna ng patrol base, maglatag ng poncho at magdala ng gun oil, pamunas at kutsara. Punasan ng konting oil ang moving parts at kiskisin ang lahat ng kalawang gamit ang kutsara. Dapat walang ingay at kailangang hindi masira ang protective coating ng baril. Pagkatapos noon, ilatag ang poncho sa gilid ng puno at yakap-yakapin ang baril, imagine mo ang iyong sweetheart hanggang maidlip.  

(Abangan ang Part 2)


2 comments:

  1. Haha natatawa po aq sir. Pro saludo aq sa lahat ng mga sundalo na matatapang.. kht pla medyo dilikado ang trabho nyo may tinatago rin pla kayung nakakatuwang ugali tungkol sa pag papawala ng pag ka bored..

    ReplyDelete
  2. Ha ha ha ha yung iba sir mukhang nagawa ko na nung nasa serbisyo pa ako, effective.

    ReplyDelete