Pages

Sunday, December 27, 2015

10 things a Scout Ranger leader can do to boost soldiers' morale (Part 2)


Nakikita sa larawan ang aking pagtuturo ng pag-gamit ng Microsoft Office para sa aking admin personnel. Layunin ng training na maging bihasa ang mga NCOs sa pagsagawa ng admin support tasks habang ang tropa ay nakikipaglaban. Ang lahat ng mga NCOs na ito ay boluntaryo ring sumasama sa combat patrols dahil mas mataas ang tsansa ng meritorious promotions ng combat operators kaysa mga taong opisina. 


Sa unang bahagi ng aking kwento, nailahad ko ang mga personal na diskarte paano labanan ng isang Scout Ranger ang kalungkutan sa field assignment. Parang kalokohan lang no? 

Sa totoo lang, napakabihira ang insidente ng battle stress o post traumatic stress disorder (PTSD) na kalimitang nangyayari sa mga miyembro ng US armed forces. Siguro, dahil ito sa pagiging madiskarte ng sundalong Pilipino paano nya pasayahin ang sarili. Maliban pa dyan, likas na masayahin naman tayo kahit napakahirap ng sitwasyon na ating nararanasan. Ganon din kaming mga sundalo.

Ganon pa man, malaking problema pa rin at sakit sa ulo ang magkaroon ng 'war shock' na kasamahan. Merong nakikitaan ng sintomas nito mula sa iba't-ibang units na nakasama namin sa Sulu noong taong 2000. Merong namamaril ng kanyang kasamahan. May isang nagtapon ng granada. Merong nawalan na ng focus sa ginagawa at naiputok ang Cal 50 machinegun sa friendly forces. May isa akong tao na parati nang nakatingin sa langit at nagbibilang ng mga bituin o naghahanap ng planetang Uranus. Bilang lider, responsibilidad ko rin ang maaksyunan ang problemang ito bago manganak ng mas masalimuot na problema. Dito papasok ang malaking tulong ng mga NCO-leaders na syang direktang nakakasalamuha sa mga tao sa squad o team level. 

Maraming mga pamamaraan para mapataas ang morale ng mga sundalo at ng yunit sa pangkalahatan. Ang mga pamamaraan na ito ay ginagawa ng isang Company Commander na syang merong direktang responsibilidad sa kanyang kinasasakupan, at ito rin ay pwedeng ginagawa ng isang Platoon Leader o Detachment Commander na nadestino sa isang malayong assignment. Merong mga diskarte na kailangan ng pondo ng yunit (wag magtipid o magdamot ng MOE) at meron namang pawis at malamig na tubig lang ang puhunan (wag magpatamad-tamad o patulog-tulog sa pansitan)

Ibahagi ko ang iilan sa pamamaraan para parating 'on the go' at 'high-morale' ang aking mga sundalo sa yunit:

1. Sustainment training. Lagi kaming nagsasanay sa pakikidigma para lagi kaming lamang sa kaalaman at kagalingan kaysa mga kaaway. Sama-sama kami sa physical exercises (roadruns at calisthenics), sa pag-review ng operational TTPs (techniques, tactics and procedures),sa live-fire exercises, quick-reaction drills at team/platoon maneuvers. Sa pamamagitan nito, kampante kaming lahat na mas asintado, mas malalakas at mas mahusay kami sa larangan ng pakikidigma kaysa mga kalaban. Kapag confident sa combat operations ang sundalo at mataas ang level ng samahan ng yunit, mataas din ang kanilang morale. Paano na lang kaya kung ang ginagawa ng mga sundalo mo ay maghimas ng manok,  nag-tong-it maghapon, nagkukuyakoy sa duyan at naglalasing habang nagtatambay sa barangay?

                            
Kahit graduates ng Scout Ranger Course ay kailangan ng regular refresher training ng Techniques, Tactics and Procedures (TTPs) ng operations. Dito namin napupuna ang mga lapses ng procedures at ginagawan ng spot corrections para hindi maulit sa aktwal na pakikidigma. Ang mga sundalong tinatalikuran ang pagsasanay na ito ay posibleng ma-windang sa aktwal na bakbakan. Dahil hindi kampante sa kasamahan, nagreresulta sa pagka-watak-watak, iwanan  (run for your life) at napupugutan ng ulo.

                              
Sinasanay sa combat swimming ang aking mga tauhan bilang paghahanda sa waterborne operations sa mga isla ng Sulu. Ginanap ko ang pagsasanay na ito sa Taglibi, Patikul, Sulu. Makikita sa background ang aming playground, ang Bud Bagsak-Bud Tunggul-Mt Sinumaan complex.

                              
Nagsasanay ang aking mga NCOs ng mission planning gamit ang modelo ng terrain na pinamumugaran ng mga bandido. Layunin ng training ang pagpataas ng kanilang kakayahan sa pagplano ng team level o platoon level operations na minimum ang supervision ng mga opisyal.      

                             
Kuha sa larawan ang live-firing activities ng aking yunit sa paanan ng Bud Datu, Indanan, Sulu. Kasama sa regular na nagsasanay ay ang aking mga snipers na merong kakayahang magpatama ng bandido sa layong kalahating kilometro. 

2. Rest & Recreation and Leaves. Binibigyan ko parati ng pribilehiyo ang aking mga tauhan na makauwi kasama ng kanilang kapamilya. Sa tulong ng First Sergeant at ng mga sub-unit leaders, sila-sila na ang nag-uusap sa diskarte ng release ng mga magbabakasyon. Ang requirement ko lamang ay hindi masira ang team integrity, ang ibig sabihin, dapat buo pa rin ang team kung may pinauwi na miyembro nito. Dito rin papasok ang succession of command na kung saan ay merong katiwa-tiwala na NCO na syang magdadala sa Team/Squad habang nakabakasyon ang isa. Dalawang aspeto ang naisaayos ko para mapanatili ang taas na level ng morale: Una, nakakabili sila ng murang ticket dahil planado ang uwi. Pangalawa, kampante sila na buo ang team at hindi mag-iiwanan dahil magaling pa rin ang magdadala sa kanila.

3. "Happy hour". Sa pagkakataong meron kaming iilang araw ng pahinga, ginaganap namin ang happy hour na kung saan ay merong boodle fight, videoke at inuman para sa mga birthday boys. Magandang stress-reliever ang aktibidad na ito at dito lumalabas ang mga hidden talents ng mga tropa simula sa pagluluto ng masasarap na putahe, hanggang sa pagalingan sa pag-awit ng walang kamatayang "My Way"

                            
Napatunayan na ring pangtanggal ng combat stress ang videoke singing tuwing 'Happy Hour'. Kuha sa larawan si Cpl Junjie Cuevas ng Mindoro na kinakantyawan naman kanyang batchmate na si  Cpl Arnold Panganiban ng Cavite.

4. Rewards and Punishments. Sinisigurado ko parati na ang magagandang accomplishments ay may kaukulang  awards  o kaya ay meritorious promotion kung nakakumpiska kami ng matataas na kalibre ng baril. Sa mga iilang nagpapasaway, sinisigurado ko ring merong patas na kaparusahan. Mahirap itong gawin ngunit kailangang pagtyagaan ng mga officers at Admin NCOs na syang mag-proseso sa mga papeles nito. Sa dami ng meritorious promotions sa aking yunit, lahat na personnel ay gustong sumama sa combat patrols. 

5. Letters to family. Dahil hindi pa gaanong uso ang cellphone sa lahat ng tropa sa panahon na iyon, sinusulatan ko ang mga magulang o kaya mga asawa ng aking mga sundalo para ipaabot ang aking pagbati, ipanatag ang kanilang kalooban at impormahan sila tungkol sa schedule ng R&R. Sa iilang pagkakataon, naipagbati ko yong nag-aaway na mag-asawa o kaya nagawan ko ng paraan na mabawasan ang iniinda nilang problema na nakakaapekto sa morale ng sundalo.

6. Best-best competition. Tuwing nasa kampo kami, isinasakatuparan namin ang paligsahan sa team kagaya ng Team Equipment Run o Team live firing o pagandahan ng Vegetable Garden. Sa pamamagitan ng mga palarong ito, nabubuo lalo ang kanilang samahan at tumataas ang kanilang kumpyansa sa bawat isa. Binibigyan ko ng kaukulang cash prizes ang team o kaya passes ang nananalo sa paligsahan.

                           
Kuha sa larawan ang team level firearms maintenance training ng aking kumpanya tuwing nakakapagpahinga kami sa Camp Teodulfo Bautista, Busbus, Jolo, Sulu. Si Cpl Gil Galsim (right), ang syang nanguna sa pagsasanay ng mga tropa sa layuning lahat ay bihasa paano paganahing mabuti ang mga armas tuwing merong bakbakan. 

                           
Kuha sa larawan ang sustainment training ng aking unit sa advanced rifle marksmanship na ginagamitan namin ng improvised moving targets at disappearing targets para mahasa ang shooting skills ng aking mga sundalo mula 25 metro hanggang 250 metro. Para may kasayahan sa training, binibigyan ko ng cash prize ang pinakamagaling na Team Score. Sa firing range din na ito nagdaos ng shooting competition para sa mga sundalo na pinondohan ni ex-Governor Wahab Akbar.  

Sa tulong ng iba't-ibang personnel mula sa mga ka-buddy na SR Companies, pinagtyagaan naming linisin at ginastusan ng fuel ang mga bulldozers na ginamit para sa pagpapagawa ng sarili naming firing range na ito sa Bgy Cabunbata, Isabela, Basilan. Nang makita ito ng 103rd Brigade Commander Col Hermogenes Esperon, nagpagawa rin sya ng firing range sa kanyang headquarters sa Bgy Tabiawan. 


7.  Messing. Ang isa sa sikreto para tumaas ang morale ng tropa ay ang pag-maximize sa mabibiling pagkain ng aming kapiranggot na mess allowance. Para magawa ito, lahat ay dapat kasama sa consolidated mess pati ang mga opisyal at senior NCOs. Kapag combat patrols, pinapabaunan namin ang bawat team ng extra viand na kagaya ng deep fried chicken o simpleng bagoong. Tuwing resupply naman, pinapalutuan ko sila ng pansit at tinola para matanggal sa dila ang lasa ng walang kamatayang sardinas. Binibigyan ko rin ang mga Team Leaders ng fund support para pambili ng extra ulam ng team at kanya-kanya na silang diskarte ng  pagluluto para sa team members nila.  Di ba't nakaka-high morale iyon?

8.  Community service. Kinakaibigan namin ang mga tao sa paligid ng aming resupply area. Pinaparamdam namin sa kanila na hindi kaaway ang turing namin sa kanilang mga sibilyan. Nang may nag-request ng libreng tuli, pinag-tutuli namin ang mga kalalakihan. Tinulungan din namin silang magkaroon ng public toilet para hindi na nila kailangang magkalat ng yellow submarine napakaganda nilang dalampasigan. Dahil dumami ang aming kaibigan sa lugar, nababawasan ang aming combat stress at ito ay nagpapataas din ng morale. 
                            
Kinaibigan namin ang mamamayan sa Taglibi, Patikul, Sulu na syang resupply area ng 1st Scout Ranger Battalion tuwing may combat operations sa lugar noong 2000-2001. Kuha ang larawan bago ang ground breaking ng ipinatayo naming public toilet na ginastusan mula sa kontribusyon ng pondo mula sa iba't-ibang SR Companies (10SRC, 1SRC, 19SRC, 14SRC, 7SRC) at maging ng 1st SRB. Kasama ko sa larawan ang Company Commander ng 7SRC na si 1st Lt. Roy Derilo (4th from left). 


9.  Entertainment area. Ang aking yunit ang isa sa kauna-unahang nagkaroon ng Satellite Dream Cable sa Basilan. Ginastusan ko ito para makapanood ang tropa ng samo't-saring palabas na makakapag-pasaya sa kanila kagaya ng National Geographic Channel, History Channel at HBO Movies. Ang paborito nilang panoorin ay iyong Tagalog movies lalo na ang mga sine ni Robin Padilla, Dolphy at Vic Sotto. 

10. Schooling. Kahit nasa field duty kami, pinapa-schedule ko parati ang pagpapadala ng career at specialization schooling ng tropa. Ito ay parte sa pagtingin sa kanilang career path habang tumataas ang ranggo na kung saan ay pwede silang madestino sa ibang mga assignments sa higher headquarters. Kapag nakakalimutan ng mga opisyal na ipadala rin ang tropa sa schooling ay nakakababa ng morale dahil naaapektuhan ang promotion nila kung hindi nagkaroon ng required schooling sa ranggong dapat makuha nila. 


6 comments:

  1. Congratulation Sir!!!!!

    General ka na pala

    ReplyDelete
  2. Good job sir. May your tribe grow!

    ReplyDelete
  3. sir, may link po ba kayo ng article sa Peoples Tonight na na feature kayo at binabangit sa blog na eto?
    http://journal.com.ph/editorial/opinion/may-the-force-be-with-you-gen-cabreros#gkBg

    ReplyDelete
    Replies
    1. PS salamat sir. ako rin po yung Anonymous na nag pos sa taas (12/27/2015 04:37PM)

      Delete