Pages

Saturday, November 01, 2014

Ang kwento mga sundalong 'Integree'



Alam nyo bang meron tayong mga sundalo na dating nakikipaglaban sa pamahalaan? Sila ay mas kilala sa generic term na 'Integrees' kagaya ng mga dating mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at ng Cordillera People's Liberation Army (CPLA).

Dahil sa peace agreement sa pagitan ng pamahalaan at sa MNLF at ng CPLA, napagkasunduang isama sa hanay ng kasundaluhan ang iilan sa kanilang miyembro.

Noong ako ay unang naninilbihan bilang mandirigmang Scout Ranger sa Basilan noong 1998, nakasama ko ang iilan sa mga 'MNLF Integrees' sa aming mga lakad laban sa mga Abu Sayyaf na pinamunuan noon ni Abdurajak Abubakar Janjalani. 

Sa aking pakikipaglaban sa mga bandidong Abu Sayyaf noong taong 2000 sa Sulu, malaking tulong din ang naibigay sa akin ng iilang MNLF 'Integree' na sumama sa ilan kong mga lakad. 

Nang binisita ko ang tropa sa Sulu noong ika-30 ng Oktubre 2014, nakasalamuha ko ang iilan sa mga nataguriang 'Integrees'. 



Sina Private First Class June Rose Mukay at Pfc. Cherryl Fernandez ay pawang tubong Kalinga. Sila ay na-integrate sa Army noong 2012 at naging miyembro ng 5th Infantry Division na naka-base sa Gammu, Isabela. 

Samantala, si Major Abdul Gaffor Asiri ay dati namang tauhan ni Nur Misuari sa MNLF. Sya ay nagtapos bilang miyembro ng Officer Candidate Course Class 19 noong 1998. 

Malayong assignment

Pagkatapos ng kanyang commissionship bilang 2nd LT noong 1998, nalibot na ni Asiri ang Southern Mindanao bilang miyembro ng 1st Infantry Division. 

"Marami na rin akong karanasan sa iba't-ibang posisyon sa Army at nagampanan ko naman ang aking tungkulin sa pinakamabuting pamamaraan na aking makakaya," sabi ni Asiri na anak rin ng isang MNLF. 

Sabi ni Asiri, malugod nyang tinanggap ang kanyang paglipat sa 5th Infantry Division mula sa kanyang assignment sa Zamboanga City mga dalawang buwan na ang nakaraan. 

"Hindi ako nagpakita ng kalungkutan o pag-aatubili kasi alam ko para ito sa aking ikabubuti. Pagkakataon ko na rin iyong makita ang Northern Luzon," ani Asiri na lumaki sa lalawigan ng Sulu. 

Samantala, sina Mukay at Fernandez na tubong Kalinga ay hindi inaasahang mapadpad sa kabilang dulo ng Pilipinas.

Silang dalawa ay panay may asawa at meron nang mga anak na naiwan sa kanilang tahanan. 

"Walang problema sa akin ang assignment ko dito sa Jolo sir. Nais ko ring makatulong na matapos ang mga labanan dito," sabi ni Mukay na ina ng 4 na anak. 

Si Fernandez naman ay nagpakita ng positibong pananaw sa kanyang Jolo assignment. Sya rin ay ina ng isang maliit pang anak na iniwan nya sa pangangalaga ng kanyang asawa sa bayan ng Bunao.

"Natatawagan ko naman sila parati at merong phone signal dito. Alam ko naman na mabibigyan din kami ng pagkakataon na makakauwi sa aming pamilya sa takdang panahon," sabi nya.

Hindi inaasahan ni Asiri na ang kanyang assignment sa kabilang dako ng Pilipinas ay magiging pabor pala sa kanya. 

Nang maghanda ang 501st Infantry Brigade para sa deployment nito sa Sulu, agad syang sinabihan na sumama para makatulong sa mga tropa sa bagong assignment.

"Natuwa na rin ako kasi dito rin pala sa aking bayan ang bagsak ng aking destino. Gusto ko ring matapos na itong problema ng Abu Sayyaf dito. Kahit kapwa Tausug at Muslim ay binibiktima na rin nila," sabi ni Asiri.

Mukha ng karahasan

Sabi ni Asiri, tila ayaw na nyang balikan ang mga masasamang ala-ala ng mga madugong labanan na kanyang naranasan simula noong sya ay bata pa. 

Kasama sya na palipat-lipat sa gubat kasama ang buong pamilya nang nakikipaglaban pa ang kanyang ama sa mga sundalo.

"Nakita ko ang masamang dulot ng karahasan. Naalala ko pa ang nagbagsakan na mga bala ng mortar sa aming paligid na syang ikinasugat ng aking kapatid na babae. Naranasan ko ring kumain ng kung anu-ano na lang na halaman at pati niyog para lang maitawid ang gutom," sabi nya. 

Si Asiri, Mukay at Fernandez ay magkakasamang naninilbihan sa 501st Brigade na naka-base sa Bud Datu sa bayan ng Indanan. 

Kinikilala ng pamunuan  ng kanilang yunit ang kanilang serbisyo bilang sundalo. Hindi na sila tinatawag na 'Integree' kundi mga sundalong Pilipino.

Para sa akin, silang tatlo ay ang simbolo na kapayapaan ang isulong natin sa para sa ating bayan. 


Kuha ang larawan sa pagbisita ni Defense Secretary Voltaire Gazmin at CSAFP General Gregorio Pio Catapang Jr sa 501st Brigade sa Bud Datu, Indanan, Sulu noong ika-30 ng Oktubre 2014.


1 comment: