Pages

Wednesday, October 02, 2019

Bakbakan sa Jolo: Combat Story of Msg Bobords Dela Cerna (Part 8)

Imahe ng Sulu pagkatapos na ito ay masunog sa madugong bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at mga mandirigma ng Moro National Liberation Front noong Pebrero 1974. (Photo credit to mnlf.net)


Imahe ng matinding karahasan ang nasilayan ng tropa ng 15th Infantry Battalion nang marating nila ang mga bahayan sa gilid ng Jolo Airport. 

Umuusok pa ang iilang nasirang eroplano na tinamaan sa unang pag-atake ng mga rebelde sa pagsubok nitong gapiin ang pwersa ng gobyerno na naka-base sa Notre Dame College.

Nakita ni Bobords ang makakapal na usok ng tila nasusunog na bahayan sa iba't-ibang parte ng syudad. Naririnig naman nya ang tuloy-tuloy na palitan ng putok sa maraming bahagi na kung saan ay merong nakadepensa na mga pwersa ng gobyerno kagaya sa Camp Asturias na merong tropa ng Philippine Constabulary. Sa katabi na sektor ay ang 14th Infantry Battalion at ang Philippine Marines.

Sa kanilang counterattack sa mga pwersa ng MNLF na umatake sa Jolo,  nakakabarilang  ng Molave Warriors ang mga rebelde na sumugod sa tropa ng Marines sa paligid ng Notre Dame. 

Nakakubli sa iilang sementadong pwesto ang mga kalaban na rumatrat kina Bobords. Pak! Pak! Pak! Bratatatat!

"Return fire!" Nanlilisik ang mga mata ng Musang na si Pfc Banzon habang nag-mando sa mga baguhang Second Class Trainee.

Gustong magpakitang gilas si Bobords sa mga idolo nyang Musang sa angkin nyang katapangan. Sumugod sya paharap habang pinapaputok ang kanyang Cal 30 Machinegun. 

"Mga pinisting giatay mo!" Minumura nya ang mga kalaban na kanyang kabarilan. 

Sa sobrang gigil at kumpyansa ay nakalimutan na ni Bobords ang matakot sa kamatayan. 

"Sa totoo lang, ang pakiramdam ko ay di ako natatamaan kung nakatayo. Noong una naming mga engkwentro, kung dumadapa ako, lalong humahaging sa tabi ko ang mga bala kaya parang malas sa akin ang magtago ng ulo habang lumalaban!"

Nakita ni Bobords ang mga rebelde na palipat-lipat ng pwesto sa mga bahayan at pinipilit nya itong tugisin nang tugisin. 

Sa kanyang paligid, nakita ni Bobords ang iilang kasamahan na sugatan. Ang iilan ay humihiyaw sa sobrang sakit na nararamdaman at tila naaalala ang pinanggagalingan na sinapupunan. 

"Mama, Mama!" Tumakbo ang isa nyang ka-batch na may tama sa kamay at naiwan ang dalang M1 Garand. 

Dahil dalawa rin ang kanyang dalang baril, di na magawa ni Bobords na damputin ang naiwang baril sa open terrain. Pilit nyang pabalikin ang takot na takot na ka-klase para kunin ang naiwang gamit nito. 

"Pastilan, tapsing ra man na imong igo,  balik diriiiiiii! Ayaw pag-tinalawan kay samot kag kamatay ana nga wala na kay pusil!" (Sus, daplis man lang yan tama mo, bumalik ka dito! Huwag kang nerbyoso dahil lalo kang mamamatay dahil wala ka nang baril!)

Sa panghihinayang ni Bobords sa baril ng kanyang ka-batch, nakalimutan na nya na binabaril sya ng mga rebelde na iilang metro lang ang layo sa pwesto ng leading elements ng Alpha Company. Paglingon nya sa likuran, nawala ang kanyang mga ka-buddy na may bitbit ng bala at tripod. 

"Castillo, naunsa man mo nga mora man mog nakakita ug multo! Balik ngari!" (Castillo, ano nangyari na para kayong nakakita ng multo! Balik dito!)

Dahil sa tuloy-tuloy na paghaging ng mga bala, wala nang gustong sumabay kay Bobords sa kanyang kinatayuan. Sinipa nya ang Garand Rifle papunta sa direksyon ng mga kasamahan. 

"Allahu Akbar! Allahu Akbar" Ka-blaaaam! Bratatatatat! Pak! Pak! Pak! Nakipagsabayan ang mga rebelde sa pakikipagpatayan sa leading elements. 



Brrrrrt! Brrrrt! Brrrt! Niraratrat ni Bobords ang mga kaaway sa harapan. Nakikita nya na hinihila ng mga rebelde ang mga kasamahang tinatamaan!


Plak! Pamilyar kay Bobords ang tunog ng nauubusan ng bala. Wala nang silbi ang kanyang machinegun at ayaw syang lapitan ng kanyang Assistant Gunner at Ammo Bearer. 

Nagpasya si Bobords na balikan ang mga kasama sa Weapons Platoon. 

"Asoki, Castillo,  huwag nyo kong iwan. Walang mangyari sa inyo!" Di mapintura ang mukha ng mga ka-batch nya na napilitang sumunod sa ala-Rambo na si Bobords. 

Usad pagong ang advance ng Molave Warriors sa mga bahayan dahil sa matinding resistance ng mga kalaban na nakapaligid sa Notre Dame College. Kalahating araw ang aabutin nila sa pakikipagbarilan sa mga bahayan. 

Kung mabagal ang kanilang pag-advance ay posibleng matalo ang mga tropa ng Philippine Marines na nagpapa-reinforce sa 15th IB. Dahil wala silang kaalaman sa urban warfare, napipilitan silang wasakin ang mga pader at bahagi ng bahay gamit ang Bazooka, kung merong namumutok na pwersa ng MNLF sa likuran nito. 

Muli, pasma ang inabot ng tropa ng Molave Warriors sa bagal ng kanilang advance. Tanging si Bobords ang buhay-na-buhay dahil sanay na sya na mani lamang ang kinakain habang lumalaban. Dalawang kilo na pritong mani galing sa Cebu ang kasama sa kanyang baon. 

Bandang ala una ng hapon, narating na nila ang gilid ng Notre Dame College na kung saan ay binabakbakan ng MNLF ang tropa ng Marines na nasa loob ng compound. 

Saktong pagpasok pa lang nila sa mismong compound, sinalubong na kaagad sila ng napakaraming putok. Natamaan agad ang ilan sa kanyang kasamahan. 

Sa L-type at 4 storey na building ng Notre Dame College, tila naging chopsuey ang pinagpwestuhan ng mga MNLF at mga sundalo ng gobyerno. 

Tinawagan ni 1Lt Betonio ang tactical radio ng mga Marines dahil naglabo-labo na ang pwesto ng mga MNLF at ng pwersa ng gobyerno. 

"Nasaan kayo dyan? Kami itong kapapasok sa compound. Di namin matukoy sino kayo dyan!"  

Bang! Bang! Bratatat! Bratatat! Iba ang naging sagot na natanggap ng Molave Warriors. Natikman nila ang kaguluhan ng kauna-unahang Close Quarter Battle ng Philippine Army pagkatapos ng World War 2. 

Nagkahiwalay ng pwesto ang mga tropa ng Molave Warriors nang sinimulan nilang sugurin ang 1st Floor ng Notre Dame College para makakuha ng sariling pwestong mapagkublihan. 

Magkahalo ang mga sundalo at MNLF sa mga pinagpwestuhang mga kwarto na dapat ay paaralan para sa kabataang Tausug na nais mabago ang buhay sa pamamagitan ng pagkuha ng pormal na edukasyon. Kakaibang labanan ang kanilang mararanasan sa susunod na dalawang linggo. 

Kasama si Asoki at Castillo, nakakuha si Bobords ng magandang pwesto para sa kanyang bagong natutunang paraan sa pakikidigma: countersniper operations sa loob ng building. 

Loaded ang kanyang Garand. Sinisilip nya ang pwesto ng mga MNLF na nasa katabing gusali. Tila wala silang kamatayan. 

Pak! Pak! Pak!

Paglingon ni Bobords, nakahawak si Asoki sa kanyang ulo. 

(Ipagpatuloy sa Part 9)


*** Sa mga interested na mamimili ng mga products online, wag kaligtaan na bisitahin ang Shopee!



9 comments:

  1. Wow may libro po ba sa kwento na to saan po mabibili??
    Salamat po!!

    ReplyDelete
  2. Part 9.... excited///// kelan ulit ang part 9 Sir?

    ReplyDelete
  3. Totoo pla na Mani kinakain ni master bobords pag may operation... Pang 2nd time ko na nabasa about sa diet nya na Mani first sa scout ranger wars stories...God bless master bobords...if I may ask c master dn ba Yung sniper na altar boy before nagi
    ng sundalo?

    ReplyDelete
  4. Haha pisti lamia sa story...di nako kahuwat sa sunod part

    ReplyDelete
  5. Part 9 nahhh please....😋✌

    ReplyDelete
  6. May part 9 na po ba sir? at kung pwede gawan mo naman ng blog about kay late capt.sandoval.

    ReplyDelete
  7. PVT TOMAS EUGENIO JR 590820 PA
    Papa ko Yan baka magka batch Kayu sir

    ReplyDelete