Pages

Friday, September 13, 2019

Baptism of fire ng Molave Warriors: Msg Bobords Dela Cerna story (Part 5)


Larawan ng certificate ni Bobords Dela Cerna sa Molave Warfare Course, ang kurso nya sa warfighting na tinapos nya iilang araw bago ang kanyang pinakaunang combat deployment sa Jolo, Sulu noong taong 1974. 



Molave Warriors

Sa unang pagsabak sa labanan ng Molave Warriors, mabilisang nag-dive si Bobords papunta sa pwesto ni Pvt Tunac para masagip ito at nang makuha ang dala nitong machinegun.  Nilingon nya ang isang kasama na napasigaw dahil natamaan sa hita.

“Tabangi ko!” (Tulungan nyo ako!)

Nang tinakbo naman ito ng dalawa pang tropa, ginawa naman silang target paper ng nakapwestong MNLF, at ratrat ang inabot nila. Bratatattat! Pak! Pak!

“Nadagdagan na naman ang casualties namin dahil sobrang malapitan ang labanan. Nakita namin na merong foxholes ang mga kalaban kaya lugi kami sa bakbakan.”

Nakita nya na wounded ang isa sa mga Musang ngunit tumayo ito at lalo pang sumugod sa harapan.

“Wag matakot mga bugoy! Assault!”

Lalong lumakas ang loob ni Bobords nang masaksihan ang katapangan ng kanyang NCOs. Gusto nya itong gayahin sa pagpapakitang gilas sa kahusayan sa pakikipaglaban.

Inulan man sila ng punglo, naubusan na sya ng takot na mamatay sa panahon na iyon. Naawa sya sa sinapit ni Pvt Tunac.

“Di ko masikmura na iwanan syang nakahandusay doon sa open terrain. Di ko rin pwedeng pabayaan na maagaw ng kalaban ang dala nyang machinegun dahil mas lalong dadami ang malalagas sa amin, kaya di bale nang mamamatay, wag lang mapahiya!”

Kasama ang mga kapwa Second Class Trainees, hinila nila si Tunac at ang machinegun hanggang maabot nila ang mga puno ng niyog.

Sinubukan nyang magkubli sa likod ng puno pero nagsisikuhan sila dahil apat silang nagtago sa isang puno para iwasan ang umuulang punglo. Dahil inuulan sila ng bala, para silang mga bata na nag-aagawan ng laruan.

“Ayaw diri! Balhin sa pikas!” (Wag ka ditto, lipat sa kabila!)

Nangingibabaw ang boses ni Sgt Berroya, isa sa mga Musang, sa gitna ng umaalingawngaw na mga pagsabog at mga putok mula sa mga Molave Warriors na nakaabot na rin sa mga mapunong lugar.  

“Bazooka! Tirahin ang foxholes ng Bazooka!” Dala-dala ng mga tropa ang M9A1 Bazooka, ang grenade launcher na unang naimbento para pang-tigok sa battle tanks ng World War 2.

Ka-blaaaam! Pasok sa pwesto ng foxhole ang bala ng Bazooka. Tumahimik ang mga baril ng kalaban na nakapwesto dito. Ang iba ay nahiya nang tumayo sa dami ng shrapnel na nahilamos sa kanila.

“Allahu akbar! Allahu akbar!” Nagsigawan ang mga natirang kalaban.

Sumagot naman ang mga Musang na nangunguna sa lahat ng tropa kagaya ni Sgt Bernas na di man gaano kalakihan pero parang naka-megaphone ang boses nya.

“Ayaw kahadlok! Asdang ta!” (Huwag matakot! Sugod tayo!)

Nakikita ni Bobords ang iilang mga kalaban na humihila sa mga patay nilang kasamahan. Nasa 50 metro lang ang layo nila pero mas masukal ang kanilang pwesto.

Ini-sling nya ang kanyang M1 Garand at dali-dali nyang kinuha combat pack ni Pvt Tunac at tinanggal ang straps ng combat pack. Ipinangtali nya ito sa Cal 30 Machinegun para maging sling nito, para madaling buhatin.

Pinatabi nya sa kanyang pwesto ang mga ka-batch na sina Asoki at Castillo na syang may dala ng maraming linked ammo ng machinegun. Doon nya sinimulang paulanan ng bala ang mga kalaban na nasa likod ng mga puno ng lansones.

Brrrrrrrrrrt! Brrrrrrrt! Brrrrrrrrrrrt! Umaapoy ang iilang tracer rounds habang lumilipad ito papunta sa pwesto ng mga kaaway.

Ang iilan sa kanyang ka-batch ay nakasubsob na ang ulo at hindi na nakaka-return fire dahil sa nerbyos sa sinapit nila. Dahil dito, nakiki-command na rin si Bobords sa mga kasama na nakalinya sa kanya.

“Maneuver na mo, ako ang mag-cover fire!” Tuloy-tuloy ang pagpindot nya sa trigger para makapag-deliver ng burst fire at mapasubsob ang ulo ng mga kalaban.

Brrrt! Brrrrt! Brrrrt!

“Batching, reload!” Nakita nya na parang blangko ang titig sa kanya ni Asoki.

“Hoy, butangi kog bala kay nahurot na! Dalia kay basin asdangon ta ug matigbasan ta aning mga kanahan!” (Hoy, lagyan mo ko ng bala at naubos na! Bilisan mo at baka sugurin tayo at mataga tayo nitong mga ***%#!)

Ang juramentado

Batid na batid ni Bobords ang mga kwento tungkol sa mga juramentado na mga Tausug. May tali sa bayag, sa braso, at sa ulo, naging tanyag ang suicide attackers ng mandirigmang Tausug sa Filipino-American war na kung saan ay maraming Jolohano ang nag-alay ng buhay sa mga suicide attacks kontra sa pwersa ng mga Melikan (Amerikano) gamit ang kris at barong. Ang ‘bolo-wielding’ juramentado ay parte sa asymmetric warfare tactics na pangtapat ng ill-equipped na pwersa ng Sulu Sultanate laban sa well-trained at fully-equipped conventional forces ng United States of America. Dahil sa oral traditions, naipamana ng mga Tausug ang close quarter combat technique na ito sa mga descendants nila, pati sa mga kasalukuyang mandirigma ng Moro National Liberation Front.

“Allahu akbar, Allahu akbar!”

Larawan ng mga sinaunang Tausug Warriors na nakakalaban ng mga Espanol at mga Amerikano. (Internet photo)


Dumarami ang mga Tausug na sumisigaw ng papuri sa kanilang Diyos (Allah) para tumaas ang kanilang morale sa sitwasyon na kung saan ay paubos na rin ang kanilang bala at dumarami ang kanilang mga casualties.

Bigla na lang, nag-jam ang kanyang machinegun at nakikita nya na nagtayuan ang mga natitirang palaban na mga mandirigmang Tausug. Iniumang nya ang kanyang machinegun para ratratin sila.

Plak! Ka-tsak! Plak!

Nag-dud ang bala nya kaya nagkasa at kalabit mula ngunit ayaw pa rin pumutok kaya napasigaw sya.

“Buang!” (Ulol)

Sa harapan nya, sumusugod ang mga kalaban papunta sa kanyang pwesto na tila walang kamatayan. Nakahawak ng kris ang isa sa kanila at iilang metro na lang ang layo sa kanila.

Nanlilisik ang mata, sumisigaw ang isa sa mga ito habang papalapit sa kanya.

‘Allahu akbar! Patayin ang kuffar!’


(May karugtong)



4 comments:

  1. Wow..hand to hand combat na to bukas ser.

    ReplyDelete
  2. hulatan jud nako ang sunod ani col. sir.

    ReplyDelete
  3. Ohhhh. Mao na ni... hahaha. Mura ko og nakasunod sa telenobela...😍

    ReplyDelete