Pages

Monday, September 09, 2019

Ang paglalayag papuntang Jolo: The story of Msg Bobords Dela Cerna (Part 3)

Ang mga tropa ng 15th Infantry (Molave) Warrior habang lulan sa Landing Ship Tank ng Philippine Navy sa karagatan ng Visayas, patungo sa Sulu Sea para sa kanilang combat deployment. (Photo by Bobords Dela Cerna)


Sa unang pagkakataon, nakasakay si Bobords ng Landing Ship Tank (LST) ng Philippine Navy kasama ang buong tropa ng Molave Warriors.

Para sa kanya, sobrang mabagal ang takbo ng naturang barko na tila ay di umuusad kung malakas ang alon sa karagatan.

Mabuti na lang, mero silang routine activities habang naglalayag sa dagat. Bilang 2nd Class trainee, silang mga 'lowest mammal' sa battalion ang syang mga 'Kaldero Six' na tumutulong bilang 'Kitchen Police'.

"Kami ang automatic na katulong ng aming Mess NCO sa pagluluto ng pagkain para sa buong batalyon. Ang kusina na ata ang naging pinakamainit kong assignment sa tanang buhay ko!"

Samantala, kung open time naman ay minabuti nilang panoorin ang pailan-ilang mga dolphins na sumasabay sa barko na tila nakikipaghabulan ng kalaro sa karagatan. Kung merong nadadaanang mga isla o kaya mga mangingisda, kinakawayan nila ang mga tao na nakikita sa kalayuan.

Napansin nya na pagkatapos ng isang araw sa byahe, kinakalawang ang kanyang M1 Garand.

"Matindi pala ang epekto ng hamog sa dagat dahil kinakalawang agad ang aming mga baril. Dahil ayokong pumalya ito sa tunay na misyon, parati ko itong pinupunasan ng gun oil, kinakasa para makita kung swabe ang functioning nito," sabi nya.

Paminsan-minsan, iniipon kami ng mga Platoon Leaders at mga Platoon Sergeants para sa mga paalala sa mga diskarte ng pakikidigma.

"Dong, parati kayong makinig sa boses ng mga kumander at tingnan kung paano mag-maneuver kasama ang iyong Squad at Platoon. Manggaling tayo sa landing craft paglusob sa beach na ating pag-daungan. Doble ingat parati dahil maaaring napwestuhan na ng kaaway ang lahat ng lugar," sabi ni Sgt Banzon na miyembro ng Scout Ranger Class 16, at isa sa pinaka-respetadong NCO sa unit.

"Huwag na huwag nyong hiwalayan ang inyong baril. Ituring nyo yang asawa na karugtong ng inyong buhay sa hirap at ginhawa," dagdag nya.

Dahil doon, parating naka-sling ang kanyang M1 Garand Rifle kahit saan sya mapunta. Naalala nya na sa training ng Molave Warfare, 'ninanakaw' ng mga Tac NCO ang kanilang baril kung nahihiwalay sa kanila at matinding parusa ang abutin ng mga patulog-tulog na kasamahan.

Sa pangalawang gabi ng kanilang paglalayag, narinig nya na ang nakikita nilang lupa sa kanilang kaliwa ay ang Zamboanga Peninsula. Alam nya na ang Jolo ay nasa bandang kanang bahagi, sa kanluran ng Zamboanga.

Marami syang naiisip sa mga posibleng mangyari sa kanila pag-landing nila sa dalampasigan. Nakahiga sya sa sahig sa gilid ng rampa at nagbibilang ng mga bituin habang naghihimas ng niyayakap na Garand bilang palipas- oras.

"Umiinit ang aking tenga tuwing pumapasok sa isipan ko ang larawan ng mababangis na kaaway na magraratrat sa amin. Iniisip ko rin paano ko sila barilin at sino sa kanila ang aking uunahin dahil itinuro sa akin na ang pinakaimportanteng targets ang aking atupaging barilin," sabi ni Bobords.

Mga bandang hatinggabi, naramdaman na lang nya na pumipikit na ang kanyang mata sa sobrang antok. Inaantay na lang nya ang mainit na pagsalubong ng mga kaaway pagdaong sa Jolo.

Medyo maliwanag na kinaumagahan nang nabulabog sya sa boses ng kanilang Platoon Sergeant.

"Mga bugoy, gising na!"

Kinakabahan sya. Nakita nya na nakababa na ang rampa ang kanilang barko. Umiinit ang kanyang pisngi kahit malamig ang simoy ng hangin.

Napahawak sya ng mahigpit sa kanyang baril. Inaaninag nya ang lupa sa paligid. Ready na sya na sumampa sa landing craft para mauna nang lumusob kaya nag-chamber load na agad sya ng bala sa kanyang baril.

Ka-tsak! Swabe ang kasa ng kanyang bolt assembly dahil napaliguan nya ito ng langis.

"Hoy, sinong kinakasahan mo?" Boses ng kanyang senior NCO.

Lumapit si Bobords sa isang senior at nagtatanong, "Sargeant, Jolo na ba yang nasa harapan? Lulusob na ba tayo?"

"Hoy, ungas, relax ka lang mag-stop over pa tayo sa Zamboanga!"


(May karugtong)





12 comments:

  1. hahaha...nakatawa ko kabasa dri sir sa,"Hoy , ungas relax ka lang mag-stop over pa tayo sa Zamboanga!"

    ReplyDelete
  2. Ahahaahaah excited si musang. Happy haapy muna sa zamboanga bago mag gera. Bumisita muna sa zamboanga white. ��

    ReplyDelete
  3. Baka chabakano mabaril mo bords hehe

    ReplyDelete
  4. Hehehehe hindi mxadong halata ang sobran excited sir. God bless!!!

    ReplyDelete
  5. Ibang klase na garand ang puputok sa zambo whites hehehe

    ReplyDelete
  6. Bintin nanaman po������

    ReplyDelete
  7. Ibang gyera muna ang haharapin nila sa zamboanga hahaha

    ReplyDelete
  8. Hahaha nakakabitin palage pag sinabi sa baba (may karugtong) salamat po Sir sa pagbabahagi ng mga karanasan sating mga mandirigmang Sundalo.lage ko inaabangan mga karugtong nito.hahaha Salamat sa Dios

    ReplyDelete